KABANATA 1: ANG AMA NG ANAK KO
HELENA
Nang tumunog na ang kampana ng simbahan, nagsisimula na rin ang pagbilis ng pintig ng puso ko. Ikakasal na ako sa lalaking hindi ko talaga gusto. Napilitan lang ako dahil kailangan ko ng pera para panggamot sa anak kong may malubhang sakit. Mayroong leukemia ang anak ko kaya kailangan kong gawin ito. Alam kong mali, pero wala na akong ibang paraan para madugtungan pa ang buhay ng anak ko.
Aminado ako na nakokonsensiya ako sapagkat mahal ako ng lalaking ito. Ipinaramdam niya sa akin kung paano dapat tratuhin ang isang babae. May pagkakataon na ipinagdasal ko na sana ay magkagusto na lang ako sa kanya para hindi ko maramdaman ito. Pero habang tumatagal, napagtanto ko na hindi pala ganoon kadali iyon. Hindi natutunan ang pag-ibig.
Kasing-edad lang niya ang ama ko kaya hindi ko mapigilan na magsitayuan ang mga balahibo ko. Nakikita ko ang ama ko sa kanya. Para lang din niya akong anak. Bagaman hindi ko maipagkakaila ang kaguwapuhang taglay niya.
Hindi ako malandi at masamang babae. Pero dahil sa kagipitan ng buhay, nagawa ko ang mga bagay na ganito. Noong una, ibinenta ko ang katawan ko sa isang bilyonaryo na hindi ko kilala. Ginawa ko ang bagay na iyon para maisalba ang lupa namin na isinangla sa isang makapangyarihan na tao sa aming probinsiya. Ang makapangyarihang tao na tinutukoy ko ay ang lalaking pakakasalan ko.
Nagsimula na akong maglakad sa aisle kasama ang aking ama. Mahigpit akong kumapit sa mga kamay niya. Natatakot lang ako na baka himatayin ako.
“Calm down, Helena,” sabi ni Papa.
“Kinakabahan lang po ako, Pa,” pag-amin ko.
“Sayang ang ganda mo ngayon kung kakabahan ka lang. Araw mo ngayon at dapat masaya ka lang,” aniya.
Napangiti ako. Paano ako hindi kakabahan? Ikakasal lang naman ako sa taong hindi ko mahal. Mabuti sana kung naging tapat ako sa kanya. Pero hindi ganoon ang sitwasyon. Ang dami kong inilihim sa kanya at isa na roon ang anak kong si Miguel. Wala siyang ideya tungkol sa anak ko.
“Tingnan mo si James, tinamaan na talaga siya sa iyo. Kung makatitig, parang ikaw na ang pinakamagandang babae sa buong mundo,” sabi ni Papa.
Napabuntonghininga ako bago tiningnan si James. Nakangiti siyang tiningnan ako. Kung pwede lang pilitin ang puso ko na gustuhin siya, ginawa ko na. Pero hindi ko talaga kaya.
Muli akong nagpakawala ng malalim na hininga. Naninikip lang talaga ang dibdib ko. Sa totoo lang, kung pwede lang na may isang himala at hindi matuloy ang kasal na ito, iyon ay ikaliligaya ko.
Napailing ako. Hindi ko pala dapat hilingin iyon. Paano na lang ang anak ko? Mas mahalaga ang buhay niya. Kaya sa ayaw at sa gusto ko, matutuloy itong kasal na ito.
Nang dumating na ako sa harap ng altar, agad na inilahad ni James ang kamay niya sa akin. Napangiti lang siya kaya lalong kumirot ang puso ko. Sana lang talaga ay patawarin ako ng Diyos sa panloloko kong ito.
Nang tinanggap ko ang kamay niya, mahigpit niya itong hinawakan. Nginitian ko siya para hindi siya mag-isip ng kung anu-ano sa akin.
“Mas lalo kang gumanda, Helena,” sabi ni James, puno ng pagmamahal ang boses niya.
“Ikaw kaya ang mas gwapo, James. Bagay na bagay sa iyo ang suot mo.”
Napangiti siya. “Masaya akong marinig iyan sa iyo. Madalang ko lang iyang naririnig sa iyo.”
Napangiti na lang ako at hindi na sumagot. Magsisimula na rin naman ang seremonya kaya itinoon ko na lang ang atensiyon ko roon. Siguro ito na iyong nakatadhana sa akin. Ikakasal ako sa lalaking hindi ko mahal. Suko na ako! Tatanggapin ko na ang kapalaran ko.
Minuto ang lumipas, magsisimula na kaming magbigay ng wedding vow para isa’t isa. Hindi na ako nagdala ng script para masabi ng mga tao na totoo ang mga sasabihin ko, at galing lahat iyon sa puso ko. Kahit si James, wala rin dalang script. Hindi ko alam kung ano ang mga sasabihin niya tungkol sa akin, pero ang sigurado ako, galing iyon sa kanyang puso. Kung hindi lang namatay ang asawa niya, sigurado ako na sila pang dalawa. Si James iyong lalaking alam kong hindi kayang manloko ng babae.
Magsasalita na sana ako para magbigay ng pangako kay James, pero hindi ko natuloy nang may mga yabag ng mga paa kaming naririnig na papasok ng simbahan. Lilingon na sana ako, pero hindi ko nagawa nang biglang may nagpaputok ng mga baril. Sunod-sunod ang mga putok kaya napasigaw na ang lahat ng mga tao na nasa loob ng simbahan.
Napalingon sa ako kung saan nakaupo ang mga pamilya ko habang hindi maitago ang takot sa aking puso. Hindi ko inaasahan na mangyari ito sa mismong araw ng kasal namin ni James.
Hinawakan ni James ang kamay ko at hinablot. Naramdaman ko ang panginginig ng kamay niya sa takot. Pero nang tumakbo siya habang hawak ang kamay ko, napatigil kami nang may sumigaw na isang lalaki.
“Walang gagalaw kung gusto ninyo pang mabuhay!” malakas na sigaw ng isang lalaki.
Paglingon ko kung saan galing ang boses, ang daming lalaki na nakasuot ng kulay itim. Nagkalat sila sa loob at labas ng simbahan. Nakatakip ang buong katawan nila at mata na lang ang nakikita. Para silang mga ninja! Sino ba sila? Mga kaaway kaya sila ni James sa negosyo?
“James, natatakot ako,” sabi ko.
“Huwag kang matakot. Nandito naman ako. Saan na kaya ang mga tauhan ko? Hindi sila dapat nawawala sa ganitong oras,” sabi ni James.
“May mga kaaway ka ba?” tanong ko.
“Hindi ko alam. Wala akong ideya kung sino sila.”
“Paano kung sasaktan nila tayo?” tanong ko, puno ng takot ang boses ko.
“Bago dumapo ang mga kamay nila sa iyo, dadaan muna sila sa akin. Gagagwin ko ang lahat para sa iyo,” sabi ni James.
Napatingin ako sa mga mata ni James. Sa pagkakataong iyon, hindi ko mapigilan na mangilid ang luha sa mga mata ko. Napakabuti niyang tao. Hindi ako nararapat sa kanya.
Nang dahan-dahan ng lumapit ang tatlong lalaki sa amin, pumunta si James sa harapan ko at itinago niya ako sa kanyang likuran. Seryoso nga siya sa sinabi niya sa akin. Handa talaga siyang ibuwis ang buhay niya para sa akin.
“Anong kailangan ninyo? Pera? Marami ako. Pero parang awa ninyo na, huwag ninyong saktan si Hele—”
Hindi natapos ni James ang sasabihin nang itinutok ng lalaki ang baril nito sa noo ni James. Kahit hindi ko mahal si James, nag-aalala pa rin ako sa kanya. Ayaw kong masaktan siya.
“Ano ba ang kailangan ninyo!?” sigaw ko.
Natapos kong masabi iyon ay palihim kong tiningnan ang pamilya ko at ang mga bisita. Lahat sila ay nakadapa sa sahig nang walang kalaban-laban.
“Ikaw ang kailangan namin, Helena Santiago,” sabi ng lalaki.
Nanlaki ang mga mata ko. Ano? Bakit ako? Sinong tao ang magkakainteres sa isang tulad ko? Alikabok lang ako rito sa mundo.
“Dadaan muna kayo sa akin bago ninyo maku—”
“Jamesss!” sigaw ko nang natumba si James sa sahig nang hinawi siya ng lalaki.
Tutulungan ko na sanang tumayo si James, pero hindi ko iyon nagawa nang hinablot ako ng lalaki. Napatingin lang kami ni James sa isa’t isa at nakita ko ang takot sa kanyang mukha.
“Helenaaa!” sigaw ni James.
Hindi ko na napigilan ang luha sa mga mata ko nang papalayo na ang paningin ko kay James. Ibinaling ko ang atensiyon ko sa mga magulang ko at hindi ko mapigilan na matakot sa kalagayan nila. Sana walang masamang mangyari sa kanila.
Habang hawak ako ng lalaki, isang tao na lang ang nasa isipan ko. Ang anak kong si Miguel. Paano na ang anak ko kung may mangyaring masama sa akin?
“Ano ba! Bitiwan ninyo ako!” sigaw ko.
“Tumahimik ka!” sigaw ng lalaki na katabi ng lalaking kumarga sa akin.
Nang nasa labas na kami ng simbahan, may isang nakabukas na van ang naghihintay sa amin. Sigurado ako na sasakyan ito ng mga lalaking gumawa ng eskandalo roon sa loob ng simbahan.
Nang sapilitan na akong ipasok ng lalaki sa loob ng van, nanlaban ako. Pero bilang isang babae na limitado lang ang lakas, wala akong nagawa. Kaya nang nagtagumpay siyang maipasok ako sa loob, napahagulgol na lang ako. Hinablot ko ang kwelyo ng suot niyang damit kaya napunit ito. Pero nang makita ko ang tattoo sa leeg niya, naningkit ang mga mata ko. Hindi ko lang masyadong maalala, pero nakita ko na ito noon. Ang tanong ko sa sarili ko, saan?
Ilang segundong kalituhan, nanlaki ang mga mata ko nang maging malinaw na sa akin ang lahat. Hinding-hindi ako magkakamali. Siya ang lalaking matagal ko ng hinahanap.
Ipinikit ko ang mga mata ko. Kung tama nga ako, siya. . . siya ang bilyonaryong bumili sa aking puri. Siya ang ama ng anak ko.
Iminulat ko muli ang mga mata ko. Pagtingin ko sa kanya, dahan-dahan na niyang tinanggal ang takip sa mukha niya. Nang tuluyan ko ng makita ang mukha niya, napanganga ako nang makumpirmang siya nga talaga ito.
Napangiti siya. “I’ve been searching for you all this time, and now you’re mine, Helena,” sabi niya sa malalim na boses.
Hindi ko maitago ang gulat sa mukha ko. Nagtataka lang ako sa kung ano ang sinabi niya. Hinahanap niya rin ako? Bakit?