Kabanata 22: Kaarawan ng Mayor

2270 Words
Binalik siya ni Gio sa bayan ng San Roque. Madaling-araw na nang mahiga siya sa kama niya at napatitig sa madilim na kisame. Maliwanag doon sa Tribal kaya inakala niyang sumikat na ang araw sa mundo niya. HIndi pa pala. Pinikit niya ang mga mata at hindi na niya namalayan ang paghulog ng kamalayan niya sa dilim. Naalimpungatan lang siya sa pakiramdam na may nakatitig. Pagmulat niya ng mga mata, nakita niya sa ibabaw ng kama si Gio. Nakatihaya ito at nakahalukipkip. May munting kunot sa noo na tipikal niyang nakikita sa mukha nito sa tuwing may hindi ito nagugustuhang bagay. At higit sa lahat, nakalutang ito sa hangin. Napabalikwas siya ng bangon at sisitahin sana ang sawikin pero naunahan na siya ng boses ni Valeria. "Alkan? Alkan! Kanina ka pa hindi sumasagot sa tawag ko. Okay ka lang ba diyan sa loob? Kung hindi ka pa rin magsasalita ay ipapagiba ko na sa kapitbahay itong pinto ng kuwarto mo!" Mabilis siyang sumigaw, "Kakagising ko lang!" Ilang segundong natahimik sa labas ng pinto bago niya narinig ulit si Valeria. "Okay! Malamig na ang ulam. Bilisan mo na riyan!" Sukat noon ay narinig na niya ang yabag nito palayo. Nakahinga siya nang maluwag saka tiningnan nang masama si Gio na nakasandal na sa dingding na malapit sa paanan ng kama. "Ba't ka nandito?" tanong niya. Nagkibit-balikat ang sawikin. "Trabaho?" patay-malisya nitong sambit. "Wag kang magpalutang-lutang sa ibabaw ng higaan ko," aniya at inis na umalis ng kama. Muntikan na siyang atakihin sa puso nang makita niya si Gio na nakalutang sa ibabaw ng kama. Buti na lang at napigilan niya ang sariling sumigaw sa gulat. Nakakawala lang 'yon ng pagkapogi. Ayaw naman niyang pagtawanan ni Valeria. Mabilis siyang naligo. Pagkatapos ay nagpunta na siya sa labas ng kuwarto at dumiretso sa kusina para kumain ng agahan. Alas-diyes na pala ng umaga. Hindi niya namalayan ang oras dahil puyat siya kagabi. Habang kumakain ay may kumatok sa pinto. Si Valeria na ang nagpresentang magpunta. Maya-maya pa'y bumalik si Valeria sa kusina kasama ang isang lalaking nasa mid-50s. Malaki ang ngiti nito sa kaniya kaya mabilis niyang inabot ang baso at nilagok ang tubig. Saka siya tumayo at ngumiti sa matanda. "HIndi ko napaghandaan ang pagdating niyo. May problema ba?" Natawa ang lalaki saka napailing. "Hindi. Walang problema." Sumulyap ito saglit kay Valeria bago binalik ang tingin sa kaniya. "Mensahero ako ng Mayor. Kaarawan niya bukas at iniimbitahan niya kayong dumalo roon." Natahimik saglit si Alkan habang lumawak ang ngiti sa mga labi ni Valeria. "Bakit po? Ibig kong sabihin, paanong naimbintahan kami sa kaarawan ng mayor? Bago pa lang kami sa lugar at nakakahiya naman na dumalo na maski itong bahay ay wala kaming nabibigay sa mayor maski isang kusing." "Wag kayong mag-alala. Maraming dadalo sa kaarawan ng Mayor at magpapakain siya sa bayan pagdating ng hapon. Lahat ng nakatira sa bayan ng San Roque ay imbitado." Walang nagawa sina Valeria at Alkan kung hindi umuo sa imbitasyon. Sabik si Valeria na dumalo habang napaisip naman si Alkan. HIndi niya masyadong kakilala ang mayor. Sa katunayan, hindi naman magkaibigan ni magkakilala ang mga magulang niya at ang mayor kaya bakit personal na pumunta ang mensahero nito sa lumang bahay na 'yon? Isa 'yong malaking palaisipan para kay Alkan dahil bukod sa pagpapatira nito sa bahay ay wala na silang koneksyon ng mayor. Gayunpaman, hindi na niya masyadong inisip pa ang tungkol doon at nagpatuloy sa pagkain. Dahil na rin sa pamimilit ni Valeria kaya napilitan siyang bumiyahe tungo sa sentro. Bibili raw ito ng damit na gagamitin para sa kaarawan ng mayor bukas. Mamimili rin daw ito ng damit na babagay sa kaniya. Napangiti siya sa babae nang sabihin iyon. Hindi lang pala sarili ang iniisip ni Valeria. Pati kapakanan niya ay iniisip nito kaya hindi niya maiwasang mas mahulog pa nang husto sa babae. "Itong sundress? Bagay kaya sa akin?" tanong ni Valeria saka dinikit sa katawan ang isang sundress. "Baka itong floral ang mas bagay? Ano sa tingin mo?" dagdag nitong tanong saka bumaling sa kaniya. Napakurap naman siya. Hindi pa niya nasususbukang mamili kasama ang isang babae. HIndi kasi siya sinasama ng ate Brigette niya noon tuwing namimili ito ng mga damit. Baka maging sagabal daw siya sa pamimili nito. Hah. Hindi naman niya gustong mamili kasama ang ate niya dahil alam niyang ilang oras ang igugugol nito bago mahanap ang tamang damit na kasya sa katawan nito. Lihim siyang napangiti sa naalala at nagbaba ng tingin sa damit na pinapakita ni Valeria. "Floral. Mas maganda kang tingnan," aniya. Tumaas ang kilay ni Valeria pero hindi na nagkomento. Basta na lang nitong pinabalot ang pinili niyang damit. Siya na ang nagbayad, saka siya hinila ni Valeria palabas sa tindahan na 'yon. "Mamili na naman tayo para sa 'yo," masayang sambit ng babaeng naglalakad sa tabi niya. Hindi na siya nagprotesta at hinayaan itong hilain siya papasok sa isang bilihan na naman ng damit. Pansin niyang may nakalagay na ukay-ukay sa labas ng bawat tindahan ng damit at hindi siya sigurado kung anong ibig sabihin niyon. Unang beses pa kasi niyang naranasang magpunta sa isang malawak na tindahan ng mga damit. "Heto.. mmm," sabi ni Valeria. Nilapat nito ang isang tux sa katawan niya saka naningkit ang mga mata nito. "Hindi bagay," anito sabay lagay ulit sa lagayan ang tux. Hinila siya nito papunta sa kalapit pang tindahan. Nagpatianod lang siya at tahimik na sumunod sa babae. Ilang oras pa ang ginugol nila bago huminto sa isang tindahan si Valeria. Ilang tux pa ang nilapat nito sa katawan niya hanggang sa mapangiti ito sa isang puting tux na simple at eleganting tingnan. Nag-angat ng tingin sa kaniya si Valeria saka ngumiti nang malaki. "Bagay na bagay sa 'yo," sabi nito. Hindi na siya nito binigyan ng pagkakataong magsalita dahil mabilis nitong binigay sa isang babae ang tux at pinabalot iyon. Wala na siyang nagawa kung hindi magbayad sa pinili ni Valeria. Bumalik na sila sa bahay at naghanda. Hindi nagtagal ay tapos na siyang maghanda pero nasa kuwarto pa rin si Valeria. Napabuntong-hinga siya. Kailangan pa niyang maghintay ng ilang minuto. Babae nga naman. Busangot siyang naupo sa sofa at tinanaw ang tanawin sa labas ng malaking pinto. Napaupo siya nang tuwid nang pumasok mula sa pinto si Gio. Ngumiti ito sa kaniya. Inismiran niya ang sawikin at hindi pinansin. Hindi nagtagal ay lumabas na mula sa kuwarto si Valeria at bumaba ng hagdan. Nilingon niya ang babae at gano'n na lang ang pagkagulat niya nang makita ang kagandahang taglay nito. Hindi siya makaimik. Akala niya ay maganda ang mga nimpa sa Tribal, pero habang tinititigan niya si Valeria ay napagtanto niyang tama nga ang sinabi ni Gio. May kakayahan nga ang nimpa na mang-akit pero hindi kayang sungkitin ang puso niya. Hinawakan niya ang dibdib dahil kumabog nang mabilis ang puso niya. Ngumiti siya kay Valeria at lumapit. "You look beautiful," bulong niya rito at hinagkan ito sa noo. Lumawak ang ngiti sa mga labi ni Valeria at kinuwit ang kamay sa braso niya. "Likewise," bulong nito sa kaniya. Sabay nilang nilisan ang lumang bahay. Lumulan sila sa kotse at pinatakbo niya yo'n tungo sa Poblacion. Ang sabi ng mensahero ay sa poblacion gaganapin ang pagdiriwang, sa may malaking gymnasium, para magpakain sa mga mamayan ng San Roque. Saka palang gaganapin ang opisyal na pagdiriwang sa mansiyon ng mayor na nasa El Salvador. Tumaas nga ang kilay niya sa narinig. Kaya pala mayayaman lang ang nandoon sa El Salvador. Malamang ay nandoon din ang bahay ng Mayor. Pinarada niya ang kotse ilang metro mula sa gymnasium saka sabay silang umibis ng sasakyan ni Valeria. Nilakad nila ang kahabaan ng daan hanggang marating nila ang gymnasuim. Pero sadyang maraming tao kaya nagdesisyon nalang sila ni Valeria na bumalik sa kotse. Ibibigay nalang nila sa ibang mamamayan ang pagdiriwang doon. Pinatakbo niya ang kotse patungo sa El Salvador. Nagtanong-tanong sila kung nasaan ang bahay ng Mayor hanggang sa matunton nila 'yon. Nasa dulo ng El Salvador ang bahay ng mayor, sa likod lang ng malaking munisipyo. May pader na naghihiwalay sa munisipyo at bahay nito. Naningkit ang mga mata ni Alkan habang tinitingala ang mataas na pader na naghihiwalay sa buong Poblacion at El Salvador. Kaya pala parte pa rin ng Poblacion ang El Salvador. Napaismid siya. "Maghihintay lang ba tayo rito?" tanong ni Valeria. Nakatingin ito sa labas ng bintana. Nakaparada ang kotse sa gilid ng pader, ilang metro mula sa bahay ng Mayor. Kita niya mula sa driver's seat ang engrandeng bakuran ng bahay. Maraming bulaklak sa harapan niyon at may mangilan-ngilang kasambahay na nagparoo't parito sa bakuran. Abala yata sa paghahanda para sa pagdiriwang mamaya. Hindi nagtagal, napansin niya ang pagdadagsaan ng mga magagarang kotse. Doon na niya naisipang ayain si Valeria na umibis ng sasakyan. Preskong hangin ang sumalubong sa kaniya pagkababa ng kotse at nakita niya sa gilid ng mata si Gio na nakaupo sa bubong ng kaniyang kotse. Kumaway ang sawikin sa kaniya pero binaling niya ang tingin kay Valeria na para yatang namumutla habang tinititigan ang magarang bahay sa harap. "Andaming tao naman yata," bulong nito na narinig niya. Hinawakan niya ang kamay nito at sabay silang nagtungo sa bahay. Binati sila ng mga babaeng usher at iginiya sila sa isang malawak na hall sa likod ng bahay. May malaking chandelier sa itaas at kumikinang sa disenyong diyamante ang buong lugar. Nanlaki ang mga mata ni Valeria at humigpit ang hawak nito sa kamay niya. "Ngayon lang ako nakadalo sa ganitong pagtitipon," bulong nito. Ngumiti lang siya sa babae at nilibot ang tingin sa loob. Hindi siya namangha sa rangya ng mayor. Nakadalo na siya sa mga pagtitipon na mas engrande pa sa inihanda ng mayor ng bayan. Pero ang mas tumatak sa isipan niya ay ang palasyo sa Tribal. Tiyak niyang totoong diyamante ang malayang nakasabit sa bawat sulok ng palasyo. Sa gano'ng lugar lang siya namangha nang husto. Pinaupo niya si Valeria sa isang upuan sa gilid saka siya tumabi sa babae. Tahimik nilang pinagmasdan ang pagdadagsaan ng mga bisita. Mukhang mamaya pa magpapakita ang mayor dahil nandoon pa ito sa malaking gymnasium para aliwin ang mga tao. May lumapit sa kanilang lalaki. Nakilala agad ito ni Alkan kaya napatayo siya. Ngumiti sa kaniya ang bagong dating. "Alkan, masaya akong makita kita rito," sabi nito saka nilahad ang kamay sa kaniya. Tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. "Manuel," aniya saka binawi ang kamay. "Ito ba ang... asawa mo?" tanong nito saka tumingin kay Valeria. Mabilis siyang tumango. "Siya nga." Tumayo si Valeria kaya hinawakan niya ito sa baywang at hinila ang babae palapit sa kaniya. "Valeria, si Manuel Jimenez. Manuel, ito si Valeria." Nakipag-kamay ang mga ito sa isa't isa. Saka niya muling pinaupo si Valeria sa upuan. Mataas kasi ang takong ng sandal nito at narinig niya kanina ang reklamo nito. "Maganda ang napili mong babae," ngiting sambit ni Manuel saka umikhim. "Balita kong bago pa lang kayo rito sa bayan?" "Kakalipat ko lang nitong nakaraang mga linggo. Dalawang buwan naman si Valeria rito," kuwento niya. Tumango ang butihing lalaki. "Mabuti pa'y ipasyal ko kayong dalawa rito sa bayan ng San Roque. Kung ayos lang sa 'yo at ng asawa mo?" Napatingin siya kay Valeria. Nakatingin din ito sa kaniya. Nagkibit-balikat siya saka ngiting muling bumaling kay Manuel. "Walang problema." Pero nahinto sila sa pag-uusap nang mula sa pinto ng hall, may isang lalaking pulubing pumasok. Malalaki ang mga mata nitong nilibot ang tingin sa loob. Huminto ang tingin nito sa kaniya at mas lalong lumaki ang dilat nitong mga mata. "Ikaw! Ikaw ang pumatay sa asawa ko!" sigaw nito at tumakbo tungo sa kaniya. Mabilis na hinarang ni Manuel ang sarili sa harapan niya. At bago pa man makalapit ang lalaking pulubi ay tinaas ni Manuel ang kamay. Sa isang iglap, nabuwag ang lalaki. Bumagsak ang katawan nito sa sahig at narinig niya ang pagsinghap at paghiyaw ng mga bisita. Napatingin siya kay Manuel at nangunot ang noo niya. May kapangyarihan ba ang lalaking nakatayo sa harapan niya? "Sinong nagpapasok sa kaniya rito?" tanong ni Manuel sa mga security guard na nagmadaling buhatin ang katawan ng pulubi palabas ng lugar. Humarap kay Manuel ang isa sa mga security guard at sumaludo. "Umakyat sa pader sa likod ng munisipyo, sir." Ilang segundong natahimik ang lalaki bago umikhim. "TIyakin niyong walang ibang makakaakyat pa sa pader." "Opo, sir!" anito saka patakbong lumabas ng pinto. Muling bumaling sa kaniya si Manuel saka tipid na ngumiti. "Pasensya na sa nangyari. Ang lalaking 'yon ang asawa ng babaeng namatay. Sinasabi ng ilan na kamukha mo ang lalaking kausap ng babae bago ito nagpakamatay. Namatay ang babae nang iniumpog nito ang ulo sa poste." Napalunok si Alkan nang maalala ang babaeng nagpakamatay nang sakupin ng anino ang buo nitong katawan. 'Yon ang panahon na nalaman niyang may kakayahan ang aninong pumatay ng tao. Nanlamig ang pakiramdam niya. Hinawakan ni Manuel ang baliikat niya kaya napatalon siya sa gulat. Nabigla naman ang lalaki sa ginawa niya kaya mabilis nitong binaba ang kamay. Umikhim ito. "Bukas na kita ipasyal sa buong bayan. Pwede mong isama ang asawa mo, pero mukhang hindi nito gustong magliwaliw." Sumulyap siya kay Valeria. Umiling ito at umiwas ng tingin. Napabuntong-hinga siya. Mukhang hindi nga sasama ang babae sa kaniya. Pero wala naman talaga siyang balak na libutin ang buong bayan dahil wala siyang balak na magtagal pa nang husto sa San Roque. Kaso nang makita niya kung paano mahimatay ang pulubi sa kamay ni Manuel, gusto niyang tiyakin ang hinala niyang may kapangyarihan ang lalaking kabilang sa makakapangyarihang angkan sa bayan ng San Roque.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD