Kabanata 12: Valeria

1100 Words
Kinabukasan, isang ringtone ang pumukaw sa kaniya. Napabalikwas siya ng bangon at mabilis na sinagot ang tawag kahit pa hindi niya tinitingnan ang caller ID. "Hello?" aniya, paos pa ang boses. Sa una ay walang nagsalita sa kabilang linya. Papatayin niya sana ang tawag pero may narinig siyang banayad at paos na boses. "A-Alkan?" Tinakasan siya ng antok at napamulat nang marinig ang pamilya na boses. Maya-maya pa'y nakilala niya ang may-ari niyon. Umikhim siya. "Valeria? Napatawag ka?" "Ah... k-kasi, uh... kakagising mo lang b-ba?" "Mmm." Bumangon siya at nag-unat-unat. "Ikaw? Nakatulog ka ba nang mahimbing kagabi?" tanong niya. Hindi naman niya alam kung bakit paos at pagod ang boses nito. Pero hinala niya ay hindi ito nakatulog nang maayos, o baka hindi na nga ito natulog pa. 'Yan din ang nangyari sa kaniya nang una siyang makakita ng anino. Gising siya pagkagat pa lang ng dilim hanggang pagsikat ng araw sa silangan. "M-Medyo," bulong nito, nanginginig pa ang boses. At sa oras na 'yon, alam niyang bawal siyang magbiro. Napakurap siya Alkan at napakamot sa batok. Maliwanag sa kuwarto niya. Lumulusot ang liwanag ng papasikat pa lang na araw sa silangan, at hindi niya talaga binaba ang kurtina kagabi para pagsikat ng araw ay wala siyang makitang aninong pahara-hara sa kisame ng kuwarto niya. Lumalayo kasi ang mga anino sa liwanag, lalo na sa liwanag ng sinag ng araw. Kaya nakita niya itong nakatayo sa sulok, sa may kadilimang parte. Napailing siya. Sa gano'ng oras lang siya nasisiyahan dahil walang aninong nambubwiset sa kaniya. "A-Alkan?" tawag ni Valeria. Bumalik sa huwisto ang isip ni Alkan at napaikhim na naman. "Hindi ka natulog?" tanong niya. "Ah, nakatulog ako. Ilang minuto lang, pero nagising ako sa masamang panaginip. Hindi na ako nakatulog hanggang umaga." "Ano pang napansin mong kakaiba?" "Ah... m-medyo feel kong may nakatitig sa a-akin? Pero walang tao sa loob ng kuwarto ko. Hindi lang ako mapakali kasi tumatayo ang balahibo ko sa b-batok." Saglit siyang natahimik at napakunot ng noo. Napaisip. Noon, tanging bangungot lang ang gumagambala sa kaniya mula nang una niyang makita ang mga anino. Dalawang linggo pa bago niya naramdamang parang may nakasunod sa bawat galaw niya. Nagpunta siya sa muntinng fridge at kinuha ang pitsel na puno ng tubig. Nagsalin siya sa baso saka sumimsim. "May nakikita ka bang anino sa paligid?" tanong niya. "Anino? Uh... w-wala." "Sigurado ka?" Nangunot pa nang husto ang noo niya. "Oo. W-Walang anino sa loob ng kuwarto ko." "May kasama ka ba riyan?" "Ako lang m-mag-isa." Napatingin si Alkan sa labas ng balkonahe. Tuluyan nang umakyat sa kalangitan ang araw. Bumuntong-hinga siya. Hindi niya alam kung bakit may aninong nakapaligid sa kaniya kaya hindi siya sigurado kung bakit nakita rin ni Valeria ang nakita niya kagabi. Sa apat na taon, wala pa siyang nakilalang tao na nakakakita rin sa mga hindi nakikita niyang hindi kita sa paningin ng iba. Tanging si Valeria lang. Anong meron sa babae? Naging biktima rin ba ito ni Surikong? Sa pagkakaalam niya, kay Surikong galing ang mga anino? Naging isang linya ang mga labi niya. "Hintayin mo ako. Susunduin kita." "S-Sundo?" "Oo." Pinasadahan niya ng kamay ang sariling buhok. "Maghanda ka na. Susunduin kita riyan sa bahay mo para pag-usapan ang kakaibang nararamdaman mo." "O-Okay." Saka ito nagpaalam. Siya