Chapter 19
ANDREW
BAGO tuluyang maubos ang perang pinagbentahan ng bahay ay napag-isip namin ni Freya na mag-enjoy sa bahay niya. Bumili kami ng mamahaling mga alak at masasarap na pagkain.
Nagpakasasa kami lalo pa at nakikita namin ang labis na katuwaan sa amin ng mag-asawa dahil sa pagsama namin sa kanila sa mga lakad nila kapag nag-aabot sila ng tulong sa mga tao.
"Ito lang pala ang solusyon sa problema natin, sana noon pa ay naisip ko na ito," patawa-tawang sabi ni Freya sabay inom ng wine mula sa hawak niyang baso.
"Oo nga, babe. Hindi ko man nakuha ang lahat ng yaman ni Lincy ay magulang naman niya ang kusang magbibigay no'n sa atin," pagsang-ayon ko sa kaniya.
"Kaunting tiis pa at magbubuhay hari at reyna rin tayo."
Sa kabila ng pagsasaya namin ay isang tanong na biglang pumasok sa isip ko.
"Sa tingin mo kaya ay ibibigay sa atin ng mga magulang ni Lincy ang yaman nila kahit hindi pa naman sila mamamatay? Ang ibig sabihin ba no'n ay hihintayin muna natin silang mamatay para mapunta sa atin ang ari-arian nila?" hindi ko napigilang itanong sa kaniya.
Masama ang tingin na ipinukol niya sa akin. "Now I know kung bakit naisahan ka ni Lincy sa pagpapapirma sa'yo ng prenup agreement. Bakit natin hihintayin na mawala sila sa mundo kung puwede namang unti-untiin nating kunin? Kaya nga tayo nakikipag-collaboration sa kanila sa mga charity works para kunin ang tiwala nila. Kapag palagay na nang tuluyan ang loob nila sa atin ay ipagkakatiwala na nila sa atin ang mga pera na gusto nilang itulong at iyon naman ang sasamantalahin natin. Habang buhay sila ay gagatasan natin sila. Kahit hindi man tayo pamanahan, atleast nakinabang na tayo," puno ng kumpiyansa niyang sabi.
Hindi ko napigilang humanga sa paraan ng pag-iisip ni Freya. Iyon marahil ang nakakuha sa atensyon ko. Nakadagdag sa appeal niya ang pagiging tuso niya.
Palaban siya at hindi basta-basta nagpapatalo.
Ininom ko na rin ang alak na nasa baso ko. Mataas ang alcohol tolerance ni Freya at hindi gaya ko na mabilis tamaan ng epekto ng alak.
Sa gitna ng tawanan at kuwentuhan namin ay may narinig kaming nahulog sa sahig ng kusina ng bahay ni Freya.
Nag-alok itong siya na lamang ang titingin pero nagdesisyon akong samahan siya. Isang kutsilyo na nasa sahig ang naabutan namin.
"Bakit naman mahuhulog iyan?" nagtatakang tanong ko. Hindi ito sumagot at pinulot na lamang ang kutsilyo. Ibinalik niya ito sa lagayan at bago pa kami makabalik sa sala ay isang babasaging gamit naman ang narinig naming nahulog. Sa sala nanggaling ang tunog kaya nagmadali kaming bumalik roon.
Isang vase naman ang nasa sahig at basag na. Kapwa kami nagkatinginan ni Freya. Rumihistro na rin sa mukha niya ang takot. Maging ako man ay kinakabahan na rin. Ang vase na iyon ay nasa lamesa naka-display at hindi basta mahuhulog lalo na kung walang makakasagi rito. Nakapuwesto ito sa sentro ng lamesa.
Ito ang vase na regalo ni Lincy sa kaniya. Sumilay ang kakaibang takot sa dibdib ko. Nabasag ang mamahaling vase na bigay niya galing pa sa ibang bansa. Imposibleng mahulog at mabasag ito dahil wala namang ibang tao na maaaring makatabig nito at lalong walang malakas na hangin na magtutumba rito.
"B-baka may nakapasok na pusa at natabig itong vase," kinakabahang sabi ni Freya sabay ngiti nang pilit. Alam kong sinasabi lang niya iyon para kumbinsihin ang sarili niya na walang kakaiba sa nangyari.
Hindi pa kami nakaka-get over sa kakatakutan ay nasundan pa ito ng mga kahindik-hindik na pangyayaring ngayon lamang namin naranasan ay may kasunod agad ito. Nagbagsakan na parang dinaanan ng buhawi ang mga alak at mga pagkain na nasa lamesa. Halos lumuwa ang mga mata namin sa sobrang pagkabigla at takot sa nasaksihan namin. Napasigaw si Freya sa takot. Ako naman ay naistatwa sa kinatatayuan ko.
"A-anong nangyari?!" nahihintakutang tanong ko.
"Bakit ako ang tatanungin mo?! Nakita mo naman, 'di ba? Nagbagsakan ang mga nakapatong sa lamesa. N-Nagmumulto yata si Lincy sa 'tin dahil sa pagbenta natin sa bahay ninyo!" sagot niya sa akin.
"Sa tanda mo nang 'yan, naniniwala ka pa rin sa mga multo?" pagkontra ko sa sinabi niya upang hindi na madagdagan ang takot na bumabalot sa aming dalawa.
"At paano mo naman ipaliliwanag ang nangyari? Ayaw tayong patahimikin ng asawa mo dahil sa pagpatay natin sa kaniya," parang baliw na sabi ni Freya sabay salampak sa sahig at takip ng mukha. Abot-abot na rin ang kaba ko dahil hindi ko rin alam kung paaano ko ipaliliwanag ang nangyari ngayon.
"H-hindi ko alam! Doon na lang muna tayo sa mansyon magpalipas ng gabi. Baka kung ano pa ang mangyari sa atin rito. At ipa-bless mo rin itong bahay mo. Palibhasa kasi ikaw lang ang nakatira kaya pinamamahayan na ng mga maligno."
"Wow! Hindi ka naniniwala sa multo pero naniniwala ka sa maligno? Sige na, umalis na tayo. Kapag ganito pa rin ay ibebenta ko na rin itong bahay at bibili ng mas simple lang. My gosh! Naging creepy na ang bahay na pinagpaguran ko."
Nagmadali kaming sumakay sa kotse at umalis sa bahay niya. Halos paliparin ko na ang kotse sa bilis dahil sa kagustuhan kong makarating agad sa mansyon ng mga magulang ni Lincy. Ngayon lang ako natakot nang ganito sa buong buhay ko.
"Dahan-dahan naman, Andrew! Gusto mo na bang paliparin itong sasakyan mo?" saway sa 'kin ni Freya.
"Definitely, yes! Bahala ka na kung ano ang gusto mong isipin tungkol sa akin basta gusto ko nang makarating agad sa mansyon. Ang weird pero pakiramdam ko ay may hindi magandang mangyayari sa atin kapag hindi tayo nagmadali papunta sa mansyon," kabadong sabi ko. Lalo ko pang binilisan ang pagmaneho at hindi ko na hinintay pa ang sasabihin ni Freya.
Tutok ang mga mata ko sa kalsada habang nagmamaneho nang mabilis. Ngunit, sa di-kalayuan ay isang babae ang biglang sumulpot sa gitna mismo ng kalsada dahilan upang tapakan ko nang madiin ang break para hindi ito masagasaan. Pinagpawisan ako ng malamig dahil ayaw gumana ng break kahit ilang ulit kong subukan. Palapit na ang aming sinasakyan sa babae at ayaw pa ring gumana ng break kaya iniliko ko ang sasakyan upang iwasan ito. Bumunggo ang sinasakyan namin sa isang malaking puno at nang lingunin ko ang babae ay nanindig ang mga balahibo ko sa nakita ko. Si Lincy habang nakatitig nang masama sa akin.
Malakas ang impact pero himalang kaunti lang ang naging damage nito sa sasakyan at kaunting galos lamang ang natamo naming dalawa ni Freya na labis ko ring ipinagtataka. Nilingon kong muli ang kalsada kung saan ko nakita si Lincy pero wala na ito.
Isang malakas na hampas ang nakapagpagising sa diwa ko kung kaya nakuha ni Freya ang atensyon ko.
"Sabi ko na sa'yo ay magdahan-dahan ka! Tingnan mo at muntik pa tayo mamatay sa aksidente. Kung gusto mo nang sumunod sa namayapa mong asawa ay ikaw na lang at huwag mo akong idadamay!" sigaw nito sa akin. Sa kabila ng lakas ng boses niya ay hindi pa rin nawawala sa isip ko ang imahe ni Lincy na nakita ko sa kalsada.
Marahil ay totoo nga ang sinabi ni Freya na maaaring nagpaparamdam si Lincy dahil sa ginawa namin sa kaniya at sa bahay namin.
"S-Si L-Lincy," utal-utal kong sabi.
Nagsalubong ang kilay nitong nakatingin sa akin. "Lincy? Bakit nasali sa usapan si Lincy? Alam mo namang nakainom na tayo tapos hindi ka pa rin nag-ingat sa pagmamaneho," patuloy pa rin nitong sermon sa akin.
"N-Nakita ko siya," mahinang sambit ko ngunit sapat na para marinig niya.
Nanlaki ang mga mata nito sa sinabi ko. "N-Nakita mo sino? Si Lincy?"
"Oo."
"Ay anak ng tipaklong, Andrew! Sinasabi ko na nga ba, eh! Paniguradong siya rin ang may gawa no'ng nangyari sa bahay ko. Hanggang sa kamatayan talaga ay perwisyo siya sa buhay ko!" inis pa nitong sabi sa halip na matakot na animo'y sanay na itong makihalubilo sa mga kaluluwa.
"Alam mo ba ang ibig sabihin no'n?" tanong ko sa kaniya.
Inirapan lang niya ako. "Ang ibig sabihin lang no'n ay ginagambala niya tayo dahil sa pagbenta mo ng bahay ninyo," tila ay wala sa loob nitong sagot sa akin.
"H-Hindi ka natatakot?" curious kong tanong.
"Hindi. No'ng sabihin mong si Lincy ang nakita mo ay mas nainis ako kaysa natakot. Mas nakakatakot pa rin ang mga pangit na maligno na maaaring nakatira rito sa punong binangga mo kaya kung ako sa'yo ay i-check mo na kung gumagana pa itong kotse para makaalis na tayo rito," utos nito sa akin.
Ibang klase rin pala ang level ng tapang niya kapag si Lincy ang pinag-uusapan. Pinaandar kong muli ang sasakyan at himalang gumagana pa rin ito. Wala talaga siguro siyang intensyon na patayin kami at ang gusto lang ay takutin kami.
Kahit sira na ang harap ng kotse ay pinilit pa rin naming makarating sa mansyon kaysa dumiretso sa pagawaan dahil sa takot na bumabalot sa puso ko.
"B-babe, huwag mo na lang babanggitin sa kanila ang tungkol sa nangyari," pakiusap ko sa kaniya.
"At bakit naman?" mataray nitong tanong sa akin.
"Kapag nagsabi tayo tungkol sa nangyari ay baka ma-curious sila at hanapin pa ang kaluluwa niya. Sabihin na lang natin na nakainom tayo kaya muntik na tayong maaksidente."
"Okay."
Kumatok sa bintana namin si Manang Fely na bakas ang pag-aalala sa mukha. Ayaw itong pagbuksan ni Freya kaya ako na lang ang lumabas para kausapin ito. Upang maiwasan na tarayan ito ng kaniyang anak ay inaya ko na lamang ito na pumasok sa loob at doon pag-usapan ang nangyari.
Nagpahuli si Freya na bumaba sa kotse at halos malaglag ang puso ko nang makita ko si Lincy sa likuran nito na masamang nakatingin sa akin. Hindi pa siya tapos.