Chapter 18
ANDREW
NAGHANAP kami ng buyer ng dating bahay namin ni Lincy. Gaya nang napag-usapan namin na ang mapagbebentahan nito ay i-do-donate namin sa mga charity at itutulong sa mga nangangailangan.
Kaharap namin ngayon ay panibagong magmamay-ari ng bahay namin ni Lincy. Inalok niya kami ng 300 million bilang presyo sa dati naming bahay. Nakakatukso ang halaga kung tutuusin, pero kapag naiisip ko na mapupunta lang ito sa mga taong wala namang ambag para makuha ko iyon ay sumasama ang pakiramdam ko.
Nakalatag na ang mga dokumentong kinakailangan kong pirmahan para mailipat na sa pangalan nila ang bahay ngunit parang ayaw kumilos ng mga kamay ko.
Napa-aray ako sa madiing pagsiko sa akin ni Freya senyales na gusto na niyang pirmahan ko ang mga papeles.
Mabigat man sa loob ko ay dinampot ko ang ballpen at pinirmahan ang mga dokumento. Matapos kong pirmahan ang mga ito ay nakipag-kamay sa amin ang aming kliyente at isang pilit na ngiti lamang ang naitugon ko kasabay ng pag-abot ko sa kamay nito.
Iniwan nila ang bag na naglalaman ng pera. Pag-alis na pag-alis nila ay nagmadali si Freya na silipin ang laman ng bag. Nagningning ang mga mata nito habang nakatingin sa limpak-limpak na pera sa loob ng bag.
"Ang dami nito, Andrew! Ano kaya kung 200 million lang ang ipamigay natin tapos itira natin ang 100 million para may panggastos tayo?" tuwang-tuwa na sabi nito sa akin at hindi inaalis ang tingin sa pera.
"Ano?!" tanong ko sa kaniya at aminado akong napataas ang boses ko sa pagkakatanong.
"Bakit? Anong problema sa suggestion ko? Ano pala ang gusto mo? I-donate na lang lahat ito?" kunot-noong sagot niya sa akin.
"Nababaliw ka na ba, Freya? Gusto mong i-donate ang 200 million? Seriously?! Ako ang natali kay Lincy sa loob ng ilang mga taon para lang makuha ang ganiyang halaga tapos ipamimigay mo lang sa mga kutong-lupa na walang matinong ambag sa lipunan?" inis kong sabi.
Sumang-ayon ako sa palabas niyang charity works para makuha ang loob ng mga magulang ni Lincy pero nang makita ko ang pera ay parang napapaayaw na ako.
"Sandali nga, Andrew. Akala ko ba ay nagkalinawan na tayo tungkol sa bagay na ito. Hindi ba't napag-usapan na natin na ibebenta natin ang dati niyong bahay ni Lincy para may magamit tayo sa plano natin? So, anong nangyari? Nagbago na ba ang isip mo dahil nakita mong ganito karami ang 300 million?"
"Oo. Sino ba namang hindi manghihinayang, 'di ba? Ang laking halaga niyan tapos parang itatapon ko lang."
"Hindi mo ito itatapon. Isipin mo na lang na investment ito. Naisip mo ba kung gaano kalaki ang yaman na makukuha natin kapag umubra itong plano natin? Triple pa rito ang makukuha. Isa pa, may coffee farm ka pa. I-manage mo man iyon or ibenta ay malaki pa rin ang makukuha mo roon kaya kumalma ka."
"At paano naman kung hindi umubra?"
Tumawa siya. "Magtiwala ka sa akin. Makukuha natin kung ano ang napag-usapan natin. Sa tingin mo ba ay papayag akong wala tayong mapapala sa plano nating ito?" paninigurado niya sa akin. Isinara niyang muli ang zipper ng bag at saka akmang bubuhatin ito.
Hinawakan ko ang kamay niya upang pigilan siya. "Saan mo dadalhin ang pera?"
"Itatago ko muna. Ako na ang bahalang humanap ng charity institutions na pagbibigyan natin nito."
"At bakit ikaw ang magtatago? Bahay ko ang ibinenta, kaya sa akin rin ang pera. Bakit ikaw ang magtatago?"
"Ba't ba napakarami mong tanong? May tiwala ka ba sa akin o wala?"
May tiwala ako sa kaniya pero hindi ko pa ring mag-iwasang magduda dahil pera na ang pinag-uusapan. Noon pa man ay ako lang ang halos gumagawa ng paraan para magkapera kaming dalawa at siya ay taga-utos lang sa akin ng mga bagay na gusto niyang makuha o mangyari.
"Mayroon. Hindi ba puwedeng ako ang magtatago ng pera at magsasabi ka na lang sa akin kapag kailangan mo na? Anyway, pera ko pa rin naman iyan kaya dapat ako ang nagdedesisyon," prangkang sagot ko sa kaniya. Sang-ayon sa mga plano niya pero hindi sa pagiging manipulative niya sa pera ko.
"Eh, 'di lumabas rin ang tunay na kulay mo! Gusto mo nang sarilinin ang pera!" sumbat niya sa akin.
"Nagkakamali ka. Kung gusto kong sarilinin ito ay hindi sana ako pumayag na ipagbili ito," depensa ko naman.
"Wala akong gagawing masama rito sa pera mo. Magtiwala ka lang. Kailan ba ako sumira sa mga usapan natin?"
Hindi na ako nakipagtalo pa at hinayaan siya sa gusto niyang pagtago ng perang pinagbentahan ng bahay. Pareho kaming natigilan nang mag-ring ang cellphone ko. Tumatawag ang nanay ni Lincy. Nanahimik si Freya at nag-abang sa usapan namin.
"Hello po, bakit po kayo napatawag?" tanong ko sa kausap ko sa kabilang linya.
May nakapagsabi sa akin na ibinenta mo raw ang bahay ninyo ni Lincy? Bakit parang napakabilis naman?
"Ah, eh. M-may paggagamitan po kasi sana kami ni Freya no'ng pera na napagbentahan po ng bahay," kabadong pag-amin ko. Ang bilis naman nilang nasagap ang balita. Kaaalis lang no'ng kliyente namin tapos alam agad nila.
Anong paggagamitan mo? Hindi ba't may kita ka sa coffee farm? Kasama mo ba ngayon si Freya?
"Opo. Magkasama po kami. Actually, papunta na po kami diyan. Diyan na lang po namin ipaliliwanag ang tungkol sa plano namin."
Ibinaba na ni Nanay ang tawag. Nakatingin sa akin si Freya na naghihintay ng balita.
"Bakit raw tumawag sa'yo ang nanay ni Lincy?"
Napabuntong-hininga ako bago magsalita muli. "Alam na nila ang tungkol sa pagbenta ko ng bahay."
Nanlaki ang mga mata nito. "Ano?! Paano nila 'yon nalaman? Sinong nagsabi?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"Bakit ako ang tatanungin mo? Ikaw ang humanap ng buyer, 'di ba?" pagbalik ko sa kaniya ng tanong.
"Oo, ako nga. Wala naman akong ibang pinagsabihan. Baka kakilala nila kaya nasabi agad sa kanila."
"Siguro nga. Tara na at pumunta na tayo sa mansyon. Narinig mo ang sinabi ko sa tawag kanina. Pupunta tayo roon at ipaliliwanag sa kanila ang tungkol sa pagbenta ko ng bahay. Pagkakataon na rin natin 'to para magpa-impress sa mga matatanda."
"Talagang sinabi mo na magkasama tayo? Sabagay, malalaman rin 'yon kahit hindi mo sabihin. Halika ka na nga. Galingan mo sa pagdadahilan para mapabilis lang ang plano natin."
