Chapter 6--- His confusion

2099 Words
Mag-a-alas nueve na ng magpaalam siya sa kusinera nila na aakyat na siya ng silid para magpahinga bago pa man dumating ang pamilya ng kanyang Kuya Ramon. Excited na siya lalo at walong taon din niyang hindi nakasama ang mga ito lalo na ang batang si Uela. Ang balita nga niya ay may batang anak pa ang kuya niya at si Letecia kaya paniguradong mamaya ay maingay na naman ang bahay katulad noong magkakasama pa silang lahat. Ilang oras nalang kasi ay darating na ang mga ito. Nagsimula siyang mag-isip kung ano na ang mga hitsura ng mga parating. Ang kuya niya ay gwapo naman na noon pa kaya siguradong ganoon pa rin ang hitsura nito. Ang Ate Letecia niya na noon ay may mabait na ngiti ay ganoon pa rin kaya? At si Uela? Lumaki kaya ito? Mahigit limang taon lang ito noong huli niyang makita. Maingay pa rin kaya ito o di kaya ay nangangagat pa rin? Napangiti siya sa naisip at tiningnan ang kanang hintuturo at ang kanang kamay. Madalas siya noong kagatin ni Uela sa kanyang daliri o saan mang parte ng kamay niya sa tuwing nagagalit ito na nagiging dahilan rin ng kanyang pag-iyak. Nagbago na kaya ito? Hindi na namalayan ni Xander ang oras dahil sa nakatulugan na niya ang pag-iisip tungkol sa mga paparating na bisita. ..... Tatlong katok sa pinto at ang pagtawag ng mama niya mula sa labas ang nagpamulat sa kanyang mga mata. Ilang sandali niya munang tinitigan ang pinanggalingan ng katok bago siya tumayo at binuksan iyon. "Ma, bakit po?" "Bakit di ka pa nakabihis? Nakalimutan mo bang ngayon darating ang Kuya mo? Pupunta na tayo sa airport." Nasapo niya ang noo sa narinig. "Sorry, Ma. Nakatulog ako. Sige po maghahanda lang ako sandali." "Nakatulog ka?" "Opo." "Hayaan mo na. Tutal ay alas onse pa naman ang dating nila kaya ay wag ka na muna maligo agad kundi ay sasakit ang ulo mo. Gusto ko lang sana na huwag tayong maatrasado kasi alam mo namang mas matagal pa minsan ang biyahe sa kalsada kaysa sa eroplano." Himig paninirmon ng ginang. "Sige po." "Pagkatapos mo maghanda ay bumaba ka na din. Titingnan ko lang sina Josefina sa baba. Titingnan ko kung maayos na ba ang lahat." "Yes, Ma." Pagtalikod ng ina ay isinara niya ulit ang pintuan at hinagilap ang damit na isinuot kanina. Iyon na lang ulit ang gagamitin niya sa pag-alis nilang iyon. Katulad ng ibinilin ng donya ay pinalipas niya muna ang ilang sandali bago siya naligo. Nang matapos at nakapagbihis na ay ilang beses niya munang sinipat ang sarili sa salamin upang mabistahan ang suot. Kung tutuusin ay marami naman siyang magagandang damit na pawang binili pa ng mama niya sa Maynila o di kaya ay sa ibang bansa kapag may mga business conference itong dinadaluhan roon pero hindi siya masyadong komportable sa mga mamahaling damit. Ang kupasing maong at simpleng t-shirt ay sapat na para sa kanya. Kinindatan niya ang sarili sa salamin ng makontento sa kanyang nakita pagkuwa'y dagli tinakbo ang pinto palabas. Malalagot siya sa mama niya kapag nagtagal pa siya. ..... "Bakit wala pa sila mama?" Habang naghihintay sa arrival section ng Mactan International Airport ay wala siyang sawa sa paglinga-linga sa pagbabakasakaling malingunan ang kuya Ramon at mga kasama nito. Ang mama niya ay sa isang direksyon lamang nakatingin ngunit nag-aalala siyang baka malingat ang kapatid niya sa kanila dahil sa dami ng tao sa loob. Napakalaki pa man din ng lugar na iyon. Iginala niya ulit ang paningin. Iyon ang unang pagkakataong nakapasok siya ng airport at talagang namamangha siya. Marami ang paroo't paritong tao na may mga bitbit na mga maleta at backpack at sa dami ng mga tao roon ay nagtataka siya kung saan ang punta ng mga iyon. "Pumirmi ka, hijo. Ang likot mo." Saway ng mama niya at hinila pa siya nito sa laylayan ng kanyang damit. "This is such a big place, Ma." Natutuwa niyang sambit. "Shhh. Lower your voice pwede ba? Tingnan mo, may mga nakatingin sa'yong mga babae o." Pasimple niyang nilingon ang itinuro ng ginang. Ilang kabataang babae sa may harapan ang nakatingin sa kanya at ang ilan ay naghahagikhikan pa. Napahiya siyang napatungo. Ganoon ba siya kahalatang walang alam? Lihim niyang kinastigo ang sarili. Hinaplos ng donya ang kanyang likod pagkuwa'y binulungan siya nito. "I think they just like you. Huwag kang mahiya." "Ma." Saway niya sa panunukso ng ginang. "It's normal, Anak. Look at them they are talking about you." Tiningnan niya ulit ang itinuro ng ina. Hindi naman sa pagbubuhat ng bangko pero alam din naman niyang may hitsura siya. Kaiba sa kulay ni Donya Milagros ay moreno ang kanyang balat pero katulad nito ay prominente ang tabas ng kanyang ilong. Matangos iyon habang ang mga mata niya ay medyo mabibilog na may mahahabang pilik. Ang kilay niya ay makakapal na paboritong punahin ni Aling Trining lalo na kung siya ay galit dahil parang isang linya daw ang mga iyon habang manipis lamang ang kanyang mga labi na sa kabila ng pagiging moreno ay biniyayaan ng natural na mapulang kulay na minsan ay kinaiingitan rin ng ilan sa mga kaklase niyang babae na minsan ay itinutukso naman ni Aling Josefina na nagpapapansin lang daw sa kanya. At his age, hindi lang isang babae ang nagpakita na ng interes sa kanya. Sino ba ang hindi makakapansin sa kanya sa eskwelahan nila na maliban sa pisikal na gandang lalaking inulit-ulit ng ina sa kanya ay alam pa ng lahat na anak siya ni Donya Milagros Aragon- ang pinakamayaman sa lugar nila? Siguro nga ay tama ang mama niya. Totoo nga sigurong gwapo siya. That thought lightens him up. Siguro nga ay kapogian niya ang pinag-uusapan ng mga babae sa may harapan nila. Muli siyang lumingon-lingon pero ng mapadako sa mga ito ang paningin niya ay bigla ulit siyang napasandal sa upuan. Paano pala kung ang katangahan niya ang pinag-uusapan ng mga ito? Kinalma niya ang sarili. Ano naman? Nginitian siya ng ina. Iyon lang at okey na ulit ang pakiramdam niya. "There they are." Kinalabit siya ni Donya Milagros nang makita nito ang kanina pa nilang hinihintay. Magkaabay na naglalakad ang kanyang Kuya Ramon at Ate Letecia na may akay na bata na sa tantiya niya ay mga anim na taong gulang pa lamang. Matagal man na panahon ang lumipas na di niya nakita ang mga ito ay halos wala siyang nakitang pagbabago. Naglakad sila pasalubong sa mga ito. "Mama!" Tuwang salubong ni Ramon sa ina sabay yakap dito ng mahigpit na inabot rin ng ilang minuto. Ang ginang ay maluha-luha ng bitawan ng panganay pagkatapos ay niyakap naman si Letecia. "Alexander! Kumusta ka na kapatid? Binata ka na talaga." Masayang baling ni Ramon sa kanya na yumakap rin kasunod si Letecia. "Ito na ba ang bunso ninyo Kuya?" Tukoy niya sa batang lalaking malago ang kulot na buhok at tahimik lang na nakamata ang malalaking mata sa kanila. Nginitian niya ito na gumanti rin ng ngiti. "Siya nga. Siya si Elly." sagot nito sa tanong niya. "Elly this is your Lola and your Uncle Xander. Say hi to them." Tumalima ito sa utos ng ama. "Hi." Bilang tugon dito ay nilapitan ito ni Donya Milagros at niyakap. Nang matapos ay tinapik naman niya ito sa ulo. "How about Louela. Nasaan?" Baling ni Donya Milagros sa mag-asawa. Luminga-linga ang mga ito. "Now, where is she? Nandito lang iyon sa likod namin." Ani ni Letecia. "Ayun o." Turo ni Ramon. Sabay-sabay silang napalingon sa dalagitang papalapit sa kanila. Biglang bumilis ang t***k ng kanyang puso sa hindi niya malamang dahilan. Ewan niya kung nakita din ng iba pero napansin niyang parang bumagal ang paggalaw nito, ang paglalakad, at kahit ang pag-iipit nito ng tuwid nitong buhok sa likod ng tainga ay parang ang bagal para sa kanya. Naguguluhan siyang napapilig ng ulo. "Lolaaa!" Malakas nitong tawag sa abuela at nang makalapit ay masaya itong yumakap kay Donya Milagros na buong higpit din namang gumanti. Nang matapos ay sa kanya naman ito lumingon. "Xander?" Nakangiti nitong tanong. Tumango siya. Hindi niya alam kung ngingiti dito o ano. Sa lakas ng kabog ng dibdib niya ay na-estatwa na siya sa kanyang kinakatayuan. "Pa, he is Xander! Yung kalaro ko!" Hindi makapaniwalang sigaw nito. Tumawa lang si Ramon sa tinuran ng anak. "Siya nga, hija." Salo ni Donya Milagros na tila napansin ang pananahimik niya. "O siya. Tatanghaliin na tayo sa daan. Umalis na tayo." Bahagyang lumuwag ang kanyang pakiramdam. Si Ramon ang sumigunda dito. "Siyanga." "Ito na ba lahat ng gamit ninyo?" Tukoy ng Donya sa Trolly na may lamang tatlong maleta at dalawang malalaking bag na nasa tabi ni Ramon na tulak-tulak nito kanina. "Ito na po lahat, Mama." "O sige, halina kayo." "Ako na po magtutulak niyan, Kuya." Presenta niya. "It's okey. Magaan lang ito. Alalayan mo na lang si Mama." Nagdadalawang isip man ay sumige na lang siya sa sinabi nito. Iniwasan niyang mapatingin sa gawi ni Uela na nasa kabilang banda ng mama niya. Ikinawit niya ang braso sa ina at iginiya niya ito palabas habang nahuli si Uela ng ilang hakbang pero humabol din ito at kumapit sa kabilang braso ng lola. Hanggang sa makalabas sila ay hindi lamang niya ilang beses na iniwasan ang tingin ng dalagita. Kinakabahan kasi siya kapag nakikita niya ito at lalo na kapag nakangiti. Everything went well simula sa pag-uwi nila. Naging maayos ang naging biyahe nila at hindi sila naantala sa traffic. Maayos din maging ang pananghaliang inihanda ni Donya Milagros para sa kanyang kaarawan at sa pagdating ng kanyang kapatid mula sa America para dito na ulit manirahan sa Cebu na dinaluhan ng mga malalapit nilang kaibigan at kapamilya kasama na ang mga paring sina Padre Miguel at Padre Krisanto at mga kasama pa ng mga ito. Everything went well and organized as planned except his heart. Hindi iyon naging steady sa maghapon lalo na kapag nakakasalubong niya ng tingin si Uela. What he feels is something strange to him. Hindi pa niya iyon nararamdaman kahit kailan at iyon ay kinatatakutan niya. ..... Sumilip siya sa bintana ng kanyang silid. Alas otso y media na noon ng gabi pero ang antok ay ayaw pang dumapo sa kanya. Ang buong kabahayan ay tahimik na rin, marahil ay dahil maaga silang lahat nagising kaninang umaga kaya sa gabing iyon sila babawi ng lakas. Gusto sana niyang lumabas at tanawin ang buwan mula sa bakuran ng bahay kung saan ay halos pwede niya itong mahawakan dahil sa laki ng bakuran nila, ngunit nag-aalala siyang baka mayroon pang gising sa kanilang mga kasambahay. Ayaw niyang may makausap muna. Ang gusto niya'y mag-isa. Sa kagustuhan niyang mag-isa ay nagkulong nga siya kaagad sa kwarto niya kanina pagkatapos nilang kumain ng tanghalian at makausap si Padre Miguel. Kahit sa hapunan ay hindi na rin muna siya kumain na dati-rati naman ay hindi niya ginagawa maliban na lamang kung may sakit siya. Pero ngayon, hindi niya talaga alam ang nangyayari sa kanya. He is a competitive and an easy going person pero alam din niyang mag-seryoso. Sa eskwela ay hindi siya nagpapahuli lalo na pagdating sa mga debate because he wanted to prove na hindi nagkamali si Donya Milagros sa pag-ampon sa kanya but all of a sudden, he forget what he has to do infront of a kid. Uela shut him up. Ni hindi niya alam kung ano ang iisipin ngayon. He is confused with his own reactions everytime he sees her. Noon kapag naiisip niya ito ay lagi niyang naiisip ang batang Uela. Malikot, cute, pero may pagka-salbahing bata. Napapangiti siya sa imahe nito sa tuwing naiisip niya at alam niyang sobra niya itong na-miss. Ito lang ang nag-iisang bata na naging kalaro niya dati. Ito ang naging kaagaw niya sa holen, sa mga goma niya, at sa iba pa niyang laruan kaya noong umalis ang mga ito papuntang ibang bansa ay parang naging kulang ang buhay niya. Ang itinuturing niyang kapatid ay malaki ang agwat sa kanya kaya hindi niya naranasang makalaro ito pero sa anak nito ay para siyang nagkaroon ng nakababatang kapatid. Tama. Siguro nga ay na-miss niya lang ng sobra ang batang kasa-kasama niya dati kaya noong nakita niyang lumaki na pala ito ay nabigla siya. Tumango-tango siya sa naisip. Iyon nga siguro ang dahilan kung bakit ganoon na lang ang reaksiyon niya pagkakita rito. Malaki na ito kaya nagulat siya at siyempre nailang dahil hindi malaking Uela ang inaasahan niya. Bukas ay kakausapin niya na ito at hindi maglalaon ay babalik din sila sa dati. Magkasundo at parang magkapatid. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD