SUNSET
Kahit gumalaw na ang labi niya sa labi ko ay nanatili pa rin akong tuod. Para akong estatwa na hindi gumagalaw sa pwesto ko. Ano ba ang alam ko sa paghalik e, ito ang unang beses na hinalikan ako? Isa pa, De Luca itong humahalik sa ‘kin, hindi ba parang nakakagulat dahil wala sa hinagap ko na hahalikan ako ng isang De Luca at anak pa ng may-ari ng unibersidad?
Parang napaka-expensive para sa ‘kin ng halik niya. Parang hindi siya basta humahalik ng babae lalo na kung hindi naman niya type. Pero heto ako, nasa harap niya at hinahalikan.
Lalo pa nanlaki ang mata ko at napasinghap ng hapitin niya ang baywang ko. Mas lalo pa nagdikit ang mga katawan naming dalawa dahil sa ginawa niya. At ang loko, nawili sa paghalik sa akin dahil habang ako ay nakamulagat at hindi pa maproseso ng utak ko ang nangyayari, siya naman ay tila ninanamnam ang bawat sandali na nakalapat ang labi niya sa labi ko dahil nakapikit pa ang mga mata nito.
Napakapit ako ng mahigpit sa gilid ng damit niya ng sinusubukan pasukin ng dila niya ang loob ng bibig ko. Dito na ako natauhan at bumalik sa aking katinuan. Kaagad ko siyang tinulak ng ubod lakas kaya napaatras siya ng bahagya. Mabilis namang dumapo ang palad ko sa pisngi niya.
Tumagilid ang mukha niya dahil sa lakas ng sampal ko. Pero parang hindi man lang siya nasaktan at tila balewala lang ang ginawa ko dahil sumilay pa ang ngisi sa labi niya. Kasabay nito ang pagak niyang tawa na tila hindi makapaniwala na may sumampal sa kanya.
Tatlo na ang nasampal ko. Una ay si Atty. Ulysses. Sumunod ay si Andrew at ngayon ay si Mr. De Luca. Parang ito yata ang buwan na marami akong masasampal.
“Huwag n'yo akong itulad sa mga babae na sa isang pitik lang ng daliri ay makukuha n'yo na. Ibahin mo ako, Mr. De Luca. Gusto ko makabawi sa pagtulong mo sa ‘kin pero hindi ibig sabihin nito ay may karapatan ka ng bastusin ako. I-respeto n'yo naman po sana ang sinabi ko na ikakasal na ako,” nanggigigil na sabi ko rito.
Blangko ang mukha ng titigan niya ako. “Do you think I will believe you, huh? Hindi rin ako ang tipo ng tao na basta maniniwala sa sinabi mo. Hindi ko makakalimutan ang sinabi mo na nagtatrabaho ka para makapag-ipon ng pera para sa sakit ng nanay mo. Tapos sasabihin mong ikakasal ka?” Pagak siyang tumawa. “Liar.”
Nagpanting ang tainga ko sa huli niyang sinabi. Hindi ako pinalaki ng magulang ko para maging sinungaling.
“Katulad ng sinabi ko ay hindi kita pipilitin na paniwalaan ako. Kung ayaw mong maniwala, bahala ka sa buhay mo!”
Tinalikuran ko siya at pumihit paharap sa pintuan. Mabilis ko itong binuksan para lumabas.
“Hey.” Napahinto ako ng palabas na ako ng pintuan. “Next time, I will teach you how to kiss.”
Marahas akong pumihit paharap at masama ang tinging ipinukol sa kanya. Mas lalo lang ako nanggigil ng makita ko ang ngisi sa labi niya.
Hindi maipinta ang mukha ko habang malalaki ang hakbang na naglalakad palabas ng school. Mabigat at masama ang loob ko. Hindi ako makapaniwala na may first kiss na ako at ang antipatiko na si Mr. De Luca pa ang unang humalik sa ‘kin. Nagsisi ako na pinuntahan ko pa siya.
Nag-aabang na ako ng jeep ng may huminto na sasakyan sa harap ko. Nang bumaba ang bintana sa driver's seat ay umikot ang mata ko. As usual, magkasama na naman ang dalawang alipores ni Mr. Trevino.
“Uuwi ka na, Ms. Sunshine?” tanong ni Bucke.
“Oo. Bakit?” mataray kong tanong.
“Ihahatid ka na namin. Remember, wala kang masasakyan papunta sa mansion,” tila nang-iinis na paalala nito sa ‘kin.
Hindi ako sumagot. Nakairap na binuksan ko na lang ang pintuan at nakasimangot na umupo sa loob ng sasakyan.
“Kailangan kong makausap si Mr. Trevino,” sabi ko.
Nagkatinginan ang dalawa at parang sila na naman ang nagkakaintidihan sa palitan nila ng titig sa isa't isa.
“Magpadala ka na lang ng mensahe, Ms. Sunshine. Masyadong busy na tao si boss kaya baka hindi mo rin siya makausap,” sagot ni Seff.
“Sige. Ibigay mo na lang ang number sa ‘kin para hindi ko na rin kayo naaabala.”
Napabuntong-hininga si Seff at walang nagawa kundi idikta sa akin ang numero ni Mr. Trevino. Kaagad naman ako nagpadala ng mensahe dito.
“Si Sunset ito, Mr. Trevino. Alam kong nakakahiya sa katulad kong babae na ako pa ang magsasabi nito pero kakapalan ko na ang mukha ko. Bigyan mo ako ng engagement ring. Okay lang kahit hindi mahal. Hindi naman ako materialistic na babae. Kung hindi mo ako mabibigyan, okay lang. Ako na lang ang bibili sa sarili ko.” Ito ang laman ng mensahe na pinadala ko sa kanya.
Sinandal ko ang likod sa sandalan ng upuan at tumingin sa labas. “Papasok ako sa trabaho mamaya. Pwede ba ako magpahatid kahit sa labasan?”
Ilang segundong katahimikan ang namayani sa loob ng sasakyan.
“Alam na ba ni boss?” tanong ni Seff.
“Hindi ko kailangan sabihin sa kanya. Alam naman siguro niyang may trabaho ako kaya wala siyang magagawa kung gusto kong pumasok,” walang paligoy-ligoy na sabi ko.
Hindi na nagsalita si Seff. Kung gusto niyang sabihin sa amo niya ay bahala siya. Ang sagot lang ni Mr. Trevino ay ang gastusin sa ospital ni nanay kaya kailangan ko pa rin kumayod para sa allowance ko.
Napatuwid ako ng upo ng maalala ko na dadalawin ko pala amg magulang ko. Para masiguro kung nasaan sila ay tumawag muna ako.
“Hello, anak.” Si Tatay Eloy ang sumagot.
“‘Tay, nasaan po kayo?”
“Nandito na kami sa bahay, anak. Tapos na ang check up ng nanay mo. Nasa kwarto ang inay mo, nagpapahinga.”
“Pupuntahan ko po kayo.”
“Sige, anak. Oo nga pala, huwag na sa dating bahay natin. Nilipat kami ni Mr. Trevino ng tirahan.”
Hindi kaagad ako nakapagsalita sa sinabi ng tatay ko. Isang taon lang ang kontrata pero bakit kailangan pa ilipat ng tirahan ang magulang ko?
“Saan po iyan?”
Pagkatapos sabihin ni tatay ang address ay tinapos ko na rin ang pag-uusap naming dalawa. Binalingan ko si Bucke at sinabi dito ang address na sinabi ni tatay.
Mahigit bente minutos lang ang biyahe namin bago narating ang bahay. Hindi na rin ako magtataka kung mabilis kami nakarating dito ng hindi nagtatanong ang dalawa kong kasama. Alam nilang lumipat ang magulang ko dahil nga alipores sila ni Mr. Trevino. Medyo nabigla lang ako dahil malaki ang bahay na tumambad sa harap ko.
Pagpasok ng sasakyan sa gate, nakita ko ng nag-aabang na si tatay sa labas ng pintuan. Paglabas ko ay kaagad niya ako sinalubong ng yakap.
“Namiss kita, anak.”
Nakagat ko ang ibabang labi ko sa sinabi ni tatay. Kasabay nito ang pang-iinit ng mata ko. Nakakapanibago na hindi ko sila kasama pero kailangan ko magtiis ng isang taon.
“K-kayo rin po, ‘tay,” garalgal ang boses kong tugon.
Inakay na ako ni tatay papasok sa bahay. Marami ako gustong itanong pero gusto ko muna makita si nanay. Umakyat kami sa ikalawang palapag at pumasok sa isang silid. Nadatnan ko si nanay na nakahiga sa kama.
Lumapit ako at umupo sa tabi nito. Nagmulat naman kaagad ito ng mata ng maramdaman niya ang presensya ko.
“Kumusta po, ‘nay?” nakangiting tanong ko.
Hinawakan nito ang kamay ko at dinala sa pisngi niya. “Okay lang ako, anak. Ikaw, kumusta ka?”
“Okay lang po ako. Huwag n'yo na po ako alalahanin. Kaya ko po ang sarili ko. Kumusta po ang check up n'yo?”
“Ang sabi ng doctor na tumingin sa akin ay pwede na ako maoperahan sa susunod na linggo. Kaya kailangan ko ng sapat na pahinga para nasa kondisyon ang puso ko kapag inoperahan ako,” paliwanag nito.
Napangiti ako sa sinabi nito. Medyo makakahinga na ako ng maluwag dahil sa wakas ay mao-operahan na ito.
“Mabuti naman po kung gano'n. Hindi na ako makapaghintay, ‘nay.”
Ngumiti ito ngunit bakas ang lungkot sa mga mata nito.
“Patawarin mo kami, anak. Sana wala kang sama ng—”
“‘Nay, wala ho kayong dapat na ihingi ng tawad. Mabuti na rin na may tumulong sa atin para mapadali ang pagpapa-opera ninyo,” nakangiting sabi ko. “Si Mr. Trevino po ba ang kasama n'yo ng lumipat kayo dito? Ano po ba ang sabi niya?”
Tumagos ang mata ni Nanay Sely sa likuran ko. Napalingon naman ako at nakita ko ang bakas ng pagkalito at pagtataka sa mukha ni Tatay Eloy.
“Hindi pa namin nakikita si Mr. Trevino, anak. Ang abogado lang niya ang humarap sa amin,” sagot ni tatay.
Kumunot ang noo ko. “Pero bakit sinabi n'yo na nangako si Mr. Trevino na aalagaan ako kung hindi n'yo pa pala s'ya nakakaharap?”
Bumuntong-hininga si tatay bago lumapit at tumabi ng upo sa akin.
“Ayaw namin pumayag ng una dahil sino ba namang magulang ang basta na lang ipamimigay ang anak sa ibang tao na hindi naman namin lubos na kilala? Kaya tinawagan ng abogado si Mr. Trevino at pinakausap kami.”
Tumango-tango ako. Pero may isang tanong ako na kailangan kong malaman. “Bakit nga ba pumayag kayo? Ano po ba ang sinabi ni Mr. Trevino at napapayag niya kayo?” May bakas ng hinanakit sa boses ko pero wala na itong magagawa lalo na at pumirma na ako sa kontrata at maipapagamot na rin si nanay.
Tumahimik ang buong silid. Parang mahirap para sa kanila sabihin ang dahilan kaya nirerespeto ko ang pananahimik nila. Hindi ko sila pipilitin kung ayaw nila sabihin. Ang mahalaga naman dito ay maoperahan si nanay sa lalong madaling panahon.
“I'm sorry po. Kalimutan n'yo na lang po ang sinabi ko,” hingi ko ng paumanhin sa magulang ko.
Isang oras lang ako nagtagal sa bahay at nagpasya ng umalis. Pagdating sa bahay ay kaagad akong sumalampak ng higa sa kama kahit hindi pa ako nakakapagbihis. Binisita ko naman ang phone ko para alamin kung may reply na ba si Mr. Trevino.
Sumimangot ako dahil wala pa itong sagot sa mensahe ko. Sana pala ay hindi na lang ako nag-text. Parang napahiya pa ako sa pang-i-snob nito sa akin.
Tumagilid ako ng higa. Kumunot ang noo ko ng mahagip ng mata ko ang kulay pulang kaheta na nakapatong sa ibabaw ng bedside table. Umupo ako at inabot ito. Sa ilalim nito ay may card kaya binuklat ko ito.
“Here's your request. I can't wait to see my future wife.”
Unti-unti sumilay ang ngiti ko sa labi ng mabasa ko ang nakasulat. Sa totoo lang ay ngayon lang ako kinilig ng ganito. Parang napaka-espesyal ko dahil nagawa pa niya mag-iwan ng sulat. At ang ganda pa ng penmanship niya, ha.
May ideya na ako kung ano ang nasa loob ng kaheta kaya malapad ang ngiti na binuksan ko ito. Napanganga ako at tila kuminang ang mata ko ng makita ko ang singsing. Silver ito at takaw pansin kaagad sa mata ang kumikislap na bato sa gitna nito. Sigurado rin akong hindi basta-basta ang singsing na ito. Sana mura na lang ang binigay niya dahil isang taon lang naman ang kontrata.
Sinadya ba niyang pumunta dito para dalhin ang singsing na ito habang wala ako o pinadala lang niya?
Kaagad kong dinampot ang phone ko at nagpadala ng mensahe sa kanya.
“Salamat sa singsing. Akala ko ay in-snob mo ang mensahe ko,” sabi ko.
Segundo ko pa lang pinadala ang mensahe ay may sagot na kaagad siya.
“I can't refuse my future bride's request. I promise to put the ring on your finger next time.”
Muli akong napangiti. “Salamat ulit. Papasok nga pala ako mamaya sa trabaho,” paalam ko. Nasa mood akong kausap siya kaya kahit hindi ko na dapat sabihin ay sinabi ko.
“I know. Sinabi na sa ‘kin ni Seff. I told you, hindi muna kita pakikialaman ngayon. Just stay safe. I promised your parents that I would take care of you, and I don't want to break that.”
I bit my lower lip. Mabait naman pala si Mr. Trevino. Pero hindi pa rin sapat para magtiwala ako sa kanya.
“Salamat. Oo nga pala, pwede ko ba mahingi ang social media account mo. Magpapadala ako ng picture na suot ang singsing,” sagot ko.
Kinuha ko na ang singsing sa kaheta at sinuot it osa daliri ko. Kaagad ko naman ito kinuhanan ng larawan.
Sa totoo lang ay labag sa kalooban ko ang pagpapakasal pero bakit tuwang-tuwa ako na makita na may engagement ring akong suot?
“I don't have one. I'm a private person. Just send it to my email account.” Naka-attached sa message niya ang email account niya.
Wala akong nagawa kundi i-send na lang sa email niya. Nirerespeto ko ang pagiging pribado niyang tao. Wala rin ako sa posisyon para mangulit sa kanya.
Mayamaya lang ay tumunog na ang message alert ng phone ko kaya kaagad ko binasa ang mensahe niya.
“It suits you. I like it,” sabi nito.
“Thank you.”
Hinintay ko na muli siyang sumagot ngunit nakalipas na ang ilang minuto ay wala na akong natanggap na mensahe mula kay Mr. Trevino. Baka nga sobrang busy nitong tao at siningit lang niya ako.
Natulog muna ako ng ilang oras. Paggising ko ay kaagad akong naligo. Nang makapagbihis ay inayos ko ang mga gamit na dadalhin ko sa shop. Pagbaba ko ay hinanap ko si Ate Mercy para magpaalam. Natagpuan ko naman ito sa kusina.
“Aalis ka?” tanong kaagad niya.
“Opo. Papasok po ako sa trabaho.”
Nabalot ng pagtataka ang mukha nito.
“Huwag po kayong mag-alala, nagpaalam ako kay Mr. Trevino na papasok ako sa trabaho,” maagap na paliwanag ko.
Tumango-tango na lamang si Ate Mercy.
“Hindi ka na ba magha-hapunan?”
“Hindi na po. Sa shop na lang po ako kakain. Kailangan ko po pumasok ng maaga kasi hindi po ako nakapasok kahapon. Kailangan ko po bawiin ngayon,” paliwanag ko.
“Ganon ba? O, sige. Mag-iingat ka. Ano ba ang oras ng uwi mo?”
“Madaling araw na po, e.”
Tila natigilan ito sa sinabi ko. Hindi na ito nagsalita at tumango-tango na lamang.
Paglabas ko ay naghihintay na sa akin ang dalawa. Pinagbuksan na rin ako ng pintuan ni Seff sa backseat.
“Madaling araw pa ang labas ko sa shop. Maghihintay ba kayo sa akin?” tanong ko ng nasa daan na kami.
“Yes,” sabay nilang tugon.
“Sigurado kayo? Baka mabagot kasi kayo. Pwede n'yo naman akong balikan sa shop kapag pauwi na ako. O kaya ay magta-taxi na—”
“Hindi pwede, Ms. Sunshine. Kailangan kami pa rin ang maghahatid sa ‘yo sa mansion,” sabi ni Seff.
Wala na akong nagawa kundi tumango na lamang. Pagdating sa shop ay kaagad kong hinanap ang manager ko at nagpaliwanag kung bakit hindi ako nakapasok. Hindi ko lang sinabi ang totoong dahilan dahil masyado na itong pribado. Nag-request din ako na papasok ako ng maaga para mabawi ko ang araw na wala ako.
Mabilis ang oras lalo na at sunod-sunod ang customer. Alas dyes na ng gabi at ako ang naka-duty sa counter. Narinig ko ang tunog ng wind chime sa pintuan, hudyat na may customer na pumasok.
Nang maramdaman ko ang presensya ng customer sa harap ko ay ngumiti ako at unti-unti nag-angat ng mukha.
“Good evening. Welcome to Midnight Café. What's your order—” Hindi ko na natapos ang sasabihin ko. Unti-unti nawala ang ngiti sa labi ko ng makita ko kung sino ang nasa harap ko. “I-ikaw?”
“Yes. Hindi mo ako pwedeng sungitan dahil customer ako.”
Inismiran ko siya. Hanggang dito ba naman ay iinisin niya ako?
“Ano'ng order mo?” nakasimangot na tanong ko.
“Iyan ba ang tamang pagtatanong sa customer? Nasaan ang manager mo?”
Nanlaki ang mata ko at napasinghap ako. Baka isumbong niya ako sa manager ko. Kaya kahit naalibadbaran ako sa pagmumukha niya ay peke akong ngumiti.
“Sorry na. Ano po ba ang order n'yo, sir?” tanong kong muli at tinuon ang tingin sa Order Display Monitor.
“You, Sunny.” mabilis nitong sagot.