CHAPTER 13
LUCIENNE'S POV
Napadilat ako nang maramdaman ko ang ulo ko na kusang napayuko. Hindi ko namalayan na napapapikit na pala ako. Naghihikab na nilingon ko ang katabi ko at napailing na lang ako sa nakita. May pipino pa kasi si Luna sa mga mata habang nakasalpak ang earphones niya sa magkabila niyang tenga.
Hindi na kasi napigilan ni Gunter ang babae nang sabihin nito na gusto niyang pumunta ulit dito sa bahay. Kaya sa tulong ni Trace ay ligtas nilang nadala rito ang babae. Not for their sake but for mine. Mahirap na raw kasi at baka may sumunod pa sa kanila.
Hindi na rin ako nagtataka kung paanong nakumbinsi na naman ni Luna ang mga kapatid. Mukhang wala namang nakakahindi sa magkakapatid pagdating sa babae. Lalo na si Gunter na mukhang push over pagdating kay Luna. Kahit kasi akong kapritso niya ay sinusunod pa rin ang lalaki. Katulad na lang kanina nang pabilin pa siya ng pipino kung saan para lang sa "Spa day" daw namin.
Napapabuntong-hininga na inalis ko ang sarili kong earphones at pagkatapos ay tinanggal ko ang dalawang pipino na nakalagay kanina sa magkabila kong mga mata. Sa likot siguro ng ulo ko ay napunta na iyon sa pisngi ko.
Hindi ko nga maintindihan kung para saan 'to. Mas masarap kainin ang cucumber kesa ilagay sa mga mata.
"Done?"
Napalingon ako sa nagsalita at napanganga ako nang makita ko si Gunter na kasalukuyang tinatanggal ang pipino sa mga mata niya. Napaubo ako ng wala sa oras para pigilan ang sarili kong mapahalakhak. Mamaya bigla na lang niya akong bigwasan at itapon sa pinakamalapit na balon para maging tagapagmana ni Sadako. May ganoon kasi itong aura. Parang kahit na hinahayaan niya lang ang trip sa buhay ng kapatid niya ay hindi ibig sabihin libre na siyang pagtripan ng iba.
Sa tabi niya ay nando'n si Trace na tulog na tulog na. Mukhang galing pa ata ito sa isang assignment bago kinulit ni Luna na dalin siya rito.
"Oo." pigil ang ngiti na sabi ko. "Gaano ba katagal ang Spa Day na 'to?"
"Depende diyan sa katabi mo."
Muli akong lumingon kay Luna na ngayon ay napatigil sa pabiling-biling niya kanina na animo sinusunod ang beat ng kung anong musika ang pinakikinggan niya. Umangat ang kamay ng babae at inalis ang isang pipino na nakalagay sa mata niya, "Okay na?"
Nagkibit-balikat ako. Wala naman akong nararamdaman na iba. Bukod sa inaantok talaga ako dahil nabobored na ako sa ginagawa namin. Hindi siguro talaga para sa akin ang mga kadalasang gawain ng mga kababaihan. I do like the manicure. Hindi ko akalain na ma-a-aapreciate ko na may kulay ang mga kuko ko pero ang ganda kasing tignan.
"Pwede ko na bang banlawan 'to?" tanong ko at itinuro ang ulo ko na ngayon ay basa dahil sa hair product na inilagay niya. Hot oil daw.
Tumingin si Luna sa orasan bago nakangiting nag thumbs-up sa akin. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa at tumayo na para dumiretso sa banyo. Hindi naman ako nagtagal do'n dahil talagang buhok ko lang naman ang kailangan kong banlawan.
Napatango-tango ako habang tinutuyo ang buhok. Tama nga naman si Luna. Lumambot nga naman kahit paano ang buhok ko na parang napag-iwanan na ng panahon. Bihira kasi talaga akong magsuklay kaya buhol-buhol ang mga iyon.
Nakasaklob pa ang tuwalya na bumalik ako sa living room pero hindi pa man ako tuluyang nakakababa ay narinig ko ang boses ni Luna na kausap ang kapatid niya.
"How stupid can he be? Hindi ako makapaniwala nang malaman ko. Nasisiraan na ba si Kuya? Binalikan niya talaga ang babaeng iyon?" pinipilit na hinaan ang boses na tanong ni Luna.
Pakiramdam ko ay may kung anong sumaklot sa puso ko sa narinig. Alam ko naman kung anong tinutukoy nila. Alam ko naman kung sino. Kahit pa na iniiwasan nilang mabanggit ang pangalan niya na tila ba mababasag ako anumang sandali. Unlike before they were cautious...too cautious of me.
Mabuti pa nga noon na kinakatakutan ako. Alam ko kung bakit maingat ang mga tao sa paligid ko pero ayoko lang talaga gumawa ng paraan para maging palagay sila. Kasi mas gusto ko iyon. Mas gusto ko na layuan na lang nila ako. Hindi katulad ngayon na alam ko kung bakit pero alam ko rin na wala akong magagawa. I can't do anything to make them less uncomfortable of the situation because I can't even teach myself to live my life as if nothing happened.
"May dahilan siya." narinig kong sabi ni Gunter.
"Alam mo kung gaano ka-manipulative si Eloise. Minsan na siyang minahal ni Kuya. Hindi mo alam kung ano na naman ang pwedeng gawin ng babaeng 'yon para makumbinsi ang kapatid natin na magpakatanga na naman sa kaniya."
I just want a moment to myself. Gusto kong mapag-isa. Dahil sa loob ng ilang linggo hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na iyon. I was living in a world where I was contented of what I have then the next I found myself being dragged in the kind of life that I wasn't used to. Lahat biglaan. Lahat hindi ko napaghandaan.
Hindi ko napaghandaan na mamulat ang mga mata ko sa mga bagong damdamin na kahit kailan hindi ko pa nararanasan. Pero hindi pala madali. Hindi pala laging masaya lang. Because the more you discover those feelings, the more you're stepping away from that safe place only to fumble blindly as you get lost.
Tahimik na muli akong umakyat ng hagdanan at pagkatapos ay kinuha ko ang wallet ko ro'n. Inilagay ko iyon sa bulsa ng suot ko na maluwag na jacket bago ako muling lumabas ng kwarto.
Huminga ako ng malalim at kahit na ang gusto ko lang ay magkulong sa kwarto ay pinilit ko ang sarili ko na humakbang para bumaba ng hagdanan. Kusang natigil ang pag-uusap ng mga tao sa baba nang marinig nila ako. Umaaktong walang narinig na sinalubong ko lang ang tingin nila na ngayon ay alanganing nagkakatinginan.
"Halika, Lush, patuyin na natin 'yang buhok mo." sabi sa akin ni Luna.
"Sige. Pero kuha muna ako ng tubig. May gusto ba kayo?"
"Tubig na lang din." nakangiting sabi ng babae.
Umiling lang si Gunter na nag-iwas ng tingin sa akin at inabala ang sarili sa cellphone na hawak. Pilit na isinasawalang-bahala ang nararamdaman na tinguhan ko sila at pagkatapos ay pumasok na ako ng kusina.
Nang makapasok doon ay sinigurado kong sarado ang pintuan. Sandaling napatigil ako ro'n at nag-angat ng tingin sa direksyon ng CCTV. Maybe I'll have more time.
Binuksan ko ang pintuan ng refrigerator at freezer dahilan para maharangan no'n ang katawan ko and hopefully ang CCTV na nasa opposite na side ng kinaroroonan ko. Mabilis na lumapit ako sa pintuan na nasa tabi lang halos ng refrigerator at sinubukan kong buksan iyon. Sa tagal namin kasi rito ni Thorn ay hindi naman namin iyon ginagamit. Lagi lang 'yon nakasarado.
I gritted my teeth when it wouldn't budge. It took me a couple of times before it finally slammed open. Dahil na rin sa lakas ng pwersa ng paghila ko ay malakas ang naging pagkakabukas no'n. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa at tumakbo na ako palabas. Hindi malabong narinig nila iyon. Tinakbo ko ang kinaroroonan ng gate at siniguro kong yumuko nang mapadaan sa bintana.
Hindi lumilingon na basta ko na lang binuksan ang gate ang tumakbo palabas. Sa pagkakataon na ito alam kong narinig na nila iyon pero hindi ko na iyon inintindi ba. Dumiretso ako sa kabilang panig ng daan kung saan maraming mga tao ang nagkukumpulan dahil sa tila kariton na may mga dalang paninda. Nagmamadaling naglabas ako ng isandaan mula sa wallet ko at basta ko na lang inilapag iyon sa kariton ng babaeng nagbebenta at pagkatapos ay hinablot ko ang cap na may nakalagay pa na sign na singkwenta lang daw iyon.
Hindi na ako naghintay pa ng sukli at tumakbo na ako paalis habang suot-suot na ang cap na binili. Dahil sa ilang beses namin na paglabas dito ni Thorn ay naging madali na para sa akin ang hanapin kung saan ang dati ay nakita kong paradahan ng mga masasakyan. Alam kong paminsan-minsan ay may mga taxi doon.
Pagliko ko sa isang kanto ay nakahinga ako ng maluwag nang makita ko na may dalawa pang taxi na nag aabang. Kaagad kong tinungo ang isa at basta ko na lang binuksan ang pintuan para sumakay. Nagulat pa ang driver na kanina ay natutulog lang.
"Saan-"
"Kahit saan." putol ko sa sasabihin niya. Binaba ko ang katawan ko hanggang sa hindi na ako kita bintana. "Just drive."
Nagtataka man ay pinaandar na iyon ng driver. Hindi naman na ito nagtanong pa at nanatiling tutok na lang ang mga mata sa dinadaanan.
Sa totoo lang hindi ko rin alam kung anong ginagawa ko. Alam kong mali. Alam kong hindi ligtas. Pero sa unang pagkakataon mula sa nakalipas na mga linggo ay wala na akong pakielam. I just want to gain back some control of my life. Pakiramdam ko lahat na nakadepende sa iba. Pati kasiyahan ko dinepende ko sa iba. And now look where I ended up.
Gusto ko lang huminga. Gusto ko lang ng araw na akin lang.
"Kuya sa Cavite."
"Ma'am malayo ho 'yon mapapamahal kayo-"
Umangat ako mula sa pagkakaupo, ang buhok ko na basa pa ay sabog-sabog na ngayon na nakadikit sa mukha ko. Direkta kong tinignan ang driver mula sa rear-view mirror niya at kita ko kung paano muntik niyang mailiko iyon nang magtama ang mga mata namin. Bakas sa mukha nito ang pamumutla habang hindi malaman kung sa daan o sa akin titingin.
"Sa Cavite."
"S-Sige po ma'am."
Muli akong bumalik sa pagkakaupo pero sa pagkakataon na ito ay hindi ko na tinago ang mukha ko. Nakalayo na rin naman kamk. Hindi naman na siguro ako masusundan ng mga iyon.
Gusto ko ng umuwi. Pero alam ko na hindi pa pwede iyon kaya hindi ako didiretso sa bahay. Gusto ko lang bumalik ulit ng Cavite. Kung saan minsan naging payapa ang loob ko dahil tahimik ang naging buhay ko ro'n.
But maybe I should move again. Mas malayo. Bagong simula ulit. Kahit saan naman pwede akong magsulat. Kahit saan ako pumunta madadala ko iyon. But I don't think there's any way I could go back to where I was before. Masyado na akong namulat. Masyado na akong nakaramdam. Hindi na magiging madali para sa akin na bumalik ulit sa dati kong buhay. But I want to start again. I want to find my peace again but this time with my eyes open.
Hindi ko alam kung gaano katagal ang naging biyahe. Hindi ko naman na iyon napansin dahil lumilipad lang ang isip ko. Kung hindi pa nga magsasalita ang taxi driver ay hindi ko pa malalaman kung nasaan na kami.
"Saan ko ho ba kayo ibababa?" mukhang nag-aalinlangan pa na tanong ng driver.
"Sa mall na lang." sagot ko at tumuro ako sa direksyon ng malaking establishimento.
Napahawak ako sa upuan nang biglang iliko iyon ng driver na para bang nagmamadali na para maibaba ako. Napapabuntong-hininga na tinignan ko na lang ang metro bago ako naglabas ng pera mula sa wallet ko. Ibinaba ko na lang iyon sa tabi niya at lumabas na ako ng sasakyan nang ihinto na niya ang sasakyan. Baka magkaro'n pa ng heart problem si Manong.
Dumiretso ako sa loob ng mall kung saan madami ng tao. Kung sabagay kasi weekend din. Halos lahat naman mall ang unang pinupuntahan kapag walang pasok. Bukod sa ang daming pwedeng puntahan ay libre pa ang aircon.
Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Hindi ko nga alam kung anong gagawin ko ngayon. Wala naman akong gustong puntahan. Basta ayoko lang sa bahay. Ayoko ng may mga kasamang alam kung ano ang nangyayari sa puso ko ngayon. Nakakapagod na kasing makita ang awa sa mga mata nila.
Nagpatuloy ako sa paglalakad kahit na hindi ko alam kung saan ako dapat huminto. Hindi ko pinansin ang ilan na napapatingin sa akin siguro dahil na rin sa ngayon ay sabog-sabog ko na naman na buhok. Mukhang hindi effective ang hot oil ni Luna.
Sapilitan akong napatigil sa paglalakad nang maramdaman kong may tumama sa akin. Napaigik ako sa sakit nang tumama ang malakas na puwersa no'n sa braso ko. Hindi naman ako malaking tao at magaan lang ako kaya hindi na nakakapagtaka na wala akong laban sa kung anong tumama sa akin. Naramdaman kong bumuway ang pagkakatayo ko at malamang sa hindi ay natagpuan na ako kung saan kung hindi lang dahil sa mga kamay na sumalo sa akin.
"Pre, konting ingat."
Napaangat ako ng tingin sa nagsalita. Pamilyar sa akin ang lalaki. Nakatingin siya sa ngayon ay humihingi ng paumanhin na mga binatilyo na mukhang siyang mga dahilan kung bakit halos humagis na siya kung saan. Mukhang ang tumama sa akin ay ang dala-dala na guitara ng isa sa kanila.
Bumaling sa akin ang lalaki at inayos ang pagkakatayo ko bago ako binitawan, "Okay ka lang ba?"
"Kilala kita." imbis na sagutin siya ay iyon ang lumabas mula sa bibig ko.
Napakamot sa ulo ang lalaki at may nahihiyang ngiti ang sumilay sa mga labi niya. "Mukhang hindi mo na ako natatandaan. Ako 'yung nakilala mo sa Tagaytay. Magkakilala ata iyong kasama mo at saka iyong kakilala ko."
Napayuko ako nang maalala ko na kung saan ko siya nakita. Pero imbis na ang lalaki ang pumasok sa isip ko ay si Thorn lumabas sa alaala ko. At ang babaeng iyon na nag mamay-ari ng nakaraan niya.
"Nate." pagpapaalala sa akin ng lalaki ng pangalan niya.
Bahagya kong iginalaw ang ulo ko na para bang inaalis ko ang mga bagay na ngayon ay nag-uunahan sa pagpasok sa isipan ko. "Right. Hello ulit."
"Wala ka atang kasama ngayon."
Ikinibit ko lang ang balikat ko. "May ginagawa pa iyong mga kasama ko. Gusto ko lang mapag-isa sa ngayon."
Tumango-tango ang lalaki. May ilang na bumakas sa mukha niya bago ako muling binigyan ng ngiti, "Sige, ingat ka na lang. Pasensya na sa abala-"
"Sandali."
Napatigil si Nate sa akmang pagalis nang tawagin ko siya. Humarap siya sa akin at pagtataka sa mga mata na tinignan niya ako. Sa hindi ko na malaman kung pang-ilan na beses ay muli akong humugot ng malalim na hininga na para bang hinahanda ko ang sarili ko sa isang bagay.
"Are you okay?" he asked and looked at my hand that is consciously rubbing my own arm. "Nasaktan ka kanina?"
Binaba ko ang kamay ko at ikinuyom ko iyon. "Hindi. Okay lang ako."
"Okay?" patanong lumabas ang sinabi niya na iyon. Marahil ay naguguluhan na rin siya sa inaakto ko.
"May gagawin ka ba?" tanong ko pagkaraan.
Never in my life that I asked those question. Wala namana kong interesado na makipagkaibigan o ano pa man sa ibang tao. Kuntento na ako na mag-isa. Pero kung may itinuro man si Thorn sa akin ay iyon ang 'wag ikulong ang sarili ko. He made me see the things I missed out from. And he made me want more.
Iyong matuto ako na mag-isa na hindi kainakailangan nakatago sa iba. Iyong hindi kinakailangan na baguhin ko ang personalidad ko para lang maging komportable ang iba. At iyong hayaan ko rin ang sarili ko na sumubok ng ibang bagay. I will always be the creepy-cute Lucienne...but I need to find more about me. I need to know more about myself.
And right now...I just need a friend. Wala ako no'n. Wala akong kakilala na matatawag na hindi konektado sa trabaho o sa sitwasyon ko. I just want someone who doesn't know anything about me or who just doesn't care.
"Wala naman." nakangiti na sabi ng lalaki. "May gusto kang puntahan?"
"Oo."
"Pwede naman kitang samahan." offer ni Nate sa akin. "Saan mo ba gusto pumunta?"
"Iyong lugar na pwede akong baguhin."
***********************************************
SINALUBONG ko sa salamin ang tingin ng taong nakatayo sa likuran ko. Sinabi ko kasi sa kaniya ang gusto kong gawin niya. Ayoko na kasing mag-isip pa. Hindi ko gustong mag over-think. Kaya kung anong una kong naramdaman iyona ng gusto kong sundin na desisyon.
"Ganda, pwede namang i-rebond na lang natin. Ang haba pa naman ng buhok mo sayang. Gaganda pa 'to basta ma-diretso lang."
"Ayokong mawala ang natural kong buhok. Gusto ko lang na gupitin mo." Inangat ko pa ang isa kong kamay para ituro sa kaniya kung saan ko gusto ipaputol iyon. "Hanggang dito."
Nilingon ng binabae ang kinaroroonan ni Nate. Nakaupo ang lalaki sa isa sa mga sofa ng beauty salon na kinaroroonan namin at pinapanood lang kami. Nang sabihin ko kasi sa kaniya na gusto ko ng lugar na pwede akong baguhin ay dito niya ako diniretso. Siguro naawa na rin siya sa stado ng buhok ko na parang hindi nasayaran ng suklat kahit kailan.
"Pogi, sure ka na bang ipapaputol natin itong buhok ng girlfriend mo?"
Bumuka ang bibig ko para itama siya pero bago ko pa magawa iyon ay naunahan na ako ni Nate na nginitian lang ang binabae. "Maganda naman 'yang si Lucy kahit anong gupit niya."
Tumirik ang mga mata ng beautician at inangat pa ang pumipilantik na kamay. "Ay ewan ko sa inyong mga may mga jowa. Masyadong matamis naiirita ako. Pero kung hindi ka kasama nito, Pogi, baka iisipin ko na broken hearted si Ganda eh. Ganiyan kasi ang mga trip ng taong sawi."
Salita lang ng salita ang binabae habang sinisimulan ng iparte ang buhok ko at iayos iyon para magupitan na. Nakatingin pa rin siya sa direksyon ni Nate kaya hindi niya napansin ang matalim na tingin na ipinupukol ko sa kaniya. Tanging si Nate na napapatingin sa akin ang nag-aalangan na ngumingiti at tumatango lang sa binabae habang tila tinatantiya kung bigla ko na lang bang sasakmalin ang taong nasa likuran ko ngayon.
Kailangan ba kasi talaga lahat ng bagay may dahilan? Hindi ba pwedeng sawa na ako sa buhok ko at napapagod na akong pagkamalan na multo, mangkukulam, at kampon ng Kadiliman dahil hindi ko magawang i-maintain iyon. At least kapag maikli wala na akong iintindihin.
"Lucy, labas lang ako sandali ha? Babalik ako kaagad?"
Natigil ako sa pagtingin sa binabae nang marinig kong nagsalita si Nate. Nakatayo na ito at hindi pa rin nawawala ang ngiti sa labi. Lalong nagpapaamo sa mukha niya iyon. Para kasing siya iyong klase ng tao na hindi nawawalan ng ngiti sa mukha. Sigurado buong buhay niya ay kusang lumalapit sa kaniya ang mga tao. Ang liwanag kasi ng itsura niya. People usually gravitate towards those kind of people. Hindi katulad sa akin na may dark aura.
"Sige." sabi ko sa kaniya. "Pasensya ka na sa abala pwede mo naman akong hindi na balikan."
"Pwede ko ba namang iwan ang girlfriend ko dito?" diniinan pa niya ang pagkakasabi ng girlfriend na parang pinaririnig sa nag-aayos sa akin. Pagkaraan ay kumindat ito at tumalikod na para umalis.
"Grabe, Ganda, jackpot ka do'n ah? Pogi na mukha pang mabait. Kung sabagay maganda ka rin naman kasi talaga. Ikaw pa iyong klase ng babae na gustong alagaan ng mga lalaki kasi para kang maliit na manika. Iyon nga lang kinakain ka na nitong buhok mo kasi sabog-sabog. Pero kung mahaba na straight bagay na bagay 'yan."
"Ayoko na ng mahaba."
Ngumuso lang ang beautician at hindi na umimik pa. Mukhang tinanggap na niya na wala akong balak magpa-straight ng buhok. Ganiyan naman kasi sila. Kahit hindi naman ako naglalabas masyado ay hindi ibig sabihin no'n hindi ako marunong makiramdam.
Mahaba ang buhok ko kaya gusto niyang ialok ang rebond nila dahil siguradong mapapahamal ako ro'n. Hindi ko naman siya masisisi. Negosyo eh at gusto niya lang kumita.
"Ano, sure ka na, Ganda?" tanong ng binabae at inumang na ang gunting sa buhok ko.
"Yes."
Hindi man lang ako kumurap nang tuluyan na niyang gupitin ang bahagi ng buhok ko na iyon. Wala akong nararamdaman na kahit na ano. Walang panghihinayang. Dahil wala naman akong attachment doon. Attachment. Iyon ang isang bagay na wala ako noon at iyon ang bagay na nagpapahirap sa akin ngayon.
Sana sa buhok na lang ako na-attach. O sa kahit na anong bagay basta hindi usapin na pampuso. Kasi mas madaling kumbinsihin ang utak na tumigil na. Ang daling sabihin na "Okay lang 'yan" kasi babalik din 'yan. Katulad ng sa buhok ko. Hindi ko naman kailangan manghinayang kasi babalik din. Hahaba ulit.
Pero kapag puso na ang usapan...ang hirap pala. Kasi hindi ko kayang kumbinsihin ang sarili ko na putulin na lang basta ang nararamdaman ko. Hindi ko kayang sabihin na okay lang ang lahat kasi babalik din sa lahat ang dati lalo na ngayon na pakiramdam ko ay hindi na.
"Lucy." Nag-angat ako ng tingin at nakita kong nakatayo na sa gilid ko si Nate na may hawak na dalawang inumin. May pag-aalala sa mga mata niya habang nakatingin sa akin. "Okay ka lang ba? Bakit ka umiiyak?"
Umangat ang kamay ko at dinampi ko iyon sa pisngi ko. Basa ang mga daliri ko ngayon ng luha. Hindi ko man lang namalayan na para bang kusa na lang kumakawala ang nararamdaman ko at wala akong kontrol ro'n.
"Okay lang ako." sabi ko sa kaniya.
Nanatiling nakatingin lang sa akin ang lalaki na para bang tinitimbang ang sinasabi ko. Nang makita niya marahil na wala akong balak magpaliwanag pa ay inabot na lang niya sa akin ang isang hawak niya. "Milk tea. Almond milk ang pinalagay ko kasi hindi ko sigurado kung pwede ka sa normal na gatas."
Bahagya ko siyang binigyan ng maliit na ngiti at kinuha ko sa kaniya ang lalagyan. "Salamat."
Lumipas ang ilang sandali na tahimik lang akong umiinom habang patuloy sa pag gupit sa akin ang beautician. Hindi ko na alam kung gaano katagal ang lumipas nang tuluyan ng matapos ang binaba at tinuyo niya na ang buhok ko. Pagkatapos no'n ay kumuha siya ng plantsa para diretsuhin ang buhok ko para na rin siguro makita kung pantay ang gupit ko dahil wavy talaga ang buhok ko.
"Pak! Bagay naman pala talaga sa'yo, Ganda! Look at that bone straktyer!" bulalas niya at ipinaling pa ang mukha ko para mas lalo kong makita ang ayos ko.
Hanggang balikat ko na lang ang dati ay sobrang haba kong buhok. Bahagya niya rin akong nilagyan ng side bangs para hindi naman diretong-diretso ang itsura ng gupit.
Pakiramdam ko ay sobrang gaan ng ulo ko. Hindi na rin mainit katulad ng kadalasan kong nararamdaman. Siguro nga ay talagang sobra na ang haba ng buhok ko no'n tapos makapal pa.
"Whatchu think, pogi?" tanong ulit ng binabae at hinarap ang upuan ko sa direksyon ni Nate.
Tinignan ako ng lalaki na hindi na nawala ang ngiti sa mga labi bago siya bumaling sa beautician. "Sabi ko naman sa'yo maganda pa rin siya kahit anong gupit niya."
***************************************************
TAHIMIK lang ako habang nakikinig sa mga kwento ni Nate. Katatapos lang namin na manggaling sa isang coffee shop kung saan marami siyang nalaman tungkol dito at ngayon naman ay naglalakad na kami papunta sa sakayan. Gabi na rin kasi.
"Gusto ko ngang bumili ng aso kaso wala naman maiiwan sa kaniya. Baka hindi na ako makapagtrabaho ng ayos kasi hindi ko maiwanan."
Kiming ngumiti ako, "Malaking responsibilidad din kasi talaga."
"Totoo. Kaya nga iyong mga kaibigan ko na may mga alaga sa bahay halos hindi na makapag out of town kasi walang maiiwan sa kanila."
Nagpatuloy siya sa pagkukuwento habang ako ay nakikinig lang. Mukhang hindi naman niya iyon minamasama. Kanina pa kasi siya nagkukuwento tapos ako ay nanatiling tahimik. Hindi naman ito na-offend. Siguro tanggap na niya na talagang hindi ko pa kayang magkuwento tungkol sa sarili ko.
Hindi ko rin naman alam kung saan sisimulan at hindi ko rin alam kung ano ang tama kong ibahagi sa kahit na sino. Lalo na ngayon na hindi pa rin tapos ang mga nangyayari sa akin. Kahit na mukha siyang mabait ay hindi ko naman basta-basta na lang maisisiwalat sa kaniya ang mga kumpidensiyal na impormasyon tungkol sa akin.
Saka for once I just want this to be about anyone but me. Kasi nitong mga nakaraan lahat na lang tungkol sa akin. Gusto ko lang makarinig ng kwento na hindi ako ang pokus.
I did found a lot about him. Galing siya sa ampunan at hindi niya kilala ang totong mga magulang niya pero inampon siya ng may edad na na mag-asawa. Iyon ang mga nagpaaral sa kaniya. Kaya lang matagal na rin simula ng mawala ang mga ito. Nauna ang tatay niya na may sakit sa atay at sumunod naman ang nanay niya na bukod sa sakit sa puso ay dinadamdam daw talaga ang pagkawala ng tatay niya.
Wala siyang mga kapatid pero marami siyang mga kaibigan. Ang ilan nakilala niya noong mag-aral siya at ang iba naman ay sa trabaho niya na nakilala. He's also a police officer. Hindi raw iyon ang gusto nitong maging trabaho noon kasi ang hilig niya ay pag do-drawing. Ang kaso iyon ang gusto ng tatay niya kaya sinunod na lang din niya. Mas gusto niya kasing maging masaya ang mga taong kumupkop at nagbigay sa kaniya ng magandang buhay.
"Sigurado ka ba na hindi kita ihahatid? Pwede naman kasi hindi na gaanong traffic." sabi ni Nate nang huminto kami sa sakayan ng taxi.
"Hindi na. Grabe na ang pang-iistorbo ko sa'yo."
"Hindi ka naman istorbo. Nag enjoy naman ako-"
"Kahit na wala akong kwentang kasama? Kahit hindi ako pala kuwento? Kahit na alam mong may iba akong iniisip?" Binigyan ko siya ng maliit na ngiti at inangat ko ang kamay ko sa direksyon niya. "It was nice meeting you, Nate. Pasensya na ha kung hindi ako magandang company. Pero ang laki ng tulong mo sa akin today. Gusto ko lang naman makahinga. Nang normal na araw. Thank you for giving that to me."
Tinanggap niya ang kamay ko pero imbis na pakawalan iyon ay pinisil niya iyon ng bahagya na para bang binibigyan ako ng lakas sa pamamagitan lang niyon. "Kung ano man ang pinagdadaanan mo, sana mahanap mo na kung anong sagot sa lahat ng mga tanong mo. You have my number right? Pwede mo akong tawagan kung gusto mo ng kausap. Pwede naman ako na maging kaibigan mo lang lalo na nakikita ko na may iba ng laman 'yang puso mo."
"I'm not in love with anyone. Hindi pa ako nahulog-"
"Even physics can't calculate how fast a heart can fall. Walang eksaktong oras. Walang bilang na pagkakataon. Minsan akala mo hindi pa pero matagal na pala. Kasi tinatanggi mo pa sa sarili mo."
Bumuka ang bibig ko para sagutin siya pero walang lumalabas na kahit na ano mula sa mga labi ko. May kung anong tila bumukas sa puso ko. Ang kahuli-hulihang bagay na hindi ko pa nakikita. Ang bagay na pilit kong tinatanggi.
Siguro nga kahit na sino hindi makikita ang sariling nararamdaman kung hindi iyon haharapin at patuloy na tatakbuhan. But then one wrong movement, one wrong step, and it will catch on. Magugulat ka na lang lahat ng inakala mo ay mali pala.
Umangat ang kamay ni Nate at tinawag ang isa sa mga taxi na nakaparada di kalayuan. Gumalaw ang nasa unahan na pila pero bago pa iyon makaandar ay may humaharurot na sasakyan ang bigla na lang huminto sa tapat namin.
Sa pagkabigla ko ay bumukas ang pintuan no'n at may bigla na lang humatak sa akin na mga kamay. Narinig ko ang pagsigaw ni Nate at kaagad niya akong hinila kasunod ng pagkakagulo ng mga tao. Nanglaki ang mga mata ko nang bumalandra si Nate sa isang tabi nang bigwasan ito ng hindi kilalang lalaki na may takip ang mukha at tanging mga mata lang ang kita.
Malakas na sumigaw ako at nagpipiglas habang malakas na kumakabog ang dibdib ko. There's no way that this is not connected to what is happening to me. Imposible na sa lahat ng tao ay ako pa. I am not going down. I will not be the next person on the news. Dahil malakas ang pakiramdam ko na ako na lang ang iniintay ng killer na pumapatay ng mga katulad sa paraan ng pagpatay sa mga libro ko.
"Let her go!" Nate shouted and pointed a gun towards the man. "I'm a police officer and I want you to drop your gun!"
Naramdaman kong natigilan ang lalaki na may hawak sa akin. Ginamit ko iyon bilang dibersyon at mariin kong kinagat ang kamay niyang nakahawak sa akin. Walang pag-aalinlangan na tumalon ako palabas ng sasakyan dahilan para tumama ako kay Nate na kaagad akong sinalo. Pero dahil din do'n ay nawalan siya ng balanse at nagkaroon ng pagkakataon na makabawi ang tao sa van.
"Patakbuhin mo na ang sasakyan dali! May pulis!"
Kumilos si Nate at pinaputukan ang sasakyan na muling umandar para umalis sa lugar na iyon. Tumakbo siya na animo hahabulin iyon pero sa bilis niyon ay hindi na siya nakaabot. Nanlulumong napatakip ako sa mukha ko. I want this to be over. Napapagod na akong magtago.
Marahas akong napalingon sa kanan nang makarinig ako ng putok ng mga baril at langitngit ng sasakyan. Namataan ko si Nate na tumatakbo sa ngayon ay nakahinto na na van dahil sa unahan niyon ay may sasakyan na humarang.
Uh oh.
I saw a familiar figure dragging a man down from the van. Ang ilan pang kasama ng pamilyar na pigura na iyon ay kinukumpulan ang bahagi ng sasakyan kung saan naroon ang nagmaneho niyon. But my eyes were fixed to the man pointing a gun to the person who almost kidn*pped me.
Thorn.
_____________End of Chapter 13.