Kinabukasan ay napagdesisyunan ng mag-asawang Lerma at Mando na pumunta sa Caloocan High School kung saan nag-aaral ang kanilang anak na si Dino.
Ipinaalam agad nila ang nangyari sa Principal kaya ipinatawag nito ang adviser ni Dino. Ikinagulat din ni Gng. Cabreros ang kanyang nalaman. Ayon pa sa kanya ay masipag at mabait na estudyante si Dino. Tahimik pero maaasahan at responsableng mag-aaral.
Isinama ni Gng. Cabreros ang mag-asawa sa kanyang klase, ang seksiyon IV-2B. Tinanong nila ang mga kaibigan ni Dino, na sila April Joy Geronimo at Jaime Gonzaga kung saan ito maaaring pumunta.
"Sa pagkakaalam ko po Ma'm, may lakad po sina Dino at May," pagtatapat ni Jaime sa kanyang mga nalalaman.
"Saan daw 'yon hijo?" usisa ni Lerma.
"'Di ko po alam Tita e'," sagot agad ng matangkad na binatilyo. "Wala po siyang ikinuwento sa amin."
"Okay. Sino pala si May? Sa'n namin siya makikita?" tanong muli ni Lerma.
"Siya po ang girlfriend ni Dino, Tita Lerma," sabad ni April Joy.
Nagkatinginan ang mag-asawa dahil sa kanilang narinig. Hindi nila alam na may kasintahan na pala ang kanilang anak. Ni wala kasing binabanggit si Dino na may hinahangaan siyang babae sa kanilang paaralan. Talagang napakatahimik nitong bata, kung 'di mo kakausapin ay hindi rin siya magsasalita. Pag-aaral ang kanyang pinagtutuunan ng pansin at panahon kapag nakauwi na sa kanilang bahay.
"Alam n'yo ba kung anong seksiyon siya?" tanong naman ni Mando.
"Opo. Alam ko po," sagot ni April Joy, "Ilang beses na rin po kasi kaming nagkita ni May. Taga-section 6A po siya," pagkukwento pa niya.
"Salamat sa inyong dalawa," ani Lerma na akma nang tatayo sa kanyang kinauupuan.
"Sige samahan ko na kayo sa section 6A," mungkahi sa kanila ni Gng. Cabreros.
"'Wag kayong mag-alala mga bata. Makikita n'yo uli si Dino," ani Mando sa dalawa bago tuluyang umalis.
--------------------------------------------------------------------------------------------
HINDI NAKAPASOK si May sa eskwela dahil sa pagkakaroon ng lagnat. Mabuti na lamang nagmagandang-loob si Princess na samahan si Lerma sa bahay nila. Hindi na nakasama pa si Mando dahil tinawagan siya ng kanyang amo, sa pinapasukang pagawaan ng sapatos. Kailangang-kailangan daw siya roon dahil siya lamang ang nakakaalam ng transaksyon sa mga idini-deliver nilang materyales.
Si Lerma na lamang ang sumama kay Princess upang makausap si May. Puno siya ng agam-agam na maaaring makausap din niya ang ina nito. Alam niyang mayaman ang kanilang pamily kaya agad na pumasok sa isip niyang posibleng matapobre ang ina nito. Ngunit sa kabila noon ay nananaig pa rin ang pag-aasam niya na malaman ang katotohanan tungkol sa pagkawala ng kanyang anak.
Habang nasa traysikel ay makailang beses na itinext ni Princess ang kanyang matalik na kaibigan upang ibalita ang pagkawala ni Dino.
SA ISANG malaking subdivison sa 7th Avenue, Caloocan City nagpunta sina Lerma at Princess. Ang St. Therese Homes ay isang napakagandang lugar, na mistulang paraiso. Na kahahangaan ng sino mang pumunta rito at pangangaraping dito na lang manirahan.
May mga malalaking bahay, na pawang may tatlong palapag. Ang bakuran ng mga ito ay punong-puno ng mga naggagandahang mga bulaklak, puno at halaman.
Alas s'yete kwarenta'y singko na sila nakarating sa bahay ng pamilya Del Rosario, na nasa pinakadulo ng subdivision. Agad na nag-doorbell si Princess sa malaking pulang gate ng bahay. Ang buong kabahayan ay napipinturahan ng asul at puting pintura. Mula sa labas ay makikita ang isang mahabang terasa sa ikalawang palapag, kung saan makikita ang isang nakaupong babae.
Ang babaeng ito ay maganda, matangkad at balingkinitan ang katawan. May mahabang itim na buhok, na hanggang sa kanyang beywang. Nakaputing blouse siya at maikling maong na short. Nakade-kwatro pa siya ng upo sa isang upuang bakal na kulay puti. Makailang ulit na uminom ng juice na nakapatong sa katabi niyang maliit na mesang bakal.
Napatayo siya nang marindi sa tunog ng doorbell. Walang katulong na nagbubukas ng gate kaya napasigaw siya. Isang matandang katulong ang dali-daling lumabas para buksan iyon.
"Ma'm Kate, si Princess po," sagot nito sa amo.
"Okay. Let her in. Next time 'wag kang kukupad-kupad!" sigaw muli nito sa alila.
Tila nagdalawang-isip na pumasok si Lerma dahil sa kanyang narinig. Naisip pa niyang mukhang napakasungit at istrikto ng ina ni May. Pero napilitan na rin siyang pumasok, tutal naroon na rin siya.
Pinaghintay muna sila sandali ng katulong sa salas. Hinainan din sila ng mga juice at chocolate cookies na halatang imported.
"Tita Lerma, okay lang po kayo?" ani bigla ni Princess kay Lerma.
"Bakit?" sagot agad nito.
Mukhang napasubo 'ata ako, ani Princess sa kanyang isip lamang ,"A'. Wala po Tita..." pagkakaila na lamang niya.
Biglang niyang naisip na hindi niya dapat isinama ang ina ni Dino, lalo na at hindi pa alam ng mga magulang ni May na may relasyon ang mga ito.
May kaya sa buhay ang pamilya Del Rosario, kaya naman napakalaki ng kanilang bahay. Ang ganda-ganda ng loob nito dahil sa maraming nakasabit na ibat ibang painting sa paligid. Idagdag pa ang mga mamahaling mga muwebles at iba't ibang kagamitan sa bahay.
May malaking chandelier din sa gitna ng salas. Katapat nito ang isang magarang piano, na kung saan isang maalaking larawan ni Donya Kate ang nakasabit. Ito nga ang nagiging sentro ng atraksyon kapag sila ay may bisita.
"Ikaw pala hija," sambit ng ginang, na pababa na sa mahabang hagdang matatanaw mo kapag nasa salas ka.
Dahan-dahan ang kanyang paghakbang, habang nagpapaypay pa ng kanyang dilaw na abanikong may mga balahibo. Elegante siyang tignan dahil sa suot niyang mahabang puting bestida, na may mga ruffles pa sa laylayan. Makikita rin ang malalaking diamante sa kanyang magkabilang tenga na talagang agaw-pansin ang kinang. Halos mapuno naman ang kanyang buong kamay ng ibat ibang uri ng dyamanteng singsing.
Matamang pinagmamasdan ni Lerma ang bumababang ginang. Nag-iipon siya ng lakas ng loob upang masabi ang kanyang pakay. Sa isip niya ay maaaring hindi siya pakitunguhan nang maayos nito, na kanina pa niya nahahalatang may masamang ugali.
Tila nanliit si Lerma nang makaharap na ang masungit na ginang.
"Sino 'yang kasama mo, Princess?" tanong nito kay Princess habang tinititigan si Lerma mula ulo hanggang paa.
Lalong pang nanliit si Lerma sa ginawang ito ni Donya Kate. Isang simpleng kasuotan ang kanyang suot ngayon, isang bulaklaking blouse at maong na pantalon lamang. Sa isip pa niya, ni hindi siya makakabili ng kahit isa lang sa mga suot na singsing nito. Tiyak niya na napakamahal nito at sapat na para sa isang taon nilang gastusin. Hindi nga siguro sapat ang sahod ng kanyang asawa at anak na panganay para bumili nito.
"A, e' Tita Kate, si Tita Lerma po," pagpapakilala ni Princess sa kasama at halos pagpawisan pa siya sa sobrang kaba.
"Ikinagagalak ko po kayong makilala, Ma'm," ani ni Lerma sabay hayag ng palad upang makipagkamay ngunit hindi man lang kumilos ang kanyang kaharap kaya inunawa na lamang niya ang inasal nito.
"Bakit? Ano'ng kailangan niya?" usisa ni Donya Kate habang nakataas pa nang bahagya ang mga kilay na nakatitig sa kausap.
"Kailangan ko po kasing makausap ang inyong anak," lakas-loob na sagot ni Lerma, na mahinahon pa rin ang tinig.
Hindi naman siya pinakinggan ni Donya Kate kaya tila napahiya siya sa pagkakataong ito.
"Ano iyon, Princess?" biglang baling nito sa dalagita.
"Tita Kate, kasi po..." sagot ni Princess na halatang kinakabahan.
"Hindi n'yo po ba alam ang tungkol sa relasyon ng aking anak at ni May?" sabad ni Lerma na naguguluhan na rin. Naisip niyang mukhang hindi pa alam ni Donya Kate ang bagay na iyon.
"Ha?!" sigaw nito na halatang nagulat sa kanyang mga sinabi. Hinarap siya nito at pinandilatan ng mga mata. "Ano'ng sinabi mo? Si May na anak ko may relasyon sa anak mo?" tanong nito na tumaas na ang tono ng pananalita.
"Tita, si Dino po ang boyfriend ni May," tila napilitan ng magtapat si Princess. Ang pagkakataong ito ang kinakakatakutan nilang maganap ni May. Ano'ng sasabihin niya ngayon sa kaibigan, sa kanya pa nagmula ang bagay na iyon?
"Ano? 'Yong mahirap na 'yon!" sigaw muli ng donya na nanggagalaiti na sa galit.
Tumalikod siya at nagpalakad-lakad sa salas. Habang kung ano-anong masasakit na salita ang kanyang binitawan patungkol kay Dino, maging sa kanyang pamilya.
Ilang beses na rin niyang nakita si Dino noong mga panahong nagkakaroon sila May ng group study sa bahay nila. Sa unang tingin pa lamang niya sa binatilyo ay halata na niyang mahirap ito kaya agad niyang inayawan ng pakikipagkaibigan nito kay May.
Nag-init ang mukha ni Lerma sa galit na hindi niya mailabas. Hindi na niya kayang marinig na pinagsasalitaan nang masama ang kanyang anak sa mismong harapan pa niya. Lalo pa kung idinadamay na rin ang kanilang pamilya. Ngunit kailangan niyang magtimpi at pigilin ang nararamdamang galit. Dahil alam niyang kung gagawan niya ng masama si Donya Kate ay tiyak na ipakukulong siya nito. Kaya hindi na niya malalaman pa ang pakay niya kay May.
"'Yang pamilya ninyong mahirap pa sa daga, papatulan ng aking anak!" sigaw pa ng donya ,"Ano'ng ipapakain ninyo kay May?!" tinitigan niya ng masama si Lerma, na nanlilisik pa ang kanyang mga mata sa galit.
Tama na. Sobra na. Hindi na kaya pang marinig ni Lerma ang mga panlalalit nito. Ayaw na niyang marinig pa ang iba pang masasakit na sasabihin nito. Kaya lumakad na siya paalis habang patuloy sa kadadakdak ang matapobreng ginang.
"Kung 'di lang ako nakapagpigil kanina pa kita nasaktan..." aniya sa sarili.
Hinabol ni Princess si Lerma upang humingi ng pasensya. Natakot siya sa kanyang nasaksihang eksena. Hindi siya makapaniwalang nagawa iyon ng ina ni May.
"Sorry po, Tita..."
"Okay lang 'yon, hija. Salamat na lang." mahinahong tugon ni Lerma bago sumakay sa pinarang tricycle.
Mahimbing na natutulog noon si May kaya wala siyang kaalam-alam sa mga nangyayari sa ibaba ng kanilang bahay.
--------------------------------------------------------------------------------------------
KINAGABIHAN, napanaginipan ni May si Dino dahil na rin siguro siya ang laman ng kanyang isipan. Nanumbalik ang mga alaala ng kanilang nilang pagkikita.
Sila ay nasa ikatlong taon noon sa High School. Unang araw ng pasukan kaya kaunti pa lamang ang mga pumasok na estudyante. Napansin niyang tinititigan siya ni Dino mula sa kinauupuan nito. Ngumiti pa ito sa kanya dahil siguro sa pagkakahuli niya. Mukhang namang mabait itong tao kaya ginantihan rin niya ito ng ngiti.
Napakatahimik na tao ni Dino kaya nilapitan niya ito upang makipagkwentuhan. At napag-usapan nga nilang ang kani-kanilang buhay bilang isang kabataan. Mula nang araw na iyon ay lagi na silang magkasama hanggang sa naging matalik silang magkaibigan.
Maganda na sana ang relasyon nila bilang magkaibigan ngunit nang tumungtong sila sa ikaapat na taon ay nagkahiwalay sila ni Dino. Naging magkaklaseng muli sila ni Princess, samantala si Dino nama'y napunta sa seksyon 2B, na nasa ibang gusali ng Caloocan High School. Ngunit kahit nagkaganoon ay lagi pa ring silang dinadalaw nito sa kanilang classroom tuwing recess at uwian.
Ang Caloocan High School ay isang paaraalan kung saan ang mga estudyante ay nahahati sa apat na uri. Ayon sa antas ng talino ng mga estrudyante sila'y nahahati sa: DOST A at B; na ang antas na pinag-aaralan ay ESEP o Engineering and Science Education Program. Ang BEC o Basic Education Curiculum naman ang pinag-aaralan; ay nahahati sa dalawang seksyon: ang 1D at 2D. Ang Class A, kung saan kabilang sina May at Princess, na nahahati naman sa dalawampung seksiyon. At ang Class B kung saan kabilang naman si Dino, na mayroong labing-walong seksyon. Bawat uri ay nahahati naman ang pasok sa umaga at hapon.
Kahit na nagkahiwalay na sila ng gusali ay lagi pa ring silang sabay na umuuwi. Kapag hindi naman siya nakapasok ay alalang-alalang magtatanong si Dino kay Princess. Hanggang hindi nito nalalaman na magaling na siya ay hindi ito mapapakali. Hindi naman kasi ito pwedeng dumalaw sa kanilang bahay dahil sa ayaw ng kanyang inang nakikitang magkasama silang dalawa. Dahil doon nag-umpisa na siyang magduda sa posibleng lihim na nararamdaman ni Dino para sa kanya.
Hanggang sa isang araw ay nakatanggap siya ng isang sulat na naglalaman ng isang mahabang tula. Ito ay buong pusong ginawa ni Dino upang ipahayag ang nabuong pag-ibig nito para sa kanya. Hindi raw maiwasan ni Dino ang pagtibok ng puso nito dulot ng kanyang pagkatao. Ngunit wala itong lakas ng loob maipahag iyon kaya sa pamamagitan ng tulang iyon ay maipapahayag niya ang tunay nitong nararamdaman. Ang mga tulang iyon ang sandata ni Dino upang ipahayag ang kanyang damdamin ukol sa isang tao o bagay man.
Kinabukasan ay masinsinan silang nag-usap ni Dino. Muli nitong ipinahayag ang pag-ibig nito na buong pusong niyang tinanggap.
Lalo silang napalapit sa isa't isa nang maging magkasintahan na sila. Walang mga oras o araw na hindi sila magkasama. Kung malayo man sila sa isa't isa ay kasama pa rin nila sa kanilang mga puso ang pag-ibig ng bawat isa.
Hindi nila nakakalimutang batiin ang isa't isa ng magandang umaga o gabi at kung ano-ano pa. Halos bawat minuto ay nagsasabihan sila ng "I love you..." sa pamamagitan ng tawag o text. Nangako pa si Dino sa kanya na lagi itong nasa tabi niya sa lahat ng oras. Ano man ang mangyari ay hinding-hindi siya pababayaan nito.
Coz, there's something in the way you look at me…
Biglang tumunog ang cellphone ni May na nasa kanyang unan. Nagising siya sa lakas ng tunog nito, na maaaring halos lagpas na sa kalahati ng antas ng tunog nito.
"Sino kaya 'tong nagtext? Gabi na e," aniya na talagang inaantok pa. Napahikab pa siya bago kunin ang kanyang cellphone.
Nawala ang kanyang antok nang mabasa kung sino ang taong nag-text, si Dino. Agad niyang binasa ang mensahe nito:
Lgi m0ng ttandaan, May....
Mhal n mahal kta.
kh8 anong mngyar!
nr2 lng aq s tbi m0...
Agad rin naman siyang sumagot.
Lam k0 un! mhal n mhal dn kta...
bt n0w lng u reply, mahal q?
Habang naghihintay sa sagot ni Dino ay hindi siya mapakali. Iniisip pa rin niya kung bakit ngayon lamang ito nag-text sa kanya.
Ilang minuto pa ang lumipas ngunit walang pa ring sagot si Dino kaya nag-text siyang muli.
Bk8 d na u reply?
glit p b u?
Sumapit na ang hatinggabi ngunit hindi na muling nag-text pa si Dino. Nakatulog na muli si May sa paghihintay habang hawak niya nang mahigpit ang kanyang cellphone, na naiwan pa niyang bukas.
Itutuloy...
©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro