"MRS. Li, bakit gan'on kasama ang ugali ng alaga mo? Lagi pang aburido sa buhay," pakli ni Seven kay si Mrs. Li. Napag-alaman niyang ito pala ang personal na tagapagsilbi ng wirdong si Kinette.
Kasalukuyan silang nasa malaking kusina at katatapos lang nilang maghapunan. Kasabay rin niyang kumain ang halos may sampung tagapagsibli ng mga Wong na binubuo ng dalawang driver, dalawang hardinero , limang maids at dalawa pang bodyguard ni Kinette.
Si Kennedy Wong naman ay may personal bodyguards na hindi lalagpas sa sampu. Ito ang kasa-kasama ng lalaki sa t'wing umalis ito sa mansyon. Gusto nga sana niyang mapabilang doon pero sa tingin ni Seven ay mahihirapan siya. Mas madali sana ang kanyang trabaho pag nagkataon.
But for now, malabo pa 'yon sa tubig-kanal. Bago pa lang kasi siyang tauhan ni Kennedy Wong kaya't kailangan muna n'yang magpasikat para pagkatiwalaan nito. Kaya pansamantala— na wish n'ya ay 'wag namang maging pansamantagal— ang wirdong anak muna nito ang pagtitiyagaan niyang pakisamahan.
Doon na rin siya mismo sa mansyon nakatira dahil iyon ang gusto ng kanyang boss kuno. Ang sabi pa nito, kailangang doon raw siya tumira para mabantayan nang husto ang suwail nitong anak. He has to watch over her wherever she goes, 24/7.
Kaya naman bago niya gawin ang misyon, nagpaalam na siya sa kanyang parents at pati na rin kay Lexi. Matagal-tagal din kasi silang hindi magkikita ng nobya dahil sa kanyang misyon. Well, 'liban kung kailangan n'yang mag-report sa DISG, pwede niya itong puntahan kahit sandali.
Lexi had no idea what his real job was. Ang alam lang ng kanyang girlfriend, may family business siyang mina-manage. Which is half truth dahil mayr'on naman talaga silang advertising company. Iyon nga lang, mina-manage 'yon ng kanyang daddy. Kinausap na rin n'ya ang parents niya sa 'pag uusisain siya ni Lexi ay magdahilan na lang ang mga ito.
Ayaw lang kasi niyang mag-alala pa ang girlfriend tungkol sa trabahong pinili niya. Besides, ayaw din n'ya ng destructions 'pag nasa misyon siya kaya mas mabuti nang hindi nito alam ang totoo.
"Naku, hijo, pagpasensyahan mo na lang si Ms. Kinette. Talagang ganoon na siya magmula noong mamatay ang kanyang Mommy," ani Mrs. Li habang nagsasalin ng kape sa tasa. "Pero mabait naman iyon at malambing," dagdag pa ng matanda sabay abot sa kan'ya ng tasa ng fresh brewed coffee.
Mabait? Duda ko d'on. Sa isip lang niya sinabi 'yon. "Gan'on po ba? Sana mahipan siya ng hangin para pati sa'kin, maging mabait din siya," sagot na lang niya sabay higop ng kape.
"Alam kong sa una lang iyan at paglaon ay magkakasundo rin kayo, hijo. Sa ngayon, pagpasensyahan mo na muna siya, ha?" ani Mrs. Li na sinamahan pa ng ngiti.
Talaga lang, huh? Isipin ko pa lang na magkakasundo kami, kinikilabutan na 'ko, isip-isip ni Seven habang panay simsim ng mainit na kape. "No choice naman ako, Mrs. Li. 'Pag 'di ako nagpasensya, baka masesante ako," kunwaring sagot na lang niya sa kausap.
"Anyway, may nobya ka na ba, Severino?" usisa pa ni Mrs. Li sa kaniya. Itinago naman ni Seven ang pagsama ng mukha nang tawagin siyang Severino ng matanda.
Ang Severino kasi ay ang pekeng pangalan na ginamit niya sa misyong iyon. Ginawa lang niyang nickname ang Seven, which is ang totoong pangalan naman niya.
"Mrs. Li, Seven na lang po ang itawag n'yo. Ang lakas po kasing maka-oldies ng Severino, e. At saka nga po pala, wala akong girlfriend," pagsisinungaling niya na sinamahan pa ng matamis na ngiti.
Napatango-tango naman ang kaharap habang nakatitig sa kan'ya ng mataman. "Sa tingin ko kasi, bagay kayo ng aking alaga."
Sukat sa narinig ay naibuga ni Seven ang kape na laman ng kanyang bibig. Mabuti na lang at kaunti lang 'yon. "Ano ang nangyari, hijo? Ayos ka lang ba?" kaagad na tanong ni Mrs. Li sa kan'ya sabay about ng towel para ipunas sa tumapong kape.
"Mrs. Li naman!" mahina niyang singhal matapos punasan ang bibig. "Are you kidding me? Hindi kami bagay ng alaga mo dahil weirdo siya, okay?" singhal niya sa matanda na tinawanan lang nito.
"Pero aminin mo, maganda siya, hindi ba?" ani Mrs. Li na bakas sa tinig ang panunukso.
Nagtatlong linya naman ang guhit sa noo ni Seven dahil sa tindi ng pagkakakunot nito. Nah! She's goddamn ugly! Walang-wala siya kay Lexi! isip-isip ni Seven saka umiling-iling sa matandang kaharap.
"No," kaagad niyang tanggi. "She's not beautiful. Malabo lang siguro ang mata n'yo. Try mo kayang mag-suot ng eye glasses, Mrs. Li."
• • •
"SHE’S not beautiful. Malabo lang siguro ang mata n'yo. Try mo kayang mag-suot ng eye glasses, Mrs. Li..."
Kaagad nagpanting ang tenga ni Kinette nang marinig ang tinig na 'yon ng hudas na si Seven. Papasok na sana siya ng kusina para kumuha ng in-can soda para sana inumin bago umalis. Balak kasi niyang mag-race ng gabing iyon.
And she's hundred one percent sure na siya ang tinutukoy ng ungas. Ang hayop na 'yon, ang kapal ng mukha! Ano bang akala n'ya, gwapo siya?
Masama ang mukha na pumasok si Kinette sa kusina, pero ang hudyo, parang hindi man lang nabahala na baka narinig niya ang sinabi nito patungkol sa kan'ya.
"Where are you going, Ms. Kinette? Gabi na, hija," pakli ni Mrs. Li nang makita siya. Siguro ay napansin nitong nakabihis siya ng usual getup niya. Pero sa halip na sumagot, nagtuloy-tuloy na lang siya sa two-door refrigerator at kumuha ng in-can soda saka binuksan at tinungga.
Nang mangalahati iyon ay saka niya binalingan si Seven na noon ay nakatingin lang sa kan'ya. "At ano'ng akala mo sa sarili mo? Gwapo ka? For your information, Mr. Bodyguard, hindi ka rin gwapo, okay? Mas gwapo pa sa'yo si Squidward," nakangising saad niya rito saka muling tinungga ang hawak na soda. Nang wala nang laman iyon ay ihinagis niya sa trash bin malapit sa kan'ya.
"Hija, mag-iingat ka sana sa pupuntahan mo," paalala pa ni Mrs. Li sa dalaga.
"Don't worry Mrs. Li, ako na ang bahala kay Ms. Kinette," ani Seven saka tumayo. "Magpapalit lang ako ng uniform."
Hindi na rin pinatulan pa ni Seven ang pang-aasar ng babae dahil alam naman niyang gwapo siya. Proof? Siya lang naman ang image model ng kanilang advertising agency. Aside from that, madalas din siyang kuning endorser ng mga sikat na company 'tulad ng Bench.
"At sino namang may sabing kailangan ko ng chaperone?" sarkastikong tanong ni Kinette sa lalaki at pinag-krus pa ang mga braso sa kanyang dibdib.
"'Yon ang trabaho ko as bodyguard mo, Ms. Kinette. So, stop acting like a five-year-old kid at hayaan mong samahan kita sa pupuntahan mo," mariing sabi ni Seven sa babae. Napipikon na kasi siya sa pagiging immature nito.
"Really?" tanong ni Kinette na tinaasan pa ng kilay ang ungas. "Sige, subukan natin ang pagiging bodyguard-wannabe mo," nakangising dagdag pa niya saka mabilis na lumabas ng kusina at tinakbo ang sala papunta sa garahe.
Nang makita ang motorsiklo niya ay patalon siyang sumakay doon at mabilis na isinuksok ang susi sa keyhole, saka tuloy-tuloy na pinaarangkada ang kanyang Ducati papunta sa malaking automatic gate ng mansyon.
Wala namang nagawa ang dalawa pa niyang bodyguard na nakabantay sa gate kung hindi buksan iyon nang makita siyang paparating. Kung hindi, tiyak kasing sasalpok siya sa mismong gate nila.
Nang makalabas ng gate ay sandali pa muna niyang nilingon ang likuran para tiyaking hindi siya nasundan ng kanyang mga bodyguards, lalong-lalo na ang ungas na si Seven.
But to her surprise, basta na lang sumulpot sa kanyang likuran si Seven, sakay ng isa sa mga collection niya ng motorsiklo at mabilis siyang sinundan. Hindi malaman ni Kinette kung bakit kusa siyang napangiti nang mga sandaling iyon. Basta feeling niya, bigla siyang na-challenge sa kanyang bagong bodyguard.