Limang buwan ang nakalipas..
Gusto ko nang mayamot at 'di ko alam kung nasaan ang kaibigan ko. Pumunta lang ako ng restroom, paglabas ko wala na ito.
Ilang minuto na yata akong naglilibot, nagbabakasakaling makita ko ang babaing iyon.
Napagod na ako lahat-lahat 'di ko ito masilayan. Napagdesisyunan kong tumungo sa classroom.
Habang naglalakad ako at binubuklat ang libro na hawak-hawak ko ng makarinig ako ng hiyawan. Hiyawan na para bang may binu-bully.
Kitang-kita ko ang mga studyante na nagkakatipon habang patuloy sa hiyawan na mukhang nang-aasar. Sinasabayan pa ng tawanan.
At dahil wala naman akong pakialam, dire-diretso akong lumakad palayo sa mga ito. Nang bigla akong matigilan.
Isang hikbi ang narinig ko. Isang boses na pamilyar sa akin.
Awtomatikong umikot ang ulo ko pabalik sa mga studyante na nagkakatipon. Biglang bumilis ang kabog ng dibdib ko habang papalapit sa mga ito.
Lalong lumalakas ang hikbi ng babae hanggang sa manlaki ang mga mata ko ng masilayan ang kaibigang nakayuko sa harapan ni Vinz Liam, habang umiiyak.
Umakyat yata ang dugo sa mukha ko ng marinig ko ang masasakit na salita ng binata na lalong sinasabayan ng tawanan ng ilang kalalakihan at kababaihan.
"Hindi ako ang tipo ng lalaking magkakagusto sa katulad mo miss. At alam mo naman siguro iyon sa sarili mo. Kaya kung puwede, itigil mo na iyang pagpapantasya sa 'kin at nagsasayang ka lang ng oras. Okay lang sana kung mabaliw ka sa ' kin eh. 'Di naman iyon nakakapagtaka. Pero kung maaari, huwag kang lalapit sa akin at allergy ako sa mga katulad niyo. Just stay away from me."
Isang malakas na hiyawan at tawanan ang umalingawngaw sa paligid habang nakayuko at umiiyak ang kaibigan ko.
Bumigat yata ang paghinga ko at biglang nanginig ang kamay ko habang nakakuyom ito.
Mabilis kong hinawi ang taong nakaharang sa 'kin at kaagad nilapitan ang binatang napaka-angas kong magsalita.
Ramdam kong sa 'kin agad nakatingin ang mga studyante. Pati na rin ang binatang si Vinz at mga kaibigan nito.
"Oh, nandito rin pala ang isang ner--"
Naputol ang sasabihin ng kung sinuman ng bigla kong sampalin sa pisngi ang binatang si Vinz na ikinasinghap ng mga taong naroon.
"Woahh!" rinig kong sambit ng mga kaibigan nito.
Kitang-kita ko ang pagkagulat sa mukha nito at pagtiimbagang. Tumalim din ang mga tingin nito.
Nang bigla kong maramdaman ang paghatak sa akin ng kaibigan ko sa braso ko. Ngunit 'di ako natinag at matalim kong nilabanan ang titig ng binata.
Ramdam ko ring biglang natahimik ang kapaligiran. Para bang nag-aabang ang mga ito sa kung anumang mangyayari.
"Watch your words, Mr. Masyado naman yatang matalas ang dila mo. Hindi porket ganito ang itsura ng kaibigan ko, o namin. May karapatan ka nang makapanglait. Tandaan mong hindi nanggagaling sa bulsa mo ang kinakain namin. Tinuringan ka pa namang nag-aaral, pero mukha yatang walang laman iyang utak mo. Walang saysay iyang ipinagmamalaki mong itsura kung wala kang respeto sa kapwa mo, especially sa mga kababaihan," mariin at galit kong sambit sa binata.
Kitang-kita ko ang pamumula ng mukha nito sa galit at sa kahihiyan. Pero wala akong pakialam kung anak pa siya ng may-ari ng school na ito. Ang ayaw ko sa lahat ang mga taong mayayabang at bastos ang pag-uugali.
Rinig ko ang singhapan sa paligid.
Paglingon ko sa kaibigan, namumutla ang itsura nito. Takot na takot itong nakatingin sa akin. Para bang nakagawa ako ng malaking kasalanan dahil sa mga titig nito.
Ngunit hinaklit ko lang ang kamay nito at 'agad umalis sa lugar na iyon.
Himala nga at wala man lang akong narinig ni isang salita sa hambog na binatang iyon.
Ramdam ko rin ang pananahimik ng paligid.
Nagulat ako ng biglang umiyak ng malakas ang baliw kong kaibigan. Kararating lang namin sa dorm.
"Bakit mo iyon ginawa bes? Kilala mo naman kung sino siya sa school na ito. Anak siya ng--"
"So, what?" Pagpuputol ko sa sasabihin nito.
Nanlalaki ang mga mata nito at lalong umiyak. Hindi ko tuloy naiwasan ang mapaikot ng mga mata.
"Bakit ka ba umiiyak? Tinulungan na nga kita. Pero mukhang ako pa ang may kasalanan," wika ko.
Hindi pa rin mawala-wala sa akin ang galit sa puso ko dahil sa mayabang na lalaking iyon.
Bigla naman itong tumabi sa akin. Tiningnan ko naman ang itsura nito.
"Iyon na nga ang problema bes. Sana 'di ka na lang nakialam. Hinayaan mo na lang sana ako. Baka kung anong gawin noon sa iyo eh!" Sabay hikbi nito.
"Nadamay ka pa dahil sa akin!" dugtong pa nito.
"Hindi ako natatakot sa kaniya."
"Ano ka ba? Baka saktan ka noon. O kaya maraming magalit sa iyo sa school na ito at ikaw lang ang nagpahiya sa kaniya. Baka kung anong gawin nila sa iyo," nahihirapang wika nito.
Stress na stress ang mukha nito.
Imbis na sagutin ko ito, tinanong ko na lang kung bakit ba kasi napunta ito sa ganoong sitwasyon.
"Binati ko lang naman siya. Pero biglang may tumulak sa akin na siyang ikinayakap ko sa kaniya. Ngunit 'agad din akong bumitaw sa takot. Akala ko 'di siya galit kaya ngumiti ako rito. Ngunit hindi ko inaasahan na ganoon niya kahate ang katulad kong nerd. Ang sakit niya pala magsalita. Nakaka-disappointed siya!" Sabay iyak nito.
"Ayoko na sa kaniya! Ang sama pala ng ugali niya."
"Mabuti naman at natauhan ka," banat ko rito.
"Pero paano ka bes? Natatakot ako sa maaaring gawin niya sa iyo. Lalo na't nakita naman natin kung gaano siya naiinis sa mga taong katulad ng itsura natin. Pinahiya mo siya bes, tiyak maghihiganti iyon," naiiyak na namang wika nito.
"Eh 'di maghiganti siya. Mas malalaman nga natin na hindi siya totoong lalaki kung pumapatol pala siya sa mga babae."
"Paano kung saktan ka in physical?" natatakot nitong wika sa akin.
"Tingnan natin."
Tiningnan ako nitong 'di makapaniwala. Akmang magsasalita ito ng unahan ko na.
"Kung totoong lalaki siya, hindi niya magagawang manakit physically sa isang babae. Pero kung sakaling mangyari iyon. Mas maganda nga, para malaman niya na hindi lahat ng babae ay mahina."
Bigla naman napanganga ang bibig nito.
Nasa loob na ako ng kuwarto ng maisip ko ang mga ginawa ko kanina.
Tiyak kong maghihiganti ang isang Liam Ho. Lalo na't napahiya ito sa lahat ng studyante naroon.
Hindi ko naiwasan ang mapabuga ng malakas. Ayoko naman yatang malaman ng mga magulang ko ang ginawa ko. Tiyak mag-aalala ang mga ito.
Sana nga lang walang kumukuha ng video kanina at tiyak kakalat iyon. Lalo na't sikat pa naman ang lalaking iyon.
Hindi naman yata papayag ang mga magulang nitong mapahiya ang anak nila ng isang katulad kong mahirap at mukhang nerd.
Haist! Bahala na!