-SCARLET BETHANY-
Inayos ko ang sarili ko bago lumabas ng comfort room. Mukhang umalis na si Dad. Bumalik ako sa pagguhit ng mga design. Inabala ko ang sarili ko para hindi ko maisip ang pinag-usapan namin kanina.
Isa't kalahating oras na ang nakalipas pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong matinong nagagawa. Punong-puno na ang basurahan ko ng mga papel. Hindi ko mapigilang isipin si Dad. Ang bigat ng nararamdaman ko. Parang may nakaharang na pader sa pagitan namin. Hindi ko kayang ganito kami. Siya na lang ang mayroon ako.
Tiningnan kong muli ang oras. 3pm na pala, puwede na siguro kaming umuwi. Bukas na lang kami babawi.
Tumayo na ako at niligpit lahat ng gamit ko. Kinuha ko ang bag at phone ko saka lumabas.
"Aimee!"
"Yes, Ma'am? Uuwi na po kayo?"
"Yes. Umuwi na rin kayo. Paki-check lahat bago kayo umuwi. Pakisabihan na lang ang iba. Mauna na ako sa inyo."
"Okay po, Ma'am. Ingat po."
Tinanguan ko na lang siya saka ako lumabas ng boutique. Sumakay na ako sa aking sasakyan at nagmaneho pauwi sa mansiyon.
Nasa bahay kaya si Dad? Ano'ng sasabihin ko kapag nagkaharap kami? I'm not used to this. Mas marami kasi ang panahon na masaya kami kaysa ganito. Bahala na.
Ilang minuto lang ay nakarating na ako sa mansiyon. Hinayaan ko na si Ben ang mag-ayos ng kotse ko. Dumiretso ako sa loob.
Pagkabukas na pagkabukas ko ng pinto ay sumalubong agad sa akin si Dad. Napatigil ako sa kinatatayuan ko. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Nagulat na lang ako ng bigla siyang ngumiti at ibinuka ang kaniyang mga braso. Hindi ko na napigilang umiyak at nagtatakbong lumapit sa kaniya. Niyakap ko siya nang mahigpit.
"Dad! I'm sorry," hinging tawad ko habang umiiyak.
"It's okay, Sweety! Don't cry," alo niya sa akin habang hinahaplos ang buhok ko. Ilang minutong ganoon ang posisyon namin. Hanggang sa magsalita ulit siya.
"It's been a year, since the last time you cried like a baby." Umalis na ako sa pagkakayakap sa kaniya at pinunasan ang natitira ko pang luha sa mukha.
"Don't tell anyone, Dad!" Tumawa si Dad sa sinabi ko.
"I won't. Kaya nga pinauwi ko muna lahat ng maid dahil alam kong magiging ganito ka."
"Thanks, Dad!"
"Come on! Let's eat. Nagluto ako ng paborito mong Carbonara."
"Really? Let's go, Dad!" Muli na naman siyang natawa sa sinabi ko.
---
-YVAN JAMES-
Kasalukuyan kaming kumakain ng meryenda ni Nanay. Bigla kong naalala si Ma'am Scarlet dahil sa spaghetti na kinakain namin.
"Nanay, nakilala ko po kanina ang anak ni Mr. Montes."
"Talaga? Kumusta naman?"
"Mabait po siya katulad ni Mr. Montes. Spoiled lang po nang kaunti. Maganda rin po siya, Nay!" masiglang kuwento ko.
"Mabuti naman kung ganoon. Basta kapag nagkaroon ng problema ay huwag mong kalimutan ang mga pangaral ko sa'yo."
"Siyempre naman po, Nay! Pero napansin ko po, noong umalis na si Ms. Montes ay pinag-uusapan siya ng mga staff ng kompanya. Puro hindi maganda ang paglalarawan nila."
"Baka ganoon talaga siya? Hindi mo pa lang nakikita. Sabi mo nga, kanina mo lang siya nakilala."
"Hindi ko po alam, Nay. Pero 'di ba po ang turo ninyo sa akin ni Tatay ay lahat ng tao ay may kabutihang tinatago? Baka hindi lang po nila nakikita."
"Hmmm, siguro nga. Malaki ka na, anak. Alam mo na ang mabuti sa hindi. Basta lagi kang mag-ingat."
"Opo, Nay."
"Anak, naalala ko lang. Kumusta ang pinapatayo mong coffee shop?"
"Sa awa ng Diyos, naituloy ko po ulit ang construction. Malapit na nga pong matapos."
"Hindi talaga tayo pinababayaan ng Diyos. Huwag kang makalilimot magpasalamat, Anak."
"Hindi po, Nay."
"May kailangan ka pa palang asikasuhing mga papeles bago mo mabuksan ang shop na 'yan."
"Opo, Nay. Inaasikaso ko na po. Saka po nagbigay ng mga suggestion si Mr. Montes kung saan ako puwedeng kumuha ng mga mura pero quality na mga produkto."
"Napakabait talaga ng boss mo. Talagang itinadhana kang diyan makapasok."
"Oo nga po."
"Maiba naman tayo, Anak. Kailan mo balak mag-asawa? Hindi ka na bumabata."
"Si Nanay naman. 25 pa lang po ako. Bata pa po 'yon. Saka marami pa tayong mga pangarap 'di ba?"
"Alam ko, pero hindi na rin ako bumabata. Gusto ko nang makita ang mga magiging apo ko."
"Nanay talaga! Sa tamang panahon po. Kapag inilaan na ni Lord. Ipagdarasal ko rin na humaba pa ang buhay mo."
"Basta laging mong tatandaan na dapat alagaan, mahalin at ibigay mo lahat ng pangangailangan ng magiging pamilya mo."
"Kahit hindi ninyo po sabihin, Nay. Gagawin ko po iyon."
"Mabuti. Napakasuwerte ko talaga dahil may mabait akong anak na tulad mo."
"Si Nanay naman. Siyempre suwerte rin po ako sa inyo."
"Oh siya diyan ka muna. Didiligan ko lang ang mga halaman natin sa labas," natatawang paalam niya.
"Tulungan na po kita, Nay."
"Huwag na. Naalala ko pala. Pupunta si Hanny dito. May pag-uusapan daw kayo."
"Sige po, Nay. Hintayin ko na lang po. Anong oras daw po pupunta?"
"3:30 pm. Baka papunta na 'yon. Malapit lang naman sila dito."
"Okay p---"
"Tao po! Nanay Yvette!"
"Oh mukhang nandito na siya."
"Puntahan ko na po, Nay."
"Sige-sige. Ipaghanda mo ng makakain, Anak."
"Okay po." Lumabas na ako at nakita ko si Hanny. Agad itong ngumiti sa akin. Binuksan ko ang gate para makapasok na siya.
"Pasok ka."
"Salamat. Bakit ang aga mo yatang umuwi? Sabi ni Nanay Yvette mamayang 4:30 pa raw ang uwi mo?"
"Kanina pa akong tanghali nakauwi. Maaga kaming natapos ngayon sa trabaho."
"Kaya pala. Oo nga pala, pumunta ako dahil may pinapagawa si Pastor."
"Maupo ka muna. Ikukuha kita ng makakain."
"Nag-abala ka pa. Salamat!" Kinuha ko muna siya ng pagkain bago ako bumalik para kausapin siya.
"Heto, luto ni Nanay 'yan!" sabi ko sabay lapag ng spaghetti at orange juice.
"Salamat, siguradong masarap ito."
"Ano nga pala ang ipagagawa ni Pastor?"
"Tungkol doon, ikaw daw ang magturo sa Youth service ngayong Sunday. Ikaw na raw ang bahala kung ano'ng ituturo mo."
"Sige, may mga naka-assign na ba sa lahat?"
"Oo, naayos na kanina kaya 'wag ka na mag-alala," wika niya.
"Salamat, nakakahiya naman at nag-abala ka pang pumunta rito. Dapat tinext mo na lang ako."
"Ano ka ba?! Wala 'yon! Basta ikaw!" nakangiting wika niya.
"Kumusta ang bago mong trabaho?" tanong ko sa kaniya.
"Maayos naman. Mabait ang boss namin. Medyo marami nga lang ginagawa."
"Ganoon talaga sa simula pero masasanay ka rin."
"Oo. Ikaw kumusta?"
"Okay naman. Medyo naging busy kami last week, pero ngayon ay maluwag-luwag na dahil tapos na namin ang mga trabaho. Baka bukas marami ulit."
"Nako, huwag mong kalilimutang kumain. Alagaan mo ang sarili mo. Mahirap magkasakit," paalala niya. Natawa naman ako sa kaniya.
"Para kang si Nanay. Huwag kang mag-alala, aalagaan ko ang sarili ko!"
"Good-good! Baka naman mamaya may girlfriend ka na doon."
"Wala. Focus muna ako sa trabaho. Marami pa kaming pangarap ni Nanay."
"Sa bagay. Tama 'yon si Nanay Yvette muna ang priority mo!" ngiting-ngiting wika niya.
"Oo, saka tinatapos ko pa ang shop na pinatatayo ko. Matagal kasi itong natigil. Ngayon lang ulit naipagpatuloy."
"Congrats! 'Wag mong kalimutang imbitahan ako sa opening!"
"Oo, lahat kayong ka-churchmate ko ay imbitado!"
"Salamat! Mauna na nga pala ako. May gagawin pa ako!"
"Sige, hatid na kita sa gate."
"Huwag na, ikaw naman!"
"Sigurarado ka?"
"Oo!"
"Sige, mag-ingat ka! See you on Sunday!"
"Salamat! Bye!" Hinatid ko na lang siya nang tingin pagkatapos ay niligpit ko na ang pinagkainan niya. Maghuhugas muna ako. Tutulungan ko pa si Nanay.