The Cleaners’ POV
Tahimik akong nakasilong sa likod ng sirang container van. Sa bawat pag-indayog ng balakang ng babaeng iyon, sa bawat malanding hagikhik niya habang binibilang ang perang hinuthot niya, lalo lamang tumitindi ang apoy sa dibdib ko.
Marumi sobrang dumi.
Kasingdumi ng babaeng sumira sa buhay ng nanay ko. kasingdumi ng babaeng dahilan kung bakit nagpakamatay siya.
Humigpit pang lalo ang pagkakahawak ko sa hawakan ng metal pipe na kanina pa namamawis sa kamay ko. Walang pagmamadali, walang kahit kaunting kaba sanay na ako, matagal kong pinaghandaan ang misyong kong ito.
Pinagmasdan ko ang bawat hakbang ng babae – walang kamalay-malay. Umaalon ang kanyang baywang, pakanta-kanta pa, akala mo siya ang reyna ng gabi.
Hindi niya alam… na ang gabing ito ay huling gabi na niya. kahit ang paghinga ko, ay kinokontrol ko. hindi pwedeng may kaluskos. Hindi pwedeng may makaalam. Lumapit ako habang nakayuko. Sumabay ako sa mga anino ng mga naglalakihang track. Isang hakbang…. dalawa…. tatlo… sa bahay ni – saka ako mabilis na umatake.
Pak!
Isang hampas sa ulo. Walang sigaw. Walang laban. Eksakto. Tulad ng dati. Bagsak siya sa malamig na semento, parang basang tela. Sa wakas…. Tahimik na. hindi na siya magpapanggap na malinis. Hindi na siya makakahuthot pa ng pera sa kapwa.
Kalmado akong lumuhod sa tabi niya. Kinuha ko ang tissue mula sa aking bulsa. Sinulat ko sa pamilyar na sulat kamay: “Linisin ang marumi.” Maingat ko itong ipinatong sa kanyang dibdib, gaya ng dati – marka ng paglilinis ko sa mundong ito.
Tumingala ako saglit sa kalangitan. Madilim. Wala ni isang bituin. Sakto. Kagaya ng mga kaluluwang nalinis ko. Mabilis, tahimik, para akong multo na naglaho sa dilim – habang iniiwan ko ang katawan niya, malamig, walang buhay, at walang halaga.
Isa na namang basura ang tinanggal ko sa mundong ito. Ngunit hindi pa ako tapos.
Hindi pa…
Marami pa sila… mga ahas na nagpapanggap na kordero. Mga halimaw na nagtatago sa mga ngiti at sa mga lambing.
Mga kasinungalingang nakabalot sa balat ng tao. Kumukulo ang dugo ko habang iniisip ko ang mga mukha nila. mga maamo, makikinis, kaakit-akit… pero sa loob? Bulok. Ubod ng kabulokan!
Kaya kailanagan silang linisin… Ito ang misyon ko. Hindi ko pinangarap na maging ganito ako. hindi ko pinangarap na maging tagapag linis ng mga maruruming kaluluwa.
Pero habang nakikita ko ang paghihirap ng nanay ko – unti-unti siyang gumuho dahil sa sa mga babaeng katulad nila – doon ko naintindihan. Walang ibang kikilos kundi ako. napangiti ako habang pinupunasan ang dugo sa gilid ng aking hoodie gamit ang tissue.
Walang bakas. Walang ebidensya. Malinis.. palaging malinis ang trabaho ko.
Makaraan ang ilang minuto, isang lasing na drayber ng track ang nakakita sa katawan ng babaeng panibagong biktima.
“Dios ko po! May pat*y! Tulong! tulong may pat*y dito!” sigaw ng lalaki na halos mabaliw sa magkahalong takot at pagkagulat na kanyang nararamdaman. Ang kanyang malakas na sigaw ay nag echo sa katahimikan ng gabi dahilan upang magising ang mga tao na nandoon.
Samantala sa presinto…….
Abala padin si Shara sa pagsisiyasat sa nakuhang CCTV sa lumang tindahan ilang metro lamang sa pinangyarihan ng krimen. Nag pause siya sa isang frame: isang lalaking nakasuot ng itim na hoodie at nakayuko habang naglalakad papalapit sa crime scene ni Monica. Nanigas ang kanyang batok. Ramdam niya ang pagbilis ng t***k ng kanyang puso. Ngunit bago pa niya maipagpatuloy ang pag-aanalisa, biglang bumukas ang pinto ng kanyang opisina.
“Ma’am!” tawag ng hinihingal na pulis sa kanya. “May bagong bangkay na naman po ng babae ang nakita parehong modus.” Wika ng hinihingal na pulis.
Nanglaki ang mga mata ni Shara. Ni hindi pa man lang nga naililibing si Monica, ito at may panibago na namang biktima. May panibago na namang nilinis ang killer.
Sa isang madilim na kanto sa may gilid ng riles, ilang metro lamang ang layo mula sa mga kilalang nightclub ng Avenida. Tumambad kay Shara ang eksena: yellow tape, flashing lights, at isang bangkay na nakasuot ng pink na mini dress. Ang babaeng nakahandusay at wala nang buhay sa malamig na semento ay kinilalang si Sarah Valdez, 26 taong gulang – ayon sa ID na nakuha sa kanyang handbag.
Maganda, maputi, kulot ang mahabang buhok. At katulad ni Monica ay kilala din siya bilang babaeng nagbebenta ng aliw. Nilapitan ni Shara ang bangkay ng babae. Doon sa dibdib ng babae ay nakalapat ang isang piraso na naman ng tissue paper.
Parehong sulat. Parehong pahayag.
“Linisin ang Marurumi.”
Napabuntong hininga si Shara. Katulad ng naunang biktima ay wala ding sapilitang paghubad. Walang palatandaan ng struggle. Isang malinis na execution – isang hampas ng kung anong matigas na bagay sa ulo, sapat para kitilin ang buhay niya. katulad ni Monica.
Nilapitan ni Shara ang pulis na naka-assign sa area.”
“Anong oras natagpuan ang bangkay?”
“Mga alas-dos ng madaling araw po, ma’am,” agad namang sagot ng pulis.
“May isang drayber ng track ang nakakita. Nakita nya raw po, na may anino ng lalaki ang umalis, pero hindi niya nakita ang mukha. At nang naglalakad daw siya pabalik sa track na minamaniho niya ay nakita niya ang bangkay ng babae. sumigaw daw siya ng sumigaw dahil sa takot at para humingi na din ng tulong kaya nagising na din ang iba pang driver na nakatambay at natutulog sa nakaparada nilang sasakyan.” Mahabang paliwanag ng pulis.
Tumango-tango si Shara at mariing kinuyom ang kanyang kamao.
Dalawang biktima.
Parihong babae.
Parehong hanapbuhay…
Parehong pinatay ng mabilis, tahimik, at may iisang mensahe. Wika ni Shara saka mariing tumingin sa kasama niyang forensic pathologist.
“May pattern na malinaw dito, Detective,” agad namang wika ni Dr. Sanchez habang pinapakita ang analysis niya. “The killer thinks he’s doing a ‘moral cleaning.’ Sa isip niya, siya ang ‘tagapagligtas.’ Sa tingin ko ay hindi ito basta galit – may personal crusade.”
Tumango naman si Shara bilang pagsang-ayon sa mga sinabi ni Dr. Sanchez.
“sa tingin po ninyo, ilang araw po kaya bago siya umataking muli?” tanong niya.
Umiling si Dr. Sanchez. “Kung nasimulan na niya ito, magiging mabilis na ang cycle. Hindi siya titigil hanggat hindi siya nahuhuli… o kaya ay hanggang sa siya mismo ang mapatay.” Seryosong wika ni Dr. Sanchez. Marahas namang napabuntong hininga si Shara. Ramdam niya ang bigat sa kanyang dibdib at ang labis-labis na kagustohan na mahuli agad ang killer upang matapos na ang p*****n, upang wala nang enosente pang babae ulit ang mabiktima.