Kasalukuyang nag-aalmusal ang mag-iinang Del Rosario nang isang nakabibiglang bagay ang naging daan upang mas lalo pang gumuho ang mundo ni May.
"Nakapag-usap na kami ng Daddy n’yo," seryosong sabi ni Donya Kate. Tinitigan pa niya si May bago muling magsalita. "Hindi ka na dito sa Pilipinas mag-aaral."
Hindi na naisubo pa ni May ang kinakain niyang bacon nang marinig ang sinabi ng kanyang ina. "Bakit po?" aniya habang wala sa sarili niyang inilalapag ang tinidor sa kanyang plato.
"Dahil sa States ka na magka-college," giit pa ng kanyang ina.
Agad siyang napatayo dahil sa kanyang narinig. "Ayoko po'ng umalis dito," giit din niya.
"Sit down," gigil na utos ng kanyang ina kaya naging sunud-sunuran na lamang siya. Pero hindi na naipagpatuloy ang pagkain dahil sa sobrang sama ng loob.
"Iiwan mo na kami Ate May?" takang-tanong ng anim na taon niyang kapatid na si Kim.
"Yes, Kim," diretsahang sagot ng kanyang Ate Leila sa kanilang nakakabatang kapatid. Binalingan pa siya nito ng kakaibang ngiti na halatang pinapanigan nito ang naging desisyon ng kanilang ina.
Simula pagkabata ay dito na siya nag-aral sa Pilipinas. Marami siyang nakilalang mga kaibigan, na hindi niya kayang mawala sa buhay niya. Higit sa lahat ayaw niyang iwan si Dino dahil hindi niya kayang magkalayo silang dalawa nito.
"Mommy, I don't want to leave!" sigaw niya sa sobrang inis. Hindi na rin niya napigilan ang kanyang sarili kaya napatayo siyang muli.
"May, that's final!" sigaw rin ng kanyang ina. "Sa Aunt Georgina mo sa Sacramento ka na titira nang hindi mo na makita pa ang lalaking ‘yon!"
Tama nga ang hinala niyang ang tuluyang paglalayo sa kanila ni Dino ang totoong dahilan ng biglaang desisyon ng kanyang mga magulang. Hindi na niya kayang marinig pa ang mga sasabihing masama ng kanyang ina kay Dino kaya gustong-gusto na niyang umiyak sa sandaling iyon pero ayaw niyang makita siya ng kanyang mga kapatid. Kaya tinalikuran na lang ang mga ito at umiiyak na naglakad palayo sa kanilang hapagkainan.
"Come back here!" galit na tawag sa kanya ng ina pero hindi na siya lumingon pa.
"Mommy, just let her go," awat pa ng kanyang Ate Leila sa kanilang ina dahil alam niyang kanina pa rin ito naiinis sa kanya.
Sa lahat ng bagay ay kaagaw ang tingin sa kanya nito lalo na sa kanilang ama na siya ang paborito. Kaya kung aalis na siya ay masosolo na ng nakakatanda niyang kapatid ang atensyon ng kanilang ama.
"Sige umiyak ka lang hanggang sa ma-realize mo ang mga sinabi ko dahil hinding-hindi mo na siya makikita pa,” pahabol pang sabi ng kanyang ina nang nasa bandang hagdanan na siya. “I will be happy dahil hindi na masisira ang future mo… Isa pa hindi na maririndi pa ang tenga ko sa pagtunog ng cellphone mo oras-oras..."
Napatigil siya sa paghakbang nang marinig ang huling sinabi ng kanyang ina. Kinokontak pala si Dino pero hindi niya man lang sila nagkakausap nito.
"Pa'no kung uuwi na pala siya?" aniya sa sarili sa pagitan ng mga hikbi.
Nang makarating sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ay agad niyang nakita ang kanilang telepono. Gusto niyang ilabas ang kanyang mga sama ng loob kaya tinawagan niya si Princess.
"Totoo ba ang sinabi mo May?" gulat na tanong ni Princess nang malaman nito ang lahat.
"Oo. Sa Amerika na raw ako mag-aaral ng college," mahina niyang sagot kasunod ang paghikbi.
"Ha? Pa'no na tayo?" Alam niyang naiintindihan ni Princess ang bigat ng kanyang pinagdadaanan kaya napaiyak na rin ito. “Kayo rin ni Dino?" pahabol pa nito.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko…" Umiiyak pa rin siya, “Ayokong magkalayo kami ni Dino dahil ‘di ko kayang mawala siya."
"Ano’ng gagawin mo ngayon?"
"Kailangang magkita na kami para masabi ko sa kanya ang lahat."
"Magtatanan kayong dalawa?"
"Ewan ko. Siguro," magulo niyang sagot, ”Pero ayoko kong magkalayo kami."
"Mahal na mahal n’yo nga ang isa't isa," puri sa kanya ni Princess.
"Oo, mahal na mahal ako ni Dino kaya nararapat lamang na tumbasan ko iyon ng matinding pagmamahal," paliwanag pa niya.
"Saka nga pala may komunikasyon na ba kayo?" biglang naitanong ni Princess.
"Halos wala pa nga e’. Hindi ko siya naabutang online sa sss, kahit sa Messenger. Hindi ko na rin siya mai-text o matawagan kasi kinuha ni Mommy ‘yong cellphone ko."
"Ha? Pa'no na ‘yan? May maitutulong ba ako?"
"Oo, Cess, pwede bang ikaw ang makibalita sa pamilya ni Dino. Baka may nalalaman na sila kung nasa'n na siya?"
"Oh sige, aalamin ko sa mga kaibigan niya. O kaya bukas tawagin natin siya."
"Sige gusto ko na ulit marinig ang boses niya. Salamat..."
"Okay lang. ‘Wag kang mag-alala magkikita na kayo." Pilit siyang pinasisiya ni Princess dahil alam nitong kailangang-kailangan niya ang mapaglalabasan ng sama ng loob sa ganoong pagkakataon.
"’Bye na, parating na si Kim." Napilitan na siyang pagpaalam nang mapansin niyang paakyat na ang kanyang nakakabatang kapatid. Baka magsumbong pa ito sa kanilang ina na gumamit siya ng telepono.
"’Bye rin. Kita na lang tayo later."
"Sige aagahan ko ang pagpasok."
Wala ng nagawa si May kundi tumuloy sa kanyang silid. Gusto man niyang siya mismo ang maghanap kay Dino ay hindi maaari. Bantay sarado siya ng kanilang drayber na si Mang Henry na hatid at sundo siya sa paaralan. Kaya pipilitin niyang kontakin si Dino sa tulong ni Princess.
-------------------------------------------------------------------------------------------------------
MAAGANG pumasok si Remuel sa kanilang paaralan upang dumalo sa nakatakdang pagsasanay ng kanilang klase. Isang dula ang kanilang ipapalabas sa araw ng Biyernes para sa pagbaba ng kanilang watawat.
Habang nagsasaulo ng mga linya ay hindi maalis sa isip niya ang babaeng nasa kanyang cellphone. Nang siya ay makapag-isa sa kanilang canteen ay muli niyang pinagmasdan ang mga larawan nito.
"Sino kaya ang babaeng ito?"
Pinagmasdan niyang muli ang buong mukha nito. Maganda siya at may matangos na ilong. Nakakaakit naman ang kanyang berdeng mga mata. Mahaba ang kanyang mga buhok na talagang napakakintab. Agaw-pansin naman ang kanyang ngiti dahil sa malalim na mga dimples niya sa magkabilang pisngi.
"Hindi kaya siya talaga ang may-ari nitong cellphone na napulot ko?"
Ilang araw na rin niyang pinag-iisipan kung ano ba talaga ang nangyari nang gabing napulot niya ito.
Mga bandang ala-dos na iyon nang madaling-araw, araw ng Linggo. Pauwi na sila ng kanyang ina sa kanilang bahay galing sa pakikipaglamay sa isang namatay na kaanak sa Valenzuela City. Pinilit pa nga niya ang kanyang ina na umuwi sila dahil kailangan niyang pumasok nang maaga kinabukasan. Kahit pa sinabihan na sila ng kanyang tiyuhin na doon na lang daw sa bahay nito matulog kaya kahit madaling-araw palang ay umuwi pa rin silang mag-ina.
Madilim pa noong mga oras na iyon kaya silang dalawa lamang ng kanyang ina ang makikitang naglalakad sa gilid ng kalye ng San Francisco, bandang 6th Avenue Caloocan City. Nagmamadali na silang makauwi upang hindi mag-alala ang kanyang Ate Sasha.
Napahinto siya sa isang tabi nang matanggal sa pagkakatali ang sintas ng kanyang sapatos. Habang itinatali ang kanyang sintas ay may napansin siyang papalapit na dalawang lalaki. Mga lalaking mukhang may tinatakbuhan dahil palingon-lingon pa sa kanilang likuran. Halatang balisang-balisa ang ito habang lalong lumalapit sa kanilang mag-ina. Iyong isang maliit na lalaki ay talagang pawis na pawis pa.
Nang tumapat sa kanilang dalawa ang mga lalaking iyon ay napahinto silang mag-ina. Binulungan siya ng kanyang ina na ‘wag ng makialam pa. Mukhang pareho sila ng iniisip tungkol sa mga lalaki, na maaaring magnanakaw ang mga ito na hinahabol ng mga pinagnakawan nila.
Pareho silang nakasuot ng asul na t-shirt na may tatak na DM Industrial Corp. sa harap. Ibig ipahiwatig na trabahador sila sa isang ginagawang gusali o bahay na malapit lang doon. Mahaba ang buhok ng lalaking matangkad, na nakasuot pa ng bonnet. Maikli naman ‘yong buhok nang maliit na lalaki na may suot ding bonnet. Pareho silang malaki ang pangangatawan na halatang batak sa trabaho.
"Pare, bilisan mo na nga. Malilintrikan tayo nito ‘e,” sabi pa ng matangkad na lalaki.
"Oo na," inis na sagot naman ng maliit na lalaki.
Mabilis na tumakbo palayo ang dalawang lalaki nang makita siyang nakatingin. Dahil sa sobrang pagmamadali ng maliit na lalaki ay natalisod pa ito sa isang basurahan sa gilid ng kalsada. May isang bagay siyang nakitang nahulog mula rito, na hindi na nito binalikan pa. Agad nang naglaho ang mga ito sa dilim ng makipot na eskinita palabas ng kalye ng San Francisco.
Agad niyang pinuntahan ang kinaroroonan ng bumagsak na bagay - na isa palang maliit na itim na bag. Dinampot niya ito at binuksan. Tama nga ang hinala niya, isang Nokia 3650 na cellphone ang laman nito. Patay ito o nasira na dahil siguro sa lakas ng pagkakabagsak sa semento.
Gusto sana niyang isauli ang cellphone kaya lang hindi na niya nakita pa ang mga lalaki. Naisip din niyang baka hindi rin iyon pagmamay-ari ng mga ito kaya sinabihan na lang siya ng kanyang ina na itabi muna iyon. Hanggang sa naisip niyang ipaayos ito nang wala na siyang maisip na paraan kung paano at kung kanino iyon isasauli.
Hanggang noong Martes ng umaga ay nagamit na niya ang cellphone na ito. Saka pa lamang niya nakita ang mga larawan ng babaeng iyon, na kuha sa iba't ibang lugar at anggulo.
"Tama nga siguro ang hinala ko na siya ang may-ari nito. Baka ninakaw nga ng mga lalaking iyon ito sa kanya nang gabing iyon. Kailangang maisoli ko ito sa kanya baka karmahin ako dahil sa masama ito nanggaling," aniya sa sarili at itinago niyang muli ang nasabing cellphone sa kanyang bulsa.
Nakapagdesisyon na si Remuel na isasauli ang cellphone sa babaeng iyon. Kailangang mahanap na niya ang babae sa lalong madaling panahon. Hindi niya alam kung ano ang masasabi nito kung sakali pero ang mahalaga ay naibalik niya ang cellphone nito.
Sa pamamagitan ng mga larawang nasa loob ng cellphone ay nalaman niyang pareho sila ng paaralang pinapasukan. Ayon naman sa kulay ng ID nito ay sa Class A ito kabilang. Kaya naisip niyang hindi na siya mahihirapang maghanap pa dahil posibleng makasalubong pa niya ito minsan.
"Rem, halika ka na, next scene na tayo!" Napalingon siya nang marinig niya ang pagtawag ng kanyang kaibigang si Alvin.
"Sige, susunod na ako…" sagot niya habang inililigpit ang kanyang mga gamit.
Pero nilapitan pa siya ni Alvin. "Siya na naman ba ang tinititigan mo?" pabiro pa nitong tanong sa kanya bago sila umalis.
Kamot sa ulo na lang ang naisagot niya sa kaibigang alam din ang nabubuong pagtingin niya sa babaeng nasa kanyang cellphone.
Itutuloy...
Mysterious Eyes | Xerun Salmirro