●●●CLARA’S POV●●●
Pagbalik ni James sa gawi ko ay nakatapis na lang siya ng tuwalya. Pang-ibabang katawan na lang niya ang natatakpan at nasisiguro kong maliban sa tuwalya ay wala ng ibang saplot ito sa katawan.
"Maligo ka na."
"Wala ako dalang damit," tugon ko.
Wala naman talaga akong dalang damit. May dalang extra na underwear lang ako sa bag kasama ng napkin ko na siyang palaging dala-dala ko. Inihahanda ko lang iyon para kapag nadatnan ako ng buwanang dalaw nang wala sa oras ay may magamit ako.
"Hindi mo naman kailangan ng damit, my wife. Hindi uso ang magdamit sa mga bagong kasal!"
Namura ko sa aking isipan si James. Hindi ba talaga siya nagbibiro?
"Ah, basta! Ayaw kong maligo!" madiin kong sabi.
Walang ibang magdidesisyon para sa sarili ko kundi ako lang.
"Ang tigas, 'no?" aniya sa akin.
"Huh?" Naguguluhang sambit ko dahil hindi ko siya maintindihan. Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy niyang matigas. "Matigas ang alin?"
"Ang ulo mo... matigas. Alin pa ba?" Naiiling itong sumagot sa akin.
Talagang naningkit ang mga mata ko dahil sa mga sinabi niya. Hindi ako nakapagsalita ngunit nagpipigil ako ng sarili na hindi ko mabusalan ng kamao ang bibig ng intsik na ito.
"Ano na, my wife?" Pagkuwan ay sabi ni James. "Hanggang anong oras ako maghihintay? Galaw-galaw naman d'yan!"
"Mr. Hong, parang awa mo naman po..." mababang boses na sabi ko. Heto na naman ako, paulit-ulit lang. "Tama po kayo na v*rgin pa ako at hindi sa ganitong pagkakataon ko pinangarap na isuko ang bagay na pinakaiingatan ko."
Lumuhod ako sa harapan niya. Pinagtiklop ko ang aking dalawang palad na animo ay dinadasalan ko siya. Nakapikit pa ang mga mata ko at sa aking isipan ay tunay akong nagdarasal na sa pamamagitan ng pagmamakaawa ko ay hindi ni James itutuloy ang binabalak sa akin.
"Maligo ka na," aniya lang at umalis sa harapan ko.
Nagpakawala ako ng malalim na paghinga at napatayo. Mukhang hindi mapipigilan si James at talagang gagalawin niya ako ngayong gabi. Nasundan ko na lamang siya ng tingin.
Naawa ako sa sarili ko dahil tila ba wala akong kalaban-laban at walang pagpipilian. Hindi sa pagmamayabang pero maraming lalaking nangangandarapa sa akin. Mga lalaking handang gawin ang lahat makuha lang ako ngunit ni isa ay wala akong pinatulan. Talagang iningatan ko ng husto ang pagkab*bae ko at inilalaan ko ito sa lalaking mahal ko at mamahalin ako ng buo.
"Punyetang kapalaran 'to!" Mahina akong napamura.
Inis akong nagtungo sa bathroom area ng silid na iyon upang maligo. Pagpasok ko sa loob ay may nakasabit na damit-pambabae na naka-hanger sa loob. Isang satin sleeping dress na may katerno pang underwear. Katabi ng damit na naka-hanger ay ang katerno pang roba. Hindi ako sigurado kung para iyon sa akin ngunit nang tingnan ko ay may naka-embroidered na "MRS. HONG" sa bandang kanang dibdib.
Naligo na lang ako ng wala sa oras. Saglit kong kinalimutan ang mga bumabagbag sa isip ko pati na ang kaba sa dibdib ko. Dinama ang maligamgam na tubig na dumadaloy sa aking buong katawan at nanonoot sa aking balat. Pagkatapos kong makapagbanlaw ng maigi ay agad kong hinila ang tuwalyang nakasabit doon. Pinunas ko iyon sa aking katawan upang matuyo. Kasunod niyon ay nagbihis na ako at sinuot ko ang damit saka underwear na naka-hanger doon kasama ng roba.
Paglabas ko galing sa loob ng bathroom area ay nadatnan kong nakahiga na si James sa kama. Nakatagilid siya at mukhang tulog na. Imposible naman! Saglit lang ako sa loob ng banyo tapos tulog na agad ang lalaking ito?
Dahan-dahan akong humakbang palapit sa kama; sa mismong gawi ni James. Kaagad ko siyang pinagmasdan at pinakiramdaman kung totoong tulog na ito. Tunay nga! Tulog na si James at dahil siguro sa pagod sa mga kaganapan buong araw kaya bagsak agad ang kaniyang katawan.
Nagdiwang ako. Ngayong tulog na si James ay safe ako ngayong gabi.
Tiningnan kong muli si James at pinagmamasdan kong maigi ang kaniyang gwapong mukha. Nagugwapuhan naman ako sa lalaking ito at kung isa-isahin ang mga bagay na mayroon ni James ay masasabing complete package na. Subalit sa kabila niyon ay hindi siya ang lalaking pinapangarap kong alayan ng aking sarili. Wala akong naramdaman na pagmamahal sa kaniya. Complete package siya pero hindi ko siya mahal.
Naghanap ako ng suklay sa loob ng aking bag at sinuklay ko ang basa kong buhok. Habang nagsusulay ay muli kong sinulyapan ang gawi ni James na natutulog. Nasa kanang bahagi ito ng kama nakahiga at tinirhan niya ako ng espasyo sa bandang kaliwa na side ng kama upang mayroon akong matulugan.
Pilit kong tinutuyo ang aking buhok gamit ang tuwalya at suklay dahil nakakaramdam na rin ako ng antok. Subalit kung kailan naghahanda na ako sa pagtulog ay may bigla akong naalala. May isang mahalagang bagay na wala sa akin ngayon at talagang hindi ako makakatulog nang wala iyon.
Napakamot ako sa aking ulo. Isa ako sa mga taong may mga nakakasanayan na gawain sa pagtulog at ito ang dahilan kung bakit hindi ako sanay na matulog kung saan-saan o kani-kaninong bahay. Hindi ako nakakatulog nang walang kulambo dahil kinukuskos ko roon ang aking mga paa hanggang sa makatulog. Kung sa iba ay simpleng bagay lang ito ngunit sa akin ay malaking problema dahil hinahanap-hanap iyon ng mga paa ko.
"Hindi bale na lang..."
Dahan-dahan akong humakbang palapit sa kama. Baka sakaling makatulog din naman ako dahil napagod ako sa araw na ito. Baka makisama naman ang pagod kong katawan at makatulog ako agad. Subalit base sa mga naging karanasan ko ay malabo talaga akong makatulog sa gabing ito dahil unang-una ay maninibago ako sa kwartong ito. Pangalawa, maninibago ako na may katabing hindi ko kilala tapos lalaki pa. Higit sa lahat ay wala sa akin ngayon ang best friend kong kulay pula na kulambo na binabalot ko sa aking paa.
"Haysss..." Pumalintak ako. "Paano na 'to?"
Pilig-ulo akong naghanda sa paghiga. Bago ako tuluyang humiga sa tabi ni James ay kinuha ko muna ang isang unan at inilagay sa pagitan naming dalawa. Bahala na basta lalagyan ko ng harang sa gitna upang hindi magdikit ang katawan namin. Baka mamaya mahawakan o masagi pa niya ang mga priv*te parts ko kaya kailangan kong manigurado.
Ganap na akong nakahiga at kinumutan ko ang aking mga paa. Subalit mahabang oras na ang lumipas ay hindi ako nakakatulog. Panay hikab lang ako pero ang mga mata ko ay dilat na dilat. Sinusubukan kong ikuskos ang mga paa ko sa kumot ngunit wala iyong silbi dahil malambot ang tela ng kumot. Hanap-hanap talaga ng mga paa ko ang magaspang na kulambo.
Muli na lang akong bumangon upang magtungo sa banyo. Nakaramdam ako ng pagngilo ng puson dahil naiihi ako. Nang nakaupo na ako sa toilet bowl ay napahilamos na lang ako ng aking mga palad. Hindi ko alam kung ano ang aking magandang gawin upang makatulog.
Hanggang sa nakita ko ang bath sponge na nakasabit sa may shower area. Agad kong tinaas ang underwear ko na suot at pindot ang flush button. Dali-dali kong nilapitan ang sponge at nang hawakan ko iyon ay parang magkahalintulad sa kulambo. Mabilis kong tinanggal ang pagkakabuhol ng tali at dalangin ko na sana masolusyonan na ang problema ko.
"Ay, salamat!" sambit ko nang matanggal ko ang tali sa sponge at makitang mahaba iyon.
Mahaba lang iyon ngunit hindi malapad. Hindi kasya kung tangkain kong ipasok ang dalawang binti ko sa bagay na iyon. Subalit pwede kong putulin iyon at gawin na parang stocking ko sa bawat binti't paa. Para-paraan na lang para matugunan ko ang nakasanayan ko.
"Yes! Yes!" Napapatalon at napapalakpak ako sa tuwa.
Sa wakas solve na ang aking problema. Makakatulog na ako nito.
Bumalik ako sa kama at nahiga. Unti-unti kong ipinikit ang aking mga mata habang nagsisimulang magkiskisan ang dalawa kong paa. Hindi nagtagal ay tuluyan nang nilukob ng antok ang buo kong diwa.
●●●JAMES’S POV●●●
Nagising ako nang makaramdam ng magaspang na bagay na kumuskos sa aking binti. Hinila ko ang kumot upang makita kung ano iyon at ganoon na lang ang aking gulat nang makitang nakabalot ng magaspang na bagay ang binti ng babaeng katabi ko sa kama.
"P*tang-ina! Para saan 'to?" Marahan kong hinila iyon. "Bath sponge 'to, ah."
Kamot-ulo kong pinagmasdan ang babaeng natutulog. At bumalik sa gunita ko ang mga kaganapan kahapon. Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala na ibang babae ang sumipot sa akin sa harap ng altar. Kawangis ni Ciara ngunit kabaliktaran ng ugali nito.
Sa tagal ng panahon na pabalik-balik ako sa pamamahay ng mga Ramirez kasama ng lolo ko ay nakabisado ko na ang bawat kilos o galaw ni Ciara. Masasabi kong kilalang-kilala ko na si Ciara Ramirez mula ulo hanggang paa. Kaya nang makita kong may kakaiba sa kinikilos ng babaeng humarap sa akin sa altar kahapon ay batid ko nang hindi iyon si Ciara.
Sa pagkakaalam ko ay isa lang ang anak ng mag-asawang Ramirez kaya laking gulat ko nang ilahad ng babaeng ito ang isang malaking rebelasyon. Kambal pala ang anak ng mag-asawang Ramirez; Ciara at Clara ang pangalan. At itong si Clara ang napag-utusan na humalili kay Ciara bilang bride ko kahapon. Umatras pala sa kasal namin si Ciara at hindi man lang nagsabi ng totoo sa amin ng lolo ko ang mag-asawang Ramirez.
Kung tutuusin ay pwede akong magdesisyon na huwag nang ituloy ang kasal dahil sa nalaman ko. Subalit sa nakikita ko ay tila matinong babae ang kaharap ko sa altar kahapon at ibang-iba kaysa kay Ciara. Tila may kung anong pintig ng puso ko na nag-uutos na huwag kong pakawalan ang babaeng ito.
Pinasadahan kong muli ng tingin ang maganda at maamong mukha ng babaeng natutulog sa aking kama. Kahapon ay nagalit ako ngunit kalaunan ay naawa na ako sa kaniya. Base sa mga kilos niya kahapon sa simbahan at reception ay halatang hindi niya kagustuhan ang makasal sa akin. Napilit lang siya ng kaniyang mga magulang kaya nagawa ni Clara iyon.
Awang-awa ako kay Clara sa totoo lang. Para bang sinamantala ng kaniyang mga magulang ang kabaitan niya. Pilit siyang itinulak sa ganitong sitwasyon. Batid kong napakabigat ng kalooban ni Clara ngayon at ayaw ko nang dagdagan pa. Dapat nga may ginawa kami buong gabi pero walang nangyari dahil hindi ko maatim.
Maya-maya ay napansin ko ang isang unan na nasa pagitan naming dalawa. Tiyak na inilagay iyon ni Clara upang magsilbing harang subalit bahagya akong natawa. Paano ba naman kasi, eh, naglagay pa si Clara ng harang samantalang ito ang sobrang malikot matulog. Abot na sa kaniyang pwesto ang mga paa ni Clara.
Hinaplos ko ang mukha ni Clara at natakam ako sa kaniyang mga labi. Nais kong maulit ang tagpong dinampian ko ng halik ang mapupula niyang labi. Hindi ko napigilan ang aking sarili na laruin ng mga daliri ko ang labi niya at pagkuwan ay ninakawan ko siya ng halik. Walang kamalay-malay si Clara sa mga pinaggagawa ko dahil nasa kasarapan ito ng pagtulog.
"Sir! Sir!"
Pagtawag sa akin na may kasamang katok ang narinig ko buhat sa labas ng pintuan. Sa boses pa lang ay kilala ko nang si Aling Lorna iyon na isa sa mga kasambahay ko sa bahay na ito. Dali-dali kong tinungo ang pinto upang pagbuksan ito dahil malamang may mahalaga itong pakay.
"Bakit po?" magalang kong tanong matapos kong pagbuksan ng pinto.
"Sir, ang lolo niyo po ay nasa baba," imporma ni Aling Lorna sa akin.
"Ano raw po ang kailangan?" usisa ko.
Nagkibit-balikat si Aling Lorna.
"Pakisabi na lang po na pababa na po ako," utos ko.
Nang makaalis si Aling Lorna ay binalikan ko si Clara na natutulog sa kama. Inayos ko ang kumot na nakapulupot sa katawan nito at pagkatapos ay pumanhik ako sa loob ng banyo. Doon ay naghilamos ako at kasunod ay nagpalit na ng damit upang harapin ang lolo kong naghihintay sa baba sa akin.
"Hi, lolo!" masiglang bati ko nang makita ang lolo kong nakaupo sa couch sa may sala. Kaagad akong nagbigay ng tanda ng paggalang nang makalapit.
"I'm not going to stay long, apo," wika ng aking lolo. "I just want to make sure you're with your wife now."
Napataas ang isang kilay ko sa kaniyang sinabi.
"Yes, she's with me!" tugon ko. "Mahimbing siyang natutulog sa kwarto."
"Are you sure, apo?" pagtitiyak niya.
"Yes, I am!" Naguguluhan ako sa pag-usisa ng aking lolo. Mukhang may problema dahil napasugod ito sa bahay ko ng ganito kaaga para masiguro lang na kasama ko ngayon ang babaeng pinakasalan ko kahapon. "May problema po ba, lo?"
"Someone told me that they saw Ciara in another place today. Hindi raw siya nagkakamali, apo, si Ciara daw talaga ang kaniyang nakita."
Nagulat ako sa sumunod na sinabi niya ngunit hindi ako nagpahalata.
"Baka kamukha lang po 'yon ni Ciara, lo?" ani ko pero batid ko nang si Ciara talaga iyon. "Kasama ko ngayon ang asawa ko at hindi siya nakaalis sa tabi ko buhat pa sa simbahan kahapon. Gusto mo siyang makita para talagang sigurado?"
Umiling ang lolo ko. Naniniwala na ito sa sinasabi ko.
"Mabuti naman kung gano'n. Panatag na akong malaman na kasama mo ngayon si Ciara. Isang hiling ko na lang, sana ay mabigyan mo na ako ng apo sa tuhod sa lalong madaling panahon."
"Makakaasa ka, lo." Pekeng ngumiti ako.
Sa sinabi ko ay tuwang-tuwa ang aking lolo ngunit ang katotohanan ay pinapaasa ko lang siya sa wala. Paano ko siya mabibigyan ng apo gayong wala pang nangyayari sa amin ni Clara? Nakakaawang pagsamantalahan ang babaeng katabi ko sa kama at itinuturing kong asawa. Gayon pa man ay nagpanggap na lang ako sa harap ng aking lolo na kunwari ay nasasabik na rin akong magkaroon ng anak.
Hindi nagtagal ay nagpaalam ang lolo ko at kasama ang driver nito ay nilisan nilang pareho ang aking bahay. Pagkaalis ng aking lolo ay tinawag ko si Aling Lorna upang masiguradong nakapaghanda ito ng agahan. Pagkatapos ay binalikan ko si Clara sa kwarto at muli kong pinagsawaang pagmasdan ang magandang mukha niya habang ito ay mahimbing na natutulog.
Bahagyang gumalaw si Clara at nakita ko na nagkiskisan ang kaniyang mga binti at paa. Muli kong napansin ang mga inilagay nito na bath sponge sa binti na hindi ko alam kung para saan o ano ang silbi niyon.
Gumalaw lang si Clara ngunit tulog na tulog pa rin ito. Hinayaan ko na lang siyang matulog habang ako ay naligo na. Wala naman akong pupuntahan ngayon at sa bahay lang ako mananatili kasama si Clara. Habang magkasama kaming dalawa ay unti-unti ko siyang kikilalanin ng husto. Aalamin ko ang kaniyang mga gusto at titiyakin kong sa pamamagitan niyon ay makuha ko ang kaniyang loob.
Gusto ko si Clara. Gustong-gusto ko siya subalit hindi sa ganitong sitwasyon. Alam kong nandito lang si Clara sa tabi ko para sa anino ni Ciara at nais kong baguhin iyon. She will be mine guided by love and pure attraction not by deception. I want her to be my legal wife not just a substitute bride.