Chapter 5--- The beginning

2450 Words
14 YEARS AGO "Bilisan ninyo ang mga kilos ninyo pwede ba!" Narinig ng dise-otso anyos na si Xander ang pag sigaw sa mga kasama nito ng pinakamatandang kasambahay sa tahanang iyon ni Donya Milagros na si Aling Josefina. "Anumang oras ay maaaring dumating na sa airport si Senyorito Ramon kaya bilis-bilisan ninyo ang mga kilos niyo!" Lagpas alas kwatro pa lang ng madaling araw pero maiingay na ang mga ito. Sinilip niya mula sa pabilog na railing ng ikalawang palapag ng bahay kung ano ang nangyayari sa ibaba. Abala ang lahat sa paglilinis at pagpapalit ng mga kurtina. Apat ang lahat ng kasambahay nila at tila lahat ay hindi magkanda-ugaga sa mga gawain nila. Si Aling Susan ay nakita niyang naroon din sa second floor at kagagaling lang sa isa sa anim na silid na nakapaikot sa pabilog na balkonahe na sa gitna ay may malaking chandelier. Isa sa bakanteng kwarto ang pinanggalingan nito na marahil ay gagamitin ng pamilya ng Kuya niya. Kahit madaling araw pa lang ay baha na ang liwanag sa buong kabahayan. Maliban kasi sa chandelier ay nakabukas din ang lahat ng ilaw mula sa labas hanggang sa kusina na sandaling sumilaw sa kanya. Nakita niya si Aling Socorro-ang matanda nilang kusinera- na bitbit ang isang malaking kawa mula sa kung saan papunta sa kusina. Tinalunton niya ang hagdanan pababa at dinaluhan ang matanda sa dala-dala nito. "Ako na po ang magdadala nito Aling Socorro. Sa kusina naman po ito, ano?" Natawa ang matanda sa sinabi niya. "Ikaw talaga Xander, saan pa ba?" "Saan po ba kasi galing ito? Ang bigat bigat nito ay kayo pa ang nagbitbit. Sana ay si mang Fidel na ang pinagdala ninyo nito." Tukoy niya sa driver ni Donya Milagros. "Aysus. Kaya ko pa naman. Abala lahat kaya di ko mahagilap si Fidel. Sige, diyan mo nalang ilapag iyan at puntahan mo ang Mama mo. Baka mahuli pa kayo sa simbahan, maghanda ka na." Turo nito sa lababo pagkarating nila sa dirty kitchen. "Sige po." Umakyat siya ulit sa kanyang kwarto at naghanda na para sa unang misa ng araw ng linggo na iyon. Espesyal sa kanya ang nasabing araw dahil iyon ay kaarawan din niya. Iyon ay kanyang panglabing-walong taon na kaarawan sa tahanang iyon at sa piling ni Donya Milagros. Kung tutuusin ay walang pagkakaiba sa tunay na anak ang turing sa kanya ng Donya dahil dito na siya nagkaisip at lumaki, iyon nga lang ay magpahanggang sa ngayon ay hindi ito makapag-file ng legal adoption sa kanya dahil umano sa pakiusap ng totoo niyang ina doon sa pari na pinag-iwanan sa kanya na hintayin ito hanggang sa pagtuntong ng anak ng labing walong taon at kung hindi ito darating hanggang sa kanyang ika dise-otsong kaarawan ay saka magpasyang ampunin na ang bata ng legal ng kung sinumang aampon rito. Dahil sa ipinagkatiwala naman ng paring yaon kay Donya Milagros ang bata na siya umanong may kakayahan na mapalaki ito ng maayos ay minabuti naman ng Donya na tuparin ang naunang pakiusap ng totoo niyang ina. Walang nakakakilala sa totoo niyang magulang. Bagaman at mayroong itong iniwang birth certificate niya doon sa pari na pinag-iwanan sa kanya ay wala namang nakakakilala rito doon sa kanilang lugar o maging sa lugar na naka-rehistro sa kanyang birth certificate. Alam niyang ilang beses ng sinubukan na ipahanap ng kanyang mama ang totoo niyang inq pero lagi itong nabibigo na inabot na ng dise-otso anyos. Noong unang beses niyang nalaman na hindi pala siya tunay na anak ng Donya ay nagdamdam siya. Ilang araw din siyang hindi kumausap noon ng kahit na sino dahil sa kahihiyang nararamdaman niya. Pitong taon lamang siya noon ng ipinagtapat ni Donya Milagros ang totoo. Napakabata pa niya kung tutuusin para maintindihan ang lahat pero ayon sa ginang ay mas maigi ng malaman niya ang totoo habang maaga pa kaysa sa pagtanda niya na kung saan ay pwedeng maging dahilan pa iyon pag nagkataon ng kanyang pagrerebelde. Naging malaking tulong noon ang pagmamahal ng mama at Kuya Ramon niyang nasa tatlumpong taon ang agwat ng edad sa kanya para matanggap niya ang lahat. Noon ay kasama nila ni Donya Milagros ang pamilya ni Ramon sa bahay na iyon sa Cebu. Noon niya lang din naintindihan kung bakit ang laki ng agwat ng edad nilang magkapatid, pero maliban sa mama at kuya Ramon niya na matiyagang kumausap at nagpasensya sa kanya ay malaki din ang tulong ng pag-aalaga sa kanya ng asawa ng kapatid na si Letecia at ang mga tawa ng dalawang taong si Uela na tangi niyang kalaro noong mga panahong iyon. Hanggang sa tuluyan na nga niyang naintindihan at natanggap ang lahat. Wala namang nagbago sa pakikitungo sa kanya ng mga tao na siyempre ay ikinatuwa niya kaya siya din ay kinalimutan na lang na hindi siya kabilang sa pamilya. Walang dahilan para ulit-ulitin niyang isipin ang bagay na hindi naman ipinaparamdam sa kanya ng mga kasama. Ang mama niya ay higit pa sa anak ang turing sa kanya. Hindi naman puro pagtatangi ang natatanggap niya dito dahil may mga pagkakataong siya ay napapalo rin kapag may nagagawa siyang hindi maganda pero dumadagdag lang iyon sa paniniwala niya na hindi iba ang turing sa kanya ng donya. Ilan kasi sa mga kakilala niyang kabataan ay napapalo rin ng mga inang katulad niya. Nang matapos siyang gumayak suot ang kupasing asul na maong at puting t-shirt ay lumabas na siya sa kanyang silid at tumungo sa silid ni Donya Milagros. Kumatok siya sa hamba ng pinto at ilang saglit lang ay iniluwa na niyon ang sisenta y sais años na Donya. Simple lamang ang suot nitong black dress na tinirnuhan ng perlas na hikaw habang ang pambaba naman ay isang simpleng puting sapatos. Gayunpaman ay halata sa kalidad ng suot ng ginang ang pagiging mamahalin ng mga iyon sa kabila ng kasimplehan. Humalik siya sa pisngi nito. "Magandang umaga, Mama. Ang ganda ninyo ngayon." Bati niya rito pagkabukas nito ng pinto. "Ay naku, hijo. Huwag mo akong binobola ngayon at kay aga-aga pa." Tawang saway ng ginang. "Pawang totoo lang Mama ang maaaring sambitin nitong aking bibig. Kayo ang pinakamagandang babae nakita ko sa buong buhay ko." Patula niyang sagot sa ina. Natawa ang ginang sa tinuran niya pero mahina siya nitong hinampas ng abaniko sa ulo. "Hindi ko akalain na makata na pala ang bunso ko." "Sa'yo lamang ina ako nagiging ganito, dahil ang gusto ko'y makitang masaya kayo." Patula niyang sagot dito ulit. Tinaasan siya ng ginang ng isang kilay na ikinaatras niya. Kung iba siguro ay matatakot na sa mama niya pero siya ay mas lalo lang niyang inaasar ang donya sa ganitong pagkakataon. "Tingnan mo ina ang kilay mo, ito'y isang obrang dapat lang ipaalam sa buong mundo." Dagdag niyang pang-aalaska sa ina. Nawala ang pagtaas ng kilay ng mama niya at napalitan iyon ng malakas na tawa na ikinatingin ni Aling Josefina at ng dalawa pang kasama sa gawi nila. "Halika nga." Iniumang ni donya Milagros ang dalawang braso nito sa kanya. Nang lumapit siya ay niyakap siya nito ng mahigpit at binulungan. "Happy birthday." Ngiti lang ang nanulay sa mga labi niya. Alam ng mama niya kung gaano siya nagpapasalamat at dito siya ipinagkatiwala ng paring pinag-iwanan sa kanya ng totoo niyang ina. Ilang sandali din siyang yakap-yakap ng matanda bago siya nito pinakawalan. "Salamat sa pagbati aking mahal na ina." Malaki ang ngiting pagpapasalamat niya dito ngunit kurot sa pisngi ang iginanti ng ginang. "Aray ko, Ma." Ang tawanan ng mga kasambahay nila ang nagpalingon sa kanila sa baba. "Husto na. Tigilan mo na yan." Baling ulit sa kanya ng donya." Halika at tulungan mo nalang akong bumaba at baka matapilok pa ako." Habang hawak-hawak niya ang kaliwang pisnging kinurot ng ina ay iniumang naman niya rito ang kanan niyang braso para mahawakan nito sa kanilang pagbaba. Nagtawanan ang mga kasambahay nila kabilang si Aling Josefina at Mang Fidel na kakapasok lang ng bahay ng kumaway siya na akala mo ay nasa parada. Nailing na lang ang natatawang donya sa kalokohan ng bunso nito na wala pa ring tigil hanggang sa makalabas sila ng bahay. Nang makapasok na ang ina sa backseat ng sasakyan ay pabiro niya namang tinawag ang isa pa nilang kasambahay na si Aling Trining na noon ay abala sa pagwawalis sa may labas ng bahay. "Aling Trining! ‘Wag ho kayong masyadong seryoso. Baka mawala ang ganda ninyo, sige kayo!" "Ikaw na bata ka." Inambahan siya nitong hahampasin ng dala nitong walis tingting kaya agad niya nalang isinara ang pinto ng sasakyan sa kanyang tabi pagkatapos ay natatawang napatingin sa inang katabi. "Masama ba ang sinabi ko, Ma?" Pa-inosente niyang tanong na lumabi pa. "Ikaw talaga. Puro ka kalokohan." Iling nito bago lumingon sa driver. "Mang Fidel, alis na tayo. "Opo." Habang nasa daan ay wala pa rin silang tigil ng ina sa kanilang tawanan at maya-mayang kurutan hanggang sa nakarating sila ng simbahan. Lagpas alas-sais na ng umaga ng matapos ang misa. Isang pangkaraniwang araw lang iyon ng linggo pero napuno pa rin ang simbahan sa unang misa nito. Nagpatihuli sila ni Donya Milagros sa paglabas ng simbahan ng matapos magsalita ang pari, iyon ay dahil sa inaantay pa nilang matapos si Padre Miguel sa pagbati sa mga taong nagsilapit dito sa may unahan. Si Padre Miguel ang pareng pinag-iwanan ng tunay niyang ina sa kanya noong sanggol pa lamang siya kaya napakalapit nito sa pamilya. Lagi itong bumibisita sa kanya lalo na noong bata pa siya pero sa ngayon- siguro ay dahil nagkaka-edad na rin- ay medyo dumalang na ang pagpunta-punta nito sa kanila kaya sinisiguro na lang niyang bawat linggo, sa pagsisimba nila ng ina ay makakausap niya ito. At ngayon nga dahil espesyal ang okasyon ay marapat lang na ito'y maimbita nila. Mataman lang silang nakatingin dito hanggang sa maubos lahat ng tao sa harapan nito. Kumaway sila dito ng tumingin ito sa kanila na sinuklian naman nito ng ngiti at lumakad palapit. "Milagros, magandang umaga." Ilang dipa pa ang layo ay bati na sa kanila ni Padre Miguel. "Xander." "Magandang umaga din sa inyo, Padre." Sumalubong dito ang mama niya at nagmano sa Pare. Siya naman ay yumakap dito pagkatapos niyang magmano. “Naku at binata ka na nga talaga a." Harap nito sa kanya sabay tapik sa kanyang ulo. Ngiti ang iginanti niya rito at ang kanyang pagbati. "Kumusta po kayo, Ninong Miguel?" Magiliw ang sagot nito. "Ay naku at maayos din naman. Medyo nananakit na nga lang ang aking mga tuhod pero okey naman ako." "Mabuti naman ho Padre Miguel." Sagot ni Donya Milagros. "Ito hong si Xander ay kaarawan ngayon. Gusto sana namin kayong kumbidahin ng pananghalian. Kayo ng mga kasama ninyo dito. Darating din kasi si Ramon ngayon kasama ang pamilya niya. Sana ay masaluhan ninyo kami." "Aba'y oo naman. Paano ko naman makakalimutan itong inaanak ko e nag-iisa lang ito, at si Ramon, aba'y matagal silang nawala ano? Bayaan mo at dadalo ako mamaya para magka-kumustahan man lang." "Iyon nga ho, Padre. Isama niyo din po si Padre Krisanto at iba pa." "Sige. Hayaan mo at sasabihan ko sila." "Ninong." Tawag pansin niya sa atensyon ng pare. "Huwag ho ninyong kakalimutan ang regalo ninyo sa akin. Dalhin ho ninyo mamaya." Pinandilatan siya ng ina na ikinatikom ng kanyang bibig bagama't halata sa labi niya ang iniingatang paghugalpos ng ngiti. "Pasensya na kayo sa batang ito, Padre. Napaka-pilyo." "Walang anuman iyon." Nakakaunawang tugon ng pare. "Noong isang linggo ko pa nabili ang regalo ko sayo, Xander. Mamaya dadalhin ko." "Talaga ho?" Tumango lang ito. Sa sobrang saya na malamang may regalo siya mula rito ay niyakap niya ito. "Salamat po, Ninong." Tinapik nito ang likod niya at iniharap siya nito. "Natutuwa akong makita na lumaki kang mabuting bata kaya marapat lang na mabigyan din kita ng regalo sa pagiging mabuti mo." Ngiti ang isinukli niya dito at kinindatan naman niya ang ina. "Naku Padre, mabuti naman talaga itong anak ko medyo pilyo lang talaga." Natawa din ang pare sa tinuran ng mama niya. "Nakikita ko nga." Sabay-sabay silang nagkatawanan sa tinuran ng pare. Ng humupa ang tawanan nila ay nagpaalam na rin dito si Donya Milagros. "Paano, Padre. Mauuna na kami sa pag-uwi. Aasahan nalang namin kayong lahat mamayang tanghalian, ano po?" "Oo sige. Mag-iingat kayo." Hanggang sa makasakay sila sa kanilang sasakyan ay nanatili lang na nakamasid sa kanila si Padre Miguel mula sa labas ng pinto ng simbahan. Hindi niya napansin ang kung anong alalahanin nito sa mata habang nakatingin sa kanya dahil sa tuwang kanyang nararamdaman. Kumaway siya dito pagkaalis ng sasakyan na ginantihan naman nito pero hanggang sa mawala sila sa paningin nito ay nanatili pang nakatayo ng ilang minuto ang pare doon sa pwestong iyon at nakatingin lang sa kawalan. ..... Dumiritso si Xander sa kusina matapos niyang bihisan ang damit na ginamit sa pagsimba para matulungan si Aling Socorro sa paggagayat ng kung ano-ano at sa pagluluto nito katulong ang dalawa pang kasama. Pagkarating nila ng ina galing simbahan kanina ay nag-almusal muna sila bago ang pagbibihis niyang iyon ng damit at pagpunta ng kusina. "Bata ka, ano ba ang ginagawa mo dito? Dapat ay nagpapahinga ka sa kwarto mo dahil maaga kayo kanina ng mama mo. At saka birthday mo ngayon kaya dapat di ka nagta-trabaho." Gulilat na pangangaral sa kanya ni Aling Socorro nang malingunan siya nito na nagbabalat ng carrots. "Ay sus naman si Aling Socorro, ayaw niyo bang nakikita ang poging mukhang ito dito sa kusina?" "Oo na pogi ka nga. Matigas lang ang ulo mo ano?" "Wag niyo na akong kagalitan. Hayaan niyo at magkukulong ako sa kwarto ko mamaya." Birong sabi niya na ginantihan ng matanda ng hampas ng dahon ng sili sa braso niya. "Sinabi ko bang magkulong ka?" "E sabi niyo pumasok ako-" "Oo nga. Pumasok ka sa kwarto mo at magpahinga. Hindi magkulong." Pakli nito. Ngumiti siya. "Love niyo talaga ako Aling Socorro. Hayaan niyo. Tutulungan ko lang naman kayo ng kaunti. Maya-maya ay aakyat rin ako." Tumango ang matanda. "Hala sige. Kapag inantok ka ay umalis ka na dito ha." "Opo." sagot niya dito at sumaludo pa bago ipinagpatuloy ang pagbabalat ng mga carrots sa harapan nito. Sa tingin niya ay isasahog iyon sa kalderetang baka na noon ay kasalukuyan ng pinapakuluan. Pagkatapos niyang magbalat ng carrots at isinunod niya naman ang patatas at iba pang rekado. Nang mapagod siya sa kakatayo ay umupo naman siya sa naroong stool at ipinagpatuloy ang ginagawa. Mahigit din isang oras ang ginugol niya sa pagbabalat, paghihiwa at pagpili ng mga gulay na dahon bago niya naubos iyon at bilang gantimpala ay hinayaan siya ni Aling Socorro na unang tumikim sa mga niluluto nito. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD