Ilang oras silang naglalakbay tungo sa kung saan at hindi nagtagal ay narating nila ang sentro ng bayan. Pero hindi tulad ng sentro sa bayan ng San Roque, ang sentro ng bayan na 'yon sa Tribal ay puno ng dilim. Walang nagtitinda sa gilid ng kalsada at walang masyadong mga taong namamasyal sa ibang-ibang parte ng sentro. Sa madaling salita, para iyong ghost town.
"Nasa'n ang mga tao?" pabulong niya tanong sa hangin.
Narinig iyon ni Ambong kaya sumagot ito. "Nasa pabrika."
Naalala niya bigla ang alok ng lalaki kanina. Nilibot niya ang tingin at nakita niya ang isang malaking gusali sa hindi kalayuan. May mahinangg ingay na mula sa makinarya ang maririnig mula roon. Tumaas ang kilay niya. Iyon lang yata ang napansin niyang normal sa bayan na iyon.
Nauna nang humakbang tungo sa gusaling iyon si Ambong. Wala siyang nagawa kung hindi sumunod rito. Panaka-naka niyang nililibot ang tingin sa paligid. Iba talaga ang lugar na iyon. Mga gawa sa pawid ang kabahayang makikita sa sentro at tanging ang malaking pabrika lang ang sementado. Lubak-lubak din ang daan at parang kakatila pa lang ng ulan dahil maputik ang daan tungo sa pabrika.
Para siyang bumalik noong panahong hindi pa masyadong maraming tao sa bayan ng San Roque. Kung saan hindi pa sementado ang kalsada at puro gawa sa pawid at nipa ang kabahayan.
Biglang may sumigaw sa unahan. "May mga palamunin pa pala!"
Natuon ang atensyon niya sa harap at nakita niya ang isang lalaking nakasuot ng manipis na metal. Tulad ng lalaki kanina, may makapal at mahaban rin itong bigote at may hawak na bolo.
Naningkit ang mga mata nito habang tinanaw siya at si Ambong. Nang makita nito si Ambong ay nawala ang kunot sa noo nito. Tumayo ito nang tuwid at hinintay na makalapit sila.
"Sino sila?" mahinahong tanong ng lalaki.
Nabigla pa siya sa tono ng boses nito. Di yata, kanina lang ay halos patayin na siya nito sa talas ng tingin nito sa kaniya. Bakit bumait yata ang lalaking ito?
Hindi niya maiwasang mapatingin kay Ambong na nakatayo sa gilid niya. Ito yata ang dahilan kung bakit bumabait ang mga nilalang na ito sa kaniya.
"Nandiyan ba si Tayon?" tanong niya.
Akmang sisinghal ang lalaki sa kaniya pero nang mapatingin ito kay Ambong at nakita ang pagkunot ng noo nito, ay bigla na lang itong ngumiti kay Alkan. "Nasa loob ang pinunong Tayon. Bakit niyo hinahanap ang pinunong Tayon?"
"May lalaki akong --- kaming nasalamuha sa daan kanina. Sabi niyang hanapin ko raw siya kung magpunta ako rito sa sentro," ani Alkan.
Tiningnan siya ng lalaki mula ulo hanggang paa. Ilang segundo pa siya nitong tiningnan bago siya sinenyasan na pumasok sa loob ng pabrika. "Hanapin mo si Amores sa loob at dadalhin ka niya kay Pinunong Tayon." Tumingin ito kay Ambong. "Ginoo, gusto niyo bang pumasok sa loob?"
Humawak sa baba si Ambong saka tumingin kay Alkan. Ngumisi ito sa kaniya. "Hindi na. Maghihintay lang ako rito sa labas."
Kahit na kinakabahan ay diretso siyang pumasok sa loob ng pabrika. Liban sa maghahanap siya ng trabaho ay gusto niyang malaman kung nasaan siya. Hindi niya alam kung saan ang kuta ng Black Wing Tribe at ang paraan lang para malaman niya ay magtatanong sa pinuno.
Pero hindi siya maaring magtanong nang diretso dahil paghihinalaan siya ng mga ito. Kailangan niyang magtrabaho sa pabrika para nawala ang hinala ng mga ito sa kaniya. Lalo ngayon na hindi niya kasama si Ambong. Wala siyang paraan para mapaniwala ang tinatawag nilang Tayon. Ayaw naman niya kasing magkaroon ng utang na loob kay Ambong dahil kaluluwa niya ang magiging kapalit.
"Amores?" tanong niya sa babaeng nakaupo sa likod ng mesa.
Tumingin ito sa kaniya. "Ako nga. Sinong hinahanap mo?"
"Ta -- Pinunong Tayon. Gusto ko siyang makausap."
Pumilig ang ulo nito sa kaliwa bago tumayo at sumenyas sa kaniya. "Sumunod ka sa akin."
Tumango siya at lihim na napangiti. Di yata madaling kausap ang mga babae kesa sa mga lalaki.
Ilang madilim na hallway ang dinaanan nila bago marating ang nakasaradong malaki at pulang pinto. Kumatok ang babae at sinenyasan siyang pumasok bago naglakad pabalik sa daang tinahak nila kanina.
Napahinga naman siya nang malalim bago tinulak ang malaking pinto. Isang nakakaasiwang amoy ang sumalubong sa kaniya. Napatakip siya ng ilong at nilibot ang tingin sa loob.
Hindi tulad ng madilim na hallway, maliwanag sa loob ng kuwartong iyon. Galing ang liwanag sa isang bilog na kristal sa gitna ng kuwarto.
May lalaking nakaupo sa likod ng kristal. Nakapikit ito. Pero nang humakbang siya paabante ay nagmulat ito. Walang sabi itong lumipad tungo sa kaniya. Kung hindi lang siya nakaiwas sa matatalas nitong mga kuko ay baka nahigit na niya ang huli niyang hininga.
Mabilis siyang umatras palayo mula sa werdong lalaki at alerto itong tiningnan. Tumingin ito sa kaniya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. Pansin niyang mahilig ang mga nilalang sa bayan na 'yon na tingnan ang mga estranghero mula ulo hanggang paa.
"Sino ka?" tanong nito.
Hindi niya inasahang marinig ang batang boses ng tinatawag nilang pinunong Tayon. Sa tingin niya ay kasing edad niya lang ang lalaki at mas matangkad ito sa kaniya ng ilang sentimetro. Ang kakaiba sa itsura nito ay ang mga mata nitong kulay pilak.
"Ako si Alkan," aniya. Hindi pa rin nawala ang pagiging alerto niya. "Gusto kong magtrabaho sa pabrika."
Tumaas ang kilay ni Tayon. Maya-maya pa'y natawa ito. "Bago ka lang sa bayan na 'to?"
Tumango siya at hinayaan ang sariling pumirmi. Sa tingin niya ay hindi na ito basta-bastang susunggab sa kaniya.
"May lalaking nakasalamuha ko kanina sa daan. Sinabi niya na kung sakaling pupunta ako sa sentro ng bayan ay hanapin ko raw ang lalaking nagngangalang Tayon para makakuha ng trabaho sa pabrika."
Nag-iwas ng tingin si Tayon at naglakad pabalik sa puwesto nito kanina. "Hindi madali ang gusto mo. Sino naman ang sinasabi mong lalaki?"
"Hindi siya nagpakilala pero katulad siya ng hitsura ng mga guwardiya sa labas."
Napansin niyang natigilan si Tayon pero makalipas ang ilang segundo ay nagpatuloy ito sa paghakbang. "Hindi mo siya nakilala?"
"Hindi," aniya sa pirming boses.
Tumango si Tayon at naupo ulit sa puwesto nito kanina. "Alam mo ba kung anong nilalang ang nakatira sa bayan na 'to?"
Doon siya natameme saglit. Hindi niya natanong kay Ambong kung anong klaseng nilalang ang naninirahan sa bayan na 'yon. Lumunok siya at umiling. "Hindi," aniya.
Naningkit na naman ang tingin nito sa kaniya. "Kakaiba ang amoy mo. Naaamoy ko ang amoy ng mangkukulam sa 'yo, pero wala ka namang dugo ng mangkukulam." Mas lalong lumalim ang kunot sa noo nito. "Sa katunayan, may dugo kang.... sawikin."
Napakurap si Alkan at napatitig nang husto kay Tayon. "Anong ibig mong sabihin?"
Tinaas nito ang kamay at ilang saglit pa ay naramdaman niyang may sumugat sa daliri niya. Pumatak ang dugo niya sa puting sahig, at sa pagkamangha niya, biglang nagsara ang sugat sa daliri niya.
Nanlaki ang mga mata niya at hinawakan ang daliri, habang tumaas ang patak ng dugo niya sa sahig. Naglakbay ang patak na iyon tungo kay Tayon. At nahigit niya ang hininga nang diretso iyong pumasok sa bibig ni Tayon.
Natuod siya sa kinatatayuan.
"Tama nga ang hinala ko. May dugo kang sawikin pero... kakaibang dugo. Hindi ko mawari kung anong uri ka ng sawikin nabibilang."
Lumunok si Alkan at umiwas ng tingin. Kung may dugo siyang sawikin, ibig bang sabihin, may isa sa mga magulang niya na kabilang sa mga sawikin? Kaya ba sinusundan siya ni Gio ay dahil may dugo siyang sawikin? At ano naman ang ibig sabihin ng sinabi nitong may malaking papel siyang gagampanan sa Tribal?
Pero hindi niya pwedeng sabihin na pinangangalagaan siya ng White Wing Tribe. Nasa teritoryo pa siya ng Black Wing Tribe at magiging mapanganib kung malalaman nito ang pinunta niya rito sa Tribal.
"Hindi ko alam na may dugo pala akong sawikin," aniya at nangunot ang noo. Sa pagkakataong iyon ay totoo ang sinabi niya. Sa oras na nasa harap na ng panganib, dapat lang na may katotohanang nakasingit sa bawat kasinungalingan.
Humalumbaba si Tayon habang nakatingin sa kaniya. "Kung gano'n, magtrabaho ka na rito sa pabrika. Wag kang magtiwala sa kahit na sino at 'wag kang magtatanong kung anong nilalang ang nakatira sa bayan na ito."
Napatitig siya kay Tayon. May ibig itong pinapahiwatig sa mga sinabi nito, pero hindi niya makuha ang punto nito.
Tinaas nito ang kamay at bigla nalang bumukas ang nakasaradong malaking pinto. "Lumabas ka na at hanapin mo si Amores. Simulan mong magtrabaho ngayon habang may araw pa sa labas."