Kabanata 9: Liwanag sa Himpapawid

1485 Words
Ilang oras na siyang umiikot sa paligid pero hindi pa rin niya nahanap ang Lakandiwa Apartment na sinasabi ng lalaki. Pagpatak ng tanghali ay nakikain siya sa isang kalinderia. At gaya ng nangyari sa unang panuluyan, kakaiba rin ang tingin ng mga tao sa kaniya. Para siyang isang artista sa rami ng nakukuhang atensyon, pero hindi naman siya dinudumog ng mga tao. Kung iisipin, para siyang isang transferee student na pinagtitinginan ng ibang estudeyante dahil bago sa lugar. Tuloy, naalala niya ang mga taon niya sa San Roque National High School. May isang transferee noon na talagang pinagkaguluhan ng kababaihan dahil sa taglay raw nitong kagwapuhan. Nang makita niya minsan ang transferee, hindi naman gano'n kagwapo. Minabuti niyang bilisan ang pagkain sa kalinderia na 'yon. Kahit na wala naman siyang narinig na bulungan, pero ramdam niya ang lagkit ng titig ng ilang kababaihan sa loob. Hindi niya masikmura ang malisyosong tingin lalo pa't katatapos lang siyang itapon ni Daniella na parang basura. Napaismid siya. Hindi nagtagal ay nakabalik siya sa kotse niyang pinaglaruan ng mga batang walang muwang. Parang aso lang namang umihi ang mga ito sa gulong ng kotse niya. Kita pa niya ang kulay dilaw na tubig at halos mabato niya ng hawak na mineral bottle ang nanakbong mga bata. Tawang-tawa pa ang mga ito nang makita ang nakabusangot niyang mukha. Ha! Ano bang nangyari sa San Roque at bakit parang walang mga pinag-aralan ang mga batang 'yon? Padabog siyang lumulan ng kotse at mabilis na pinatakbo palayo sa lugar na 'yon. Habang patagal nang patagal ay mas dumadalang ang kabahayan, hanggang sa dumaan ang kotse niya sa isa na namang malawak na palayan. Ilang beses na ba niyang nadaanan ang palayan? Huminto ang kotse sa isang eskina. Ayon sa isang road sign, papunta sa El Salvador ang may kaliitang daanan. El Salvador? Nangunot ang noo niya. Wala siyang maalalang El Salvador. Bagong bayan ba 'to na sakop ng San Roque? Nagdalawang-isip pa siya kung papasukin ang eskina. 'Yong tuwid na daan sa harapan kasi ay daan papunta sa sentro ng bayan, sa Poblacion. Bumuga siya ng hangin. Akmang patatakbuhin niya sana ang kotse tungo sa sentro nang makita niya mula sa dulo ng eskina ang isang kotseng papunta sa b****a kung nasaan ang kotse niya. Mas lalong lumalim ang kunot sa noo niya. Ngayon lang niya napansin na hindi pa siya nakakita ng kotse habang dumadaan sa bayan. Puro traysikel lang ang nandoon, hindi tulad noon na panaka-nakang dumadaan ang mga kotse sa malaking kalsada sa bayan. Ginilid niya ang kotse para hindi humarang sa b****a ng eskina. Maya-maya pa'y narating ng kotseng 'yon ang b****a at huminto saglit. Bumaba ang salaming bintana nito at nakita niya ang mukha ng lalaking nakita niya kanina. Bumaling ito sa kaniya at ngumisi. "Punta ka sa El Salvador. Doon ka nababagay, bata." Nangunot ang noo niya. "Anong meron do'n?" "Mga disenteng bahay." "Disenteng bahay?" Tumango ang estrangherong lalaki na pamilyar sa kaniya pero hindi niya maalala kung saan niya nakita. Umikhim siya. "Kanina pa ako paikot-ikot sa bayan pero hindi ko nakita 'yong sinabi mong Lakandiwa Apartment." Natawa ang lalaki. "Hindi mo talaga makikita sa bayan. Nasa El Salvador ang apartment." "Talaga?" Tumingin siya saglit sa dulo ng eskina saka binalik ang tingin sa lalaki. "Sitio ba 'yang El Salvador?" "Hindi, bata. Isang lugar lang 'yan na parte ng Poblacion. Pinatayo 'yan ng mayor para maproteksyunan ang mayayaman sa lugar. May pag-aalsa kasing naganap dalawang taon nang nakalipas sa Sitio Bundok at muntik nang mapatay ang anak ng Mayor." Natahimik siya sa sinabi nito. Pag-aalsa? Bakit naman mag-aalsa ang mga tao? Kung gano'n, iba ang lugar ng mayayaman at maykaya sa mga nasa laylayan? Kaya ba gano'n na lang ang tingin ng mga tao sa kaniya kanina? Napaismid siya. E, wala na palang respito ang mga tao sa bayan na 'yon. Binalik niya ang tingin sa harap pero wala na ro'n ang kotse ng estranghero. Narinig na lang niya ang ingay ng tambutso ng kotse nito nang humarurot ito tungo sa tuwid na daan patungong sentro. Nagkibit-balikat siya at nagpasyang pasukin ang El Salvador. Hindi niya maintindihan ang nangyayari sa bayan pero baka makahanap siya ng sagot sa lugar na 'yon. Ang mahalaga sa kaniya sa mga oras na 'yon ay makakahanap ng matutuluyan bago pa magtago ang araw sa bundok. Alas-tres na ng hapon nang marating niya ang El Salvador. Unang pumukaw sa pansin niya ay ang naglalakihang mga bahay na bato, gaya ng mga bahay sa panahon ng Kastila. Maraming puno rin ang nakahilera sa gilid ng sementado at malawak na kalsada. Presko ang hanging marahang humahampas sa mukha niya dahil nakababa ang salamin ng bintana. Para siyang dinala sa eksena sa panahon ng Kastila, pero ang kotseng nakaparke sa garahe sa harap ng bawat bahay ang nagpapaalala sa kaniyang nasa modernong panahon siya. Ilang sandali pa ay narating niya ang isang malaking bahay na may dalawang palapag. May nakalagay na karatula sa harap -- Lakandiwa Apartment. Iyon na yata ang sinabi ng lalaki kanina. Ginarahe niya ang kotse sa bakanteng parking lot sa harap ng apartment house saka umibis mula sa sasakyan. Naglakad siya tungo sa entrada at may nakita siyang gwardiya roon na nakasandal sa hamba ng malaking pintuan. Nang makita siya nito ay napatayo ito nang tuwid at ngumiti sa kaniya. "Maligayang pagdating sa Lakandiwa Apartment, Sir!" saludo ng gwardiya. Napatango siya sa pagbati nito at pasimpleng sumilip sa loob ng malaking bahay. "May bakante ba?" tanong niya. "Oo naman, Sir. May bakante sa loob. Pasok po kayo!" Tumango siya at walang sabing pumasok sa loob. Sumalubong sa kaniya ang malamig na hangin mula sa air cooler sa itaas ng pintuan. Aba, moderno. Napangisi siya. Mukhang magugustuhan niya ang apartment. Nilibot niya ang tingin at nakita niya ang reception desk. May lalaki sa likod niyon. Lumapit siya at umikhim. "A room for one night," aniya. Tumingin sa kaniya ang lalaki at nagmadaling tumipa sa keyboard ng computer. "May ID ka, Sir?" Binigay niya ang ID card sa lalaki. Hindi nagtagal ay binigyan siya nito ng susi at binalik ang ID card niya. "Room 37 sa second floor, Sir." Tinungo niya ang sinabi nito. Isang simple at eleganteng kuwarto ang napasukan niya na siyang pasok naman sa panlasa niya. Bachelor pad ang tema ng kuwarto kaya naman pagod siyang nahiga sa kama at nakatulog. Pagmulat niya ay madilim na sa labas. Minabuti niyang bumaba at umorder ng hapunan sa maliit na kainan sa first floor ng malaking bahay. Pansin niyang iilan lang ang kumakain kaya naisip niyang bilang lang din sa daliri ang mga taong kasalukuyang umuukopa sa malaking bahay. "Bukas na ang perya sa sentro sabi ng Mayor. Pupunta ka ba?" tanong ng isang babae sa kasama nitong kumakain. Ilang hakbang lang ito mula sa kaniya kaya rinig niya ang tinanong nito. "Mamaya na. May trabaho pa akong aayusin." "Sayang naman. Sabi ni Kale na may bagong bukas sa peryahan. Mahika ni Surikong daw at kakaiba raw magpresenta ang mahikero." Nahinto sa eri ang kamay niyang may hawak na kutsara. Pumantig ang tainga niya. Surikong? "Hindi dala ako pwedeng pumunta. Bukas na lang." Nangunot ang noo niya sa narinig. Iyon ba ang Surikong na tinderong nakausap nilang magkakaibigan noon? Binilisan niya ang pagsubo. Matapos kumain ay nagpasya siyang lumabas ng malaking bahay. Sumalubong sa kaniya ang malamig na panggabing hangin. Presko at amoy pa niya ang halimuyak ng ilang bulaklak na namumukadkad at nakatanim sa mga paso sa gilid ng malaking bahay. Tinungo niya ang kotse at pinatakbo iyon tungo sa bayan. Kailangan niyang makausap si Surikong. Sa tindahan nito noon ay una niyang nakasalamuha ang mga aninong sunod nang sunod sa kaniya. Baka alam ng tindero ang dahilan kung bakit may aninong nakapaligid sa kaniya. Katunayan ay kita niya sa gilid ng mata ang hamog ng aninong pumirmi sa passenger seat na parang taong nakikiupo roon. Mas lalong gumapang ang kilabot mula kamay pataas sa balikat at tumaas ang balahibo niya sa batok. Dahil panay ang sulyap niya sa passenger seat, hindi niya namalayan ang babaeng papatawid ng kalsada. Sa isang kisapmata ay mabilis niyang tinapakan ang preno at tumilapon ang katawan niya paabante. Mabuti na lang at nakasuot siya ng seatbelt. Hingal siyang tumingin sa harap. Nando'n ang babae na tila naestatwa sa muntikang aksidente. Mabilis siyang umibis ng sasakyan at humakbang palapit sa babae na tinakasan ng kulay ang buong mukha. "M-Miss, I'm sorry. A-Are you hurt?" tanong niya. Tumingin ito sa kaniya at bago pa man nito mabuka ang bibig ay isang liwanag ang dumaan sa madilim na kalangitan. Sabay silang napatingin ng babae sa kalangitan at gano'n na lang ang pag-awang ng bibig niya dahil sa nakita. Laksa-laksang batalyon ng kalalakihang may puting pakpak ang lumilipad sa himpapawid. At hinahabol ng mga ito ang ilang kalalakihang may purong itim na pakpak, kasabay ang pag-ihip ng malakas na hangin sa direksyong kinatatayuan niya. Napakurap si Alkan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD