Chapter 20
ANDREW
HINDI ako mapakali at hindi rin mapagtuunan ng atensyon ang mga tanong ni Manang Fely dahil sa takot na muling sumilay sa akin nang makita ko si Lincy sa likuran mismo ni Freya. Mukhang may agenda siya sa pagpapakita sa amin. Napansin si Manang Fely ang pagkabalisa ko kaya nagtanong ito.
"Hijo, anong problema? Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Anong nangyari sa inyo ni Freya at bakit sira ang harapan ng sasakyan mo?" nag-aalalang tanong kaya nawala sa isip ko ang muling pagpapakita sa akin ni Lincy. Akala ko ay tapos na ang problema ko sa kaniya ngunit, parang nagsisimula pa lamang.
"Ah, wala po, 'Nay. Nagkatuwaan lang po kami ni Freya at nagkayayaan ng inuman bago bumiyahe papunta rito. Medyo nahilo po ako sa biyahe kaya bumangga ang sinasakyan namin sa isang puno," pagsisinungaling ko.
"Ay Diyos ko pong mahabagin! Bakit naman kayo nagpakalasing bago nagmaneho? Maigi na lamang ay hindi kayo napahamak. May masakit ba sa iyo? Si Freya? Kumusta?" nag-aalala lalo niyang tanong sa akin.
"Ayos lang po kami, 'Nay. Huwag ka pong mag-aalala sa amin. Sayang nga lang po ang sasakyan. Paniguradong maraming gagastusin roon para maipaayos muli 'yon."
"Naku! Huwag mo nang isipin iyon. Materyal na bagay lang ang kotse na maaari pang mapalitan sa susunod. Ang mahalaga ay walang masamang nangyari sa inyo. Sa uulitin ay iwasan niyo nang bumiyahe kapag nakainom na kayo," paalala nito sa akin.
"Opo, 'Nay. Salamat po sa paalala."
Kung tutuusin ay napakabait ni Manang Fely sa akin. Hindi ko rin lubos maisip na nagagawa niyang pagtakpan si Manong Romy sa kahalayang ginawa nito sa kanilang anak na siyang dahilan ng pagrerebelde nito sa kanila.
Naiintindihan ko rin bakit gano'n na lamang kagaspang ang trato ni Freya sa ina kahit pa sinusubukan nitong mapalapit sa kaniya. Marahil ay pakiramdam ni Freya ay wala siyang naging kakampi na magtatanggol sa kaniya sa pang-aabusong naranasan nito. Gustuhin ko mang tulungan siya ay alam kong malaking kahihiyan rin kapag kumalat ang tungkol rito. Hindi lamang ang mga magulang niya ang mapapahiya kundi pati na rin siya.
Lumapit sa amin ang nanay ni Lincy at nag-aalalang hinaplos ang mukha ko.
"Anong ibig sabihin ng pinag-uusapan ninyo? Naaksidente ka ba? Bakit may galos ka sa noo?" nag-aalala rin nitong tanong. Dahil ayaw naming magtanong pa siyang muli tungkol kay Lincy ay ipinagpatuloy ko lamang ang pagsisinungaling ko.
"Nabunggo po ang sinasakyan namin ni Freya dahil pareho po kaming nakainom."
"Ano?! Kayo talagang mga kabataan, porke kaya ng katawan ay sige nang sige. Hindi dahil kaunti lang ang nainom ninyo ay isasapalaran ninyo ang kaligtasan ninyo. Nasaan si Freya?" nag-aalala ring tanong ng nanay ni Lincy.
"I'm here," sagot ni Freya na papasok pa lang sa pinto. "I'm fine, Donya Corazon, I mean, Nanay Corazon. Nagkayayaan lang po kami ni Andrew na uminom as celebration sa matagumpay naming mga charity works. Pang-alis pagod lang po," depensa naman nito. Napakagaling talaga nitong umarte. Hindi man lang mahahalata sa mukha niya ang kahindik-hindik na karanasan namin kanina.
"Wala namang masama sa pag-inom, hija. Kahit ako man ay umiinom rin. Ang gusto ko lang sabihin ay mag-ingat kayo. Kung nakainom na ay 'wag na kayo magmaneho para iwas disgrasya," paalala rin nito kay Freya.
