Humigpit ang hawak ni Ambong kay Alkan at sa isang iglap ay nagpahulog mula sa pagkakalutang sa himpapawid ang anino. Nahigit ni Alkan ang hininga at napakapit nang husto sa manggas ng suot na damit ni Ambong. Paulit-ulit siyang napamura sa isipan. Nanlaki ang mga mata ni Tayon at mabilis na lumipad pasulong sa kanila. Isang nakakalokong ngisi ang kumawala mula sa mga labi ni Ambong at walang anu-ano'y lumipad ito tungo sa isang direksyon. Narinig naman ni Alkan ang pagmumura ni Tayon at mabilis itong sumunod sa kanila. At habang humahalakhak sa himpapawid si Ambong, kasing putla na ng papel ang mukha ni Alkan. Kanina pa walang tigil sa pagtibok nang malakas at mabilis ang puso niya. Na tipong masakit na sa dibdib. Paulit-ulit siyang huminga nang malalim pero hindi pa siya nakakahulma

