Kabanata 21: Sawikin

1857 Words
Maraming magagandang nilalang sa lupain ng Tribal. Ang palasyo ng White Wing Tribe na kasalukuyan niyang kinatatayuan ay kumikinang sa mga diyamanteng nakasabit sa bawat haligi ng palasyo. May nakikita siyang nilalang na maliliit at matatangkad at sa tuwing napapatingin ang mga ito sa kaniya ay ngumingiti ang mga ito at minsan ay kumakaway. Isang hilaw na ngiti ang sinusukli niya sa mga ito. Sumunod siya sa lalaking may pakpak na nagngangalang Gio. Pinakilala nito ang sarili at ito rin ang lalaking palaging nakasunod sa kaniya sa bayan ng San Roque. Ang pangalan naman ng pangalawang lalaking nakasunod sa kaniya ay Vani. Kambal umano ang dalawa pero hindi naman pareho ang mukha. "Lalaki lang ba ang may pakpak?" tanong niya. Napansin niya kasi nitong nakaraang mga araw na mga lalaki ang nakikita niyang may pakpak. Ang mga babae namang nasasalubong niya sa palasyo ay mga nymph na nangangalaga sa kalikasan. Nilingon siya saglit ng lalaki at natawa. "May babae pero iilan lang." "Really?" Tumango ito. "Hindi tulad ng mga tao, ang mga Sawikin ay nanganganak ng triple kada isang buwan. Kaya hindi kailangan ng maraming babae ang lahi namin." "Sawikin?" "Oo. Sawikin ang tawag sa lahi ng mga nilalang na may pakpak. Dalawang tribo ang kabilang sa lahi ng Sawikin at ang mga ito ay ang White Wing Tribe at Black Wing Tribe." Napaisip siya saglit. Naalala niya ang mga lalaking may itim na pakpak na nakipagdigma sa mga lalaking may puting pakpak. "Black Wing Tribe ang lahing may itim na pakpak," aniya. Hindi iyon tanong kung hindi isang pagkompirma. Tumango si Gio sa sinabi niya. "Nakita mo na siguro ang mga sawiking may itim na pakpak." "Yes. Pangalawang beses ko nang nakita." "Mabuti. Hindi ko na kailangang ipaliwanag pa sa 'yo. Basta ang tandaan mo lang, kalaban ng White Wing Tribe ang Black Wing Tribe. Kung may makita ka mang isa sa kanila, 'wag kang agad na magtitiwala. Lahi ng masasama at mapagpanggap ang mga 'yon." Tumaas naman ang kilay ni Alkan sa sinabi ni Gio. "Hindi ba magkalahi lang naman kayo ng itim na pakpak? Parang inamin mo na rin na masasama at mapagpanggap kayo." Huminto sa pag-abante si Gio kaya napahinto na rin siya. Lumingon ito sa kaniya nang nakakunot ang noo pero may isang ngisi na nakapaskil sa mga labi. Hilaw siyang napangisi sa ekspresyon nito. Umikhim si Gio at pinalis ang ngiti sa mga labi. "Hindi ganiyan ang White Wing Tribe," tipid nitong sambit bago nagpatuloy sa paghakbang paabante. Napakamot naman ng ulo si Alkan saka walang imik na sumunod sa lalaking may puting pakpak sa likod na handang bumuka kahit anong oras. Baka nga liparin siya sa lakas ng hampas ng mga pakpak na 'yon. "Ginoong Gio!" sigaw ng isang matinis na boses mula sa likuran. Sabay silang napahinto sa paghakbang paabante ni Gio at napalingon sa babaeng nimpa na sumigaw sa pangalan ng huli. Napakurap si Alkan nang makita niya ang babae. Walang kasing kinis at lambot ang maputing balat nito na parang pinaglihi sa niyebe. Mas maitim pa sa kalangitang walang bituin ang buhok at mga mata nito. Ang manipis at mapulang labi nito ay kaysarap tingnan at... tikman. Binatukan siya bigla ni Gio. Napahawak siya sa nasaktang batok at masamang tiningnan ang sawikin. Pero masama rin ang tingin nito sa kaniya. "Umayos ka. Naglalaway ka, kaibigan!" anito, may inis sa boses. Napalunok siya sa sinabi nito at hiyang muling napatingin sa nimpa na ngayon ay nakatingin na sa kaniya. May isang tipid na ngiti sa mga labi nito. "Ikaw ba si Alkan?" tanong nito. "Oo, ako nga." Nahigit niya ang hininga nang yumukod sa kaniya ang nimpa. "Kinagagalak kitang makilala. Ako si Odet, isang nimpa ng katubigan." Sumilay ang isang ngiting aso sa mga labi niya saka nilahad ang kamay sa harap ng babae. "Nice to meet you too," aniya. Pero tiningnan lang ng nimpa ang kamay niya na parang nagtataka. Biglang natawa si Gio. "Hindi niya alam ang pakikipagkamay. Wala ka sa mundo mo, kaibigan," paalala nito sa kaniya. Napabuntong-hinga na lang siya sa sinabi nito saka binawi ang kamay. Tinanaw niya ang papalayong bulto ni Odet hanggang sa mawala na ito sa paningin. Talaga naman. Isang nimpa si Odet at sa nakikita niyang yaman ng Tribal, hindi naman yata nasisilaw sa salapi si Odet? Pwede naman yata niyang ligawan ang babae --- "Kaibigan, 'wag kang magpahalina sa alindog ni Odet. Tulad ng mga sirena, may kakayahan ang mga nimpa na magpahumaling sa kalalakihan. Hindi totoo ang nararamdaman mong pagnanasa sa nimpa dahil isa lang 'yon sa mga kakayahan ng uri nila." Napatingin siya kay Gio nang sabihin nito ang mga katagang 'yon. Nangunot ang noo niya. "Hindi ka ba nahuhumaling sa kagaya niya?" Umismid si Gio. "Noong una. Pero nakita kong hindi totoo ang nararamdaman kong pagnanasa sa mga ito. Napag-aralan ko nang pigilan ang sarili." Sumulyap ito sa kaniya. "Kaya magpigil ka rin, kaibigan." Umasim ang mukha ni Alkan sa sinabi nito. Hindi naman niya alam ang tungkol doon at isa pa, sadyang nakakaakit ang mga kauri ni Odet. Napabuntong-hinga siya saka tahimik na sumunod kay Gio papunta sa trono. Sabi nitong ipapakita nito ang trono ng namayapang hari ng Tribal. Namatay raw ang hari nang unang digmaan at hinihintay nila ang tagapagmana nito. Tanging si Manuel lang daw ang nakakaalam kung sino ang tagapagmana at iilan sa mga konseho ng White Wing Tribe. At nang bumukas ang malaking pintuan patungo sa trono, isang nakakahalinang tanawin ang bumungad kay Alkan. Isandaang mga nimpa ang nagtipon-tipon sa harapan ng trono at tanging balabal lamang ang suot nito para takpan ang katawan. May dekorasyong bulaklak sa buhok ng mga ito at sabay-sabay ang mga itong umaawit ng isang matamis na himig. Pero nang humakbang sila ni Gio sa loob ng trono ay nahinto ang matamis na pag-awit kasabay ng pagsara ng malaking pinto sa likuran nilang dalawa. Napatalon pa sa gulat si Alkan dahil sa biglaang pagsara ng malaking pinto. "Gio, anong ginagawa niyo rito?" tanong ng isang nimpa. Lumapit ito sa kanila at tumayo sa harapan nila ni Gio. "Alam mong may ginagawa kami rito sa loob." Naningkit ang mga mata ni Alkan saka bumaling kay Gio. "Anong ginagawa nila?" tanong niya. "Sino naman itong kasama mo?" Bumaling sa kaniya ang nimpa saka tiningnan siya mula ulo hanggang paa. "Isang tao?" manghang tanong nito. Ngumisi si Gio. "Ito si Alkan. Bisita siya rito at naisip kong ipakita sa kaniya ang trono ng mahal na hari." Nawala ang pagkamangha sa mukha ng nimpa at napalitan ng inis. Bumaling ito kay Gio. "Alam mong bawal ang hindi tagarito na makita ang trono ng hari. Anong pumasok sa kokote mo at dinala mo rito ang isang taong walang kamuwang-muwang sa tradisyon na meron tayo sa Tribal?" "Kaiya, pinagpaalam ko na kay Manuel ang pagbisita ni Alkan dito. Hindi ito labag sa tradisyon. Isa pa, alam kong nagsisimula pa lang kayo sa pag-awit." "Sandali," putol niya sa sinasabi ni Gio. "Anong pag-awit?" "Pag-awit para sa namayapang hari," sabi ni Kaiya. Nakakunot pa rin ang noo nito sa kaniya pero hindi na gano'n kasama ang tingin nito. "Tuwing kabilugan ng buwan, inaawitan namin ang trono ng hari bilang paggalang at pagkilala na siya pa rin ang tinuturing naming hari." Bumuntong-hinga ito. "Pero hindi na namin magagawa pa ang pag-awit dahil inistorbo niyo kami. Lumipas na ang bilog na buwan sa itaas at wala ring saysay kung ipagpatuloy pa namin ang pag-awit." Natigilan si Alkan sa narinig. Hindi niya alam na may gano'n palang tradisyon sa palasyo. Pero hindi naman niya kasalanan. Si Gio ang nagdala sa kaniya ro'n. Bumaling siya kay Kaiya. "Wag mo akong sisihin. Si Gio ang nagdala sa akin dito." Nanlaki ang mga mata ni Kaiya na parang hindi makapaniwala sa narinig. Mabilis itong bumaling ulit kay Gio na magkasalubong ang dalawang kilay. "Isang makasariling tao! Ano bang nakita ni Manuel sa taong ito at pumayag siyang dalhin mo ang isang masamang nilalang?" "Masamang nilalang?" aniya. Sumimangot siya. "HIndi ako makasarili. Nagsasabi lang ako ng totoo!" "Tingnan mo! Isa nga siyang masamang nilalang! Hindi siya nababagay sa palasyo ng kalinisan! Paalisin mo ang maruming tao na 'yan!" sigaw ni Kaiya saka tinaas ang kamay sa kaniya. Nanlaki ang mga mata niya nang umihip ang malakas na hangin mula sa kinatatayuan ni Kaiya at nilipad siya niyon palabas ng palasyo. Rinig pa niya ang sigaw ni Gio bago niya nakita ang sariling nahuhulog mula sa mataas na bahagi pababa sa lupang puno ng putik! Napasigaw siya. Pero bago pa man lumapat ang mukha niya sa putik ay nahawakan na siya ni Gio at inangat nito ang katawan niya. Binaba siya nito sa isang malawak na teresa na sakop pa rin ng palasyo. Napabuga siya ng hangin at napapahid ng pawis sa noo. Hindi niya gustong mahulog sa putik dahil wala na siyang mukhang ihaharap sa mga magagandang babae sa palasyo at kay Valeria. Valeria... Tama. Naiwang mag-isa si Valeria sa bahay. Agad niyang hinanap si Gio pero hindi niya ito nahanap sa teresa. Mabilis siyang pumasok sa loob ng palasyo at nagpalinga-linga. Bigla na lang sumulpot ang isang babae sa harapan niya. "Anong hinahanap mo?" tanong ng isang mahinhing tinig. Napahiyaw siya sa gulat at napaatras. Pero nawalan siya ng balanse at muntikan nang magpagulong-gulong sa hagdan. Nanlaki ang mga mata ni Alkan. Hagdan? Pero naalala niyang walang hagdan sa likuran niya! Sa isang iglap, nawala ang hagdan sa likuran niya at napalitan ng teresa. May narinig siyang tawa sa likuran niya kaya dilat niyang nilingon ang babae. "Ikaw ang may g-gawa?" tanong niya sa nanginginig na boses. Natatawa naman itong tumango saka tinulungan siyang tumayo. "HIndi ko alam na matatakutin ka. Pasensya na," anito. Huminga siya nang malalim at binawi ang braso na hawak nito. Inismiran niya ang babae. "Wag mo nang ulitin 'yon!" galit niyang bulyaw saka nagmartsa papalayo sa babae. Pero sadyang malawak ang palasyo na tipong naligaw na siya kahit ilang hakbang lang naman ang ginawa niya. Nagpalinga-linga pa siya pero hindi na niya alam kung saan ang tamang direksyon. Magkakapareho kasi ang disenyo ng bawak sulok. Wala siyang pwedeng maging palatandaan. "Kaibigan, naligaw ka yata," boses ni Gio. Mabilis niyang nilingon ang boses at nakahinga siya nang maluwag nang makita si Gio. Pinasadahan niya ng daliri ang sariling buhok. "Saan ka ba galing? Iniwan mo ako kanina," inis niyang reklamo sa sawikin. Natawa naman ito at inabot sa kaniya ang isang baso na may lamang dilaw na inumin. "Kumuha ako ng maiinom. Heto, inumin mo para maibsan ang uhaw mo." Matapos sabihin ni Gio ang mga katagang 'yon ay naramdaman niya ang uhaw. Tiningnan niya ang likido sa baso. Mukha naman 'yong disente kaya tinanggap na niya at nilagok ang laman ng baso. Pagkatapos ay binigay niya ulit kay Gio ang baso. "Kailangan ko nang umuwi. Ihatid mo na lang ako pabalik sa San Roque." "Bakit? Pwede ka namang manatili rito," sabi ng sawikin saka tinanggap ang baso. Sa isang kumpas nito ng kamay ay nawala ang baso mula sa pagkakahawak nito. Hindi na siya nagtaka. Sadyang maraming kababalaghan na nangyayari sa Tribal at dapat lang na hindi na siya magulat sa mga iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD