Chapter XIV – Sa Hindi Pag-Alala

685 Words
[Seb's] October 8, 2022 12:13am "Seb, nagkausap na kayo ni Asha?” Mensahe mula sa napakapamilyar na numero na ilang minuto ko nang tinititigan habang nakasakay at nakasandal sa bintana nitong van. Hindi naman ako nag-iisip ng sasabihin dahil wala akong balak na ito'y sagutin, sadyang naaliw lang ako titigan ang linya na paulit-ulit na lumulubog at lumilitaw habang naghihintay ng letrang aking pipindutin. Sa muling pag-vibrate nga nitong telepono ay agad ko na 'tong pinatay, inalis ang simcard at saka itinapon sa daan. Ayoko masilayan kasi kahit na bahagya ang nilalaman ng panibagong mensahe. Tangina 'tong si Erol, sinabi ko na ngang wag ibibigay number ko, ibinigay pa rin, naiinis kong sabi sa 'king isip. Kaya nga ako lumalayo muna, para maiwasan kong makakita, makaalam, makarinig, o kahit makabasa man lang ng kahit na anong bagay tungkol kay Asha. Nais ko kasing tuluyan siyang makalimutan. Kaya ngayon ay labis akong naiinis dahil ginising ng mensahe na 'yon ang mga gunita na wala pa namang pakundangan. Kapag nagsimula na kasi itong umagos ay rumaragasa na nitong tatangayin ang lahat ng alaala pabalik sa 'kin. Kahit nga bigyan ako ng tinatawag nilang maykapal ng ilang kahilingan ay isa lamang ang aking hihilingin—ang gabi kung kailan kami nagkakilala. Siguradong mas makabubuti kasi 'yon sa'min. Hindi na namin kailangan pang malungkot at masaktan. Kaso, hindi nga pala siya totoo, bulong ko sa sarili. Kaya walang pag-asa na maibigay ang aking hiling. Kailangan ko na lang talaga tanggapin na magiging parte na ng aking hinaharap ang matinding panghihinayang na dulot ng masaya naming mga alaala. Bigla ko ngang naipikit ang aking mga mata, paghahanda sa pabaon na kalungkutan ng pangako sanang magpakailan-kailanman. Ngunit, ang aking konsentrasyon at tila pag-iipon ng enerhiya ay dinistorbo ng mahinhin ngunit paulit-ulit na mga tapik sa 'king balikat. "Excuse.. excuse me," sambit ng babaeng katabi. Tinitigan ko siyang maigi. Siya naman ay ngumiti ngunit mapapansin na siya ay medyo naiinis. Bahagyang nakakunot kasi ang kanyang noo at ang kanyang mga mata ay nagtataka habang malumanay siyang nakakagat sa kanyang ibabang labi—halatang nag-aalangan kung siya ba ay magsasalita ulit. Wala naman akong nasabi, tulala at nanatili akong lutang sa aking kinauupuan. At dahil hindi siya nakakita ng kahit na anong reaksyon, halatadong lalo siyang nabwisit. Bahagya siyang napa-irap ngunit nangibabaw pa rin naman ang hiya sa kanyang tono nang muli niya 'kong kausapin. "Excuse me po, bababa po 'ko.." Nagtaka ako, bakit niya pa kailangang sabihin na siya ay babaa? Nagpapaalam ba siya? Pero hindi naman kami magkakilala. Ano bang meron? Baka gusto niya magpabantay ng gamit? Napalingon ako sa likuran, at saka ko lamang napagtanto na kami pala ay nakaupo sa tabi ng driver seat. Mahirap nga namang bumaba sa kabilang bahagi. Dali-dali ko binuksan ang pinto, at bumaba, kasunod ko ay mabilis siyang lumabas, halata ang bahid ng pagkairita sa kanyang mga mata. Muli akong humingi ng paumanhin, buti naman, at ngumiti siya bago maglakad palayo. Akma na sana akong papasok ngunit bigla akong napasulyap sa kanya. Aking pinagmasdan ang kanyang paglalakad. Magkasingtangkad sila ni Asha. Mas malaya lang ang kanyang buhok dahil madalas na itinatali ni Asha ang kanya. Mas malaman siya konti, pero mas mahinhin siya maglakad. Halatang mahilig din siya sa sneakers, katulad ni Asha ay mukhang trip niya rin i-combo 'to sa palda. Iyan ang mga bagay na agad kong napansin. At sigurado ako, kung siya ay haharap ay mas marami pa akong maihahambing. Bigla na lang akong napangiti, ngiti na hindi dahil sa tuwa, hindi rin dahil sa lumbay. Ngiti na kahit anong pilit ko ay hindi ko maintindihan ang sanhi, o kung ano ang hatid. Ngiti ito na nakasanayan lang. Ngiti na naging natural na reaksyon lamang ng aking mga labi sa tuwing si Asha ay aking masisilayan. At kasunod ng ngiti na 'to ay ang isang panibagong ngiti. Ngiti na bunga nang maghalo ang tamis at pait. Dahil— Tuluyan ko nang napagtanto na kahit saan ako mapadpad, kahit na sino pa ang aking nakikita, at kahit na anong pilit kong kalimutan ang lahat— Si Asha ay parati ko nang maaalala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD