“Ayusin mo ang kapit sa baywang ko,” angil nito kay Tantan. Hindi kasi siya sanay na may naangkas sa kaniya sa motor. Marunong siyang magmotor dahil mayroon siya niyon sa probinsiya. Pero hindi pa siya nakaangkas ng lalaki roon.
“Ikaw ang mag-ayos magmaneho. Baka mamaya e masemplang tayo,” sabi nito na hindi naman nagpapatalo kay Hazel.
“E kung ayaw mo, ikaw na magdrive. Hindi naman dila mo ang magmamaneho e,” sagot naman niya rito. Wala na talaga silang matinong pag-uusap. Lagi na lang nagbabangayan.
Paandar na sana sila nang dumaan ang kotse ni Greg at hintuan sila. Nakapako ang paningin nito sa dalaga. “Sir, ingat,”
Napalunok siya ng laway nang biglang kumapit sa baywang niya si Tantan habang nakatingin si Greg. Agad namang umiwas si Greg ng tingin at nilampasan sila.
“Kung kailan talaga dumaan si Sir, e ‘no? Timing ka rin talaga,” reklamo niya kay Tantan.
“Bakit? Anong ginawa ko? Hindi pa ba tayo uuwi?” Hindi na niya inintindi ang sinabi ng dalaga. Ngingisi-ngisi pa ito habang nakasandig ang ulo niya sa likod ni Hazel nang umandar na ang motor. Panay naman ang tulak ni Hazel ng likod niya para umalis ang binata ngunit tila manhid ito na walang pakialam.
Mabagal lang ang takbo nila nang mapansin ni Hazel na naroon pa ang sasakyan ni Greg. “Napakabagal mo naman magmaneho.”
Wala naman siyang pakialam sa reklamo ni Tantan. Sa isip-isip niya ay magdusa ito dahil siya ang pinagmaneho. Nang makapantay ang motor nina Hazel at Tantan sa kotse ng boss nila ay nagtama ang mga mata nina Hazel at Greg.
Tila napaso na agad na umiwas si Hazel at napakagat pa sa labi. Nakatingin naman si Tantan sa dalawa. “Itabi mo. Ako na.”
Dahil hindi itinabi ni Hazel ay hinapit ni Tantan ang baywang ng dalaga para maagaw ang atensiyon nito. Hindi naman ito nabigo dahil agad na huminto sa tabi si Hazel. Kitang-kita ni Tantan na mas bumagal pa ang sasakyan ni Greg na tila hinihintay sila. Nang makapagpalit na sila ng puwesto ay agad na pinaharurot ni Tantan ang motor palayo sa boss nila.
“Panira ka ng view. Bakit mo iniwan si boss?” sermon niya sa binata.
“Hindi ko siya iniwan. Mabagal lang talaga siya magdrive. At isa pa ay gutom na ako. Dahil sa paso ko ay hindi ako makakain ng maayos.” Halos nagsisigawan na sila sa motor dahil hindi na sila magkarinigan sa bilis ng pagmamaneho ni Tantan.
“Nako, ikaw, Ethaniel. Mga palusot mo. Ikaw may kasalanan niyan kaya magdusa ka,” sermon niya pa rin dito.
“Ha?” sigaw ni Tantan sa kaniya.
“Sabi ko sayang ang hitsura mo kung bingi ka!” sagot naman ni Hazel na natatawa sa binata. Malayo na sila kay Greg at malapit naman na sila sa lugar nila.
“Hindi ako bingi!” lalong napahalakhak si Hazel.
“Wow! Iyon talaga, narinig mo ‘no?” naiiling na sabi pa niya.
Nang makarating sila sa apartment ay pinaghahampas ni Hazel si Tantan sa braso nito. “Sobra ang ginawa mo kanina. Tyansing ‘yon!”
“At isa pa, ang salbahe mo na iniwan mo si Sir Greg,” hindi pa rin natapos na sermon niya rito.
Hahaplos-haplos naman si Tantan na natatawa lang sa kaniya. Hindi niya alam kung ano ang trip ng boss nila pero inilalayo lang niya si Hazel sa magiging resulta kung sakaling wala itong pag-asa sa boss nila. Ayaw niyang masaktan ito. Pero bakit?
“Diyan ka na nga,” sabi niya sa binata at saka ito iniwan sa ibaba. Mabilis siyang pumanhik sa hagdan papunta sa apartment niya.
“Sorry, ampalaya ko. Si Tantan kasi,” nakangusong sambit niya sa sarili nang makapasok sa loob ng bahay niya. Agad na nagtungo sa banyo at nagshower. Katulad ng nakasanayan na niya ay diretso siya ligo pagdating mula sa trabaho para fresh bago magdinner.
“Hmm?” pikit ang isang mata na napatingin siya sa cellphone niyang tumutunog. Hindi niya maimulat ng maayos ang mga mata niya dahil sa sabon. Mabilis na hinugasan niya iyon upang masagot ang tumatawag—si Greg.
Dali-dali niyang pinunasan ang basang kamay niya ng tuyong towel. Agad na dinampot ang phone sa nakasabit na lagayan ng phone sa toilet. Madalas kasi siyang magbabas sa banyo at magpatugtog kaya naman may patungan ang phone niya roon. Nang pipindutin na niya ang answer ay biglang nahinto ang tawag.
“Bakit kaya natawag si Sir?” tanong niya sa sarili. Ilang segundo rin siyang nag-isip nang mapagdesisyunan niyang mag-return ko. Papindot na sana siya sa answer button nang mag-pop-up ang message ni Greg.
“I’d like to talk to you,” basa niya sa mensahe. Sumunod pa rito ang lugar kung saan siya nito balak kausapin.
“Bar? Bakit naman sa bar? Mag-iinuman ba kami?” napapaisip niyang tanong sa sarili. Natutuwa siya na magkikita sila, pero bakit kailangang sa bar pa? Kahit nalilito ay sumagot siya rito na pupunta siya. Mabuti na lang talaga at routine na niya ang maligo after work pagdating sa bahay.
“O, kauuwi mo lang, a. Saan ka pupunta?” Naningkit ang mga mata niya sa tanong ni Tantan. Nakaligo na rin ito at nakatambay sa harapan ng apartment habang nagkakape.
“At kailan ko pa dapat i-report ang mga lakad ko sa’yo?” pagkasabi ay ngumuso siya at tinalikuran niya ito. Natuwa naman siya nang hindi na siya usisain pa nito. Agad siyang sumakay ng jeepney papunta sa lugar na sinasabi ni Greg.
Hindi naman muna uminom si Greg habang hinihintay si Hazel kahit pa tinatanong na siya ng bar tender kung same ba ang order niya. “I’ll have one later.”
Tumango lang ang bar tender sa kaniya. Napaisip din naman si Greg kung bakit ba roon niya niyaya si Hazel. Nagulat din naman siya nang pumayag ito lalo pa at wala itong kasama na pumunta roon. Though, safe naman sa ngayon.
“Greg?” napalingon nang mabilis ang binata pagkarinig ng pangalan niya.
“Win? What are you doing here?” agad na usisa niya sa dalaga.
“Well, the same reason as you being here, I guess,” sagot nito sa kaniya.
“What a coincidence,” agad na bumeso ito sa binata na eksakto namang tagpo na naabutan ni Hazel. Sa halip na tumuloy ay nagkubli na lamang siya sa likod ng pinto habang nakatingin sa dalawa.
“Kakausapin ako kasama si Winona? Bakit?” Naguguluhan siya sa nangyayari. Hindi niya maisip ang dahilan hanggang sa tila may ilaw na sumindi sa gilid ng utak niya.
“Ay nako, ampalaya ko. Huwag mong sabihing irereto mo’ko sa tibong iyan,” parang baliw na kausap nito sa sarili.
Napansin niyang panay ang tingin sa relo si Greg. Ramdam niyang nag-aalala ito kung nasaan na siya pero ayaw niyang magpakita sa dalawa lalo na kay Winona. No. Singhal niya sa sariling isip. Hindi siya magpapakita hangga’t hindi naalis ang babae na yan.
“Drinks?” alok ni Greg sa babaeng kausap.
“No, thanks. Hindi na kita iistorbohin. May imi-meet pa ako. See you around.” Nang makapagpaalam ito ay saka ito umalis. Mabilis na nagtakip si Hazel ng mukha nang mapadaan si Winona sa malapit sa kinaroroonan niya.
“Hay, salamat naman,” bulong niya nang mawala na ito sa paningin niya. Hindi naman na nagdalawang isip ang dalaga na lapitan si Greg.
“Hi Sir. Pasensiya na po kayo. Na-traffic lang,” sambit niya rito.
Hindi ito umimik at tiningnan lamang siya.