Prologue
"Happy birthday to you! Happy birthday to you! Happy birthday, Happy birthday! Happy birthday to you! Happy birthday Jayda!"
Matapos ang sabay-sabay na pagkanta ng kaklase ni Jayda Lilly Manderson, nilapit na nito ang ulo sa cake na hawak-hawak ng kaklase nitong babae. Ngumuso ito indikasyon na hihipan na nito ang apoy mula sa kandila. Subalit ang kasiyahang namumuo sa loob ng classroom ay napalitan ng kaguluhan nang sandaling hipan na ng babae ang kandila, kasabay kasi ng pagkakamatay ng apoy ay ang malakas na pagsabog ng katawan ni Jayda.
Ang pagsabog na iyon ay lumikha rin ng malakas na tunog kung saan ang pira-pirasong katawan ng babae ay nagkalat sa kulay puting tiles na ngayon ay binaha na ng dugo. Ang kaninang silid na maaliwalas ay nagmistulang pinaulanan ng sariwang dugo na sunod-sunod sa pagpatak. Ang mga lamang loob ng babae ay hindi na rin makilala, maging ang bungo nito ay nagkapira-piraso na rin.
"Jayda!" sigaw ng isa sa babaeng kaklase nito.
"Ano'ng nangyari? Bakit? Hindi!" sigaw ni Jayden Logan Manderson, ang kuya ni Jayda. Lumapit ito sa kaninang pwesto ng kapatid subalit bigo na siyang mahawakan ang katawan ng babae dahil tanging pira-pirasong laman na lamang nito ang nagbabagsakan sa sahig.
"Hindi! Jayda!" sigaw muli ni Jayden na hindi na magkandaugaga sa kanyang pwesto dahilan para madulas ito at bumagsak sa tiles na nababalutan ng mainit-init at malapot-lapot pang dugo ng kapatid.
"Jayda!"
Nagsitakbuhan ang mga kaklase nila palabas ng classroom, may nagsisigawan, umiiyak at nanginginig sa takot sa pag-iisip na baka ganoon din ang maging kahinatnan ng katawan nila.
Samantala, pinagsusuntok naman ni Jayden ang tiles dahil sa pagkakawala ng minamahal niyang kapatid. Hindi siya makapaniwala na ang kaarawan nito ang siya ring huling araw nitong mabubuhay sa mundo. Kung alam niyang mangyayari iyon, sana hindi na lang nila tinuloy ang pag-enroll sa paaralan na iyon.
'Sinusumpa ko ang paaralan na 'to!'
Ang mga luha sa pisngi ni Jayden, ang bahid ng dugo ng nakababatang kapatid na babae sa kanyang katawan, at ang pira-pirasong laman nito na nagkalat sa sahig ang mas lalo pang nagpalalim sa galit niya sa paaralang kung nasaan siya. Kaya itatatak niya sa sarili na sa lalong madaling panahon ay makakaalis siya sa paaralan na iyon. Sa paaralan na buong-akala nilang magkapatid ay may naghihintay na grasya subalit kabaliktaran niyon ang kanilang inaasahan. Sisiguraduhin niyang makakalis siya sa paaralan na handang pumatay ng mga mag-aaral para lamang matupad ang pinaniniwalaan ng nasa taas na makakapagpanitili ng kaayusan at kapayapaan doon, ang Eirene Academy.