"Opo. Pasensya na po kung pinag-alala namin kayo."
Si Manang Fely ang sumagot. "Nagugutom ba kayo, anak? Ipagahahain ko kayo," alok ng matanda sa amin. Kita ko sa mukha ni Freya ang pagpipigil na magtaray upang hindi makahalata ang nanay ni Lincy.
"Huwag na po, 'Nay. Inaantok na po ako. Gusto ko na pong matulog," magalang na sagot ni Freya ngunit hindi man lang tinapunan ng tingin si Manang Fely. Dumiretso na ito patungo sa kaniyang kwarto.
"Sige, anak. Magpahinga ka na muna. Bukas na lang kita ipaghahain," tila ay malungkot na sabi ni Manang Fely.
Binalingan naman ako ng tingin ni Nanay Corazon. "Ikaw, hijo. Baka nagugutom ka, ipaghahain ka ni Manang Fely ng makakain."
"Salamat po sa alok ninyo pero busog pa po ako. Inaantok na rin po ako. Sige po, mauna na rin po sa kwarto," pagpapaalam ko.
Ilang hakbang pa lang papalayo sa kanila ang aking nagagawa ay natigilan ako nang marinig namin ang malakas na sigaw ni Freya.
"Ano iyon? Bakit sumisigaw si Freya?!" tarantang tanong ni Nanay Corazon. Ako ay natigilan at hindi makaalis sa kinatatayuan ko. Hindi pa man ako nakalalapit sa kaniya ay may ideya na ako kung bakit ito sumisigaw.
Nagmadali silang nagtungo sa kwarto ni Freya. Para naman akong wala sa sarili na sumunod sa kanila. Naabutan naming bukas ang kwarto at takot na takot si Freya na nakasalampak sa sahig.
Nakasulat sa salamin sa malalaking letra ang katagang "LIAR" gamit ang isang pulang lipstick.
"Anong nangyayari rito? Sino ang nagsulat niyan?!" tanong ko.
Umiiyak na si Freya at bakas sa mukha nito ang labis na pagkatakot. "H-hindi ko po alam," nanginginig na sabi nito sa pagitan ng kaniyang mga hikbi.
Upang pakalmahin ang sitwasyon ay nagbakasakali si Manang Fely na may nagloloko lang. "Baka naman si Andrea ang nagsulat niyan. Alam niyo naman ang mga bata, natural na sa kanila ang pagiging pilyo. 'Teka at pupuntahan ko ito sa kwarto niya upang itanong ang tungkol rito."
"Mabuti pa nga, Fely," pagsang-ayon naman ni Nanay Corazon. Umalis si Manang Fely at nagtungo sa kwarto nina Elliana.
Pinakalma muna namin si Freya na nanginginig sa takot.
Bumalik si Manang Fely na kasama si Andrea at Elliana.
"Andrea, ikaw ba ang nagsulat sa salamin ng Ate Freya mo?" mahinahon nitong tanong upang hindi matakot ang bata. Tiningnan ng bata ang tinutukoy ni Manang Fely at saka umiling.
Hinawakan niyo sa magkabilang balikat. "Hija, masama ang nagsisinungaling. Naglaro ka ba kanina rito? Hindi kami magagalit basta magsabi ka lang ng totoo," pagpupumilit ni Manang Fely na paaminin si Andrea na pareho naming alam ni Freya na hindi nga ang bata ang may gawa.
"Hindi po talaga, Nanay Fely. Nasa kwarto lang po kami ni Ate Elliana," pagdepensa ng bata sa sarili niya.
Hindi na rin napigilan ni Elliana ang sumagot upang ipagtanggol ang kapatid. "Totoo po ang sinasabi ni Andrea. Pagkatapos po ng hapunan ay nasa loob lamang kami ng aming kwarto."
"Kung gayon ay dalawa lang ang puwedeng sagot sa totoong nangyari. May ibang nakapasok rito na imposible naman o baka may mga ligaw na kaluluwang nagpapalaboy-laboy rito. Sabagay, ay matagal na rin noong nagpapunta ako ng paranormal expert rito. Bata pa noon si Lincy at may engkantong napaglaruan siya. Siguro ay panahon na para ipa-check ko ulit itong bahay para malaman kung mayroon bang mga ligaw na kaluluwa rito lalo pa at masyadong malaki ito para sa kaunting nakatira rito," sagot ni Nanay Corazon.
"Huwag!" sigaw ni Freya dahilan upang lalong magtaka ang nanay ni Lincy.
"Bakit, hija?" nagtatakang tanong ng matanda. "Ayaw mo ba no'n? Masisiguro natin ang safety ng mansyon? Kaysa sa maulit ang ganitong pangyayari," dagdag pa nito.
Ang takot ni Freya ay napalitan ng pagkataranta. "H-Hindi po siguro kailangan iyon, 'Nay. Mas okay na po na wala tayong alam tungkol sa mga ligaw na kaluluwa na iyan. I mean, for me it is bothersome. Mas lalo lang akong matatakot at mag-iisip na may hindi normal dito sa kwartong ito. But if you insist, then go ahead," sagot ni Freya.
Sana nga ay bumenta ang explanation niya sa matanda. Mas malalagay kami sa alanganin kapag nagpapunta sila ng kung sinu-sinong nakakakita ng kaluluwa at matuklasan nilang si Lincy ang ayaw kaming patahimikin. Kung magkataon ay matutuklasan rin nila ang tungkol sa naging kamatayan nito.
"Agree po ako sa kaniya, Nanay. Hayaan na lang natin ang mga kaluluwang iyon. Baka mas magambala natin sila at magalit sa atin," gatong ko pa sa sinabi ni Freya.
Bahagyang nag-isip ang matanda at sumang-ayon rin sa amin. "May punto kayong dalawa. Nasa modern age na tayo kaya parang balewala na rin sa inyo ang tungkol sa mga kakaibang mga bagay. Oh, basta magdasal kayo sa tuwing may kakaiba kayong maramdaman rito sa bahay. Ipag-alay na lamang natin ng munting panalangin ang mga kaluluwang hindi pa rin makapunta sa dapat nilang paroonan."
"O-Opo," sabay na sagot namin ni Freya.
"Bumalik na tayo sa kaniya-kaniya nating kwarto upang makapagpahinga," pinal na sabi ni Nanay Corazon sabay alis.
Umalis na rin sina Manang Fely at Elliana kasama ang bata. Kaming dalawa na lang ang natira sa kwarto. Nagpalinga-linga muna ako upang siguruhin na kaming dalawa lamang ang nasa loob ng kwarto bago magsalita.
"Sulat-kamay ni Lincy 'yan," pagtutukoy ko sa nakasulat sa salamin.
Mas kalmado na ito kaysa kanina. "Alam ko. Alam ko, Andrew. Kaibigan ko siya."
"Mukhang ayaw niya tayong patahimikin. Paano na lang kung mas malala pa ang gawin niya? Paano kung patayin niya rin tayo?" nag-aalalang tanong ko.
Nagalit si Freya sa sinabi ko. "Stop it. Lalo mo lang ginagawang komplikado ang mga bagay. Hayaan mo ang asawa mo kung ayaw niyang matahimik sa kabilang-buhay. Wala namang ibang magagawa ang mga multo kundi ang manakot. Ang kailangan natin ay huwag magpaapekto sa ginagawa niya hanggang sa kusa siyang magsawa."
Nanahimik ako dahil hindi ko alam kung ano ang dapat isagot sa kaniya. Sana ay madaan ito sa pagbalewala at pagiging matapang.
Ngayon ko unti-unting napagtanto na napakalaki ng kasalanan ko kay Lincy. Alam kong magsisi man ako ay huli na.
Bakit nga ba ako nagpakahibang kay Freya? Hindi ko sana dadanasin ang ganito kung nakontento ako sa asawa ko. Marahil ngayon ay alam na ni Lincy na kami ang dahilan ng kamatayan niya kaya gusto niyang gumanti.
Sana ay maitama ko ang lahat ng ito. Sana ay puwede pa akong magkaroon ng second chance.