ang unang nagbaba ng tawag. Tinapon niya ang cellphone sa kama at nagpunta sa banyo. Sumunod ang anino sa kaniya sa loob dahil wala na ang liwanag ng araw ro'n. Napasimangot siya pero hindi pinansin ang mga ito. Minabuti niyang tapusin ang pagliligo saka nagsuot ng magarang damit. Isang branded na polo at nagpabango pa siya para maging presentable sa harapan ni Valeria. Hindi nagtagal ay nakita na niya ang sariling lulan ang kotse at bumibiyahe papunta sa sentro kung saan niya hinatid si Valeria kagabi. Huminto ang kotse sa tapat ng flower shop. Umibis siya ng sasakyan at pumasok saglit sa flower shop. Bumili siya ng isang bungkos ng bulaklak. Tulad ng nangyari kahapon, pinagtitinginann na naman siya ng mga tao habang pumipila para magbayad. Nagsalubong ang dalawa niyang kilay sa inaasta ng mga ito pero hindi na siya umimik. Baka mapaaway pa siya ng hindi sa oras. Isa pa, iniiwasan niyang mangyari ang nangyari kagabi. Bigla na lang gumapang ang kilabot sa kalamnan niya habang inaalala ang ginawa ng babae matapos sapian ng anino. Dapat ay hindi siya magsalita sa harap ng maraming tao. Baka ang mga ito naman ang sapian ng mga anino. Kumuyom ang kamao niya. "Iho, gusto mo ng isang bungkos ng rosas?" Bumaling siya sa ale at bahagyang ngumiti. Binayaran niya ang bungkos ng bulaklak saka humakbang tungo sa kotse niyang nakaparada sa tapat. Naghintay siya kay Valeria habang nakasandig sa passenger door at nakahalukipkip. Tangan ng isang kamay niya ang bungkos ng bulaklak. Hindi nagtagal ay nakita niya si Valeria na humahakbang tungo sa kaniya. Napatayo siya nang maayos. Nagtama ang tingin nilang dalawa pero mabilis nitong binaba ang tingin at bahagyang tumungo. Nangunot naman ang noo niya sa inasta nito. "Hindi ba 'yan 'yong babaeng kakaupa lang sa maliit na panuluyan no'ng isang buwan?" bulong ng isang ale na ilang metro lang ang layo mula kay Alkan. "Oo, siya 'yon. Kebago-bago, ambilis makahanap ng kalandian. Aba, kung anak ko 'yan, kukurutin ko talaga sa singit!" bulong naman ng isa. Napatingin siya sa matatandang nagbubulungan sa isa't isa. Nang mapansing nakatingin siya sa mga ito, mabilis itong nagsialisan palayo. Umiwas naman ng tingin ang ilang taong nakatingin sa kaniya at kay Valeria nang binigyan niya ang mga ito ng isang matalim na tingin. "H-Hi," pabulong na bati ni Valeria at tumayo sa harap niya. Nakatungo pa rin ito, nakatingin sa ibaba. Bumuga siya ng hangin saka binigay kay Valeria ang bungkos ng bulaklak. "Para sa 'yo." Napatingin si Valeria sa inaabot niya bago tinanggap. "S-Salamat." Mas lalon lang nagsalubong ang mga kilay ni Alkan sa sinabi nito. "Why are you stuttering?" tanong niya. Nang hindi ito sumagot ay napailing siya saka pinagbuksan nalang ng pinto ang babae. Mabilis itong pumasok sa loob. Sinara niya ang pinto at mabilis na nilibot ang tingin sa paligid. Nakatingin sa kanila halos lahat ng mga tao. Ganito ba talaga ang kalakaran sa San Roque? Aba, hindi naman gano'n katsismosa ang mga tao noon sa sentro. Napailing si Alkan saka umikot sa harap. Lumulan siya ng kotse at pinatakbo ito sa tuwid na kalsada. Plano niyang dalhin ang babae sa isang tambayan para pag-usapan nila ang nangyayari, pero nang mapansin niyang tulala ang babae, nagbago ang isip niya. Dinala niya ang babae sa El Salvador, sa lugar na pinagbabawal ang uri nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD