Kabanata 11: Masamang Anino

1032 Words
Walang Surikong sa perya at isang malaking fake news ang sinabi ng babae na Surikong ang pangalan ng mahikero. Namali nito ng basa at ang naratnan niyang mahikerong pinagkakaguluhan ng mga tao ay si Sarikong. Natuod siya sa kinatatayuan nang unti-unting nilukob ng aninong nakapaligid sa kaniya ang mga taong masayang nanonood ng palabas. Biglang kumabog ang dibdib niya sa nakita. Kailangan niyang umalis. Alam niyang iniimpluwensyahan ng anino ang mga tao para gumawa ng hindi maganda. Saksi siya ro'n. "Iho," tawag ng isang lalaki sa likod. Lumingon siya at nakita niya ang isang hindi pamilyar na lalaki. Umikhim siya. "Bakit, Lo?" "Hanap mo ba si Surikong?" Kumurap siya. Paano nito nalaman ang nasa isip niya? Humagikgik ang matanda. "Narinig kitang binulong ang pangalan ng tindero. Naku, iho, matagal nang wala si Surikong sa bayan. Bago siya nagpunta sa karatig-bayan, may malaking balita sa sentro. Nagkaroon daw ng sakit sa pag-iisip si Yalke Matilgas at pinagbibintangan ng lahat si Surikong ang may dahilan pero tikom ang bibig ng kaanak ng binatang si Yalke. Makaraan ang ilang buwan, lumuwas sa lungsod ang pamilya ni Yalke at sumunod si Surikong. Namaalam ito para magpunta sa karatig-bayan." "Yalke?" Nangunot ang noo niya. Hindi ba kaibigan niya 'yon? Mas lalong lumalim ang kunot sa noo niya. Pati ba naman si Yalke ay pinaglaruan ng tindero? "Ikaw si Alkan Buena, tama?" biglang tanong ng matanda. Gulat siyang napatingin dito. "Paano niyo nalaman?" "Aba. Hindi mo ba ako natatandaan? Guro mo ako sa Matematika nang nag-aaral ka pa rito. Balita ko'y lumuwas kayo ng pamilya mo sa lungsod. Ni hindi ka man lang nakapagpaalam sa mga kaklase at guro mo." Napatitig si Alkan sa butihing matanda. Hindi nabawasan ang kunot sa noo niya. Sigurado siyang hindi pa niya ito nakita noon dahil hindi pamilyar ang mukha nito. Nakapagtataka ngang nagpakilala ito bilang guro niya. Pero baka may diperensya ito sa isip kaya kung anu-ano nang sinasabi. Hilaw na lang siyang ngumiti sa matanda at hindi na isinatinig ang inisip. Dahil wala naman ro'n ang hinahanap niya, marahan siyang nagpaalam sa matanda. Nilampasan niya ito pero napahinto siya sa pag-abante nang maramdaman niya ang kulubot nitong kamay na dumapo sa balikat niya. Nilingon niya ang matanda. "May kailangan ka, Lo?" tanong niya. Ngumiti ito sa kaniya at binaba ang kamay. "Mag-ingat ka," tanging naiusal nito bago naglakad tungo sa grupo ng ilang matatandang nakikinood sa palabas. Ilang segundo siyang hindi kumibo at pansin niyang nawala ang anino sa paligid. Napakurap siya at nilibot ang tingin. Totoo nga. Nawala ang mga anino! Napatingin siya pabalik sa matanda pero hindi na niya ito nakita sa rami ng mga tao. Nakagat niya ang labi. Gusto niya sanang sundan ang matanda pero masyadong maraming mga tao sa loob at hindi niya gustong makihalubilo. Baka mamaya niyan ay babalik ang mga anino at didikit sa mga taong madadaanan niya. Magkakagulo pa. Bumuntong-hinga siya at humakbang tungo sa labas ng malaking tent. Naisip niya si Yalke at bahagyang sumama ang pakiramdam niya. Hindi siya nakapagpaalam sa kaibigan noon at hindi man lang siya tumawag kay Yalke. Kung totoo nga ang sinabi ng matanda, sana ay nasa maayos na kalagayan na si Yalke. Huminto siya sa sidewalk, ilang metro mula sa nakaparada niyang kotse. Nilibot niya ang tingin at kita niya ang kislap ng ilaw sa bahay tahanan at matandang establishimento. Ilang taon na nga ang lumipas at maraming nagbago sa San Roque. Dahil na rin sa lamig ng hangin ay naisip niyang tumaghoy. Pero hindi pa siya tapos nang may bumatok sa kaniya. Nawalan siya ng balanse pero mabilis naman siyang nakatayo nang maayos. Nilingon niya ang babaeng bumatok sa kaniya. Napasimangot siya. Babae na naman. Wala na talagang magawang matino ang mga babae sa buhay niya! "What's your problem?" bulalas niya sa inis. Nagsalubong ang dalawang kilay ng babae. "Wag na wag kang tataghoy sa gabi. Magiging halimaw ka niyan!" Mas lalo lang yata tumaas ang dugo niya sa sinabi nito. Inis niyang pinasadahan ng kamay ang buhok. "Shut up!" aniya saka nakabusangot na tinungo ang kotse. Pero nakasunod pa rin ang babae sa kaniya. "Kayong kabataan ngayon, puro lang kayo pasaway! Antitigas ng ulo! Hindi marunong makinig!" Binuksan niya ang pinto ng kotse saka binigyan ng matalim na tingin ang babae. Saglit naman itong natahimik sa ginawa niya. Nagulat yata. Pero wala siyang pakialam. Gusto niyang iparating sa babae na galit siya. Sa isang iglap, binalot ng maitim na hamog ang babae mula ulo hanggang paa. Bumalik na ang mga anino. Dumikit ang mga iyon sa balat ng babae at kita niya kung paano nanuot ang hamog. Hindi siya nakaimik nang biglang sinampal ng babae ang sarili. Hindi pa nakuntento at sinabunutan pa ang sarili na tipong sinapian. Oo. Sinapian ng anino ang babae. Bumilis ang t***k ng puso ni Alkan sa takot. Nagpalinga-linga siya at napansin niya ang ilang mga babaeng nakatingin sa gawi nila. Pinapanood ng mga ito kung paano saktan ng babaeng nakatayo sa harap niya ang sarili. May ilan pang natatawa sa ginagawa ng babaeng bumatok sa kaniya kanina. Mabilis na lumulan ng kotse si Alkan at pinatakbo 'yon palayo sa lugar na 'yon. Nang tingnan niya ang side mirror, nakita niyang iniumpog ng babae ang ulo sa poste ng ilaw. Napapreno siya sa gulat. Nanlamig pa ang kalamnan at nanlalaki ang mga matang pinanood kung paano magdagsaan ang mga tao palibot sa babaeng nakahandusay na sa sementadong kalsada. Maya-maya pa'y tinuro ng isang lalaki ang kotse niya. Hudyat na 'yon para patakbuhin niya ang sasakyan palayo. Pigil-hinga niyang pinaharurot ang sasakyan palayo at kita pa niya sa rearview mirror ang tangkang paghabol ng ilang grupo ng kalalakihan sa kotse niya. Tinapakan niya ang gas. Bumilis ang takbo ng kotse. Hindi nagtagal ay wala ng taong humahabol sa kotse niya. Doon na niya pinakawalan ang kanina pa niya pinipigilang paghinga. Nang tingnan niya ang passenger seat, nandoon na ang hamog na anino. Napalunok siya sa takot. Hindi niya alam na kaya nitong pumatay ng tao. Humigpit ang hawak niya sa manibela ng kotse. Dapat ay mawala na ang mga aninong dikit nang dikit sa kaniya sa lalong madaling panahon. Kung hindi ay baka siya na ang mapapahamak sa susunod.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD