Kabanata 11

1987 Words
HIS LOVE, HIS OBSESSION Keehana Binuksan ko ang pinto at hinila siya para lumabas na, nagpahila ito pero tumigil din nang tumapat sa pinto. Mabibigat ang paghinga nito habang mariin akong tinititigan. “Pwes, kung nais mong manahimik, ibahin mo ako, Keehana. Hinding-hindi ako papayag na ganoon-ganoon na lang iyon. Kailangan nilang magdusa sa kulungan dahil sa ginawa nila sa iyo,” seryoso at delikadong sambit nito at saka bumaba ang tingin sa mga labi ko. Ngumisi ito. “Sa susunod na iwasan mo pa ako ay baka hindi ko na mapigilan pa na gumamit ng dahas, masunod lang ang mga gusto kong mangyari, Keehana. Itatak mo iyan sa kokote mo,” mariing bulong nito bago dire-diretsong naglakad papunta sa hindi pamilyar sa akin na motorsiklo nito. Ngayon lamang ito gumamit ng motor. Napamaang ako, ngunit sinamaan ko lamang ito ng tingin. Dahas? Gagamit siya ng dahas para lang masunod ang mga gusto niya? Ganoon ba talaga ang iba kapag may pera? Parang nagiging spoiled at lahat ng bagay ay dapat na umaayon sa gusto nila? Hindi kaya isang baliw iyon na adik din? Hindi ko alam ang motibo niya sa paulit-ulit niyang pagpunta rito, kung pagtulong nga ba iyon, pero ayoko pa rin sa kaniya. Takot na ako sa mga lalaki. Napailing ako at saka ibinagsak pasara ang pinto. Ang dami pang nakatingin sa amin na mga kapit-bahay at pinag-uusapan ako. Nang humarap ako ay napansin kong nagsilabasan ang mga kapatid ko mula sa kuwarto namin habang kinakain ang mga dinalang tsokolate ni Al. Bakas sa mga mukha nila ang lungkot habang nakatingin sa akin... Sumapit ang araw ng Lunes. Kahit malungkot ang nararamdaman ay kahit papaano, natuwa ako sa mga kapatid ko na nag-effort para batiin ako. Sa isang colored paper ay nakasulat doon ang pagbati nila sa akin na na-appreciate ko nang sobra. Niyakap ko tuloy ang mga ito nang mahigpit. Hinalikan ko pa ang ulo ng batang Lanie na tumatalon-talon sa tuwa. “Ate, pansit!” pangungulit sa akin ni Tania na ikinangiti ko. “Luto ka pansit!” Tumango ako rito at natawa dahil sa kakulitan ng mga ito. Tuwang-tuwa ang mga ito dahil nais makakain ng masasarap na pagkain. “Oo, mamaya ay lulutuan ko kayo. Alas siete pa lang, o.” “Yehey!” sigaw ng mga ito. Bumalik ako sa paglilinis ng sahig at napailing-iling. Ngunit awtomatiko kaming natigilan nang makarinig ng tunog ng sasakyan. Agad na nangunot ang noo ko. Sino na naman kayang mayaman ang pupunta rito? Nakiramdam na lamang ako at baka sa ibang bahay iyon. Ngunit natigilan ako nang may kumatok sa kahoy na pinto namin. Al? Kahit nagtataka ay iniwan ko pa rin ang ginagawa ko at binuksan ang pinto—para lamang matigilan sa lalaking maganda ang ayos ngayon. Unang pumasok sa isip ko ay ang umatras, at ambang isasara ang pinto nang pigilin niya iyon. Hindi ko naman kaya ang lakas nito kaya binitiwan ko na lamang ang kahoy na pinto at napayuko. Ano na naman ba ang kailangan niya rito? “Good morning, Keehana,” aniya na lihim kong ikinatigil. Ni hindi ko sinalubong ang tingin nito. “I said good morning. So, where’s my good morning, huh?” aniya nang mapansin ang pananahimik ko. Kalmado na ang tinig nito, hindi tulad kagabi na parang tigre. Hindi ko alam kung sa akin ba siya galit na galit kagabi o roon sa mga lalaking lumapastangan sa akin. Parehas ata. Huminga ako nang malalim at ibinaling sa iba ang tingin. “Ano ba ang kailangan mo rito?” nabuburyong ko nang tanong na ikinatawa nito nang mahina. Dahil tuloy roon ay nag-angat ako ng tingin dito. Ano namang nakakatawa sa sinabi ko? “I have a gift for you, Keehana. Happy birthday,” ngiting aniya na ikinakunot ng noo ko. Pasimple pang bumaba ang tingin ko sa mga kamay nito para hanapin ang regalo—dahil aaminin ko naman na hindi pa ako nakakaranas makatanggap niyon. Tumigil lamang ako nang mapansing susi lamang ng sasakyan niya ang hawak. Umiwas na lamang ako ng tingin. Papaano niya kaya nalaman na kaarawan ko ngayon? “S-Salamat.” Nakapagtataka. Matapos ko siyang sagut-sagutin kagabi nang pabalang ay mag-aabala pa siya na batiin ako rito? “May gagawin ba kayo ngayon? Or nakapagluto na ng ihahanda?” aniya pa na inilingan ko agad. “B-Bibili pa lang ako ng mga sangkap mamaya. Tinatapos ko lang ito,” nguso ko sa walis na hawak. Doon ay tumango ito at napangiti nang tipid. “Great. Ayain ko sana kayo sa bahay. I have prepared foods there, tiyak na magugustuhan ninyong magkakapatid.” Sa sinabi nitong iyon ay nagimbal ako. A-ano? Sa bahay niya? Nanatili akong nakatingala rito habang bangag pa ang utak. Nais ko na sanang tanggihan ang alok nito kung hindi lang nagsisisigaw sa tuwa ang mga kapatid ko na nakarinig. Yumakap ang mga ito sa akin at kinulit-kulit ako, si Melanie naman ay tila gusto nang sumama sa lalaki para lang makakain ng masarap na pagkain. Natigilan ako, bago harapin si Owen sa tabi na walang imik. Hiningi ko ang opinyon nito sa pamamagitan ng mga tingin ngunit nag-iwas lamang ito. Napahinga na lamang ako nang malalim at nahihiyang tumango sa lalaki. Nahihiya ako dahil sa tono ko sa kaniya kagabi, tapos heto at pakakainin niya pa kami sa bahay niya. Mabilisan lamang kaming nag-ayos ng sarili. Excited na excited ang mga bata para sa pagkain. Ang lalaki naman ay pasensyosong naghintay sa amin. Hindi ko alam kung ano ang iniisip nito ngayon dahil kita ko ang pagngiti-ngiti nito habang pinagmamasdan ako na inaasikaso ang mga kapatid ko. May kung anong kislap sa mga mata nito—tila ba limot na ang naging sagutan namin kagabi... Kay ganda ng sasakyan nito. Mabango sa ilong at masarap sa pakiramdam ang kalambutan ng upuan. Nanunuot sa katawan ko ang lamig na hatid ng AC nito. Talagang tuwang-tuwa ang mga kapatid ko na makasakay sa ganitong klaseng van—maging ako man. Hindi ko naman itatanggi iyon. Mula sa pagkakatingin sa unahan ay nilingon ako ng lalaki na kanina pa may kakaibang ngiti sa mga labi. “Ako lang ang nakatira sa bahay—maliban sa mga katulong ko—kaya hindi kayo maiilang doon,” anito na tinanguan ko kahit na ngayon pa lang ay naiilang na ako sa kaniya. Ibinaling ko na lamang sa labas ng bintana ang tingin at napangiti sa ganda ng nadaraanan namin. Hindi rin naman nagtagal ang biyahe namin. Marami itong nilikuang daan kaya halos hindi ko na natandaan pa ang daan pauwi. Saka lamang ako lumingon sa unahan nang bumusina ito sa mataas na gate. Matayog ang pader nito at puro puno pa ang paligid. Tila pa pribado ang lupain na nakapalibot sa bahay niya dahil walang ibang bahay na nakatindig sa paligid. Isa lamang iyong malawak na tila kagubatan. Nang bumukas ang tarangkahan ay para akong ignorante na natulala sa bahay nito. Kaakit-akit sa paningin ko ang kulay lupa at puti na pintura ng bahay. Ang ibang haligi niyon ay gawa sa salamin kaya naisip ko bigla ang mga napanood ko noong mga palabas. May pagkaluma ang disenyo ng bahay at iyon ang lalong nagbigay mangha sa akin. “Sweetheart,” pukaw sa akin ni Al na kanina pa pala nakatitig sa mukha ko habang hawak ang pinto sa tabi ko. Napangiti ito nang makita ang pagkapahiya sa mukha ko. Kahit nag-aalangan ay tinanggap ko ang naghihintay nitong kamay at bumaba. Binuksan nito ang pinto sa likod ng van at pinababa rin ang mga kapatid ko. Natulala pa ako rito saglit nang buhatin nito si Lanie pababa. Umiwas agad ako nang mapatingin ito sa akin. Inakay kami nito papasok kaya tila ba nahiya ako sa hitsura ko. Kay ganda ng mga kagamitan niya na makaluma na ngunit hinaluan ng pagkamoderno. Iyon ang napapansin ko sa disenyo ng magara niyang bahay. Ni hindi ko maipagkakaila na mayaman nga talaga siya. Mas lalo kaming nagmumukhang hampas-lupa rito ng mga kapatid ko. “Gutom na ba kayo? Balak ko sanang mag-order pa ng pizza at ice cream para sa mga kapatid mo,” baling nitong muli sa akin na ikinatigil ko. Hilaw akong natawa nang hindi naitago ng mga kapatid kong babae ang tuwa sa narinig. “Ice cream, Ate Keehana!” tuwang sambit ni Nadine kaya halos lumubog ako sa kahihiyan. Pasimple kong tinakpan ang bibig nito na tinawanan lamang ni Al. “It’s okay, Keehana. Hayaan mo na ang mga bata na maging masaya,” wika nito bago dumukot ng magarang phone sa bulsa kaya hindi na ako naka-angal pa. Ngayon pa lang ay naglalaway na ako sa kakainin namin. Bihira lang naman ang ganitong pagkakataon sa amin na makatikim ng mga masasarap na pagkain. Nakakahiya ngunit iyon talaga ang nararamdaman ng tulad kong salat sa pagkain at pera. Pinaupo kami nito sa malambot na upuan sa sala ng bahay at binuhay ang malaking flat screen TV. Halos maduling pa ako sa laki niyon ngunit namangha rin. “Ano ang gusto ninyong panoorin habang hinihintay natin ang in-order ko?” aniya habang nakatitig sa mukha ko na hindi maawat ang tuwa. Parang noong mga nakaraan lang, ni hindi ko magawang ngumiti at matuwa. Ngayon ay para bang wala akong iniindang problema. “I-Iyong babaeng naging prinsesa na lang. ’Yong may mga kasama siya na pitong duwende, tapos may prince charming na pogi,” suhestyon ko dahil iyon ang palabas na napanood ko dati sa kapit-bahay. Hindi ko nga lang natapos dahil pinagsarhan kaming dalawa ni Tania ng pinto at bintana. Pero naaalala ko na maganda iyong palabas. Napaisip pa ito saglit bago ngingiti-ngiting nag-search ng movie. “Naaalala ko ang palabas na iyon. Palaging pinanonood ng kapatid kong babae ang prinsepe na iyon dahil kilig na kilig siya.” Ngumiti tuloy ako sa sinabi nito habang pasensiyosang naghihintay. “Nakakakilig naman talaga ang palabas na iyon para sa akin. Simula nang mapanood ko ang movie na iyon, ini-imagine ko nang ako ’yong bidang babae, at ililigtas ako ng prinsepe ko. Tapos maninirahan kami sa palasyo at bubuo ng pamilya,” tuwang-tuwang pagkukuwento ko kahit na alam kong wala naman siyang pakialam sa imahinasyon ko na iyon. Ngunit agad na nawala ang masasayang ngiti ko na iyon nang mapansin ko ang kakaiba at malalalim na titig nito sa mukha ko. Ilang segundo niya iyong ginawa bago matauhan at may pinindot bago lumabas sa screen ang movie na panonoorin namin. Doon ay napangiti ako at na-excite. Itinutok ko sa TV ang atensiyon at ganoon din ang mga kapatid ko. Ni hindi ko na napansin pa ang oras dahil masyado akong nadala sa pinanonood. Naalis lamang ang atensiyon ko sa TV nang makarinig ng ingay sa labas. Nilingon ko si Al sa tabi ko na nakaupo at nakalatag ang braso sa itaas ng sandalan ng upuan sa likuran ko. Kanina ko pa nararamdaman ang pasimpleng paglalaro nito sa buhok ko at hindi nanonood sa palabas. Hindi ko naman ito pinapansin at sinisita kahit na naiilang ako nang sobra. Pinagmasdan nito ang mukha ko matapos kong lingunin. “Nariyan na ata ang in-order ko. Ipa-pause ko muna ang palabas para makakain na tayo, okay? Mamaya ay itutuloy natin ito,” anito na agad kong sinang-ayunan. Tumayo ito at lumabas ng bahay matapos pahintuin ang palabas. Pagbalik ay may bitbit nang pagkain kaya natakam ako lalo. Tila ba kumalam na ang tiyan ko. Sinenyasan kami nito na sumunod sa kaniya kaya tumayo kami ng mga kapatid ko at tumalima rito. Sa hapag-kainan ay maraming handa na masasarap na putahe. Nanlaki pa ang mga mata ko nang makitang may malaking cake roon na kulay puti at pink at may mga bulaklak pang disenyo. Tumigil ako sa kinatatayuan ko at marahang kinagat ang ibabang labi. Tumingala ako sa lalaki na hindi ko alam kung bakit pinaghandaan pa talaga ako para sa kaarawan ko, gayong hindi naman kami lubos na magkakilala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD