●●●CLARA’S POV●●●
Nagising ako buhat sa masarap at mahimbing na pagtulog. Mag-isa na lamang ako sa silid na iyon at wala na si James na katabi ko kagabi. Siguro ay may pinuntahan ang lalaking iyon kaya't maagang nagising at umalis.
"Teka!"
Natigilan ako. Alas onse na pala ng umaga at patanghali na ngunit kagigising ko pa lang. Ngayon lang ako nagising ng ganitong oras dahil napakatahimik ng paligid. Wala man lang akong narinig na tilaok ng manok o huni ng kahit anong uri ng hayop na alaga namin. Liban doon ay hindi ko narinig ang taga-gising kong ingay ng kutsara sa ceramic na tasa tuwing nagtitimpla ng kape ang Lolo Patricio ko sa umaga.
Malakas akong humikab at nag-unat ng katawan. Nang maalala kong muli si James ay pinakiramdaman ko ang aking sarili dahil baka may ginawa ito sa akin. Ngunit wala naman akong naramdaman na kung ano sa katawan kaya ang ibig sabihin lang niyon ay buo pa rin ako. Bumangon ako at tinanggal ko na ang improvise kulambo na nilagay ko sa aking mga paa. Itatabi ko ito dahil tiyak na kakailanganin ko ito mamayang gabi ulit.
Pumanhik ako sa loob ng banyo para maghilamos at para umihi. Pagkatapos ay bumaba ako upang tingnan kung may tao ba saka may makain ako roon. Nakaramdam na ako ng gutom at hindi ako sanay na hindi kumain ng agahan. Nasanay kami ng lolo't lola ko na agahan muna bago simulan ang lahat-lahat na gagawin sa buong araw.
"Gising ka na pala, Mrs. Hong. Magandang umaga po sa’yo," anang maid sa akin na sa pagpapakilala ni James kagabi ay Marlyn ang pangalan nito.
"Magandang umaga rin po," balik na bati ko. "Si James po pala, asan?"
"Ah, nasa labas po ang asawa ninyo ngayon. Naglalaro siya ng golf, Mrs. Hong!"
"Naglalaro ng golf? Sa ganitong tirik na tirik na sikat ng araw?" Inulit ko ang kaniyang sinagot sa akin.
"Opo, Mrs. Hong! Paggo-golf ang isa sa mga pangunahing libangan ng mister niyo, hindi mo alam?"
Natulala ako sa sinabi ni Marlyn sa akin. Wala naman akong alam sa mga nakahiligan ng lalaking pinakasalan ko dahil kahapon lang naman kami nagkakilala at nagkita. Gayun pa man ay nagkunwari na lang ako at gumawa ng paraan upang hindi niya mahalata.
"A-Alam ko naman ‘yon na mahilig siyang mag-golf. Nagtataka lang ako kasi ang alam ko ay may lakad siya ngayong araw," ani ko na lamang.
"Ah, gano’n po ba?" Tatango-tango ang maid sa akin.
Maya-maya ay nagpaalam si Marlyn sa akin. Tatawagin daw nito si James dahil handa na ang mga pagkain para sa tanghalian. Kung ganoon ay tanghalian na ang kakainin ko ngayon dahil tinanghali na ako ng gising.
"Marlyn... uhhmm... how do I address you?" tanong ko.
"Ikaw na po bahala sa kung ano ang gusto mong itawag sa akin, Mrs. Hong," tugon niya sa akin.
"Ate na lang, pwede, ‘no?"
Iyon ang iminungkahi ko dahil hindi hamak na mas matanda siya sa akin.
"Okay po," nakangiti niyang wika. "Puntahan ko na si Sir James."
Bago pa tumalima si Marlyn sa harap ko ay napigilan ko na. Ako na kasi ang nagboluntaryo na pumunta kay James.
"Ako na ang magsasabi sa asawa ko."
"Sure po kayo, Mrs. Hong?"
"Oo naman!" Pagkasabi ko ay tinalikuran ko na siya.
Tinahak ko ang daan palabas at nang ganap akong makalabas ng bahay ay hinanap ko kaagad kung saan ang kinaroroonan ni James. Nakita ko na naman siya kaagad. Doon siya sa hindi kalayuan at mukhang nag-e-enjoy na maglalaro ng golf. Dali-dali ko siyang nilapitan upang masabihang handa na ang tanghalian.
"Mr. Hong!" Tinawag ko siya habang tumatakbo ako palapit sa kinaroroonan niya.
Lumingon siya sa akin at bahagyang bumagal ang paghakbang ko nang mapagtanto kong topless lang siya. Namumula ang kaniyang balat dahil sa natatamaan ng sikat ng araw. Naka-baseball cap siya na dumagdag sa kaniyang kagwapuhang taglay.
Sinalubong ako ni James.
"Bakit ka tumatakbo?"
"Ano kasi, eh... handa na ang tanghalian. Kakain na raw." Hinihingal akong sumagot sa kaniya.
"Bakit kasi ikaw ang pumunta rito? Ang daming mautusan, ikaw pa ang nagkusa! Ni hindi ka man lang nagdala ng payong."
Para bang sinisi niya pa ako dahil sa ako ang pumunta sa kaniya upang sunduin siya.
"Si Ate Marlyn sana ang pupunta rito kaso nagpresinta ako na ako na lang."
"Okay!" tipid nitong sabi. "Anyway, good morning, my lovely wife."
Bahagya pa akong nagulat nang walang kung ano-ano ay hinalikan niya ako sa aking labi. Buti na lang hindi ko siya naitulak sa sobrang gulat ko. Sa pagdikit ng mga katawan namin ay nasamyo ko ang mabangong amoy niya. Kahit naarawan at pawisan ay ang bango-bango pa rin niya palibhasa ay malinis sa katawan si James.
Napaamoy ako bigla sa aking sarili dahil baka ako pa ang mabaho. Buti na lang talaga nakapaghilamos at nakapag-toothbrush ako kanina bago bumaba. Nakakahiya sana kung may maamoy siyang hindi kaaya-aya sa akin.
"Kumusta ang unang gabi mo rito?"
"Ayos lang!" saad ko. "Napasarap ang tulog kaya tinanghali na ako ng gising."
Ang totoo ay tinanghali ako ng gising dahil anong oras na ako nakatulog kagabi. Kung hindi pa ako nakahanap ng solusyon sa kulambo na inilalagay ko sa aking mga paa ay malamang inabot ako ng umaga na dilat pa rin ang mata.
"Nice to hear that, my wife."
Iniligpit ni James ang mga kagamitan sa paglalaro ng golf. Ang lawak pala talaga ng property na ito dahil may sariling golf course. Ang yaman-yaman talaga ng lalaking ito at tiba-tiba talaga sana si Ciara. Buhay-reyna sana ang aking kakambal kung hindi ito umatras sa kasal.
"Tara na, nagugutom na ako."
Tapos nang magligpit si James at nagsuot na ito ng pang-itaas na simpleng t-shirt lang. Inaya na niya akong umuwi na dahil nagugutom na raw siya. Sumunod naman ako dahil maging ako ay gutom na rin.
Nasabay ako sa bawat paghakbang ni James. Maya-maya ay dumikit siya sa akin at hinawakan ang kamay ko. Magka-holding hands na kaming naglalakad at hindi ko na nabawi ang kamay kong hawak niya.
Nang nasa dining area na kami ay saka lamang niya binitawan ang kamay ko dahil ipinaghila niya ko ng upuan. Nang maupo na kami ay hindi ko maiwasang mapansin ang pagmamalasakit niya sa akin. Pinagsilbihan niya ako nang may pagmamahal sa harap ng hapag-kainan.
Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng mga ito pero ramdam ko ang init ng kanyang presensya sa tabi ko. Habang kumakain kami ay nag-uusap kami tungkol sa mga simpleng bagay kasalo ang mga kasambahay. Paminsan-minsan ay nagbibiro pa si James patungkol sa akin at ang bawat salita niya ay may halong lambing na nagbibigay sa akin ng kakaibang tuwa.
Matapos naming kumain ay inalok niya akong maglakad-lakad sa garden na nasa likod ng bahay. Ang ganda ng paligid na puno ng mga bulaklak na sumasabay ang galaw sa hangin. Habang naglalakad kami ay napansin ko na hinawakan na naman niya abv kamay ko at nang sinubukan kong tanggalin ay mas lumalakas ang kapit niya sa kamay ko.
"Huwag ka na kasing pumalag!"
Tiningnan ko si James ng masama.
Maya-maya ay tumigil kami sa isang tahimik na bahagi ng garden kung saan ay may swing. Naupo kaming dalawa roon habang marahang nagduduyan. Sa pagkakataon iyon ay tumingin si James sa akin at pinakatitigan ako ng malalim. Ano kaya ang nasa isip niya?
Tumingin ako pabalik sa kanya at sa pagkakataong iyon ay nakita ko ang mga mata niyang puno ng pag-aasam na nakatitig sa akin. Nakaramdam muli ako ng pagkailang habang magkatabi kaming dalawa. Subalit bigla lamang niyang hinawakan ang pisngi ko at sa mahinang tinig ay may sinabi siya sa akin.
"I like you, Clara! I like you very much."
Hindi ko alam kung paano ako tutugon sa sinabi niya. Hindi ko alam ang isasagot ko.
"I'll do everything to win your heart, Clara. Darating ang araw na magiging tunay at legal na mag-asawa tayong dalawa."
Nanatili ako sa pagkakatitig sa kanya. Hindi ako makapagsalita agad pero may kaba akong naramdaman sa aking dibdib.
"Hindi naman ako mahirap mahalin, ‘di ba?"
Ngumiti ako nang bahagya at sinusubukang itago ang kaba sa puso ko. Pinakalma ko ang sarili ko.
"Depende sa kung sino ang magmamahal," sagot ko.
Nakita ko ang pagtaas ng kilay niya parang naguguluhan sa sagot ko.
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
Lumalapit nang kaunti sa akin si James. Ramdam ko ang init ng hininga niya sa balat ko na nagdulot ng mas malakas na pagtibok ng puso ko.
"Ang ibig kong sabihin, kahit gaano ka pa kagwapo, kayaman, etc... kung hindi ka talaga gusto ng isang tao ay para sa kanya mahirap ka pa ring mahalin. Tulad ng ginawa sa’yo ni Ciara, tingnan mo nasa iyo na pala ang lahat pero hindi pa rin sumipot sa kasal niyo," paliwanag ko.
Nakita ko ang pagbabago sa ekspresyon ng mukha ni James. Napataas ang isang sulok ng labi nito.
"Tama ka," sabi niya. "Pero maswerte ako dahil ikaw ang pumalit sa kaniya. Parang pinalitan lang ng ginto ang dapat sana ay tanso kong mapapangasawa."
Naramdaman ko ang pag-init ng pisngi ko sa kanyang mga sinabi. Kakaibang saya ang hatid niyon sa puso ko.
Ngumiti si James nang malawak at lumapit pa lalo sa akin.
"Isa kang hulog ng langit para sa akin, my wife," dagdag pa niya. "Hinding-hindi kita pakakawalan."
"James..." mahinang sambit ko sa pangalan niya.
Ngumiti lang siya at hinawakan ang magkabilang pisngi ko.
"Totoo ang mga sinasabi ko," sabi niya nang may katiyakan sa kaniyang boses. "Ikaw lang ang babaeng nakita kong karapat-dapat sa puso ko."
Sa mga sandaling iyon, natutop ko ang labi ko. Subalit matapos sabihin ni James iyon ay inaya na niya akong bumalik na sa loob ng bahay.
Pumasok naman kaming muli sa loob at tumuloy kami sa kwarto namin sa taas. At doon ay naligo agad si James upang mas lumamig ang kaniyang katawan sa ngayong tanghaling tapat. Ako naman ay naupo saglit sa kama at naghanda na rin ako dahil ako ang susunod na maliligo pagkatapos ni James.
Iyon nga ang nangyari dahil paglabas ni James sa shower area ay ako ang pumalit sa kaniya. Naligo ako at nang makatapos ako ay noon ko lang napagtantong mayroon akong isang problema.
"Pa’no na to?" sabi kong mag-isa.
Wala akong damit na pambihis. Ayaw ko naman na ulitin ang nahubad ko ng damit na pantulog pa. Nagtapis na lang ako ng tuwalya at lumabas. Bahala na kung ganito ang magiging ayos ko buong araw.
Ang mga malalagkit na tingin ni James ang sumalubong sa akin nang makalabas ako sa shower area. Nakabihis na si James ng pambahay nito habang ako ay nahihiyang dumaan sa harapan niya.
"Daan na..."
Umatras ng bahagya si James upang bigyan ako ng espasyo na makadaan. Nang makadaan ako sa harapan niya ay umupo lang ako sa gilid ng kama. Kinuha ko na lang ang suklay ko sa aking bag at ang buhok ko ang pinagtuunan ko ng pansin.
"May damit kang masusuot?"
Pinagmamasdan pa rin pala ako ni James at tinitingnan ang ginagawa ko.
"Wala nga, eh!" pagtatapat ko.
"Halika, hanapan kita ng masusuot."
Inaya ako ni James sa loob ng kaniyang walk-in closet. Doon ko nakita ang kaniyang mga collection ng mga mamahaling relo at sunglasses.
"Ang dami naman!" sabi ko habang nakatingin sa mga relo.
"Iyan lang ang nakahiligan ko, my wife," sabi niya sa akin at kinuha ang isang plain white shirt mula sa closet. "Try mo ito, mukhang kasya sa’yo."
Sinuot ko ang binigay niyang damit habang hindi ko pa tinatanggal ang tuwalyang nakabalot sa hubad kong katawan.
"Ba’t hindi mo pa kasi tanggalin ‘yang tuwalya? Nahihirapan ka tuloy."
"Huwag, oy! Wala akong underwear," rekta kong sabi at huli ko lang na-realize na lalaki pala itong kaharap ko.
Kung makapagsalita ako ay parang ang kaibigan kong si Yvette lang ang kaharap ko. Bigla akong naging awkward at napatakip ako ng aking mukha sa kahihiyan.
"Sorry!" sabi ko habang nakatakip pa rin ang aking mukha.
Kitang-kita ko ang pagtawa ni James. At pagkuwan ay naghanap pa sa mga drawer ng closet nito.
"Isuot mo na lang brief ko," alok niya sa akin.
"Wala na bang iba? Baka may cycling shorts ka, ‘yon na lang."
Hindi ko maatim na magsuot ng brief niya. Nahihiya ako.
"Sabagay, hindi mo naman need ng underwear, eh. Nasa honeymoon stage na tayo, ‘di ba?"
Binanggit na naman ni James ang tungkol sa honeymoon na ang buong akala ko ay nakalimutan na niya. Walang nangyari sa amin kagabi kaya akala ko nabaon na iyon sa limot.
"Huwag ka nang mag-underwear, my wife. Mas komportable nga ‘yon sa pakiramdam."
Halos magkulay kamatis na ang pisngi ko sa mga sinasabi niya. Kung ano-ano na ang mga sinasabi ni James ngunit patuloy naman itong naghahanap ng maaari kong maisuot bilang underwear.
"Boxer shorts na lang, pwede na?"
Ipinakita sa akin ni James ang isang puting boxer shorts na may nakasulat na "CALVIN KLEIN" sa bandang garter niyon.
"Ayos na ‘yan," saad ko sabay hingi doon sa boxer shorts niyang hawak.
Nang maibigay na ni James sa akin ang boxer shorts ay lumabas ako sa walk-in closet niya. Pumunta ako sa loob ng shower area at doon nagbihis. Pagtiisan ko na lang muna ang boxer shorts ni James pansamantala. Parang naka-cycling shorts lang din naman ako sa pakiramdam ko.
Inipon ko ang mga maruruming damit upang malabhan iyon. Ngunit sa paglabas ko ay nakita ko si James na dala na ang laundry basket na naglalaman ng mga damit kong hinubad kagabi.
"Saan na ibang labahan mo, my wife? Amin na at nang mapalabhan ko sa baba."
"Ako na lang maglalaba n’yan!"
Sinubukan kong agawin kay James ang laundry basket ngunit hindi talaga niya binigay.
"Magpangiha ka na d’yan dahil kapag natuyo na ‘tong damit mo ay mag-shopping tayo nang makapamili ng mga gamit mo."
"Gagastos ka pa! Eh, kung pauwiin mo na lang kaya ako sa bahay ng Lola Pina ko para makuha ko ang mga gamit ko roon?" pagmumukahi ko. "Babalik na lang ko rito mamaya o hindi kaya ay bukas ng umaga."
"Walang akong tiwala sa’yo pagdating sa usaping uuwi ka," prangka niyang sabi. "Alam ko naman na hindi ka na babalik pa at tiyak magtatago ka na sa akin sa oras na makawala ka sa paningin ko. Ako pa talaga uutuin mo, huh?"
Ngumisi ng may pagkasarkastiko si James sa akin.
"Eh ‘di, samahan mo ako," mungkahi ko. "Kayang-kaya mo naman yatang salagin ang talibong ng Lolo Isyo ko."
"It's just a simple thing, but why do you want to make it complicated?" anito sa akin. "Pagkatuyo ng damit mo ay magbibihis tayo then pupunta ng mall, bibili ng gamit at uuwi agad dito sa bahay, tapos!
Masungit ko siyang tinapunan ng tingin.
"Sinasamantala mo pagiging mabait ko sa’yo, ‘no?" dagdag niyang sabi sa akin. "Akala mo siguro mauuto mo ako."
"Payagan mo na kasi ako, James!"
"Saka na kapag napaghahalataan kong hindi ka na tatakas at kapag may lambing na sa boses mo kapag nagpapaalam."
Pagkasabi ni James ay bigla lamang niya akong tinalikuran. Dala-dala niya ang laundry basket at lumabas sa silid na iyon.
Wala akong nagawa kung hindi ang bumuntong-hininga na lamang nang maiwang mag-isa. Mukhang hindi talaga ako pagkakatiwalaan basta-basta ni James sa usaping uuwi ako para bumisita lamang sa grandparents ko at kumuha ng gamit. Sa isiping iyon ay nagsimula akong magngitngit. Sa aking lagay ngayon ay parang daig ko pa ang isang preso. Bantay-sarado at bawat galaw ay limitado.