Walang pinagbago ang munisipyo na nakita niya apat na taon nang nakalipas. Parehong may modernong disenyo pero hindi kasing moderno nang nasa lungsod. Kung ihahambing sa mga establishimento sa bayan, mas modernong tingnan ang munisipyo.
"Hindi pa ako nakarating dito sa munisipyo," sabi ni Valeria.
Sumulyap siya sa babae bago binalik ang tingin sa harap. Nagkibit-balikat siya at iginiya ito papasok sa loob ng munisipyo. Tiningnan pa siya ng nakatayong gwardiya sa entrada ng gusali. Hindi naman ito umimik at tumango lang sa kaniya.
Maraming tao sa loob at kadalasan ay mga matatanda. May mangilan-ngilang bata na napapatingin sa gawi nila ni Valeria. Nagtataka ang itsura ng mga ito. Baka dahil bago pa sila sa lugar at hindi pa kilala ang mukha nilang dalawa.
Tinawag niya ang isang tauhan ng munisipyo at nagtanong, "Magpaparehistro kami ng kasal. Saan ba kami dapat pumunta?"
Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kaniya at kay Valeria saka umikhim. "Kasal? Mukhang... menor de edad pa itong kasama mong babae, iho."
Nangunot ang noo niya at napatingin kay Valeria. Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa, saka binalik ang tingin sa mukha. Nakabusangot na ito at hindi makatingin sa kaniya nang diretso. "Hindi ako menor de edad. Nineteen na ako."
Tumaas ang kilay ng tauhan saka umiling. "Sumunod kayo sa akin."
Dinala sila ng lalaki sa opisina ng municipal judge. Ilang oras din silang naghintay sa loob bago dumating ang isang lalaking nasa mid-40s. Binalingan sila nito bago naupo sa likod ng isang wooden table.
Sinabi niya ang pakay sa lalaki pero hinanap nito ang mga magulang nilangd dalawa. Kaya nakipag-argumento pa siya rito. Sinabi niyang pareho silang ulila. Pero sadyang matigas ito at hinanap ang mga kaanak. Siya at si Valeria ay parehong hindi alam kung saan hahanapin ang mga kaanak nilang dalawa. Nang lumuwas kasi sa lungsod ang kani-kaniya nilang pamilya ay nawala na ang komunikasyon nila sa mga kaanak.
Pero sadyang matigas ang judge kaya naman tinawagan niya ang mayordoma na naiwan sa lungsod para maging guardian niya, at tinawagan naman ni Valeria ang professor na ninong nito para maging guardian.
Nang makompirma sa judge na may pahintulot sa nakakatanda ang kasal na gaganapin, hindi na ito nakipagdebate pa. Mabilis ang naging proseso at nang lumabas na sila ng munisipyo ay kasal na siya kay Valeria.
Hinatid niya si Valeria sa Poblacion pero nag-aya itong mamasyal na muna sa sentro kaya walang nagawa si Alkan kung hindi sundin ang kagustuhan ng babae.
"Bili muna tayo ng cotton candy!" ngiting sambit ni Valeria.
Hindi pa siya nakaimik pero nakita niya lang si Valeria sa tapat ng stall ng cotton candy. Napailing siya saka humakbang palapit dito.
Pero hindi pa siya tuluyang nakalapit nang binangga siya ng kung sino sa likod kaya nadapa siya sa sementadong daanan. Muntik pa siyang masagasaan ng isang kotseng paparating. Mabuti na lang at huminto ito ilang dangkal mula sa kaniya.
Inis siyang tumayo saka pinagpag ang suot. Nilingon niya ang tumulak sa kaniya pero wala siyang makitang tao ro'n. Aba. May walang 'ya yata sa lugar na 'yon.
"Bata, 'wag kang pahara-hara sa daan," sabi ng kung sino.
Napatingin siya sa nagsalita. Ito yata ang drayber ng kotseng muntik nang makasagasa sa kaniya. Umismid siya. "Wala akong planong magpasagasa," aniya.
Humalukipkip ito. "Anong pangalan mo, bata?" tanong nito.
Pinaningkitan niya ng mata ang lalaki. Pamilyar ang mukha nito. Nakita na niya sa kung saan. Sukat noon ay naalala niya ang lalaking nagsabi sa kaniya ukol sa Lakandiwa Apartment at ang lalaking nasalubong ng kotse niya sa eskina papuntang El Salvador.
"Alkan Buena," aniya saka umikhim. "Nakita na kita dati pero hindi ko natanong ang pangalan mo," aniya.
"Manuel Jimenez."
Jimenez. Nangunot ang noo niya nang may maalala. Jimenez ang apilyedo ng angkang pinakamayaman sa buong San Roque. Naningkit ang mga mata niya sa lalaki at lihim na tiningnan ang kabuoan nito. Kaya pala pamilyar ang mukha nang una niya itong masilayan. Nakita na niya ito dati nang magkaroon ng pista sa nayon sa bayan. Ito ang nagrepresenta sa angkan ng Jimenez.
Umikhim si Alkan. "Kilala kita."
Ngumiti ito saka nagpaalam. Muli itong lumulan sa kotse at pinatakbo iyon. Tinanaw lang niya ang papalayong sasakyan.
Bumalik lang siya sa huwisto nang tawagin siya ni Valeria na nakatayo sa kabilang bahagi ng kalsada. Tipid siyang ngumiti sa babae bago tumawid.
"Nakita kong may kausap ka kanina," sabi nito nang makalapit siya.
Nagkibit-balikat siya. "Wag mo nang pansinin." Nilibot niya ang tingin. "Nakabili ka na?" Tumango si Valeria. Napabuga siya nang hangin. Mabuti naman. "Tara na," aniya saka hinigit ang babae pabalik sa kotse.
Pero hinila ni Valeria ang kamay. Napalingon siya rito at nakita niyang nakanguso ang babae. Pilit nitong tumitig sa mga mata niya. "Gusto ko pang mamasyal," bulong nito saka umiwas ng tingin.
Tumaas ang kilay ni Alkan pero bumuntong-hinga kalaunan. "Sa'n mo gustong mamasyal?"
Ngumiti si Valeria saka tinuro ang parke sa tapat. Walang nagawa si Alkan kung hindi magpaubaya na naman kay Valeria. Ewan ba niya kung bakit sabik itong mamasyal. Ayaw naman niyang pigilan ito dahil nakikita niyang masaya itong mamasyal habang hawak ang kamay niya.
Lumunok siya. Marahan niyang pinisil ang kamay nito at ngumiti nang lumingon sa kaniya si Valeria. Pero imbes na matuwa ay mabilis itong bumaling sa harap. Nanlamig pa ang kamay nito.
Nangunot naman ang noo niya. Akala niya ay matutuwa ito. Hindi ba gusto ng mga babae na ngumingiti ang lalaki para sa kanila? Napasimangot si Alkan. Hindi niya talaga maintindihan ang mga babae.
Hindi nagtagal ay natapos na sila sa pamamasyal. Maraming binili si Valeria at siya naman ang nagbayad ng mga iyon. Ngiting-ngiti si Valeria habang nagpapasalamat sa kaniya. Hindi niya ito inimik at diretso lang na binayaran ang pinamili nito. Hah. Unang araw palang, ilang libo na ang winaldas niya para sa asawa.
Napabuntong-hinga na naman si Alkan. Wala naman sigurong mali ro'n dahil asawa na niya si Valeria at normal naman na magwaldas siya para dito. Pero naisip niyang... baka pera lang din ang habol nito sa kaniya. Bumuga siya ng hangin.
"You can stay in the apartment," aniya nang paandarin niya ang kotse. "Para hindi ka na matakot," dagdag pa niya.
Lumabi si Valeria. "Alam mo naman siguro 'yong nakikita kong aninong nakapaligid sa 'yo, di 'ba?"
Kumurap si Alkan at lihim na sumulyap aa babae gamit ang rearview mirror. Talagang wala siyang nakikitang anino 'pag kasama si Valeria, pero kung palagi niya itong kasama, baka mag-hysteria lang ito dahil sa mga aninong nakikita. Naningkit ang mga mata niya.
Wala siyang pakialam. Basta ba hindi na siya kinukulit ng mga 'yon, ayos na ayos lang sa kaniya. Umikhim siya. "Wag mo nalang akong tingnan."
"Imposible naman 'yon," bulong nito nang nakatingin sa labas ng bintana.
"Posible," sulsol niya. "Doon ka na tumuloy sa apartment habang hindi pa naaayos ang bahay," aniya.
Hindi na siya naghintay sa sasabihin nito. Niliko niya ang kotse tungo sa kasalukuyang tinitirhan ni Valeria. Kukunin nila ang mga gamit nito bago uuwi sa Lakandiwa Apartment.