Dinala ni Freya ang bag na naglalaman ng pera sa loob ng kwarto niya at itinago ito sa isang cabinet.
Lulan ng aking sasakyan ay nagtungo kami sa mansyon upang kausapin ang mga magulang ni Lincy.
Kabado man ay sinikap naming umaktong normal upang hindi kami pagdudahan. Pagdating namin ay naabutan namin ang mag-asawa sa sala. Nagmano kami sa kanila at kahit hindi pa kami inaanyayahan ay umupo na rin kami.
"Nandito na pala kayo," medyo wala sa mood na sabi ni Tatay.
"Ah, opo. Mayroon po sana kaming ibalita ni Freya," pagsisimula ko.
"Ano 'yon? Tungkol ba iyan sa pagbenta mo sa bahay ninyo ni Lincy? Kalilipat lang no'n sa pangalan mo. Hindi ko naman akalain na ganoon mo na lang kabilis iyon na ibibenta? Napakabilis mo namang itinapon ang alaala ng bahay ninyo. Oo nga't sinabi naming hindi kami makikialam sa personal choices mo at personal buhay mo pero parang napakabilis naman?" naghihinakit na sumbat ni Nanay sa akin.
"Huwag po kayong magalit, 'Nay. Hindi ko po iyon ibinenta para sa wala lang at lalong hindi ko po iyon ibinenta para itapon nang tuluyan ang alaala namin ng asawa ko. Ibinenta ko po iyon para sa isang mas makabuluhang bagay. Nagdesisyon po akong ibenta 'yon upang ipagpatuloy ang ginagawang pagtulong ni Lincy. Tinulungan po ni Freya na makahanap ng sure buyer ng bahay at ang pera ay ipamamahagi namin sa mga nangangailangan."
Nawala ang galit sa mukha ni Nanay at lumambot rin ang reaksyon ng mukha ni Tatay. "I-Itutulong niyo?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"Opo, 'Nay. Gamit ang perang pinagbentahan ay balak ko pong bumili na lang ng isang maliit at simpleng bahay at ang iba pong pera ay ipamamahagi sa mga nangangailangan. Pasensya na po kayo kung hindi ko po kayo agad nasabihan tungkol rito. Pinag-uusapan pa lang po kasi namin ni Freya kung paano gagamitin ng tama ang pera para masiguradong sa mga tunay na nangangailangan ito mapupunta. Mahalaga po sa akin ang bahay namin na puno ng maraming alaala naming mag-asawa pero mas mahalaga po sa akin na maipagpatuloy ko ang mabuting nasimulan niya. At isa pa po, malaki naman ang nakukuha ko sa kita sa coffee farm," pagpapaliwanag ko.
"Ah, ganoon ba? Pasensya ka na rin kung nahusgahan ka agad namin kahit hindi pa naririnig ang paliwanag mo."
Nagdiwang ang kalooban ko sa sinabi niya.Tagumpay na ang first step ng plano namin. "Ayos lang po. Mali rin ako dahil hindi po agad ako nagsabi sa inyo. Puwede po naming hingin ang tulong niyo para makahanap ng mga charity institutions?"
"Aba! Oo naman, hijo. Pagdating sa mga bagay na iyan ay maaasahan mo ang tulong namin. Basta sabihan mo lang kami kung kailan mo kailangan ang tulong namin."
"Maraming salamat po, 'Nay."
"Hindi ko alam na may hilig rin pala sa charity works itong si Freya. Very good, hija. Magandang gawain 'yan," papuri nito kay Freya.
Ngumiti naman si Freya. Isang ngiting tagumpay. "Hindi lang po ako showy pero gusto ko rin pong makatulong sa kapwa."
"Nakakatuwa naman kayo. Kung nasaan man ngayon ang aking anak ay nasisiguro kong proud siya sa inyo. Alam kong matutuwa siyang makita na ipinagpapatuloy ninyo ang ginagawa niya."