Hindi niya alam kung nasaan siya pero alam niyang nakatayo siya ngayon sa isang hindi ligtas na lugar. Pawang nakapalibot sa kaniya ay mga anino na puro hagikgik ang pinaparinig sa kaniya. Napuno na ng hamog ang kanina'y puro abong lupain. Hamog na galing sa anino na kasalukuyang lumalapit sa kaniya. Huminto sa pag-abante si Alkan at pinikit ang mga mata. Ayaw niyang makita ang mga anino, pero habang nakapikit ay mas lalo lang tumatayo ang balahibo niya sa batok dahil dinig na rinig niya ang halakhakan ng mga ito. Hindi niya alam kung dahil minsan na ring nanahan sa katawan niya si Ambong kaya naman ginusto ng mga anino na lumapit sa kaniya. Pero isa lang ang alam niya; walang mabuting dala ang paglapit ng mga ito sa kaniya. Huminga siya nang malalim at humakbang palayo sa lugar na

