Sumapit ang umaga. Habang naghahanda ng isusuot na uniform, napansin ni Bea sa sarili na parang excited siyang pumasok nitong nakaraang mga araw. Pakanta- kanta pa siya nang magsimulang suklayin ang buhok…
“Got to believe in magic
Tell me how two people find each other
In a world that's full of strangers
You've got to believe in magic…”
Tok! Tok! Tok!
“Ayy! Kabayong palaka!” Napasigaw si Bea sa malakas na katok na iyon.
“Huy! Bea, ano yang ingay d’yan sa kwarto mo? Ke aga- aga e. Dalian mo na at mali late ka na sa klase.” Sigaw ni Aling Marissa sa labas.
Nabitawan ni Bea ang suklay nang biglang kumalampag ang pinto ng kwarto niya. Hindi niya namamalayang ang kanta sa isipan niya’y naiboses na pala niya, at napalakas pa dahilan para maagaw ang pansin ng kanyang ina. Upang maiwasan ang pagtatanong ng ina, minadali na ni Bea ang pag-iintindi at lumakad na papasok.
Pagdating niya sa classroom, kalahati pa lang ng mga upuan ang may laman. May mga nag-uusap sa likod, may dalawang nagmamadaling tapusin ang assignment, at may isang estudyanteng nakasandal sa bintana habang kumakain ng pandesal.
Napatingin si Allen sa kanya.
Naroon na ito at mukhang nauna sa kanya nang mas maaga. Nakasandal siya sa upuan habang may binabasang notes.
“Late ka.” Sabi nito na itinaas pa nang bahagya ang kilay.
Napatingin si Bea sa wall clock. “Seven minutes pa bago mag-start ang unang klase.”
“Exactly. Akala ko ba six thirty ka palagi?” Ang tono nito’y tila nang-aasar dahil naunahan siya sa pagdating sa classroom.
“Hindi ko naman sinabing araw-araw.” Napairap na lang si Bea. Mukhang nagsisimula na namang kulitin siya nito.
Ngumiti si Allen at muling tumingin sa hawak na papel. “Good. At least hindi ko na kailangang pumasok nang maaga para lang maunahan ka.”
Napailing si Bea habang inilalapag ang bag. “Bakit parang may competition?”
“Wala naman. Ikaw lang yung seryoso.”
“Hindi ako seryoso.”
“Talaga? Bihira ka magsalita, madalang ka ngumiti.” Tinitigan siya ni Allen. Parang naghihintay kung anong isasagot niya sa sinabi nito.
Napatingin si Bea rito. “Okay lang. Anong dahilan para ngumiti ako?”
Sandaling natahimik si Allen. “Wala,” sagot nito. “Basta… ngumiti ka lang minsan.”
Napataas ang kilay ni Bea. “Bakit?”
Umiling si Allen. “Sabi ko, pahiram nung bookmark mo. Pwede?” dagdag pa nito pero hindi nakaligtas kay Bea na nakangiti ito.
Hindi na nakipagtalo pa si Bea. Mabilis niyang kinuha ang bookmark at iniabot ito kay Allen ng hindi tumitingin dito.
Namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Iniisip ni Bea kung bakit nasabi ni Allen iyon.
Tila nagkaro’n ng awkward moment sa pagitan nila. Nag-umpisa ang klase na walang nangahas magsalita kahit sino sa kanila. Maya- maya, isang kaklase nila ang bumasag sa katahimikan nilang dalawa.
“Allen, pwede ko ba’ng mahiram yang bookmark mo?” tanong ni Pritzy na ginandahan pa ang pagkakangiti.
Nag-angat ng tingin si Allen. “Hindi akin ito. Kay Bea”, pagkaraa’y sumulyap ito ng bahagya kay Bea.
Tumango lang si Bea bilang pagsang-ayon.
“Thanks, Allen”, wika ni Pritzy pagkaabot ni Allen ng bookmark rito.
“Hindi yan sa akin, kay Bea”, ulit ni Allen.
Napatingin si Pritzy kay Bea. “Ah, Bea thank you. Isoli ko rin agad.”
Muling tumango ng bahagya si Bea bilang sagot kay Pritzy. Pagkaraan ng ilang sandali, bumaling ito kay Allen.
“Pag ‘yun nawala ulit—”
“H’wag lang ikaw.” Putol ni Allen sa sasabihin niya.
Napanganga si Bea dito. Maya-maya, hindi na niya napigilan at napangiti siya.
“Ang corny mo.”
“Pero ngumiti ka”, sagot ni Allen
“Hindi ibig sabihin nun nakakatawa ka.”
“Atleast ngumiti ka.” Muli itong bumalik sa binabasang papel.
Hindi na pinansin ni Bea ang ngiti sa labi niya habang binubuklat ang notebook.
*****
Pagdating ng lunch break, mas maingay ang hallway kaysa karaniwan. May ilang estudyanteng nagmamadaling bumaba para bumili ng pagkain, habang ang iba ay nanatili sa classroom at naglabas ng baon.
Inilabas ni Bea ang lunch niya at tahimik na nagsimulang kumain.
Si Allen naman ay may hawak na chocolate bread.
Napatingin siya rito. “Hindi ka ba nagsasawa?”
“Sa chocolate bread?” tanong ni Allen.
“Oo.”
Sandali itong nag-isip bago sumagot. “Hindi pa. Ikaw nga, ilang araw mo nang sinasabing ayaw mo tapos kinakain mo rin naman.”
Napatingin si Bea sa hawak niyang tinapay.
Hindi niya napansin kung kailan siya nasanay na tanggapin iyon.
“Hindi ko naman sinabing ayaw ko.”
Napangiti si Allen. “Okay. Hindi mo sinabi.”
“Ang hirap mong kausap.”
“Mas madali ako kausap kapag may chocolate bread.”
“Noted.”
Hindi na siya nagsalita. Pero ilang segundo pa lang, may inilapag na naman itong kalahati ng tinapay sa tabi ng lunch niya.
“Para sa’yo.”
“May sarili akong food.”
“Alam ko.”
“Bakit binigyan mo pa rin ako?”
“Baka gusto ko lang may kahati.”
Napatingin siya rito.
Hindi naman nakatingin si Allen sa kanya. Binuksan lang nito ang sariling tinapay at nagsimulang kumain. Kinuha ni Bea ang kalahati. Hindi na niya ito tinanong pa.
*****
Matuling lumipas ang mga oras.
May inanunsyong group activity ang teacher nila para sa huling subject. Apat na estudyante bawat grupo. Nagsimula nang maghanap ng kanya-kanyang kasama ang buong klase.
“Bea, dito ka!”
Tinawag siya ni Mara mula sa kabilang row. Tatayo sana siya nang marinig niyang tinawag din ng teacher ang pangalan niya.
“Bea, kayo ni Allen na muna sa presentation board. Kumuha kayo sa faculty room.”
Napalingon siya kay Allen. Nakahawak pa rin ito sa ballpen.
“May kasama ba tayo?” tanong nito sa kanya.
“Kailangan pa natin ng dalawa”, maikling sagot niya.
“Okay.”
Tumayo siya at kinuha ang notebook. Paglabas nila ng classroom, tahimik lang silang naglalakad. Si Allen ang may hawak ng activity sheet. Matangkad pala ito. Sa taas ni Bea na 5’4, hanggang balikat lang siya ni Allen.
“Yun ba?”
“Ha? Muntik nang masamid si Bea sa biglang pagtatanong ni Allen. Hindi niya namalayang nasa tapat na pala sila ng Faculty Room. Kung bakit kasi ngayon pa niya naisip ang height ni Allen.
Lumapit ito sa isang utility cart na nakaparada malapit sa pinto. May ilang lumang folders at kartolina roon.
“Eto yata.” Hinila ni Allen ang isang malaking board. “Ang bigat.”
Hinawakan ni Bea ang kabilang side. “Dahan-dahan.”
“Hindi ako bibitaw.”
Saglit na natigilan si Bea pagkarinig kay Allen. “Hindi naman ikaw ang problema.”
Tinitigan siya ni Allen habang hawak pa rin ng kamay ang kabilang side ng board.
“H’wag mo nga ako’ng tingnan ng ganyan” irap ni Bea at medyo hinila ng kaunti sa kabilang side ang board.”
Napatawa ng mahina si Allen. “Pikon ka ba?”
“Hindi ako pikon. Halika na, baka hinahanap na tayo.”
Umuna nang maglakad si Bea habang pareho nilang hawak sa magkabilang dulo ang malaking board. Pagdating sa may hagdan, napatingin si Allen sa kanya.
“Wait.”
“Ano?”
“Hindi kasya sa baba.”
Tumingin si Bea sa board, saka sa hagdan. “Eh paano?”
“Umakyat tayo.”
“Papunta saan?”
“Second floor muna.”
“Allen.”
“Joke lang.”
Napatawa siya. Hindi niya alam kung dahil sa itsura nitong seryoso habang sinasabi iyon o dahil ilang araw na niya itong nakakasama kaya mas madali na siyang natatawa sa mga simpleng bagay.
“Ang kulit mo.” napapangiting wika ni Bea. Totoo naman. Ngayon niya lang narealize na sa lahat ng bagay na pinag-uusapan nilang dalawa, palaging may kasamang kakulitan itong si Allen.
“Pero hindi ka na nagrereklamo.” pagkaraa’y sabi ni Allen sa kanya.
“Nasasanay na ako.”
Sandali itong tumingin sa kanya. “Mas okay na rin yun.”
Hindi na sumagot si Bea.
Pagbalik nila sa classroom, nandoon na ang dalawa nilang kagrupo. Kinuha nila ang board at nagsimula sa activity. Lumipas ang halos isang oras sa pagsusulat, pagdidikit ng mga papel, at paulit-ulit na pagbura sa maling sagot.
Paminsan-minsan, sisikuhin ni Allen si Bea at bubulong.
“Ang pangit ng gawa ni Mara.”
“Tumahimik ka nga.” ganting bulong din ni Bea.
Napangiti ito at agad ding ibinalik ang tingin sa ginagawa nila. Hindi nila namalayan na halos tapos na ang activity nang tumingin siya sa orasan. Nang matapos ang grupo nila, nagsimulang magligpit ang lahat.
Si Bea ay abala sa pagbabalik ng mga gamit sa bag nang maramdaman niyang may lumapit sa kanya.
“Bea.”
Napatingin siya.
Inilabas ni Allen ang isang earphone mula sa bulsa ng bag niya.
“May bago akong kanta.”
Napatingin siya sa earphone. “Isa pa rin?”
“Isa pa rin.”
Napangiti siya. “Kelan ka bibili ng bago?”
“Bibili sana ako. Pero gumagana pa naman.”
“Yung isa lang.”
“Exactly.” Inabot nito sa kanya ang gumaganang earbud.
Isinuot ni Bea iyon. Bumalik sila sa pagkakaupo habang unti-unting nauubos ang mga tao sa silid na iyon.
Wala nang masyadong nagsasalita. Sa gitna ng tugtog, marahan niyang isinara ang notebook. Sa unang pagkakataon, hindi naisip ni Bea na sayang ang oras na hindi siya nag-aaral. Hindi rin niya naisip na dapat umuwi na siya.
Nanatili lang siya roon.
Kasama si Allen.
Nang matapos ang kanta, hindi agad kinuha ni Allen ang earbud kay Bea.
Napansin ni Bea na tapos na ang kanta, napasulyap siya sa orasan. Bago pa siya makapagsalita, nauna nang nagsalita si Allen.
“Uwi na tayo?”
Sa labas ng classroom, isa-isang namamatay ang mga ilaw sa hallway.
Muling tumingin si Bea sa orasan.
“Five thirty na. Ang tagal natin.” wika nito at naghanda nang tumayo.
“Kasalanan mo.”
Napalingon si Bea sa kanya. Nakaawang ang labi, ngunit walang lumabas na tanong.
Nagpatuloy si Allen. “Kung hindi mo ako pinasama sa pagkuha ng board, matagal na akong nakauwi.”
“Pero hindi ka naman nagmadali.”
Napatingin si Allen kay Bea. Hindi siya nakasagot agad. Tama naman. Hindi siya nagmadali. Kinuha niya ang bag at isinukbit sa balikat.
“Halika na.” Tumayo na si Allen.
Pareho silang tahimik habang palabas ng classroom.
Walang espesyal na nangyari noong araw na iyon, pero para kay Bea, iyon ang unang araw na naisip niyang parang masyadong mabilis ang oras kapag kasama si Allen.