"El Salvador," manghang sambit ni Valeria. Tumingin ito sa labas ng bintana at ngiting tiningnan ang kakaibang istilo ng mga bahay sa lugar na 'yon.
Tama nga ang sabi nila. Talagang napakaganda ng El Salvador at hindi matatawaran ang disenyo ng mga bahay na parang tinayo nang panahon ng mga Kastila. Kung hindi pa alam ni Valeria na nasa modernong panahon siya, aakalain niyang nakapasok siya lugar ng mga ilustrado.
Samantala, kanina pa pinag-aaralan ni Alkan si Valeria. Tiningnan niya kung anong pinagkaiba nito sa ibang babae na lumalapit lang sa kaniya dahil sa kaniyang kakisigan o kaya ay sa kayamanan. Ngayon na dinala niya ito sa lungga niya, sana naman ay may mapapala siyang maganda. Kung tunay bang may koneksyon silang dalawa o wala.
Pinarada niya ang kotse sa tapat ng Lakandiwa Apartment at tumingin kay Valeria. Umikhim siya. "Bumaba ka na," aniya saka naunang umibis.
Bumaba na rin ng sasakyan si Valeria at ngiti pa ring nililibot ang tingin sa paligid. Iginiya niya ang babae tungo sa entrada ng Apartment. Dahil na rin sa suot nitong simple at madalas na suoting ng mga probinsiyana, tumaas ang kilay ng security guard.
"Sir? Kilala mo ba itong babae?" tanong nito.
Walang gana siyang tumango at tumingin kay Valeria. Pilit itong sumisilip sa loob ng magarang apartment house. "She's my... friend."
"Talaga, Sir?" ani ng guwardiya saka nilabas ang log book at bumaling kay Valeria. "Miss, sulat mo muna pangalan mo rito saka contact details."
Mas lalong nagsalubong ang dalawang kilay ni Alkan sa sinabi ng guwardiya. Nang una siyang pumasok sa apartment, hindi naman nito hiningi ang pangalan niya. Umismid siya. May ganito na pala sa probinsiya. Hindi lang pala sa lungsod nangyayari ang diskriminasyon.
Matapos magsulat ni Valeria ay ngiti nitong binalik sa guwardiya ang log book. Tumango ang lalaki at walang salitang tinanggap iyon. Iginiya naman ni Alkan si Valeria papasok.
Pero hindi pa sila nakakapasok nang tuluyan nang magsalita ang guwardiya. "Ingat ka, Sir. Maraming mandurugas at social climber sa panahon na 'yon."
Naging isang linya ang mga labi ni Alkan dahil sa narinig. Napansin din niyang nabawasan ang ngiti sa mga labi ni Valeria. Nainis siya sa guwardiya kaya naman hinarap niya ito at tinaas ang gitnang daliri. Mukha namang nagulat ang guwardiya sa ginawa niya kaya mabilis itong nagbaba ng tingin.
Umismid siya at dumiretso sa hagdanan habang akay si Valeria. Walang sinabi ang babae kaya wala rin siyang imik, hanggang sa marating nila ang kuwarto niya. Binuksan niya 'yon at marahang tinulak si Valeria sa loob. Napasinghap pa ang babae nang nilibot ang tingin sa loob ng kuwarto.
"Come here," aniya saka naupo sa upuang katapat ng tea table.
Napatingin sa kaniya si Valeria kaya sinenyasan niya itong maupo sa upuang katapat ng kaniya. Tumalima naman ito. Tiningnan niya muna ang ekspresyon nito saka umikhim. "May kilala ka bang Surikong?" tanong niya.
Bumaling sa kaniya si Valeria at napatitig saglit sa mukha niya bago tumango. "Hindi ko siya personal na kilala pero madalas laman ng usapan ang isang tindero na nagngangalang Surikong. Bago pa lang ako rito sa San Roque kaya hindi ko talaga alam kung anong meron sa lugar na ito."
Napaiwas siya ng tingin. "Dito ka lang ba nakakita ng kababalaghan? Noon? Nakakita ka na ng hindi nakikita?"
Nangunot ang noo ni Valeria. Maya-maya pa'y bahagya itong tumango. "Hindi ko sigurado pero nang bata pa ako, sabi ng nanay ko na nakita niya akong balisa. Nang tinawag daw niya ako ay bigla akong umiyak at sinabi sa kaniyang may nakita akong lalaking may itim na pakpak sa harapan ko."
Mabilis niyang binalik ang tingin kay Valeria. Tulala na itong nakatingin sa bandang dibdib niya at alam niyang inaalala nito ang nakaraan.
"Pagkatapos... anong nangyari?"
"Pinatahan niya ako gamit ang walis tingting."
Naningkit ang mga mata niya sa sinabi nito pero nang makuha niya ang punto ay pinigilan niyang kumuwala ang isang tawa sa labi niya. Masama naman siyang tiningnan ni Valeria. "Wag kang tumawa." Umirap ito. "Iyon ang sinabi ni nanay pero wala akong naalala sa oras na 'yon. Saka normal lang sa aking pinapatahan gamit ang walis tingting."
Sumeryoso ang mukha niya. "Nasa'n ang pamilya mo?"
Doon lang nabawasan ang sungit sa ekspresyon ni Valeria saka nagbaba ng tingin. "Wala na sila. Sabay silang namatay nang isang buwan. Wala akong kapatid kaya ulila akong lubos. Nagdesisyon na lang akong manirahan dito dahil hindi ko kaya ang presyo ng paninirahan sa lungsod. Sabi naman ni nanay na galing sila rito sa San Roque bago lumuwas sa lungsod at doon na nanirahan."
Napaisip si Alkan sa sinabi ni Valeria. Nang isang buwan din nang mamatay ang ama niya at sinundan ng ina niya. Galing din sila sa San Roque at tulad ni Valeria, bumalik siya sa bayang 'yon. Pero iba ang dahilan nilang dalawa. Siya ay para malaman ang misteryo sa pagkamatay ng pamilya niya habang gustong manirahan ni Valeria sa bayan ng San Roque.
Bumuntong-hinga siya. "Wala bang naikuwento ang magulang mo tungkol sa kababalaghan?"
"Wala," sagot ni Valeria. "Hindi naman sila nagkukwento sa kababalaghan. Basta sinabi lang ng magulang ko ay mag-ingat ako at 'wag basta magtiwala sa estranghero."
Tumaas ang kilay ni Alkan sa sinabi nito. "And I'm not a stranger?" sarkastiko niyang tanong.
Natawa nang bahagya si Valeria. "Simula kagabi na sabay nating nakita ang nasa himpapawid, parang nagkaroon na tayo ng koneksyon. Hindi ba tama ako? Mukhang tayong dalawa lang ang nakakita no'n kagabi."
"Paano ka nakakasiguro?"
"Tinanong ko sa kapitbahay ko kung may nakita ba silang kakaiba sa langit pero sabi nila na wala raw. Pati na si Aling Bechay na nagtitinda ng bulaklak sa may tabi at palaging nakaharap sa labas, wala rin siyang nakita."
Mas lalong lumalim ang kunot sa noo niya. Maging ang kasamahan niya sa apartment na 'yon ay pare-pareho lang ang sagot nang tinanong niya kung may nakita ba silang kakaiba sa kalangitan. Wala raw silang nakita.
Kung gano'n, silang dalawa lang ang nakakita niyon?
Umikhim siya at nilibot ang tingin sa loob ng kuwarto. Kita niya ang nagkalat na hamog ng anino dahil hindi na pumapasok ang sinag ng araw sa kuwarto. Pero pansin niyang iniiwasan ng anino si Valeria. Naningkit ang mga mata niya at napatingin sa babae na patingin-tingin sa paligid. Anong meron kay Valeria?
Wala namang kakaibang liwanag na nakapalibot sa babae tulad ng kay Daniella noon. Wala ring apoy na pumapalibot tulad kina Aling Nena at Rowena. Isa lang namang ordinaryong tao si Valeria pero bakit ayaw itong dapuan ng anino?
Dahil tumaas ang kuryosidad niya, may naisip siyang gawin.
Tumayo siya bigla kaya napatingin sa kaniya si Valeria. "Tumayo ka," utos niya sa babae.
Kahit naguguluhan ay tumalima ito sa utos niya. Walang imik itong tumayo habang takang nakatingin sa kaniya.
Inabot niya ang magkabilang-balikat ni Valeria saka inakay ito palibot sa loob ng kuwarto. Pero kita niya kung paano umiwas ang hamog. Naging isang linya ang mga labi niya.
"Alkan?" takang tanong ni Valeria sa kakaibang inaasta niya. Pero hindi niya ito pinansin at hinabol ang hamog. Nagpatianod ang babae pero kita pa rin ang pagtataka sa mukha nito.
May kumpol ng hamog na bumuo sa sulok ng kuwarto kaya naman inakay niya si Valeria palapit sa sulok. Napangisi siya dahil alam niyang hindi na makakilos ang hamog palayo. Nakulong na ito sa sulok at tanging paraan para lumayo ito ay dumaan kay Valeria na tinutulak niya palapit sa sulok. Nakaharap sa kaniya ang babae at marahang umaatras dahil sa pagtulak niya.
"A-Alkan?" nanginginig nitong pukaw sa kaniya. Pero wala na siyang pakialam sa panginginig ni Valeria. Ang nasa isip niya sa mga oras na 'yon ay ilapit si Valeria sa anino at tingnan kung dadapo ang hamog sa balat nito.
Pero nang maitulak na niya si Valeria sa sulok, biglang nagkagulo ang hamog. Kasabay ng paglapat ng likod ni Valeria sa dingding at marahan nitong pagsinghap, ay ang pag-atake ng itim na hamog sa kaniya.
Mabilis na kumapit sa balat niya ang anino. Pero imbes na lamig ay isang nakakapasong init ang naramdaman niya. Napahiyaw siya sa hapdi at pilit na tinanggal ang aninong dumikit sa balat niya.
Pero tulad noon, hindi niya matanggal-tanggal ang anino hanggang sa mawalan na siya ng ulirat dahil sa tindi ng nakakapasong init na bumalot sa katawan niya. Bumagsak si Alkan sa sahig kasabay ng marahang pagsinghap ni Valeria.