Kabanata 16: Bagong bahay

1080 Words
"Ito na 'yong bahay?" manghang tanong niya saka humalukipkip. Bumingisngis naman ang dalawang matanda sa likuran niya. Nasa loob ng kotse si Valeria at mahimbing na natutulog. Hindi na niya ginising dahil pansin niyang sobra ang paghihilik nito na parang pagod na pagod. Kunot-noo siyang bumaling sa dalawang matanda. "Sinong may-ari nitong bahay?" "Si Pasing na kapitbahay ko noon," anang lalaking nagpakilala kanina bilang Paeng. "Pero namatay na siya nang isang linggo. Sa akin na binigay ang pagmamay-ari ng bahay. Kung gusto mong bilhin, walang problema sa akin." Naningkit ang mga mata ni Alkan. Dalawang palapag ang bahay na 'yon at may kinakalawang na tarangkahan. Hindi sila pwedeng lumipat sa bahay at mukhang kailangan pa nilang maghintay ni Valeria. Bumuntong-hinga siya saka sumulyap sa kotse kung nasaan si Valeria. "Titingnan ko ang loob. Gigisingin ko muna siya," sabi niya saka diretsong lumapit sa kotse. Binuksan niya ang passenger seat at marahang tinapik ang pisngi ni Valeria. "Gising, nandito na tayo." Nagmulat si Valeria at bago pa man siya makapagsalita ulit ay dumapo ang palad nito sa pisngi niya. Bumaling ang mukha niya sa gilid at napapikit siya sa hapdi ng sampal nito. Rumehistro ang gulat sa sistema ni Valeria at hilaw na ngumiti sa kaniya. "Sorry?" Pinaningkitan niya ng tingin ang babae saka tumayo nang tuwid. Walang imik namang umibis ng sasakyan si Valeria at si Alkan na ang nagsara ng pinto ng kotse at pinatunog ito. "Papasok tayo sa bahay para tingnan kung maayos pa ba," sabi niya saka nauna nang humakbang paabante. Kasunod niya si Valeria na nanahimik sa likuran niya. "Dito, iho," sabi ni Paeng saka iginiya sila papasok sa lumang bahay. Wala namang kakaiba sa loob. Isang tipikal na bahay na pinaglumaan na. Puro alikabok at sapot ng gagamba ang nasa bawat sulok ng bahay. Walang muwebles o kahit anong palatandaan na may tumira noon. Lihim niyang nilibot ang tingin saka napaismid. Mukhang hindi pa talaga sila makakalipat ni Valeria. "Halika sa itaas, iho." Sumunod siya sa itaas. Pero habang umaakyat siya sa hagdanan ay may humawak sa kamay niya. Pagtingin niya sa ibaba, nakita niya si Valeria na hindi makatingin sa kaniya. "P-Pwede ko bang hawakan ang kamay ---" Hindi na niya pinatapos ang babae dahil hinigpitan niya ang hawak sa kamay nito saka hinila ito paitaas, patayo sa gilid niya. "Wag kang magpahuli," aniya saka nagpatuloy sa pag-akyat. Umakyat na rin sa itaas si Valeria na tahimik lang sa gilid niya. Pero biglang may sumagi sa isip niya kaya bahagya siyang napalibot ng tingin. Wala ang mga anino. Kumurap siya saka tumingin kay Valeria na nakatungo lang sa tabi niya at hindi tumitingin sa kahit na saan. "Valeria," tawag niya. "Bakit?" sagot nito sa tawag niya nang hindi tumitingin sa gawi niya. Naningkit ang mga mata niya. Hawak pa rin niya ang kamay nito kaya marahan niya iyong pinisil. "Look at me," aniya. "H-Hindi pa rin ba tapos?" tanong nito. "Paano matatapos kung hindi mo titingnan ang bahay? Kailangan malaman ko kung gusto mo ito para mabili ko." Ngumuso si Valeria saka tumingin sa gawi niya, pero mabilis din naman itong nag-iwas ng tingin. "Bahay mo naman ito kaya wala akong dapat ireklamo. Ikaw na magdesisyon kung bibilhin mo o hindi." Nagsalubong ang dalawang kilay niya sa sinabi nito. "Look at me," aniya. Pero hindi sumunod ang babae kaya mas lalo siyang nainis. "Bakit ayaw mo akong tingnan?" "Nalimutan mo yata kung anong sinabi ko sa 'yo kahapon." Napaisip saglit si Alkan saka napakurap nang maalala ang napag-usapan nila ni Valeria. "May nakikita ka bang anino sa paligid?" pabulong niyang tanong para hindi marinig ng dalawang matanda. Tumango ito. "Nakapaligid sa 'yo." Saka umasim ang mukha. "Ayaw kong tingnan. N-Nakakatakot!" impit nitong hiyaw sa kaniya saka pumikit nang mariin. Bumuga siya ng hangin. Mukhang siya na yata ang magdesisyon. Nilibot niya ulit ang tingin sa paligid saka sinenyasan ang dalawang matanda na panay ang pagnakaw ng tingin sa kaniya para tingnan kung interesado ba siya sa bahay. Ngiti namang lumapit sa kaniya ang dalawa. Umikhim siya. "Maayos naman ang bahay, kaya lang ay marumi. Pakilinisan na lang itong bahay saka ipagawa na rin ang kinakalawang na tarangkahan. Pati na ang kisame saka ilang bahagi nitong bahay. Pakitingnan kung may sira ba o hindi. Lilipat kami rito sa susunod na linggo." Kuminang sa tuwa ang mga mata ng dalawang matanda. "Wag kang mag-alala, iho. Ipapagawa na namin itong bahay." Ngumisi si Alkan. "Kanino itong lupang pinagtayuan ng bahay?" "Wala na ring problema 'yan. Kasama ang titulo ng lupa sa ipagbibili." Tumaas ang kilay ni Alkan sa narinig pero hindi na nagkipag-argumento. Tinanong na lang niya kung paano ang proseso ng pagbili sa bayan. Sabi ng matanda ay saka na siya tatanggap ng bayad kapag naipagawa na ang bahay at makalipat na sina Alkan at Valeria doon. "Sigurado ka?" tanong pa niya. Nang una kasi niya itong nakita ay parang sabik ang mga itong makakuha agad ng pera. Hilaw na ngumiti ang matanda saka napakamot ng buhok. "Napagtanto kong kailangan kong ipagawa muna ang bahay. Nakakahiya namang ibenta na ganito karumi." Tumango-tango na lang si Alkan sa sinabi ng matanda. Umikhim ito. "Pero wala akong perang pampagawa nitong bahay. Baka pwedeng makahingi sa 'yo, iho?" Tumingin siya saglit sa kasamahan nito bago binalik ang tingin sa matandang humingi ng pera. "Wala namang kaso." Saka niya nilabas ang pitaka mula sa bulsa at dumukot ng ilang libo. "Sa 'yo na ang sukli. Sa susunod na linggo na kami lilipat kaya pakibilisan na lang ang pag-aayos." Lumapad ang ngiti sa mga labi ng matanda saka tumango sa kaniya. "May mga kakilala akong pwedeng tumulong sa pagsasaayos. 'Wag kang mag-alala, iho." Tumango na naman siya saka nagtanong, "Magpaparehistro kami ng kasal sa munisiplyo. Tumatanggap pa ang opisina ngayon?" Nangunot ang noo ng matanda saka napasulyap sa kasamahan bago nagkibit-balikat sa kaniya. "Hindi ako sigurado, iho. Kadalasan kasi sa mga tao rito, kinakasal muna sa simbahan sa Poblacion saka magpaparehistro sa munisipyo. Pero kung ganiyang didiretso kayo sa pagpaparehistro, mabuti pa'y magpunta na kayo sa munisipyo para magtanong. Hindi ko sigurado kung anong kalakaran ng mga tao sa loob. Ilang taon na rin kasi nang huli akong bumisita sa munisipyo." Saka ito nagkamot ng ulo. Tipid nalang siyang ngumiti sa matanda at hinila si Valeria pababa ng hagdan at palabas ng lumang bahay. Plano niyang magparehistro sa munisipyo, pero talagang may kaunting takot sa kaniya. Lalo pa nang maalala niya ang eksena ng huli niyang dalaw sa lugar na 'yon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD