Josh Rain Montez
“Nice game, Josh!” nakangiting bati sa akin ni Byron sabay tapik nito sa braso ko.
“Ang galing mo talaga, Papa Josh!” nakatawang sabi naman ni Ramil sabay akbay nito sa akin habang naglalakad kami pabalik sa bench namin.
Pagod akong naupo doon saka nagpunas ng pawis ko. At pagkuwan ay inabutan ako ng bottled water ng isa kong ka-team at uhaw ko namang ininom iyon. Katulad ng palaging nangyayari ay panalo ulit kami sa basketball tournament ng University namin. At isang laban na lang ay makakarating na kami sa finals, kung saan ang mananalo ang siyang lalahok o magre-represent sa University para sa National Collegiate Basketball Tournament.
Pagkainom ko sa bottled water ay agad kong kinuha ang cellphone ko mula sa bag ko. Nakita ko ang unread text message sa akin ni Yannie kaya naman agad kong binuksan iyon.
From Yannie Ace:
Good luck sa game niyo (smiley emoji)
Napangiti ako saka ako mabilis na nagtipa ng reply sa kanya.
To Yannie Ace:
Thank you. Tapos na ang game namin at panalo ulit kami (wink emoji)
“Josh, sino ba ‘yang ka-text mo lagi?” pagkuwan ay tanong sa akin ni Ramil.
“Oo nga. Napapansin ko lately, lagi mong hawak ang cellphone mo. At madalas ka ding napapangiti mag-isa diyan, katulad ngayon,” puna naman ni Byron.
Napatikhim ako saka ko itinabi ang cellphone ko sa bag ko. “Wala. Sige na, nagutom ako bigla,” tugon ko sa mga ito saka ako mabilis na tumayo bitbit ang bag ko at naglakad na. Kaagad din naman silang sumunod sa akin.
“Don’t tell me may bago ka ulit chicks?” narinig kong pang-aasar ni Ramil sa akin.
“Saan mo nakilala iyan? Bakit hindi namin alam iyan? Huh?” dagdag naman ni Byron habang pinagtatawanan nila akong dalawa.
Hindi ko sila pinansin at sa halip ay nagpatuloy lamang ako sa paglalakad palabas ng gym. Pero natigilan din ako kaagad nang biglang may babaeng humarang sa daraanan ko.
“Josh, congrats sa iyo!” nakangiting sabi ng isang pamilyar na babae sa akin.
“Thank you,” marahan na tugon ko naman dito saka ito nag-abot ng isang maliit na box sa akin na may lamang cupcakes.
“Para sa iyo,” wika niya. Tiningnan ko iyon at nakita ko ang pangalan niya sa maliit na card na nakasulat doon. Naalala ko na. Siya si Bam. Siya ‘yong babaeng nagbigay din sa akin ng cake noong nakaraang game din namin.
Tinanggap ko iyon saka ako maliit na ngumiti sa kanya. “Thank you, Bam. Pero sana ay hindi ka na nag-abala pa—”
“Natandaan mo ang pangalan ko?” masayang tanong niya sa akin.
“Huh?”
Lalong lumapad ang mga ngiti niya sa akin. “Ako mismo ang nag-bake niyan para sa iyo, Josh. Sana ay magustuhan mo,” saad niya pa sa akin.
“Salamat ulit,” tugon ko sa kanya saka ko siya maliit na nginitian at pagkatapos ay nagpatuloy na ako sa paglalakad palabas ng gym.
“Nice one! Iba talaga ang karisma ng isang Josh Rain Montez!” pang-aasar sa akin nina Ramil. Nilingon ko siya saka ko inabot dito ang cupcakes. “Ayaw mo ulit?” tanong nito sa akin.
“I don’t like sweets,” balewalang tugon ko dito saka ako dumeretsyo sa cafeteria ng school para magmeryenda. Napagod at nagutom talaga ako sa laro.
Sumunod pa din naman sa akin sina Ramil at Byron at kinain nila ‘yong cupcakes na ibinigay sa akin no’ng Bam.
“Kaya ba ayaw mo pa rin ng mga ganitong pagkain ay dahil hindi ka pa din nakaka-move on kay Arriane?” pagkuwan ay tanong sa akin ni Byron na siyang ikinatalim naman ng tingin ko sa kanya. “Oops,” aniya sabay subo ng cupcake sa bibig niya.
Habang nagmemeryenda ay kinuha kong muli ang cellphone ko mula sa bag at nakita kong may three unread text messages sa akin si Yannie doon.
From Yannie Ace:
Wow! Ang galing! Congrats! (smiley emoji)
From Yannie Ace:
Pauwi ka na niyan?
From Yannie Ace:
Busy ka na yata (laugh emoji) sige mamaya na lang ulit, may gagawin lang din ako.
Mabilis akong nag-reply sa kanya. Hindi ako busy pero hindi ako nakapag-reply kaagad sa kanya kanina dahil sa pang-aasar sa akin nina Ramil.
To Yannie Ace:
Hindi ako busy. Nasa school pa ako maya-maya pa ako uuwi.
Tatlong minuto ang lumipas ay walang naging reply si Yannie sa akin kaya naman nag-send ulit ako ng text message sa kanya.
To Yannie Ace:
Anong ginagawa mo?
“Sabi na may bagong chicks!” Nagulat ako nang biglang magsalita sa likuran ko si Ramil. “Yannie Ace ang pangalan, Pre!” sigaw niya kay Byron sabay agaw nito ng cellphone ko sa akin.
“Huwag iyan, Pre! Isa!” sigaw ko kay Ramil na mabilis na lumapit kay Byron at ngayon ay tinitingnan na ang cellphone ko. Agad ko silang nilapitan na dalawa at binawi ko ang cellphone ko sa kanila. “Gusto niyo bang masaktan?” pagbabanta ko sa dalawa pero tinawanan lamang nila ako.
“Chill, Pre.”
“So, saan mo nakilala ‘yang bagong chicks mo?” tanong ni Ramil sa akin.
“Hindi ko siya chicks. Okay?” saad ko dito.
“Eh ano mo siya?” tanong ulit ni Ramil sa akin.
“Kaibigan ‘to ni Sissy.”
“Kaibigan?”
“Oo. Si Sissy ang nagpakilala sa akin dito kaya hindi ko ito pwedeng gaguhin.”
“So, seryoso ka sa kanya, Pre?” tanong naman ni Byron sa akin.
“Huh?”
“Wow, finally! May sineryoso ka na din ulit sa wakas!” singit ni Ramil.
“Loko! Huwag mo nga akong itulad sa iyo,” natatawang sabi ko kay Ramil.
Maya-maya lang ay naramdaman ko ang pag-vibrate ng cellphone ko dahil sa reply ni Yannie sa akin.
“Oh, mukhang nag-reply na siya!” sabi pa ni Ramil habang may pang-aasar na sinulyapan ang cellphone ko. Hindi ko siya pinansin at sa halip ay binasa ko kaagad ang reply ni Yannie sa akin.
From Yannie Ace:
Nasa palengke ako. Ibinibili ko ng sapatos mga kapatid ko.
To Yannie Ace:
May mga kapatid ka?
From Yannie Ace:
Oo, madami (laugh emoji)
To Yannie Ace:
Ikaw ang eldest? (laugh emoji)
From Yannie Ace:
Hindi. Pangalawa ako sa panganay (smiley emoji)
To Yannie Ace:
I see (smiley emoji) ikaw? ‘Di ka bibili?
From Yannie Ace:
Hindi. Okay pa naman ang sapatos ko. Sila lang muna.
To Yannie Ace:
Cute naman ng Ate (blushing smiley emoji) ako maluho. But kung may chance I will also do that.
“Kita mo, Pre? Nakalimutan na niya yatang may kasama siya dahil sa kausap niya,” narinig kong sabi ni Ramil kay Byron.
“Gusto ko din tuloy makilala ang Yannie Ace na iyon,” saad naman ni Byron.
Hindi ko sila pinansin at sa halip ay patuloy lamang ako na nakipagpalitan ng text message kay Yannie.
From Yannie Ace:
Gusto mo din ng kapatid? (laugh emoji)
To Yannie Ace:
Not anymore. May makulit na akong sis (laugh emoji)
From Yannie Ace:
Hmm. Contented?
To Yannie Ace:
Hindi pa. Wala ka pa (laugh emoji)
Malawak akong napangiti dahil sa huling naging reply ko kay Yannie.
“Pre, delikado na ‘to. Ngumingiti na naman siya ulit ng mag-isa dahil sa kausap niya,” narinig kong sabi na naman ni Ramil.
Kinuha ni Byron ang cellphone niya saka siya bumalin ng tingin sa akin. “Ganito na lang, Josh, anong social media account niya? Search namin para naman makita namin siya—”
“Ayaw ko nga,” mabilis na sagot ko kay Byron.
“Huh? Ayaw mo?”
“Bakit niyo naman siya kailangang tingnan?” balik na tanong ko kay Byron.
“Wow! Pinagdadamot niya sa atin ‘yong kausap niya, Pre!” pang-aalaska ni Ramil sa akin.
“Oo nga eh. Kita mo ‘yong mukha niya, Pre? Parang aatakihin niya tayo any time,” pang-aasar din ni Byron sa akin.
“Ewan ko sa inyo,” tugon ko sa mga ito saka ako tumayo at dere-deretsyo nang naglakad palabas ng cafeteria ng school.
“Oy, saan ka pupunta?” sigaw ni Ramil sa akin.
“Uuwi na!” pasigaw na sagot ko naman sa mga ito hanggang sa tuluyan na akong makalayo sa kanila. Dumeretsyo ako sa sasakyan ko at doon ko tiningnan ang reply ni Yannie sa akin. Natawa naman ako nang makitang blush emoji lamang ang reply niya sa akin.
Sa ilang araw na pakikipag-usap ko sa kanya ay aaminin kong natutuwa talaga ako. Gusto ko siyang mas makilala pa ng lubusan. At siguro naman ay normal lang ang ganitong pakiramdam sa pakikipagkaibigan. Bago ako magmaneho ng sasakyan pauwi ay nagpaalam muna ako sa kanya. Hindi ko din alam kung bakit nagagawa kong magsabi o magpaalam sa kanya ng mga bagay na gagawin ko. Pero ganoon din kasi siya sa akin kaya alam namin ‘yong ginagawa ng isa’t isa. And I found it cute.
Pagkadating ko sa condo ko ay ang cellphone ko kaagad ang unang hinawakan ko.
Nakita ko na si Yannie sa personal noong sinamahan ko si Sissy sa press conference ng 4SBLUE. Nakita ko na din siya sa picture nang minsang ipinakita sa akin ito ni Sissy. Pero si Yannie, hindi ko alam kung may ideya na ba siya kung ano ang itsura ko. Hindi naman kasi niya ako mase-search sa mga social media accounts dahil wala akong ganoon. Oo, hindi uso sa akin ang social media. Wala akong hilig sa ganoon but this time, natagpuan ko na lang ‘yong sarili ko na gumagawa ng account para doon. Para kay Yannie.
To Yannie Ace:
Nakauwi na ako (smiley emoji) gumawa akong social media account. Pwede kitang i-add doon?
Maya-maya lang ay nag-reply na din kaagad siya sa akin.
From Yannie Ace:
Sure (smiley emoji)
Reply niya saka niya ibinigay sa akin ang sa kanya. Sinearch ko iyon at agad namang lumabas iyon sa akin. Tiningnan ko ang account niya at napakunot naman ang noo ko nang makitang puro 4SBLUE ang naka-post doon. Parehong-pareho ng kay Sissy. Oo nga pala at fan na fan din siya ng 4SBLUE. Naalala ko tuloy noong time na makita ko siyang nakikipagbaliwan kay Sissy noong press conference ng 4SBLUE.
To Yannie Ace:
Puro 4SBLUE naman post mo. Puro picture pa nung Justin Song (sad emoji)
From Yannie Ace:
Kilala mo din sila? (laugh emoji)
To Yannie Ace:
Gawa ni Sissy (unamused emoji) baliw na baliw sa 4SBLUE na iyan. Bakit ganyan kayo ni Sissy sa mga iyon? Hindi naman nila kayo kilala.
From Yannie Ace:
Talented kasi sila. Lahat sila bukod sa pagkanta at pagtugtog, magaling din silang mga aktor.
To Yannie Ace:
Sus (unamused emoji)
From Yannie Ace:
(Laugh emoji) Try mo panoorin ‘yong drama ni Justin Song. Maganda iyon kasi happy ending.
To Yannie Ace:
Gusto mo may endings? Ako ayaw ko mag-end ‘yong mayroon tayo.
Ilang minuto ang lumipas bago nag-reply ulit si Yannie sa akin.
From Yannie Ace:
Ang hilig mo naman bumanat (laugh emoji)
To Yannie Ace:
I’m just telling the truth. Actually, wala pa nga akong nauumpisahan sa iyo. Pero kapag nagkita na tayo, babawi ako (wink emoji)
From Yannie Ace:
Ikaw talaga. Hindi mo naman kailangang bumawi (laugh emoji)
To Yannie Ace:
Napapasaya mo ako (blushing smiley emoji)
From Yannie Ace:
Parang clown? (laugh emoji)
Natawa ako sa reply niya. Mula pagdating ng condo ay inuna ko nang hawakan ang cellphone ko kaysa maglinis ng sarili at magpalit ng damit.
To Yannie Ace:
I like you (laugh emoji)
From Yannie Ace:
Uy, bakit ganyan?
To Yannie Ace:
Bakit? May sinabi ba akong iba? I just said I like you (laugh emoji)
From Yannie Ace:
Okay. I like you too (laugh emoji)
Naubo ako sa nabasa kong reply ni Yannie sa akin kaya naman agad akong napatayo at napainom ng tubig. Bigla akong nainitan kaya naman nagsabi na muna ako sa kanya na mamaya na lang ulit ako magte-text sa kanya dahil may gagawin lang ako sandali. Magse-send na din sana ako ng friend request sa social media account niya nang bigla ko naman makita ang naka-tag na post at picture sa kanya doon ng isang lalaki.
“Jomar Racoles?” pagbasa ko sa pangalan ng lalaki. Isang group photo iyon kung saan ay magandang nakangiti si Yannie habang… nakatingin at nakangiti ‘yong Jomar sa kanya. At base sa nakikita ko, sa tingin ko ay hindi lang basta kaibigan ang tingin ng lalaking ito kay Yannie.
Tiningnan ko ‘yong account no’ng Jomar at nakita ko ang iilang public photos niya kasama si Yannie. Mas gwapo ako sa lalaking ito pero mabuti pa siya, malapit lang siya kay Yannie.