Chapter XIII – Ang Simula

3055 Words
[TPP] October 23, 2021 5:42 pm "Last song na, game ka dito?" Nakangiting tanong ni Asha. "Duet? Game." Nakangiting sagot naman ni Seb. (Playing:Way back into love) Ito ang kanilang huling kinanta. Sa pagkakataon ngang ito ay naglaho na ang mga kaba sa kanilang dibdib. Nakangiti na lang silang sumusulyap sa isa't isa habang inaawit ang kani-kanilang mga linya. At kahit nga nakaalis na sila sa booth ay tila tuloy pa rin ang pagtugtog ng himig sa paligid. Masaya silang naglalakad, nag-iisip kung saan sila kakain. "Saan.. mo gustong kumain?" Tanong ni Asha. Ngumiti si Seb. "Parang linya ko dapat yan?" "Eh.. It's my treat nga 'di ba? So..." "Sabagay. Kahit saan, 'di naman ako mapili sa pagkain." Mapang-asar na umirap si Asha. "Hay.. I always hear men complain na 'di makapag-decide ang mga babae kung saan kakain and.. here you are, 'di rin makapag-decide." Ngumisi si Seb, tapos inilapat ang kanyang mga palad sa mga mata ni Asha. Mahigpit niya itong hinawakan para talagang walang makita ang dalaga. "Hoy, ano yan!?" Gulat na tanong ni Asha. Dahan-dahang iniikot ni Seb ang dalaga. "Sabihin mo nalang na stop. Tapos kung saan ka maharap doon tayo kakain." "Eh?! What if hindi sa kainan ako mahinto." "Basta, sabihin mo na lang, stop." "...S—stop." Agad na bumitaw si Seb. Pagkamulat naman ni Asha ay maluha-luha ang mga mata niya sa pagkasabik. "It's Wendy's!" "Tara na." "Ikaw, gusto mo ba here?" Umiling-iling na ngumisi si Seb. "Tapos ngayon tatanungin mo ulit ako, may saltik ka rin no?" "Eh, baka kasi ayaw mo dito." "O baka ikaw ang may ayaw, minsan gano’n ang mga babae, itatanong kung ayaw pero sila 'tong may ayaw." "No. One of my favorites 'to no, ikaw?" "Gusto mo malaman ang gusto ko?" "Okay, saan po?" "Mas gusto ko ng lutong bahay." "Oh, okay, sige next time." "Secured na pa lang may next time,” tukso ni Sebastian. "Umupo ka na nga! O-order na ako!" Naasar namang tugon ni Asha. Agad namang umupo si Seb at kanyang napagmasdan ang paglalakad ni Asha papunta sa counter. Ang ibang kalalakihan nga ay tila nahawa sa kanya. Hindi na rin nila sinubukan pang itago ang kanilang pagtitig sa dalaga. Tila may isang mahika kasi na humila sa kanilang mga mata palayo sa kung ano mang mga bagay na nasa paligid. Habang si Asha ay kumpiyansang naglalakad nang mahinhin. Bukod sa kanyang napakagandang mukha, ang makinis at maputi niyang leeg na talagang nakaka-akit ay naging mas kapansin-pansin dahil sa pagkakatali ng kanyang buhok. Nakapulupot ito at hinahawakan ng isang magarang pin habang ang nakawalang mga hibla sa pagkakatali ay tila mga dahon na eleganteng sumasayaw sa kanyang bawat paghakbang. Ang makitid naman niyang baywang ay umaakma sa may pagkamalapad niyang balakang kaya't kahit ang suot niyang kamiseta ay isang uniporme sa trabaho. Lubos pa rin itong nakakatukso. Habang ang dibdib naman niya ay— ...Teka, kanina pa pala ito hindi napapansin ni Seb. Bigla na lang napagtanto ng binata na ngayon lang niya napansin ang mga bagay na ito. Kung ibang babae kasi ang kanyang kasama ngayon, malamang ay natantiya na nga niya ang laki at hugis ng dibdib nito. Ngunit ngayong hapon ay kakaiba. Ang kanyang mga mata kasi ay buong hapon na abala sa pagsulyap sa mukha ni Asha. Ni-hindi nagawa kanina ng kanyang paningin na pansinin ang ibang bahagi ng katawan nito. Tila sinaunang tao tuloy siya na napaso na ngayon lang nadiskubre ang paggamit ng apoy. Namamangha. Nasasabik. Ang malisyosong utak niya tuloy ay tuluyan nang nagsimula maglayag sa napakalawak na karagatan. Siya ay natuliro. Labis na tuliro. "Huy, okay na ba 'tong mga inorder ko for you o dagdagan ko pa?" Tanong ni Asha. Si Seb na nagulat ay tulalang napatango na lang. Pagkaupo ni Asha ay saglit silang nagkahiyaan ni Seb kung sino ang unang gagalaw sa kanilang pagkain, hindi makatitig ng diretso sa isa’t isa. Ngunit nang si Seb ay akma nang gagalawin ang kanyang pagkain ay agad namang nagsalita si Asha. "Wait, let's pray." Pagpikit ni Asha ay bahagyang pumikit lang si Seb. Hindi kasi napigilan ng binata ang sarili na muling sumulyap sa ngayong nakapikit na, na dalaga. Pagkamulat naman ni Asha ay muli siyang nagsalita. "Yung song mo! Akala ko ba ipaparinig mo!” "Oo nga no, 'di mo pinaalala kanina." "Nawala rin sa isip ko." Silang dalawa ay nagsimula nang kumain. Ang bawat pagsubo ay may kakambal na pagsulyap sa isa't isa. Halatang nagkakahiyaan pa rin. Si Seb nga ay tila naging mahinhin din na dalaga. (Playing : Earth Angel – The Penguins) Nang marinig nila ang biglang tumugtog na kanta, silang dalawa ay agad na napangiti. Magkasabay na magkasabay na napangiti. Nang makita nga nila ang isa't isang napangiti ay magkasabay rin silang nagsalita. "Alam mo yung.." "Do you know.." Ngunit 'di rin nila tinapos ang kanilang sinabi, tila parehong may telepatiya kaya't 'di na nila kinailangang dugtungan pa ang nasambit ng kanilang mga bibig. "Ikaw muna," sambit ni Asha. "Back to the future?" "Back to the future nga! Pero ibang version yata ‘to no?" "Oo, at mas gusto ko ang version na ‘to. Nakakatuwa namang napanood mo rin yon." Inilapit ni Asha ang sarili kay Seb. "It was my favorite noong bata ako! Magkasama kasi naming pinanonood yun ni Dad kapag nandito siya." "Oh? Kami rin." "Ang fun no! Whenever I watch it, I always imagine myself na nagta-time travel. Ikaw rin ba?" "Sino ba namang hindi? Kung totoo ang time travel, saang panahon ka pupunta?" "Uh-hmm.” Saglit tumigil si Asha para mag-isip. Hindi nga siya mapakali nang magsalita. “I’ll visit every era! Pero syempre uunahin ko ang 90's. Gusto ko makita ang mga parents ko noong ka-age ko pa sila.. Pupunta ako sa disco club kung saan silang dalawa nag-meet." "Mag-ingat ka, baka magaya ka kay Marty, baka imbis na sa Mama mo, sayo ma-inlove ang Papa mo. Disaster." Nakangiting sagot ni Seb. Nakulot ang kilay ni Asha sa pag-iisip. "Nah, I doubt it. Whenever I see my Dad, I can't imagine how beautiful my Mom is.. 'di siya pala-kwento pero when he do, sobrang ramdam ko na walang hihigit kay Mom sa mga mata niya noon pa man." Nakangiting tugon ni Asha. Tumitig lang si Seb kay Asha. Ilang segundo nga itong tahimik lang na pinagmasdan ang dalaga habang kumakain, saka siya biglang nagsalita. "Duda ‘ko. Pakiramdam ko di-hamak na mas maganda ka sa kanya." Naningkit ang mga mata ni Asha. "Oh, please. Wag ka nang mambola. Ni-hindi mo pa nga nakikita Mom ko." "Siguro?” Kagat labing ngumiti si Seb. “Pero.. nakikita naman kita." Kasunod ang pagsandal niya ng kanyang mukha sa kanyang palad. Tulala, ang mga mata ay nagsisikinang. "E-wan ko sa-yo.” Pilit na pinipigil ni Asha ang pagngiti ngunit ibinebenta siya ng kanyang mga dimpol sa magkabilang pisngi. “Oh ikaw ba, where will you go kung nakakapag-time travel ka?" Itinuwid ni Seb ang pagkakaupo. "Dami, 'di ko alam kung anong uunahin." "Mga parents mo, 'di mo ba sila bibisitahin sa past?" Ngumiti si Sebastian. "Bibisitahin syempre.” Ngunit agad na nabahiran ng lungkot ang kanyang mga mata. “Pero bago ‘yon kukunin ko muna mga nakaraang lotto result." "Ang sama mo! So ikaw pala si Biff Tannen!" Kunot noong sagot ni Asha. "Parang si Marty naman yata ang unang naka-isip non?" Tumatawang tugon ng binata. "By the way, kamusta na pala mga parents mo? Ilan ba kayong magkakapatid?" "Kami? Sampu." Ngisi ni Seb. Nanlaki ang mga mata ni Asha. "Talaga ba? Ang dami niyo—o!" "Biro lang, mag-isa lang din ako." "Haynako, akala ko ba, honest ka?” Si Sebastian naman ay bumungisngis lang. Dugtong ni Asha. "Ba’t di ka na nasundan?" "Malay ko sa kanila. Ikaw, kung papipiliin ka, ano mas gusto mo, nakababata o mas nakatatandang kapatid?" "Easy question, gusto ko ng kuya. Bully na kuya!" "Weirdo mo. Ano namang gugustuhin mo sa isang bully na kuya?" "Para maranasan ko namang bully-hin, sa circle of friends ko kasi, ako lagi nang-aasar." Humahalakhak na sagot ng dalaga. "Si Kamilla lang kilala ko don, pero mukhang totoo naman 'yang sinasabi mo. Napaka-iyakin kasi ng kaibigan mo." Kumunot ang noo ni Asha. "At sino nagsabi sayo na pwede mong awayin si Kams?!" "Ikaw ata mismo nagsabi na binubully mo sila." "Ako lang pwede mang-away sa kanila!" Natatawang sagot ni Asha bago niya ibahin ang usapan. "Pero alam mo, if time travelling is real, one thing na gusto ko talagang gawin is mag-sightseeing." "Ng?" "Everything, I wanna see the natural beauty ng earth. Gusto ko makakita rin ng mga extinct animals, especially mga dinosaurs!" Napangisi si Seb. "Feeling ko di mo kakayaning magsightseeing don. Sisilip ka lang saglit tapos babalik na sa time machine mo. Aalis ka kaagad dahil sa sobrang takot." Napairap naman si Asha. "Duh! Time machine? That's for the weak! When I said that I can time travel. I mean I have powers." "Gamit na gamit pala talaga 'yang imagination mo." Bungisngis ni Seb. "I have my whole childhood to imagine, you know.” Mapaglaro niyang ngiti. “Na-imagine ko na nga na may pet akong sabretooth at dinosaurs!” "Wala ka bang ibang ma-isip na pet?” "I love dogs naman! Actually I have a dog, Si Joey the Pug!" "Iyon ba ‘yong asong lukot-lukot ang mukha?" "Wrinkles tawag don! How about you, may pet ka?" "Wala, bihira lang din kasi ako sa bahay." "Pero anong favorite animal mo?" "Di ko rin masabi kung ano. Pero naalala ko noong bata pa ako, siguro mga 7 years old ako non. Nakapag alaga na ako ng isang aso, kaso after 2 years namatay din siya." "Aw, ang sad mamatayan ng pet. Tapos 'di ka na nakapag-alaga ulit?" "Oo, hindi na. Naaalala ko noon, lagi ko siyang napapaginipan. Inisip ko na lang na nagreincarnate na siya." "Naninwala ka sa reincarnation?" "Di ko naman sinasabing naniniwala. Pero kung iisipin, mas cool yon kaysa sa heaven and hell 'di ba?” Nagtatakang tinitigan lang ni Asha si Seb. Dugtong naman ng binata. “Eto isipin mo, if totoo ang reincarnation, tapos next life ay magiging hayop tayo. Ano gusto mong maging?" Napahawak si Asha sa kanyang baba. "Uh-huh. I think. I will be a phoenix." Nanliit ang mga mata ni Seb sa pagtataka. "Phoenix? Considered na animal ba ‘yon? Hindi ba’t mythical creature ‘yon?” Iniayos ni Asha ang kanyang upo at inilapit ang mukha kay Seb. Ngumiti habang bahagyang kagat ang ibabang labi. "Yup, and you are very lucky to date this mythical creature.” Mapang-akit niyang titig. Si Seb ay muling natulala. Nakangiting nakatulala. At pagkatapos ng isa, o dalawang segundong pagtitig kay Asha ay kaniyang iniangat ang kanyang kamay— Pat, Pat ...mahinhin at dahan-dahan niyang pinalo sa noo ang dalaga. "Aray." Kunot noo na sagot ni Asha habang nagpipigil sa pagngiti ang mga labi. Ang dalaga naman ngayon ang tuliro. Pabirong tinititigan nang masama si Sebastian. Isang minuto na ang lumilipas na walang nagsasalita. Saglit na titingin sa isa't isa tapos agad na ibabaling ang tingin sa iba. Si Seb ang unang bumigay; hindi na siya mapakali. Hindi na niya kinaya ang nakakakilig na katahimikan kaya siya na ang unang nag-aya. "Tara?" Si Asha naman ay nakangiting tumango lang. Pagkakataon naman niya ngayon pagmasdan kung papaano dahan-dahang tumatayo si Seb. Siya nga ay bahagyang natawa pa nang mayanig ang kanilang lamesa dahil nasagi ito ng binata. Buti nga at hindi tuluyang natumba ang baso na may laman pang mga yelo kahit na hindi niya ito nagawang alalayan dahil sa pagiging abala niya sa pagtitig. "Sorry..." Mahinhin na paunmahin ni Sebastian. Si Asha naman ay kinikilig na bumungisngis lang nang marinig ang mapaglarong paghingi ng tawad ng binata At nang tuluyang makatayo na si Seb. Tumingin ulit siya kay Asha at muling nag-aya. "Tara, maglakad-lakad tayo." . . . . Sila ay masayang namasyal. Minsan ay hihinto para magkulitan o mag-asaran. Tumingin ng mga damit, magsukat-sukat. Pumunta rin sila sa isang palaruan at doon nagpaligsahan. Naglaro sila ng isang basketball shooting. Sa una nga ay hindi umabot ng kalahati ang puntos ni Asha sa puntos ni Seb. Ganoon din sa pangalawa. At sa pangatlo. Ngunit sa pang-apat, ang puntos naman ni Seb ang 'di umabot sa kalahati ng kay Asha. Sa totoo nga ay walang naging puntos si Seb dahil kinuha ng dalaga ang lahat ng bola sa pwesto niya. Nang makita nga sila ng nagbabantay ay nagtatawanan silang tumakbo papalayo. Nag meryenda rin sila ng sorbetes. Muling naglakad-lakad, nagkwentuhan. Hanggang sa napagpasyahan na nilang umuwi. Lagpas alas nuwebe na rin ng gabi. Silang dalawa ay bitin na bitin na naglakad papuntang labasan. Ngunit sa kanilang paglabas ay kanilang nalaman na umuulan pala. Dahil ang sakayan kung saan dumaraan ang mga bus na kanilang dapat sakyan ay kailangan pang tawirin. Di na muna sila naglakad paalis. Hindi na rin nila piniling bumalik sa loob ng Mall kasi hindi nila mababantayan ang pag-ulan. "Umaambon, upo muna tayo don." Marahang pag-aya ni Seb habang nakaturo sa isang bangko, hindi kalayuan sa kanila. Napakaraming tao. At napakaingay ng paligid. Bago nga umupo ay napansin ni Seb ang bilihan ng Siopao sa harapan, ito kasi ang kanyang paboritong pagkain. Sobrang dinig din nila ang malakas na boses ng dispatcher ng jeep habang nagtatawag ng pasahero. Minsan nga ay binibiro nito ang ibang dumaraan, "Sir, single ka? Sakto single din 'tong upuan." at kapag babae naman ay.. "Maam, nag-iisa ka? Nag-iisa rin tong upuan, samahan mo na." Natutuwa nila itong pinagmamasdan. Meron ding grupo ng mga binata na napadaan sa kanilang harapan. Hindi ganoon kalayo ang edad ng mga ito sa kanilang dalawa. Ang isa nga ay labis na napatingin, at nagpapansin pa kay Asha. Ngunit nang malagpasan ng mga lalake sila Seb ay nagulat ang lahat. Bigla kasing nadulas ang isa dahil sa muling pagsulyap kay Asha. Nahihiyang napatingin nga ang lalake kay Asha habang ang dalawa naman ay pigil na pigil sa kanilang mga pagtawa. Tahimik nilang pinagmasdan ang maingay na paligid. Ngunit kahit gaano ka ingay ang paligid ay isang bagay pa rin ang nangingibabaw sa kanilang pandinig— Ang mabilis na pintig na nagmumula sa kanilang dibdib. Panakaw na sumusulyap pa si Seb sa kamay ni Asha, gusto niya sana itong hawakan ngunit hindi niya rin makayang gawin. Si Asha naman dahil sa pagod dahil galing pa siyang trabaho ay napabuntong hiningang sumandal sa kanilang kinauupuan. Nang makita ito ni Seb ay biglaan niya na lang din nalaman ang kanyang gagawin. Marahan niyang ginabayan ang ulo ni Asha papunta sa kanyang braso para dito isandal. Hinayaan at sinunod naman ni Asha ang paggabay ng kamay ni Seb. Siya ay tila isang dahon na tinangay ng hangin at ang paglapat ng kanyang ulo sa braso ng binata ay nagbigay ng magaang na pakiramdam sa kanya. Ito ay parang unan na gusto niyang hagkan hanggang siya ay makahimbing. Gusto niya ng pahinga kaya’t ang komportable niyang pagsandal ay sapat na para siya ay makapikit. Nanatili namang pinagmamasdan ni Seb ang maingay na paligid. Kahit nga napansin niyang tumila na ang pagpatak ng ulan ay hindi niya ito pinansin. Ninamnam niya lang ang bawat sandali. Isa, dalawa, tatlo, at ilan pang minuto ang lumipas bago dumilat si Asha. At sa pagdilat niya ay agad niyang iniayos ang kanyang pag-upo. Ang mga mata ay nakatingin sa kanyang mga paa. Nilalaro ang kanyang mga daliri. Halatang hindi mapakali at hindi rin naman nagtagal, siya ay biglang nagsalita. Mahinhin, malambing, at pautal-utal na nagtanong. "Why.. are we.. having.. this date ba?" Mahina ang kanyang pagkakasabi ngunit narinig ito ni Seb. Ang katanungang narinig ay dahan-dahang bumubulong sa isipan ng binata. Ano kaya magandang isagot? Ano ba magandang gawin? Inulan ng mga katanungan ang kanyang isip, nagpatong-patong ang mga at nagdulot ng pagkataranta sa kanya. Muli tuloy siyang nakaramdam ng kba. Dahil si Seb ay hindi sumasagot, inisip ni Asha na baka 'di siya nito narinig kaya't kanyang inulit ang pagtatanong. "Uy.. Why are we having this date ba?" Napatitig na ngayon si Seb kay Asha kaya alam na ng dalaga na narinig na siya nito kaya't tahimik na lang siyang naghintay ng isasagot ni Sebastian. Si Seb naman na kinakabahan ay walang ibang nagawa kundi tumitig nang maigi kay Asha— Sa kanyang namumulang mga pisngi. Sa buhok niyang mahinhin na sumasayaw sa ihip ng hangin. Sa kanyang labi na kanyang bahagyang kagat dahil halatang siya ay kinakabahan din. At sa mata niya na naghihintay ng kasagutan. Tila mahikang naglaho ang labis na pag-iisip ni Seb at kusang bumuka ang kanyang bibig. "Hindi ba't.. ipapa-realize mo sa'kin importance ng marriage?" At ang malambing at mapaglarong pagkakasabi nito ni Seb ay nagbigay ng 'di maipaliwanag na tuwa kay Asha. Hindi ito ang inaasahang marinig ng dalaga. Sa totoo nga ay 'di niya rin naman alam kung ano ang gusto niyang marinig. Hindi niya naman kasi sinusubukan si Sebastian. Hindi ito parte ng mga nakasanayan niyang pag-uusisa katulad ng mga ginagawa niya noon sa kanyang mga manliligaw. Siya lamang ay nagtanong dahil hindi niya alam kung ano ba talaga ang mayroon ngayon. Kung ano ang kahulugan ng maghapon na ito. At dahil ayaw niyang labis na mag-isip, idinaan na lang niya sa pagtatanong, nagbabakasakaling si Seb ay may kasagutan. Ang kasagutan sa kung ano bang mayroon sa kanilang dalawa. Napangiti na lang si Asha. At dahil tuluyan nang tumila ang ulan, sila ay nagsimula nang maglakad ni Seb papuntang sakayan. Kahit nga buong maghapon na silang magkasama. Ang mga mata nila ay walang kapaguran at hindi nagsasawa sa pagnanakaw ng sulyap sa isa't isa habang ang kanilang mga labi naman ay nagpapahinga na kaya't tahimik at magkahawak-kamay na lang silang naglalakad. Nang makarating sa sakayan ay masaya silang nagpaalam sa isa't isa. Nagpaalam sa napaka-makahulugang maghapon na alam nilang tatatak sa kanilang puso at isipan. Ang maghapon na punong-puno ng mga pabaon na alaala. Habang nakasandal nga si Asha sa bintana ng bus ay nararamdaman niya pa rin ang mainit na daliri ni Seb na dahan-dahang dumadampi tuwing siya ay mapaglarong papaluin nito sa noo. At kay Seb naman ay ang tinig ni Asha nang siya ay mahinhin at pautal-utal na nagtanong. Paulit-ulit itong bumubulong. Tila musikang humehele hanggang siya ay makahimbing. Why.. are we.. having.. this date ba.. why.. are we.. having.. this date ba
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD