PASADO alas-kuwatro na ng hapon nang makaharap nina Lizette si Hannielyn Roxas sa interogation room ng SCIU. Si Seth ang katabi niya. Sandali niyang pinagmasdan ang babae na halatang hindi mapakali, hindi rin makatingin sa kanila. “Bakit ka nagsinungaling sa amin, Ms. Roxas,” panimula ni Lizette, seryoso. “Sinabi mo na magkaibigan lang kayo ng biktimang si Salmo.” “Mag-Magkaibigan lang talaga kami,” patuloy na pagsisinungaling nito. Binuksan ni Seth ang folder na hawak nito, inilabas doon ang printed screencaps na galing sa s*x videos nito at ni Salmo. Malinaw na makikita doon ang mukha ni Roxas. “Ikaw ito, hindi ba?” tanong ni Seth. “Marami kayong videos sa cell phone ni Salmo, Ms. Roxas. Itatanggi mo pa ba na magkaibigan lang kayo?” Nanlaki ang mga mata ni Roxas, hindi makapagsalita.

