[TPP]
October 22, 2021
10:25pm
Asha : Doon na lang tayo magkita?
Seb : Oo, 4pm. Update mo na lang ako bukas kung makakapag-out ka nang maaga.
Asha : Okayy.
Seb : Good night!
Asha : Good night
Ito ang nilalaman ng naging pag-uusap nila sa text. Napagpasyahan nila na magkita sa loob ng isang sikat na mall sa Maynila. Sakto kasi at kalagitnaan ito ng kanilang mga panggagalingan, si Seb na manggagaling pa sa kanilang bahay at si Asha naman ay sa kanyang trabaho.
. . . .
[TPP]
October 23, 2021
2:12pm
Si Asha ay nagsisimula nang iligpit ang kanyang mga gamit sa lamesa nang biglang lumapit ang katrabaho niya at nagtanong.
"Asha, uuwi ka na 'di ba, papasok ka ba bukas?"
"Hindi po Sir, bakit po?"
"Ang mga JO at for budget ko ba, nagawan mo na ng topsheet?"
"Iyong mga ibinigay niyo po kahapon, Sir? Hindi pa po."
"Pasuyo naman na patapos na ngayon. Maaga kasi aalis sila Boss sa Monday papuntang main office.. Ipasabay na sana natin para mabilis ma-process."
"Ay, gano’n po ba Sir.."
"...hinahanap na rin kasi ni Foreman yan, ang hirap kasi pagalawin non kapag hindi nakikita ang approved budget or JO."
"Sige po, gawin ko po bago umuwi."
Nang malaman ni Asha ang pinapakisuyo sa kanyang gawin ay agad niyang tinext si Sebastian, baka kasi siya ay mahuli sa kanilang oras ng pagkikita.
"May kailangan pala akong tapusin, I'll text you na lang kapag otw nako, halos 1 hour din naman ang byahe mo 'di ba?"
"Oo, 1 hour din. Ganito na lang, pagkatapos mong gawin ang kailangan mong gawin text mo ako kaagad bago ka lumabas ng site."
"Okay. Sige."
"Pagkatapos mo ha at bago ka lumabas ng site. Text mo ako kaagad.."
"Sigeee"
. . . .
3:25 pm
Pagkatapos ni Asha gawin ang ipinapakisuyo sa kanya ay dali-dali na siyang umalis. Baka kasi abutan siya ng rush hour, bukod sa trapiko, napakahirap na rin sumakay, siguradong lalong mahuhuli siya sa kanilang pagkikita.
Buti nga at sakto paglabas niya ng site ang isang fx na may isang bakanteng upuan kaya siya ay mabilis na nakasakay at nakaalis.
Sa kanyang pag-upo ay 'di maipaliwanag na pananabik na hinaluan ng kaba ang biglang dumaloy sa kanyang dibdib. Hindi siya mapalagay, hindi makapaghintay na makita at makausap ulit si Sebastian. Kinuha niya ang kanyang telepono para i-update ang binata na nakasakay na siya at papunta na kung saan sila magkikita
"Otw na."
Agad din naman siyang nakatanggap ng sagot.
"Otw? Nakasakay ka na?"
Mabilis siyang sumagot na. "Kasasakay lang. Around 4:30 pm siguro me darating.”
"Ano ba yan, sabi ko i-text mo ako kaagad after ng work mo eh."
At sa sumunod na mensahe ni Seb siya ay nagtaka...
...at nabigla.
"Nandito kasi ako sa tapat ng site niyo."
Hindi na niya nagawang mag-isip at magtanong, agad na lang siyang pumara nang mabasa ang mensahe.
Ang lahat nga ng pasahero ay napatingin sa kanya. Bukod kasi sa kasasakay niya pa lang, nasa gitnang linya pa sila kaya alanganin ang biglaan niyang pag para.
"Teka Miss, itatabi ko lang," nayayamot na sagot ng tsuper.
Si Asha naman habang naghihintay na makababa ay muling nagpadala ng mensahe.
"Diyan ka lang, waittt."
Nang siya ay makababa, siya ay patakbong naglakad pabalik.
Lagpas isang-daang metro din ang kanyang lalakarin ngunit hindi na iyon sumagi sa kanyang isip. Ang tanging laman ng kanyang isipan ay ang matinding pagkasabik sa pa-surpresang pagsundo sa kanya ni Sebastian.
Habang siya ay naglalakad, kahit na may kalayuan pa at sa dinami-rami ng taong nakatayo sa waiting shed ay kanya nang naaninag ang mukha ng isang lalakeng may katangkaran, nakatagilid man ito mula sa kanyang direksyon at malayo ang tingin.
Nakasuot ito ng sumbrero, ang damit pang-itaas ay kulay-abo habang ang tatlong kapat na manggas nito ay kulay madilim na asul. Ang pantalong itim na suot naman nito ay sakto sa kanyang mga hita at binti, habang ang sapatos ay katerno ng kanyang damit.
Taas noo itong nakatayo kaya't litaw ang kanyang gulong-gulongan. At ang mga kamay nito ay nakahawak sa mga strap ng kanyang bag na nakasabit sa kanyang mga balikat kaya bumabakat ang hugis ng kanyang braso sa manggas ng kanyang damit.
Sa malayo ay ka pansin-pansin nga ang mga babae at pati na rin ang mga lalake na nagpapahaging ng sulyap sa binata.
Binagalan ni Asha ang paglalakad at dahan-dahang lumapit. Sinusubukan niyang pakalmahin ang matinding kaba at kilig na nararamdaman. Isa pa ay gusto niyang makabawi, gusto niya sana itong gulatin din ngunit bigla itong napatingin sa kanyang direksyon...
...kaya sila ay nagkatitigan.
At sa bawat mabagal na hakbang ni Asha papalapit kay Seb ay kasabay ang lalong pagbilis ng pagkabog ng kanilang mga dibdib. Ilang hakbang pa ang kanilang pagitan ngunit nagsimula nang ngumiti ang kanilang mga mata. At nang tuluyan nilang makaharap ang isa isa't isa ay hindi na nila napigilan...
...tuluyan nang nahawa sa pagngiti ang kanilang mga labi.
Si Asha na bahagyang hiningal dahil sa magkahalong kaba at ginawang paglalakad ay hindi muna nagsalita.
Si Sebastian naman ay natulala habang nakatitig kay Asha. Sa namumula nitong mukha, sa tila naluluhang mga mata dahil sa saya at pagkasabik, at sa malalim nitong paghinga.
Ilang segundong nakatitig lang si Seb bago kumuha ng panyo para punasan ang noo ni Asha.
"Mahirap ka pala i-surprise, 'di ka sumusunod sa instructions." Kasunod ang mapaglaro at mahinhin na mga palo sa noo ng dalaga.
Bahagyang napapapikit nga si Asha tuwing dadampi ang panyo ni Seb sa kanyang noo.
"Hindi ko naman kasi inexpect na pupunta ka dito no." Kinikilig na pagdadahilan niya.
"Bigla ko lang kasi naisip, gusto ko pa lang makakita ng tower crane."
"Oh? Gusto mo ba lumapit? Tara, pwede naman."
"Hindi na. Masaya na ako sa nakita ko.."
Sila ay nag-abang na ng masasakyan. Ang kanilang paghihintay ay napuno ng mga pahaging na pagsulyap sa isa't isa.
Walang nagsasalita, parehas na nagkukunyaring abala sa pag-aabang ng mga dadaan ngunit halatang ang laman talaga ng kanilang isipan ay tungkol sa isa't-isa.
Kahit nga siguro isa o dalawang oras pa silang nakatayo ay hindi nila ito alintana. Ganyan kalala ang magkahalong kilig at kaba nilang nadarama.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Apat na minuto na silang nagpapanggap.
Buti at hindi naman nagtagal ay may dumating na rin na masasakyan. Sakto at bakante ang dalawang upuan sa tabi ng tsuper sa harapan.
Sa isip ni Asha, siya ay napangiti. Kabisado niya kasi na sa ganitong oras, lalo na at uwian, ay bibihira makakita ng bakanteng upuan sa harapan ngunit ngayon ay saktong dalawa pa.
"It seems fate is rooting for us." Kinikilig niyang sambit sa isip.
Pagkaupo nila ay mabilis nilang kinuha ang kanilang mga pitaka at dumukot ng pera pambayad.
"Ako na." Magkasabay nilang bigkas.
Ang tsuper nga ay napangiti dahil hindi niya alam kung kaninong bayad ang kukunin. Magkasabay kasing nag-abot ng pera si Asha at Seb sa kanya.
"Let me.." Muling sambit ni Asha. Kita nga sa kanyang mga mata ang paninindigan.
Hindi niya rin kasi alam kung gaano katagal na naghintay si Seb. Sa isip niya ay nakakahiya naman kung siya pa ang magbabayad. Hinayaan naman na ito ni Seb. Tinanong at kinamusta na lang niya si Asha.
"Oh, kamusta naman ang trabaho mo kanina?"
"Later, wag mo muna‘ko kausapin." Mahinhin at namumula sagot ni Asha.
Nagtatakang napatingin si Seb sa kanya.
"...pati tingnan." Kasabay ng mahinhin na tulak sa mukha ni Seb papunta sa kabilang direksyon.
Agad na nalusaw ang pagtataka ni Seb at ang kaba ay naupos na parang kandila. Habang nakasandal sa bintana ay nakangiti niya na lang na pinagmasdan ang kung anu-anong mga bagay sa kanilang dinaraanan.