Kabanata 8: Pag-uwi

1193 Words
Imposibleng walang kinalaman ang mga anino sa pagpanaw ng pamilya niya. Sa bawat bangkay ng mga ito ay nakikita niya ang ilang marka ng anino. Alam niyang may kinalaman ang mga ito. Kaya naman mas lalong umigting ang pagnanasa niyang bumalik sa San Roque para hanapin ang sagot sa misteryo ng pagkamay ng bawat miyembro ng pamilya niya. Ngayon na mag-isa nalang siya at wala nang kompanyang dapat alahanin, nagdesisyon siyang bumalik sa San Roque. Tiningnan niya ang bahay na naging tahanan niya ng ilang mga taon, bago lumulan sa kotse at pinatakbo ang sasakyan palabas ng bahay. Hindi na niya binenta ang bahay at binilin na lang sa mayordoma. Ang pamilya nito muna ang titira sa bahay at binigyan niya ng karamtang halaga ang pamilya para magpatayo ito ng negosyo para may ipantustos sa pamilya. Nilakbay ng kotse niya ang kahabaan ng tahimik na highway. Alas-kuwatro y medya pa lang sa mga oras na 'yon kaya walang masyadong mga sasakyan sa highway liban sa mga naglalakihang mga trak na naghahatid ng mga produkto sa iba't ibang munisipalidad. Ilang oras pa ang lumipas at nakita niya kung paano unti-unting umakyat ang araw sa silangan. Mula sa munting liwanag sa kalangitan ay lumaki nang lumaki iyon hanggang sa tuluyan nang sumikat ang araw. Siya naman ang pagnipis ng hamog sa paligid niya pero hindi pa rin tuluyang nawala ang mga ito. Nanatili ito sa loob ng kotse at mukha pang nakaupo sa passenger seat dahil nagkumpulan doon ang mga hamog. Napaismid siya. Una niyang napansin ang mga anino matapos siya, kasama sina Yalke at Estong noon, na pumasok sa tindahan ng estrangherong si Surikong. Naalala niya ang isang malakas na ihip ng hangin na dumaan sa kanila paglabas ng tindahan at simula sa araw na iyon ay nakakita na siya ng mga anino sa paligid niya. Pero hindi pa gano'n kakapal ang hamog. Panaka-naka pa lang, na tipong nagpaparamdam lang. Hanggang sa nawala si Estong ay doon niya napansing mas kumapal ang hamog na nakikita niya sa paligid. Minsan ay nawawala ito sa paningin niya at minsan naman ay nagpapakita. Wala siyang pinagsabihan no'n dahil sa takot na baka iba ang isipin ng mga tao sa kaniya. Pero simula nang lumipat sila sa lungsod ay doon na tuluyang kumapal ang hamog at hindi na mawala-wala sa paligid niya. At siya lang ang nakakita ng mga iyon na mas lalong nagpatindi sa takot at hinagpis na sikreto niyang ininda sa harap ng nagsasaya niyang pamilya. Kaya gusto niyang puntahan ang tindahan ni Surikong at alamin kung may kinalaman ba ito sa kababalaghang nangyayari sa buhay niya. Kating-kati na siyang sugpuin ang mga aninong nangungutya sa kahinaan niya. Humigpit ang hawak niya sa manibela. Nang tuluyan nang lumiwanag ang paligid ay nagpasya siyang huminto saglit sa isang fast food para mag-agahan bago muling magmaneho tungo sa dakong hilaga ng lalawigan. Ilang munisipalidad at lungsod na ang nadaanan niya bago niya marating ang malayong bayan ng San Roque. Bumagal ang takbo ng kotse niya dahil sa kakaibang paligid na nadatnan. Nawala na ang arko na noo'y isang sinyales na papasok ang mga lokal na turista sa loob ng bayan at wala ring nakalagay na mga marka kung hanggang saan ang parang walang katapusang kalsada. Wala rin siyang nakitang mga bahay kahit pa kanina pa niya binabagtas ang sementadong kalsada. Hindi niya alam na sa apat na taong lumipas, nag-iba na nang husto ang bayan ng San Roque. Imbes na mas lalong umunlad sa paglipas ng panahon ay para bang mas lalo itong napag-iwanan ng karatig-bayan. Napailing siya. Ang huli niyang naalala sa werdong mayor ng bayan ay ang aninong nakatago sa likuran nito. Bigla na lang siyang napalunok. Ayaw niyang mag-isip ng masama pero hindi niya maiwasang mapatanong kung inalagaan ba nito ang bayan o hindi. Malamang ay hindi. Hindi nagtagal ay nakakita na rin siya ng mga bahay sa wakas. May ilang tao rin siyang nakita na nagbubungkal ng mga hardin sa kani-kaniyang mga bahay. Ilan sa mga ito ay napatingin sa kaniyang kotse. Tinaas niya ang tinted na salamin ng bintana para hindi siya makita ng mga ito. Ilang minuto pa niyang binaybay ang kalsada at nadaanan pa niya ang sementadong kalsada sa gitna ng palayan. May ilang taong nagtatanim sa parteng malayo. Berde ang mga bagong tanim na mga palay at may nakita pa siyang ilang kalabaw sa gitna ng palayan. Napangiti siya. Naalala niya ang simpleng pamumuhay noong nagkamulat siya sa mundong ibabaw. Hindi nagtagal ay narating niya ang lugar kung saan nagkukumpulan ang mga establishemento. May mga tindahan sa gilid ng kalsada, ilang mga bahay aliwan, kalinderya, at higit sa lahat ay maraming tao. Bumibili ang mga ito sa bawat tindahan at napapahinto sabay napapatingin sa kotse niya. Tuloy, bahagya niyang binilisan ang takbo para makawala sa lugar na 'yon. Hindi siya komportable sa klase ng tinging binibigay ng ilan. Kadalasan kasi ay puro inggit at galit na naintindihan naman niya. Naiinggit ang mga ito sa mayayaman dahil sa hirap ng buhay at nagagalit din dahil nagpapasarap ang mayayaman samantalang sila sa laylayan ay isang kahig at isang tuka. Napaisip na rin siya minsan kung bakit galit ang ilang mahihirap sa mga mayayaman kung hindi naman sila ang may sala kung bakit laylayan ng lipunan pa rin ang mga ito? Pero baka gano'n na siguro ang tingin ng mga mahihirap sa katulad niyang may kaya sa buhay, na puro nakahiga lang sa pera at puro pasarap sa buhay na hindi naman totoo. Huminto ang kotse niya sa isang bahay-panuluyan. Hindi siya sigurado kung pwede siyang tumuloy kahit isang araw doon, pero may nakalagay namang karatula sa labas na pwedeng umupa ng hanggang isang linggo. "Oh. May mayamang naligaw rito," rinig niyang bulungan ng mga taong nasasalubong niya papasok sa bahay-panuluyan. Napapatingin ito sa damit at relo niya kaya napaikhim siya. Hindi siya komportable sa mga naiinggit at galit na tingin sa kaniya. "Excuse me," tawag niya sa nakatao sa reception. "Pwede bang umupa isang gabi?" tanong niya. Taas-kilay na tumingin sa kaniya ang babaeng tagatanggap ng mga bisita saka tiningnan siya mula ulo hanggang paa. Umismid ito pagkuwan. "Bawal mayaman dito." "Ha?" Umirap ang babae. "Bawal mayaman. Punta ka sa sosyal na panuluyan kung nandito ka lang para magreklamo." Napakurap si Alkan sa narinig. Anong klaseng pag-iisip naman 'yan para sa isang negosyante? Umiling siya at hindi na tumutol sa sinabi nito. Lumabas siya sa munting panuluyan at nilibot ang tingin sa paligid. Ang nakakapagtataka, nawala ang mga aninong nakapaligid sa kaniya nang lumapit ang isang lalaking nasa mid-40s. "Hindi ka tatanggapin ng panuluyan dahil sa suot mong 'yan, bata. Mabuti pa ay doon ka umupa sa Lakandiwa Apartment. Ilang kilometro lang 'yon mula rito," ani ng lalaki. Nangunot ang noo niya sa sinabi nito. Pamilyar ang mukha ng lalaki pero hindi niya maalala kung saan niya ito nakita o nakilala. Dahil na rin sa pagod ay hindi na siya nag-usisa kung sino ang lalaking tumulong sa kaniya at kung bakit nawala ang mga anino paglapit nito. Hilaw lang siyang ngumiti at nagpasalamat. Habang papalapit siya nang papalapit sa kotse ay siya ring pagbalik ng mga aninong pumalibot na naman sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD