Ilang segundo ring nagkatama ang mga paningin nila. Kapwa tulala sa isa’t isa. Hindi alam ni Greg kung paano magsisimula. Sasagot pa ba siya na ayos lang kahit na-late si Hazel o sasabihin na kaagad niya ang pakay niya.
“Hey, hey, hey! Narito rin kayo?” Inakbayan ni Tantan ang dalawa at salit-salitang tiningnan. Doon lamang nagbalik ang ulirat ng dalawa. Inalis ni Greg ang akbay sa kaniya ng empleyado at ganoon din naman si Hazel.
“O? Anong ginagawa mo rito?” tanong niya sa binata ngunit ang atensiyon niya ay nakay Greg. Bakas sa mukha nito ang pagkadismaya. Bago pa man makasagot si Tantan ay naagaw na ang atensiyon nila nang magsalita ang bar tender.
“Hazel?” sabi ni Allen.
“Oy, Allen. Dito ka pala nagtatrabaho?” Agad na tumango-tango naman ang binata.
“Oo. Ito ang bar na nabanggit ko sa’yo,” sabi pa nito. Ngunit napahinto ito nang mapansin ang dalawang binatang nakatingin sa kaniya.
“Kapit-bahay ko po siya at kaibigan,” agad na paliwanag nito sa dalawa na hindi man nagsasalita ay tila iyon ang nais nilang tanungin sa bar tender. Hindi umimik si Greg ba animo’y walang pakialam sa nalaman. Ngunit si Tantan ay nag-react.
“Kapit-bahay mo? E ‘di kapit-bahay rin kita, P’re!” Agad na nakipag-apir ito kay Allen. Kahit nag-alangan ito kanina ay napanatag din nang malamang kapit-bahay rin nila si Tantan.
“Beer lang ako, P’re.” Tumango si Allen at iniabot ang beer sa binata.
“Ikaw, Hazel?” Umiling naman ang dalaga na nakikiramdam. Tahimik si Greg at nakatingin naman si Tantan sa kaniya na nagtataas-baba pa ang kilay. Hindi na nakatiis ang dalaga at nagpaalam ito kay Greg.
“Sir, sandali lang po,” sabi niya sa boss niya at saka hinatak nito si Tantan sa sulok ng bar.
“Anong ginagawa mo rito?” pabulong na tanong nito na kahit naman normal lang na pagsasalita ay hindi pa rin naman sila maririnig doon.
“Bakit? Bawal ba akong pumunta sa ganito?” mabilis na sagot ng binata.
“Hindi,” sabi naman ni Hazel.
“Iyon naman pala e. Narito ako para uminom.” Napapataas na lang ang kilay ni Hazel. Hanggang dito ba naman ay iinisin siya ni Tantan.
“E bakit nga rito? Marami namang ibang bar. Sinundan mo’ko ‘no?” Mabilis na tumanggi si Tantan.
“Oy, hindi, a. Bakit naman kita susundan?” Nanahimik na lang si Hazel at huminga nang malalim. Ayaw niyang masira ang gabi niya.
“Diyan ka na nga. Humanap ka ng upuan mo na malayo sa’min, a.” Pagkasabi ay naglakad na ito pabalik sa kinaroroonan ng boss niya. Sinundan lang siya ng mga mata ni Tantan.
“Pasensiya ka na, Sir. Wala na namang magawa si Tantan. Mangungulit lang siguro iyon,” paliwanag ni Hazel. Hindi naman umimik si Greg tungkol doon. Ilang segundo pa bago ito nagsalita.
“Maupo ka,” tanging sambit ni Greg. Naupo naman kaagad si Hazel dahil bakante ang upuan sa tabi nito.
“You should’ve said no and refused my invitation,” sabi ni Greg na nakapagpalingon kay Hazel.
“P-po?” Nabigla siya sa sinabi nito. Hindi niya ine-expect na ito ang sasabihin ni Greg sa kaniya.
“Stop whatever you’re doing. Whatever you’re feeling for me… I know you like me. But… I never like you,” seryoso at matalim na sabi nito. Hindi niya ine-expect ang bagay na ito.
Akala niya ay okay sila. Akala niya ay okay lang. Nagkamali siya. Ayaw pala nito ang ginagawa niya. Pero bakit? Napabulong na lamang siya sa sarili, “You never like me?”
Gustong-gusto niyang itanong iyon ngunit hindi maisambit ng labi niya. Ilang minutong katahimikan ang namayani sa pagitan nilang dalawa. Walang imikan. Ramdam niyang nag-iinit ang kaniyang mga mata. Ngunit pinipigilan niya ang likidong nais kumawala roon.
“Don’t bring food anymore at my desk,” dagdag pa ni Greg. Seryoso pa rin ito at hindi kababakasan ng kahit ano mang emosyon. Nais ni Hazel tanungin kung para saan ang kape na ibinigay nito noon ngunit baka masabihan lang siya nito na mali ang interpretasyon niya.
“This will be the last time that you’ll be my secretary. I will move you to Ethaniel’s team,” sabi pa nito.
“Po? Bakit po? I promise, Sir. Hindi na kita dadalhan ng food. Huwag niyo lang po akong tanggalin bilang secretary mo,” pigil pa rin ang luha na sabi ni Hazel. Ngunit final na ang desisyon nito. Tumayo ito at tumalikod sa kaniya.
“Let’s go. Ihahatid na kita sa inyo,” sabi pa nito ngunit umiling si Hazel.
“Mauna na po kayo, Sir. Kaya ko naman ang sarili ko.” Sa narinig na iyon ni Greg ay hindi na siya nagpumilit pa na ihatid ang dalaga. Lumakad ito palabas ng bar. Nang maramdaman ni Hazel na wala na ito ay hindi na niya napigilan na pakawalan ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan.
Dumaloy ang maiinit na likido sa kaniyang pisngi habang yumuyugyog ang kaniyang balikat. Hindi niya alam kumg bakit bigla na lang nagbago si Greg sa kaniya na akala niya ay may progress na ang ginagawa niyang pagpapapansin dito. Ngunit tila hindi naman pala ito tinablan at naging resulta pa ng paglayo nito sa kaniya.
“Uwi na tayo,” sambit ni Tantan sa dalaga nang lapitan niya ito ngunit umiling lang si Hazel. Hindi niya narinig ang usapan ng dalawa ngunit alam niyang hindi naging maganda ang resulta.
“Tara na,” yaya niya ulit dito ngunit hindi pa rin ito umimik at patuloy ang mga paghikbi. Um-order ito ng alak at nilagok ang laman ng baso saka muling um-order ulit. Nakakatatlong tungga na siya nang maubo siya sa ininom niyang alak.
“Okay ka lang? Tama na iyan. Uwi na tayo,” sambit muli ni Tantan. Ngunit ayaw pa rin ni Hazel. Muli siyang tumungga ng alak at saka lamang natigil ang iyak niya. Ngunit tantiya ni Tantan ay lasing na ito lalo pa na subsob na ito sa counter. Ilang minuto rin itong ganoon ang ayos. Mayamaya ay muli itong humingi ng alak.
“Isa pa, please.” Agad na iniabot naman ng bar tender ang alak sa kaniya. Sa pagkakataong iyon ay tuluyan na siyang napasubsob sa bar counter. Naiiling na lang si Tantan na naupo sa tabi nito. Hihintayin niyang mahimasmasan ang dalaga. Idinikit niya rin ang pisngi niya sa counter at tinitigan ang lumuluha pa ring dalaga.
“Mahal kita…” usal ni Hazel kahit na nakapikit naman ito at tila natutulog. Nakatitig pa rin ang binata rito.
“Bakit?” muling usal ni Hazel. Nagdesisyon si Tantan na iuwi na ito. Nagpatawag ito ng taxi kay Allen at nagpaalalay na isakay ang dalaga roon. Katulad kanina ay nakapikit pa rin ito habang nagsasalita.
“Greg…” sabi nito habang nakapatong ang ulo nito sa balikat ni Tantan.
“Sabi naman kasi sa’yo, e.” Hindi na itinuloy pa ni Tantan ang sasabihin. Sesermonan sana niya ang dalaga ngunit useless lang dahil hindi rin naman siya maririnig nito. O marinig man siya nito ay wala ito sa tamang sarili para magreact sa sasabihin niya.
“Ang bigat mo naman.” Binuhat ni Tantan ang dalaga papunta sa apartment. Sinubukan niya itong gising ngunit tila lasing na lasing na ito sa ilang basong alak na nainom nito. Nang nasa tapat na sila ng apartment nito ay hinanap niya ang susi sa bag nito ngunit wala siyang makita.
“Oy, nasaan na ang susi mo?” Pilit niyang ginigising ito ngunit wala talaga siyang makita.
Napabuntong-hininga na lamang siyang muling ibinaba ang dalaga sa palapag ng apartment niya at dinala sa loob ng bahay niya. Nang mailapag niya ito sa kama at nagshower siya dahil dumikit na yata sa damit niya ang amoy ng alak at sigarilyo mula sa bar.
Isang malakas na tili ang bumulahaw sa natutulog pang si Tantan. Pikit ang isang mata na napasilip sa relo sa tapat ng pintuan ng kuwarto niya. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya habang nakikinig ng musika sa cellphone niya.
“Oy, bakit?” Mabilis niyang dinaluhan ang babaeng tumitili na nasa loob ng kuwarto niya.
“Anong bakit? Anong ginawa mo sa akin kagabi? At bakit ako narito sa bahay mo? Bakit nasa kuwarto mo’ko?” Sunod-sunod ang tanong ni Hazel na hindi naman malaman ng binata kung alin ang uunahing sagutin.
“OA ka naman sa anong ginawa ko sa’yo. As if ka-interes-interes ka. Ikaw na nga itong nakihiga sa kama ko at nakitulog sa kuwarto ko e pagbinintanga mo pa akong may ginawa sa’yo,” sermon ng binata.
“E bakit ako narito? Sana inihatid mo ako sa bahay ko.” Napasapo na lang ang binata sa ulo. Sa pagkakatanda niya ay ganoon ang ginawa niya kagabi pero hindi niya makita ang susi nito.
“Saan mo ba iniligay ang susi mo? Wala kasi sa bag mo.” Napatutop naman ng bibig si Hazel.
“Hala! Naiwan ko yata sa loob sa pagmamadali kong umalis.” Napasabunot siya sa buhok niya.
“Ano? Babangon ka na ba para naman makapiling ko na ulit ang kama ko?” Napaarko ang kilay ng dalaga.
“Oo na. Yakapin mo na ang kama mo. Baka miss na miss ka na niyan.” Agad na bumangon ang dalaga at saka kinuha ang gamit bago umakyat sa bahay niya. Si Tantan naman ay nahiga pa nang kaunti dahil nanakit ang likod niya sa pagbuhat kay Hazel.
Nasa ilalim ng basahan na may nakasulat na welcome ang spare ng susi ni Hazel. Alam niyang mangyayari ang bagay na ito in the future kaya naman itinago niya iyon doon. At hindi nga siya nagkamali. Maiiwan nga niya ang susi niya sa loob ng bahay niya.