Kinabukasan, mas maaga kaysa sa normal na oras ng pagpasok si Bea. Balak sana niyang sa classroom na lang mag-review. Mamaya pa naman ang umpisa ng pagsusulit nila, kaya mahaba-haba pa ang oras niya para makapaghanda.
Kinuha niya ang reviewer sa bag at nagsimulang basahin ang mga notes. Ilang minuto pa lang siyang nagbabasa nang may huminto sa tabi ng desk niya.
“Morning.”
Kabisado na niya ang ritmo ng boses na iyon kahit ilang araw pa lang niyang nakakasama. Dahil na rin siguro sa napapadalas nilang pag-uusap tungkol sa maliliit na bagay, mabilis na niya itong nakikilala kahit hindi pa siya tumitingin.
Napatingala siya.
Si Allen.
Tulad ng mga naunang araw, nakasukbit ang bag nito sa isang balikat. May hawak din itong maliit na paper bag.
“Morning,” sagot ni Bea.
Umupo ito sa tabi niya. “Mas maaga ka ngayon, ah.”
“Sinabi ko sa’yo kahapon.”
“Na maaga ka?”
“Oo.”
“Anong oras?”
“Hindi mo naman tinanong.”
“Ngayon ko tinatanong.”
Napailing si Bea at muling tumingin sa reviewer. Mukhang mababawasan ang plano niyang oras ng pagrereview.
“Six thirty,” sagot niya pagkaraan ng ilang sandali.
“Grabe.” Hindi na siya tumingin dito. “Ang aga.”
Napatingin si Bea sa paper bag na inilapag nito sa ibabaw ng desk. Hindi na niya kailangang hulaan kung ano ang laman.
Chocolate bread.
Binuksan iyon ni Allen at kumuha ng isang piraso. Wala na siyang sinabi pa. Ilang minuto silang parehong tahimik. Si Bea ay nagpatuloy sa pagbabasa. Si Allen naman ay nakasandal sa upuan habang kumakain, paminsan-minsan ay sumusulyap sa reviewer na hawak niya. Ilang sandali, naramdaman ni Bea na may dumulas na chocolate bread sa gilid ng desk niya.
Napatingin siya rito. “Allen! Hindi ako humihingi.”
“Alam ko. Baka lang magbago ang isip mo.”
Hindi na nito hinintay na makasagot siya. Agad nitong ibinalik ang tingin sa hawak na notes at kunwaring nagbabasa. Maya-maya’y napasulyap ito kay Bea na nuo’y nakakunot-noo pa ring nakatingin sa kanya.
Please, kunin mo na, sa isip niya. Napabuntong-hininga siya nang makitang kinuha iyon ni Bea.
“Thank you sa chocolate bread.”
“You’re welcome.”
Muling bumalik si Bea sa pagbabasa. Napapailing na lang siya nang maalala ang parehong linya na sinabi ni Allen kahapon.
“Baka magbago ang isip mo.”
Muli silang natahimik. Sa isip ni Bea, mas madali palang magreview kapag may kasama. Hindi naman pala lahat ng nakikilala mo ay para lang manggulo. Yung iba, para patahimikin ang mundo mo.
Nang dumating ang ibang estudyante, unti-unting napuno ang classroom.
Biglang pumasok si Mrs. Suarez. “Good morning, class.”
“Good morning, Ma’am,” sabay-sabay na bati ng mga estudyante.
“Ready na ba kayo sa exam?” tanong ni Mrs. Suarez habang inaayos ang mga test papers na ipapamigay.
Biglang tumahimik ang buong klase. May napakamot sa ulo, merong napahugot ng malalim na paghinga.
“Relax, class. Mag-e- exam lang tayo, hindi ko kayo ipapadala sa giyera.”
Nagkatawanan ang ilang mag-aaral. Alam nilang paraan lang iyon ni Mrs. Suarez para mapakalma sila ng kaunti.
Nagsimula ang pagsusulit. Tahimik ang buong room habang nagsasagot ang lahat. Tanging tunog ng mga ballpen at ilang mahinang kaluskos ng papel ang maririnig.
Mabilis natapos ni Bea ang unang bahagi. Nang sandaling tumingin siya sa gilid, nakita niyang nakatitig naman si Allen sa test paper nito, hawak ang ballpen na parang pinag-iisipan kung alin sa mga sagot ang tama.
Hinayaan niya lang ito. Ilang minuto pa ang lumipas bago niya muling napansin na nagsusulat na ito.
Pagkatapos ng pagsusulit, halos sabay-sabay na nag-ingay ang buong klase. May nagrereklamo sa mahirap na bahagi. May naghahambing ng sagot. May ilan namang nagsisisi dahil hindi nakapag-review.
Si Allen ay nakaupo habang iniikot ang ballpen sa pagitan ng mga daliri.
“Hindi naman mahirap,” pagkaraan ay sabi nito.
Napatingin si Bea. “Talaga?”
Tumango si Allen. “Yung last part lang.”
Napangiti si Bea nang bahagya. Kahapon, parang ayaw pa nitong mag-aral. Ngayon, mukhang mas kampante pa ito kaysa sa ibang kaklase nila. Hindi na niya tinanong kung nag-review ba talaga ito.
Maya-maya, muling kinuha ni Allen ang paper bag sa ilalim ng desk at inilabas ang natitirang chocolate bread. Hindi niya napansin na nakatingin pala rito si Bea hanggang sa inilapit nito ang paper bag sa kanya.
“Isa pa?”
Umiling siya. Hindi na siya pinilit nito. Sa halip, itinabi lang ni Allen ang paper bag at umayos sa pagkakaupo.
*****
Pagbalik ng klase, naging abala ang lahat sa pinapagawang activity ng sumunod na guro. May ilang estudyanteng pinagtatalunan pa rin ang huling bahagi ng pagsusulit kaninang umaga, habang ang iba ay mas piniling huwag nang pag-usapan ang mga sagot.
Si Bea ay tahimik na nag-aayos ng mga papel sa loob ng bag niya. Nang ilagay niya ang reviewer sa bag, may isang papel na hindi niya agad napansin.
Natapos ang activity at nagsimula ang panghuling subject. Pareho na silang nakaharap sa pisara. Si Bea ay nagsusulat ng notes habang si Allen naman ay tahimik na sinusundan ang discussion.
Hindi na tulad noong unang mga araw na kailangan pa nitong manghiram ng kahit anong gamit mula sa kanya.
May sarili na itong yellow pad.
May dala nang extra ballpen.
At sa pagkakataong iyon, hindi na rin siya humihingi ng tulong sa bawat activity.
Napansin iyon ni Bea. Mukhang natututo na talaga ang kanilang bagong kaklase.
Mas madali na ring basahin ni Bea ang mga kilos ni Allen. Kapag mabilis ang pagsusulat nito, malamang naiintindihan nito ang lesson. Kapag matagal namang nakatitig sa isang bahagi ng notebook, alam na niyang may hindi ito makuha. Minsan, hindi na niya kailangang tanungin.
Pagdating ng hapon, ilang estudyante na ang panay ang tingin sa orasan. May ilan nang nagliligpit ng gamit kahit hindi pa tapos ang discussion.
Si Bea ay patuloy na nagsusulat para matapos na ang activity na ipinapagawa sa kanila. Saglit niyang ibinaba ang ballpen, saka siya napatingin sa tabi niya.
Nakaharap si Allen sa kanya. “May pupuntahan tayo mamaya.”
Napakunot-noo si Bea. “Saan?”
“Sa rooftop.”
Napatingin siya sa notebook niya bago muling tumingin dito.
“Again?”
“Sinabi ko sa’yo kahapon.”
Napailing si Bea. “Sige. Huwag mo ’ko kulitin para makatapos agad ako sa activity ko.”
Ngumiti lang si Allen at bumalik sa ginagawa niya.
Pagkatapos ng klase, siya ang unang lumabas ng classroom. Nanatili pa'ng nakaupo si Bea. Isinara muna niya ang notebook at isa-isang inilagay ang mga gamit sa bag. Hindi naman siya nagmamadali. Kung tutuusin, umaasa pa siyang baka mauna nang umuwi si Allen.
Paglabas niya ng classroom, nakita niya itong ilang hakbang na ang layo sa hallway. Nagpatuloy ito sa paglalakad. Hindi sumunod agad si Bea. Baka makalimutan na nito. Nagkamali siya. Huminto si Allen at lumingon. Wala itong sinabi. Tumingin lang ito sa kanya.
Saglit na nanatili si Bea sa may pintuan. Hindi niya alam kung bakit parang may hinihintay itong sagot kahit wala naman itong itinatanong.
Napahugot siya ng malalim na paghinga.
Pagkatapos, isinukbit niya ang bag sa balikat at naglakad papunta rito.
Hindi na ngumiti si Allen.
Hindi rin siya nagsalita.
Naglakad lang silang dalawa papunta sa hagdan.
Tahimik nilang ipinagpatuloy ang pag-akyat sa hagdanan. Hindi nila namalayang nasa rooftop na pala sila. Tulad kahapon, mas malamig ang simoy ng hangin doon kaysa sa may hallway. Naroon pa rin ang pinagpwestuhan nila.
Wala ni isang nagsasalita. Tahimik lang silang dalawa. Maya-maya'y inilabas ni Allen ang earphone nito.
“Isa pa rin?” tanong ni Bea rito.
Tumango si Allen. “Isa pa rin.”
Isinuot ni Bea ang earbud. Dahil iisa ang gumagana, kinailangan ni Allen na lumapit nang kaunti para marinig din niya ang tugtugin.
Habang nakikinig sa music, inilabas ni Bea ang notebook niya at binuklat ang pahinang may notes mula kanina. Si Allen naman ay nakatingin lang sa malayo habang marahang tinatapik ng daliri ang gilid ng pader kasabay ng tugtog.
Minsan, humuhuni ito nang mahina. Napatingin si Bea sa kanya. Hindi niya alam ang title ng kanta, pero kabisado na niya ang bahaging iyon dahil ilang beses na iyong narinig kahapon.
Muli siyang bumalik sa notebook. May ilang pahina siyang kailangang ayusin. May mga salitang minarkahan niya kanina dahil hindi niya sigurado kung tama ang pagkakasulat. Habang ginagawa niya iyon, naramdaman niyang may bahagyang tumama sa siko niya.
Pagtingin niya, may chocolate bread na nakapatong sa gilid.
Napatingin siya kay Allen. Gusto niyang tanungin kung ilang piraso ba ng chocolate bread ang dala nito araw-araw. Ngunit nang mapansin niyang nakatingin lang ito sa harap, hindi na siya nagsalita.
Kinuha ni Bea ang tinapay at inilagay sa tabi ng notebook.
Hindi na rin niya alam kung bakit hindi na niya kailangang sabihan si Allen na huwag siyang alukin nang paulit-ulit.
Parang pareho na nilang alam ang susunod na gagawin ng isa’t isa.
Nang maubos ang kanta, hindi agad nagpatugtog ng bago si Allen.
Nanatili lang ang earbud habang nakatingin si Bea sa mga notes niya.
Sa ibaba, nagsisimula nang magligpit ang ilang estudyante sa covered court.
“Hindi ka pa ba uuwi?” biglang tanong ni Allen.
Umiling si Bea habang patuloy sa pagsusulat. “Tatapusin ko lang ’to.”
Tumango ito.
Hindi na nagtanong ulit.
At sa pagkakataong iyon, naisip ni Bea na mas gusto pala niya kapag hindi siya kinukulit ni Allen. Mas tahimik. Mas madaling mag-isip. Pero hindi nakakailang.
Maya-maya, isinara niya ang notebook. Pagtingin niya sa gilid, nakapikit si Allen habang nakasandal sa mababang pader. Hindi niya agad ginising. Hinayaan niya muna itong manatili roon. Saglit lang naman. Hanggang sa muling gumalaw ang ulo ni Allen at dumilat ito.
“Anong oras na?”
Tiningnan ni Bea ang relo niya. “Almost five.”
Tumayo si Allen at kinuha ang bag. “Uwi na tayo?”
"Sige."
Bago niya maisukbit ang bag, napansin niyang may kulang sa zipper nito. Napatigil siya. Hinawakan niya ang maliit na metal pull ng zipper at sinubukang alalahanin kung saan niya huling isinabit ang bookmark niya.
Wala.
Nalaglag siguro.
Hindi niya muna ito pinansin. Baka nasa loob lang ng classroom. Isinukbit niya ang bag at sumunod kay Allen palabas ng rooftop.
Pagdating nila sa hallway, ilang hakbang pa lang ang layo ni Allen nang marinig niya ang pagtawag nito.
“Bea.”
Lumingon siya.
Nakatayo si Allen sa dulo ng hallway, may hawak na maliit na bookmark sa pagitan ng mga daliri.
Iwinawagayway niya iyon habang nakatingin sa kanya.
“Hinahanap mo ’to?”
Napatingin si Bea sa hawak nito. Bookmark niya.
Napahawak siya sa zipper ng bag.
“Akala ko nasa classroom.”
“Kanina pa ’to nasa sahig.”
Lumapit si Bea at kinuha iyon sa kanya. “Thanks.”
“Walang anuman.”
Isinabit niya ulit ang bookmark sa zipper ng bag.
Pagkatapos, nagpatuloy silang maglakad pababa.
Bago sila tuluyang maghiwalay sa may gate, napatingin si Bea sa bookmark na muling nakasabit sa bag niya.
Hindi niya na maalala kung ilang beses na niya iyong muntik mawala.
Sa pagkakataong iyon, may nakapulot.