Kabanata 31: Nilalang ng Gabi

1891 Words
May pagtataka sa mukha ni Amores nang tumayo siya sa harap ng babae. "Ambilis mo," anito saka may kinuha sa ilalim ng mesa. "Isulat mo pangalan mo rito at sagutan mo ang mga tanong." Tinanggap niya ang inabot nitong folder. Pagbuklat niya ay may nakita siyang kailangang sagutan na mga personal na detalye. Palihim na tumaas ang kilay niya. Hindi niya akalaing may ganitong sistema pala ang bayan na 'to. Matapos niyang sagutan iyon ay binalik niya kay Amores ang folder. Iginiya naman siya nito tungo sa unang estasyon niya sa trabaho. At nagulat siya nang makita ang kabuuan ng lugar na 'yon. May mga nilalang na nakahiga sa mga kama, at may nakakabit na mga tubo sa magkabilang mga braso. Sa unang tingin ay alam niyang kinukuhanan ng dugo ang mga nilalang na 'yon. Ang hindi niya maintindihan ay kung bakit kailangang kunan ng dugo ang mga nilalang na iyon. Kung sa pinanggalingan niya ay maintindihan niyang para sa mga pasyenteng nangangailangan ng dugo ang mga blood bag. Pero iba ang Tribal. Puno ito ng mga nilalang na makikita lang sa mga alamat. Hindi naman kailangan ng mga nilalang ang dugo kung sakaling may mangangailangan dahil ayon kay Gio, may kakayanan ang mga nilalang sa Tribal na gamutin ang sariling mga sakit at sugat. "Ang trabaho mo ngayon ay maghintay ng bagong mga recruit," ani Amores. "Kailangan mong ipahiga ang bagong dating sa kama at ilagay ang mga tubo sa braso ng mga nilalang. Kailangang makakuha ka ng ilang bag ng dugo bago dumilim. At kapag hapon na, puntahan mo ako sa pwesto ko para makalabas ka na ng pabrika. Maliwanag?" Kahit naguguluhan ay tumango si Alkan. Iyon lang naman pala ang trabaho niya. Akala niya ay hihiga siya sa kama. Kaya naman nagpunta siya sa pwesto niya na binigay ni Amores at naghintay ng bagong recruit. Hindi nagtagal ay may pumasok na lalaki sa malaking kuwarto. Pero nanlaki ang mga mata niya nang mapagtantong iyon ang lalaki na nakasalamuha niya kanina sa daan. Pareho pa rin ang pananamit nito at magkasalubong na ang dalawang mga kilay. Nilibot ng lalaki ang tingin at nagtama ang tingin nilang dalawa. Lumapit ito sa kaniya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. "Hindi na masama," sabi nito saka ito na mismo ang nagpresentang humiga sa kama. Ilang segundong hindi makakilos si Alkan. Dahil sa pagkatulala kaya umismid ang lalaki. "Ano? Tutunganga ka lang ba riyan? Bilisan mo!" singhal nito sa kaniya. Sa lakas ng boses nito ay nag-alala siyang baka magising ang mga nilalang na nakahiga sa bawat kama. Pero makalipas ang ilang segundo ay wala ni isa sa kanila ang kumilos o naalimpungatan man lang. Mas lalong lumalim ang kunot sa noo ng lalaki. "Ano ba!" Doon lang siya nagising sa pagkatulala. Mabilis siyang lumapit sa kama ng lalaki at kinonekta ang tubo sa magkabilang braso nito. Napangiwi pa siya sa amoy lansang dugo na kumawala sa braso nito. "Kung hindi mo kaya ang trabaho, umalis ka sa bayan na ito at doon ka tumira sa kasunod na bayan!" ani ng lalaki. Hindi siya umimik at tumungo pabalik sa puwesto niya kanina. Hindi na rin nagsalita ang lalaki at makalipas lang ng ilang sandali ay narinig niya ang marahan at pantay nitong paghinga. Mukhang nakatulog na ang lalaki sa kama. Nangunot ang noo niya dahil doon. Di yata may pampatulog sa bawat tubo? Ilang bagong recruit pa ang dumating at tulad ng lalaki kanina, nilagyan niya ng tubo ang magkabilang mga braso ng mga bagong dating. Buti na lang at maraming bakanteng kama sa loob ng malawak at malaking kuwarto na iyon. Hindi nagtagal ay tumunog ang malaking orasan sa itaas ng malaking pintuan. Hapon na. Napabaling siya sa mga nilalang nang magsigisingan ang mga ito. Hindi pa siya nakakalapit ni isa sa kanila nang binaklas ng mga ito ang mga tubo sa bawat braso at walang sabing tumayo at lumabas. Napakurap si Alkan. Hanggang sa naiwan na lang sa loob ay ang lalaking nakasalamuha niya at siya. Tumingin ang lalaki sa kaniya. "Umalis ka na. Puntahan mo na si Amores para makalabas ka na ng pabrika." Walang pagdadalawang-isip siyang lumabas at pumunta sa pwesto ni Amores. At bago pa siya lumabas ng pabrika ay huminto siya't nilingon ang kuwartong pinanggalingan niya. Hindi niya nakitang lumabas ang lalaki kanina. Pero wala na siyang pakialam. Agad siyang lumabas ng pabrika lalo pa't masama ang tingin ni Amores sa kaniya. Ang pinagtaka lang niya ay kung bakit parang pinapaalis siya sa pabrika bago dumilim? Para bang may tinatago ang pabrika sa mga nilalang. "O, anong mukha 'yan?" natatawang tanong ng isang boses sa likuran niya. Huminto siya sa paghakbang paabante at nilingon ang nagsalita. Si Ambong. May isang ngisi na nakapaskil sa mga labi nito. Napabuga siya ng hangin. "Anong meron sa pabrika?" tanong niya. Mas lalong lumapad ang ngisi sa mga labi ni Ambong. "Alam mo ang kapalit 'pag sinagot ko ang tanong mo." Naging isang linya ang mga labi niya at nagmartsa tungo sa kung saan. Nilibot niya ang tingin at tanging kabahayan na wala namang ilaw ang nakita niya. Saan naman sila magpapalipas ng gabi? "Hindi magandang sa labas tayo magpalipas ng gabi," biglang sambit ni Ambong. May kinang sa mga mata nito. "Sumunod ka sa 'kin," anito. Hindi na siya nag-atubili pa. Agad siyang sumunod kay Ambong. Panaka-naka niyang tiningnan ang nilalakaran niya. Kinain na ng dilim ang kapaligiran pero sige pa rin sila sa paghakbang tungo sa kung saan. Nang lumabas ang buwan sa kalangitan, isang nakakakilabot na ingay ang narinig niya sa likuran. Naisip niyang galing sa pabrika ang ingay na iyon. "Wag kang lilingon sa likod kung ayaw mong makain ng nilalang ng gabi," babala ni Ambong. Nanigas ang kalamnan ni Alkan sa sinabi nito. At pilit niyang nilabanan ang sariling kuryosidad. Tama ngang nasa lugar siya ng mga nilalang sa alamat. Bawat sulok sa lupain ng Tribal ay delikado sa kaniyang isang tao. "Alam mo ba kung anong nilalang ang naninirahan sa bayan na ito?" tanong ni Ambong. Hindi siya sumagot dahil walang salitang lumalabas sa bibig niya. Kanina pa siya pinagpapawisan nang malamig. Ramdam niya ang ihip ng malamig na hangin. Hindi iyon tulad ng panggabing hangin sa bayan ng San Roque. Dahil ang ihip ng hangin na iyon ay may kasamang lansa ng dugo. "Mga nilalang na kumakain ng laman at nagpapakasasa sa dugo," natatawang sambit ni Ambong. "Tinatawag silang Bampira, ang pangalawang pinakamalakas na tribo sa mga ka-alyansa ng Black Wing Tribe." "Bampira?" Nangunot ang noo ni Alkan. "Kaya ba kinukuhanan ng dugo ang mga nilalang sa loob ng pabrika?" Natawa na naman si Ambong. "Nakita mo pala ang lungga ng mga bampira. Ang mga nilalang na nakatira sa bawat kabahayan ay mga nilalang na tumakas mula sa mga kamay ng White Wing Tribe at mga nilalang na nawalan ng tirahan sa kanlurang bahagi ng Tribal matapos sakupin ng Black Wing Tribe ang ilang tribo sa kanluran." "Ibig sabihin hindi mga bampira ang nakahiga sa mga kama?" Ilang segundong tumahimik si Ambong bago nagsalita. "Hindi. Sila ang mga nilalang na lumipat sa bayan na ito. Bilang kabayaran sa pananatili sa lupain ng mga bampira, kailangan nilang magbigay ng sapat na dugo. Ang mga nilalang na nakatira sa pabrika ay mga bampira, kaya lumalabas ang mga ibang nilalang ng pabrika bago sumapit ang gabi dahil kakainin sila ng bampira kung sakaling may matira man sa kanila sa loob." Bumuga ng hangin si Ambong. "Sa katulad mo na may dugong sawikin, 'wag kang magkakamaling magbigay ng dugo sa kahit na sinong bampira. Kakaiba ang dugo ng mga sawikin dahil kabilang sila sa mga unang nilalang na nanirahan sa Tribal. Sagana ang dugo ng sawikin sa mahika at puno ng pananampalataya. Kung may bampira mang makakatikim ng dugo mo, magtago ka na dahil hindi ka tatantanan ng bampirang iyon. Dahil sa oras na matitikman niya ang dugo mo, wala nang kahit na anong dugo ang makakapawi ng uhaw niya." Napalunok si Alkan nang may maalala. "Anong itsura ng bampira?" tanong niya sa mababang boses. "Para lang silang normal na tao. Pero malalaman mong mga bampira sila dahil sa kulay ng mga mata. Kulay pilak ang mga mata ng isang bampira." Nagsalubong ang dalawang mga kilay ni Alkan habang iniisip ang kulay pilak na mga mata ni Tayon. Kung hindi siya nagkakamali, isang bampira si Tayon. "May isang..." Lumunok siya nang bumilis bigla ang t***k ng puso niya. "May isang bampira yatang nakatikim ng dugo ko," aniya sa mababang boses. Napahinto sa paghakbang si Ambong. Mabilis itong tumalikod at humarap sa kaniya. Magkasalubong ang dalawa nitong mga kilay. Maya-maya pa'y umiling ito at tumawa. "Kaya pala nag-iingay ang mga lintik," ani Alkan. Bumuntong-hinga ito. "Kung hindi ka lang importante, baka hindi ko na kailangang bantayan ang isang ignoranteng katulad mo." "A-Ano?" Nanlaki ang mga mata niya habang nakatingin kay Ambong. "Anong importante?" "Ignorante talaga," bulong nito. Hindi pa siya nakakahulma nang walang pagdadalawang-isip siyang binuhat ni Ambong. May dalawang pakpak na gawa sa anino ang tumubo sa likod nito. At sa isang iglap ay lumipad si Ambong sa madilim na kalangitan habang buhat-buhat si Alkan sa mga braso nito. "Wag ka nang tumapak sa bayan na 'to. Kung swerte ka, baka hindi ka na hahabulin ng mga bampira. Pero kung pinanganak kang kadikit ang malas, baka habambuhay kang hahabulin ng mga bampira. Ang tanging magagawa mo lang ay patayin ang bampirang nakatikim ng dugo mo o maging kaisa ng mga bampira." Napailing si Ambong. "Bakit ba palagi kang naghahanap ng gulo?" tanong nito sa kaniya. May inis sa tono ng boses nito. Hindi pa siya nakasagot nang may narinig siyang kaluskos sa likuran. Pagtingin niya sa likuran ay gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata niya. Nakita niya si Tayon. Nakangiti ito sa kaniya, at nang magtama ang tingin nilang dalawa ay naging pula ang mga mata nito. "Alkan Buena," tawag nito sa kaniya. Nanlamig ang kalamnan niya sa nerbiyos. May dalawang pakpak sa likod ni Tayon at sa likuran nito ay kasunod na lumilipad ang limang bampira. Tulad ni Tayon, mapupula ang mga mata nito. At hindi man lang itinago ang uhaw sa mga mata nito. Mas bumilis ang paglipad ng mga bampira hanggang sa huminto sa pag-abante si Ambong nang pinalibutan sila ng anim na bampira. Nanatili silang nakalutang sa hangin at sa ilalim ng bilog na buwan ay nakita ni Alkan ang paghabang ng maiitim na kuko ni Tayon. "At sino itong kasama mo, Alkan? Isang anino?" Natawa si Tayon. "Sumama ka na sa amin at hindi mo na kailangang isantabi pa ang iyong kaligtasan sa pagtakas. Hindi ka namin sasaktan. Sadyang gusto ko lang na matikman pa nang husto ang dugo ng sawiking nananalaytay sa mga ugat mo." Ngumisi si Ambong habang pinaningkitan ng mga mata si Tayon. "Mukhang lumakas na yata ang loob ng mga bampira. Hindi niyo ba alam na binabantayan na kayo ng tribo ng mga mangkukulam?" Lumaki ang ngiti sa mga labi ni Tayon. "Pero hindi naman kumikilos laban sa mga bampira ang pinagmamalaki mong tribo ng mangkukulam. Alam mong kahit na anong gawing protesta ng mga mangkukulam, hindi niyon mapapalitan ang batas na umiiral sa alyansa." Naningkit ang mga mata ni Tayon. "Kaya bata, ibigay mo na sa akin ang nilalang na buhat-buhat mo. Hindi ka namin sasaktan kung susunod ka sa kagustuhan namin." Humalakhak si Ambong.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD