Bukang-liwayway nang umibis mula sa kotse si Alkan. Tiningala niya ang marangyang mansion ng mga Jimenez. Hindi na siya nagulat sa yaman ng angkan dahil minsan din naman siyang nanirahan sa San Roque at alam na niya kung sino-sino ang nagpapatakbo sa buong bayan.
Nagpaiwan sa bahay si Valeria dahil masama raw ang pakiramdam nito, pero alam niyang ayaw lang ng babae na magliwaliw sa San Roque. Hindi na niya pinilit dahil maliban sa gusto niyang ipresenta ang sarili kay Manuel bilang business partner, may motibo rin siya sa lalaki. Gusto niyang malaman kung tama ang hinala niyang may kapangyarihan ang lalaki, o kung may alam ito tungkol sa Tribal.
"Magandang araw, Sir." Ngiting lumapit sa kaniya ang isang tagabantay ng mansiyon. "Sino ho sila?"
"Alkan Buena. Nandiyan ba si Ginoong Manuel sa loob?"
Napaisip saglit ang lalaki bago tumango. "Ikaw yata si Sir Buena. Kanina pa naghihintay si Sir Manuel sa loob."
Sumunod siya sa tagabantay tungo sa loob ng mansiyon. Napadaan pa sila sa hardin ng mga bulaklak na humahalimuyak kasabay ng pag-akyat ng araw sa silangan. Ang paborito niya sa mga iyon ay ang kulay puting rosas na nasa gilid.
"Pasok kayo sa loob, Sir."
Iniwas niya ang tingin mula sa rosas at walang imik na pumasok sa pintuan. Isang mahinang saliw ng musika ang narinig niya pagtapak niya sa loob. Nilibot niya ang tingin at nakita niya si Manuel na kasalukuyang nakikipag-usap sa isang katulong.
Ilang minuto pa ang lumipas at napansin siya ni Manuel. Nakatayo pa rin kasi siya sa may pintuan. Kita pa niya ang pagdaan ng gulat sa mga mata nito bago ito ngumiti sa kaniya. "Alkan, mabuti't nakarating ka."
Tumango siya sa lalaki. Pinaupo siya nito sa magarbong sofa at inaya pa siya nitong kumain ng agahan. Magiliw siyang tumanggi dahil tapos na siyang kumain ng agahan sa bahay.
Natawa si Manuel. "Mabuti talaga kapag mayroon kang asawa. Hindi ka na nagugutom, ano?" biro nito. Ngumiti lang si Alkan. Hindi pinansin ni Manuel ang pagiging tahimik niya at nagpatuloy sa pagsasalita. "Namatay ang asawa ko noong kasagsagan ng piyesta. Nalunod sa may ilog." Bumuntong-hinga ang lalaki.
Hindi naman alam ni Alkan kung anong dapat sabihin sa mga oras na 'yon kaya nanahimik lang siya at minsan ay tumango-tango.
Magiliw naman siyang pinagmasdan ni Manuel. "Tahimik na bata," sambit nito bago umiling. Sumimsim ito sa tasa ng kape bago tumayo at inaya siyang lumabas.
Nakita niya ang sariling nakaupo sa loob ng kotse ni Manuel habang panay ang kuwento nito sa kaniya tungkol sa mga kuwentong-bayan sa bawat lugar na nadadaanan ng kotse.
"Lumang sementeryo. Alam mo ba ang kuwento ng lugar na 'to?" tanong bigla ni Manuel.
Tumingin sa labas ng bintana si Alkan at una niyang nakita ay ang arko sa may entrada ng sementeryo. Hindi na mabasa ang nakasulat sa arko pero may isang letra na nakakuha ng atensyon niya.
'Batumbakal'
Iyon ang nakaukit sa arko. Alam niya agad na nasa lumang sementeryo sila, sa may Sitio Batumbakal. Ayon sa mga sabi-sabi ng nakakatanda, lahat ng nakalibing sa loob ng sementeryo ay pawang katawan lang daw ng saging dahil kinain na ng balbal ang kalilibing lang na mga bangkay noon.
"Walang buto na makikita sa loob ng sementeryo," ani Alkan. Naningkit ang mga mata niya habang nakatingin sa entrada ng sementeryo. Para kasing may nakita siyang taong nakatayo sa loob, pero sa isang kisap-mata ay nawala na ang tao na 'yon. Nangunot ang noo niya. Ilusyon lang ba 'yon?
"Iyon ang sabi ng ilan," sabi ni Manuel. "Pero hindi nila naisip na baka buhay pa ang mga taong nakalibing sa lumang sementeryo," dagdag nito.
Mabilis siyang bumaling kay Manuel. Nakatingin pa rin ito sa arko sa entrada ng lumang sementeryo, pero biglang bumilis ang t***k ng puso niya sa sinabi nito.
"Anong ibig mong sabihin?" taong niya, seryoso ang boses.
Napatingin sa kaniya si Manuel at nang makita kung gaano kaseryoso ang mukha niya, bigla na lang itong natawa at ngumiti sa kaniya. "Hinuha ko lang iyon. Imahinasyon lang. Hindi totoo." Saka nito pinaandar ulit ang kotse at pinatakbo palayo sa lumang sementeryo.
Tumingin si Alkan sa rearview mirror at napasinghap siya nang makita ang isang lalaking nakatayo sa entrada ng lumang sementeryo. Nakasuot ito ng barong tagalog at nakatingin nang diretso sa kaniya!
Bigla na lang ngumisi ang misteryosong lalaki at sa isang iglap, nawala na ang repleksyon nito sa rearview mirror. Pero kahit na gano'n, malakas pa rin ang pintig ng puso niya at namutla ang mukha niya sa kilabot.
"Anong nangyari?" tanong ni Manuel, pero sa tono ng boses nito ay hindi ito nababahala sa biglaang pamumutla ng mukha niya.
Umiling siya at napabuga ng hangin. Kung alam lang nito na may multong nakatingin sa kanila mula sa lumang sementeryo, baka matakot pa ito't madisgrasya sila nang hindi oras.
Ilang oras nilang nilibot ang buong bayan ng San Roque. Ngayon lang din niya napagtanto na marami pa siyang hindi napupuntahan na mga lugar sa bayang kinamulatan niya. Ang huli sa listahan ay ang ilog ng San Roque.
Nasa liblib na Sitio ang ilog na 'yon at walang masyadong tao na bumibisita. Ayon kay Manuel, minsan lang nagpupunta ang mga tao sa ilog dahil sa paniniwalang may mga malignong nakatira sa ilalim ng ilog.
Napailing nalang si Alkan. Di yata lahat ng lugar sa San Roque ay puno ng haka-haka liban sa plaza kung saan nakatayo ang munisipyo. Pero hindi naman siya sigurado kung tunay nga bang haka-haka ang lahat ng kuwentong-bayan na lumalabas mula sa bibig ni Manuel. Sa pananaw niya, may mga nilalang talaga na hindi maipaliwanag ang namumuhay kasama ng mga tao.
"Minsan, may mangingisda na nagpunta rito sa ilog," kuwento ni Manuel. "Gusto nitong mangisda rito pero hindi pa man ito nakakahuli ay nagsisigaw na ito sa takot. May sirena raw na kumakain ng laman-loob sa ilog na ito. Simula noon, pinagbawal na ng Mayor na magpunta ang mga tao rito dahil na rin sa labis na pag-alala ng mga ito. Gusto kasi ng mga tao na hulihin ang sirena at patayin."
Tumaas ang kilay ni Alkan sa sinabi ni Manuel. "Walang nagbabantay sa entrada?"
Natawa si Manuel. "Wala. Hindi nagpupunta ang mga tao rito dahil natatakot sila. Pero 'wag kang mag-alala, humingi na ako ng pahintulot sa Mayor."
Natahimik si Alkan. Hindi niya makompirma kung totoong bay may sirena sa mapayapang ilog. Dumungaw siya sa railing ng maliit na waiting shed. Sa ilalim ay nakatayo ang isang malaki at pabilog na bato.
Walang tao sa ilog. Walang ingay. Walang galaw. Parang natutulog lang ang kulay berdeng ilog. Ang mas nakakapagtataka ay walang kahit na anong dahon o kahit na anong duming nakalutang sa ilog. Para bang may naglilinis niyon araw-araw kaya hindi niya mawari kung umaagos ba ang tubig sa ilog o hindi.