"Katrina bakit ka umiiyak?" Pag-aalala ni Clare.
Konyatan ko kaya ang isang ito. Wala naman ibang magpapa-iyak sa akin kung 'di ang depungal niyang ex jowa.
"May ginawa bang masama sa iyo si Maximiliam kanina?" Tanong pa niya.
"Sa tingin mo sis? Pinahiya lang naman ako ng hayop na iyon! Ang baba ng tingin niya sa akin. Ayoko na quit na ako sa plano mo," hikbi ko.
"No Katrina! Isipin mo na mas binigyan ka niya ng rason para ipagpatuloy itong plano. Nasaktan ka rin niya kaya dapat ay bumawi ka sa kaniya. At para na rin sa mga babaeng niloko at pina-iyak niya!" Pangungumbinsi niya sa akin.
"Sis, kahit ako man ang nasa sitwasyon ni Kat aayaw talaga ako. Sa ugali pa lang noong mokong na iyon suko na ako. Paano pa kung makasama ko pa siya ng matagal?" Pagtatanggol sa akin ni Danny.
Hindi naman solusyon ang paghihiganti. Darating ang araw na kakarmahin din siya. Mararanasan niya rin lahat ng kalokohan na ginawa niya. Sa totoo lang ay hindi naman namin kailangan itong gawin.
Kinakain lang si Clare ng galit niya dahil sa kagaguhan na nagawa sa kaniya ni Max. Pati tuloy ako nadadamay sa kanilang dalawa.
"Sis naman. Please. One month. Kahit one month lang. Kung hindi siya nag work tigilan na natin. Hahayaan na natin siya. Ang gusto ko lang naman kasi ay masaktan din ang hayop na iyon. Gusto ko iparamdam sa kaniya ang pait ng pag-ibig," pagmamakaawa sa akin ni Clare.
Paano ko ba siya tatanggihan? Nakakahiya rin naman sa kaniya kung hindi ko siya pagbibigyan. Paano ko sasabihin na ayaw ko na? At kung masabi ko man alam ko naman na hindi siya papayag.
Kilala ko na siya. Lahat ng gusto niya ay nakukuha niya. At lahat ng utos niya ay nasusunod. Spoiled kasi sa magulang niya dahil siya lang naman ang nag-iisang anak nila.
"Kahit one month lang talaga Kat. Pagbigyan mo na ako," malambing niyang pakiusap sa akin.
"Pagkatapos ng isang buwan ititigil na natin ito. Tanggapin na lang natin ang magiging resulta sa huli. Wala ng hihirit pa ng isa. Tapos kung tapos," paglilinaw ko sa kaniya.
"Oo Kat. Isang buwan lang at kung sa isang buwan na iyon ay hindi siya magkagusto sa iyo ay itigil na natin ang plano. Pero kung naging matagumpay ka iyon na ang pagdating ng dagok sa buhay niya," sambit niya.
Naramdaman ko ang pagkurot sa akin ni Danny sa aking tabi. Tiningnan ko siya ng masama. Kurutin ba naman ako.
"Don't tell me kukunsintihin mo na naman ang kagagahan ni Clare," mariin pero mahina ang pagkakasabi niya sa akin. Sapat lang para kami lang dalawa ang magkadinigan.
"Ano pa nga ba ang magagawa ko?" Mahinang tugon ko sa kaniya.
"So, what is your decision Kat? Are you willing to continue this plan?" Clare asked me while staring at me intently.
Tumango ako dahan-dahan. "Oo na. Pero sa susunod na may maitim kang binabalak hindi mo na ako mapapa-oo. Pagbibigyan kita sa ngayon, kahit na labag sa kalooban ko na makasama ang mayabang na iyon."
"Thank you so much Kat! Pero bago iyon kailangan natin magkasundo. Danny kuhanan mo kami ng video para may patunay," utos sa kaniya ni Clare.
"Hoy bakla! Parlorista ako hindi ako videographer. Kaloka ito! Para saan ba ito at kailangan ko pa kayong videohan?" Maarteng tanong ni baks.
"In case na umatras si Kat sa kasunduan namin ng hindi pa natatapos ang isang buwan ay may ipapakita ako sa kaniya. Wala siyang takas sa akin," paliwanag niya.
Ang talino talaga ng gaga. Naisip niya agad na baka umayaw agad ako. Wala na tuloy akong takas ngayon. Napabuntong hininga na lang ako at pumayag sa kagustuhan niya. Sasakyan ko na lang ang trip niya.
"Uulitin mo ang sasabihin ko okay?" Tumango na lang ako sa kaniya at ngumiti ng pilit. Kinuha niya ang aking mga kamay at hinawakan ito.
"Ako si, sabihin mo pangalan mo," panimula niya.
"Ako si Katrina Maglalang."
"Pinapangako ko na hindi ako aatras sa plano namin na pabagsakin si Maximiliam Zepanta sa loob ng isang buwan. I will do my best to make him fall in love with me. At kung mahal na niya ako ay iiwan ko siya at sasabihing hindi ko siya mahal."
"Pinapangako ko na hindi ako aatras sa plano namin na pabagsakin si Maximiliam Zepanta sa loob ng isang buwan. I will do my best to make him fall in love with me. At kung mahal na niya ako ay iiwan ko siya at sasabihing hindi ko siya mahal," paggaya ko sa sinabi niya.
"Oh ayan nag promise ka na sa akin. Huwag mo sana akong biguin. Isipin mo na makakaganti ka na rin sa ginawa niya sa iyo ngayon," nakangisi niyang sabi.
Hindi ko alam pero wala pa man din gusto ko ng umatras. Mali na naman ata ang naging desisyon ko. Hindi ko naman kasi gawain ang manakit ng iba. Nay, itay! Kung nasaan man po kayo ngayon sana po ay mapatawad niyo ako sa gagawin ko.
Kailangan ko lang po itong gawin para sa kaibigan ko. Alam ko po na hindi niyo ako pinalaki ng ganito. Napasubo lang po ako.
"Sige, mauna na ako sa inyo at gagawa pa ako ng cupcakes. Makabawi man lang ako bukas ng benta na nawala ngayon," paalam ko sa kanila.
"Wait Katrina! Ibibigay ko na ang suweldo mo. Pandagdag sa business na ipapatayo mo," aniya at inabot sa akin ang sobre na naglalaman ng aking suweldo.
"Salamat dito Clare," pasasalamat ko.
"Ako ang dapat magpasalamat sa iyo Kat. Kung wala ka paano na ako? Thank you so much for being a good friend of mine. Ingat ka sa pag-uwi!"
Nginitian ko sila bago ako lumabas ng bahay nila. Pumara ako ng trike. Tipid tipid muna ako ngayon.
Nang makarating ako sa bahay ay humilata muna ako sa sofa namin. Nakakapagod ang araw na ito. Ang daming nangyari na hindi ko inaasahan.
Nang makapamahinga na ako ay nagsimula na ako mag bake ng cupcakes ko. Kailangan mas gawin ko pa itong special para bumalik sa akin ang mga mamimili.
Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. Napabalikwas ako ng tayo at tumingin sa orasan. Alas singko na ng umaga. Ang kalat kalat pa ng kusina ko. At ako naman ay puro harina.
Inayos ko agad ang mga kalat ko. Naligo na rin ako para matanggal ang dumi na nasa katawan ko. Pagkatapos kong maligo ay inayos ko na ang mga cupcakes na dadalhin ko.
Since maaga akong nagising naisipan ko na mag jogging muna sa labas. Napapabayaan ko na kasi ang katawan ko at lumolobo na ako. Ayaw ko naman tumaba ng tumaba.
Kumuha lang ako ng bimpo at isinukbit ko ito sa aking batok. Nag baon na rin ako ng bottled water in case na mauhaw at hingalin ako. Para hindi na rin ako bumili sa labas. Gastos lang ang aabutin ko.
Habang nililibot ko ang compound namin ay biglang kumalam ang tiyan ko. Hindi pa nga pala ako kumakain ng almusal.
Huminto muna ako sa tindahan nila Aling Nansi para bumili ng tinapay. Buti na lang ay may sampung piso sa bulsa ko.
"Aling Nansi! Pabili po!" Sigaw ko.
"Ano iyon?"
"Isa nga pong monay riyan." Inabot ko sa kaniya ang aking bayad at kinuha ko na rin ang monay na binili ko.
Agad ko itong binuksan at kinain. Solid talaga ang monay ni Aling Nansi. Walang kupas.
"Ang aga mo ata ngayon Trina. Anong mero'n?" Tanong niya sa akin.
"Nag exercise lang po ako. Tumataba na po kasi ako eh," nahihiya kong sabi.
"Naku hija! Kapag tumanda ka at nagka-anak tataba ka," biro niya sa akin.
"Matagal pa po iyon Aling Nansi," natatawa kong sabi.
Wala pa nga sa isip ko ang pagkakaroon ng boyfriend. Anak agad? Ang advance naman niya mag-isip.
"Biro lang anak. Oh siya sige. Marami pa akong gagawin," paalam niya.
Inubos ko na lang ang monay na kinakain ko. Umikot pa ako ng isang beses sa aming compound bago ko naisipan umuwi. Nakikita ko na rin kasi ang haring araw.
Hingal na hingal akong pumasok sa aming bahay. Nagpalit ako ng damit para hindi ako amoy pawis mamaya. Inayos ko na ang cupcakes at lumabas na.
Napahinto ako ng makita ko ang kotse ni Max sa harapan ng bahay namin. Ano naman kaya ang ginagawa ng lalaking ito dito? Huwag niyang sabihin na dito nakatira ang bago niyang laruan.
Nang makita niya ako ay bumaba siya sa kotse. Lumapit siya sa akin. Ako naman ay napaatras.
"Tulungan na kita riyan," alok niya at akmang kukuhanin ang dala kong cupcakes.
Inilayo ko sa kaniya ang aking mga paninda. Pinagmamasdan ko lamang siya at matalim ang tingin ko sa kaniya. Naghihintay ako ng sasabihin niya pero hindi siya nagsasalita.
"Anong ginawa mo dito? Anong kailangan mo sa akin? Hindi ba nasabi sa iyo na bawal ang mga lamang lupa dito sa compound namin. O natakasan mo sila dahil sa baho ng ugali mo!?" Inis kong tanong sa kaniya.
"Calm down Kat-kat. Hindi ako pumunta dito para gumawa ng gulo."
"Eh ano nga ang ginagawa mo dito?" Pagtataray ko sa kaniya.
Ang aga-aga siya na agad ang nakasalubong ko. Kung minamalas nga naman.
"I'm here to tell you that... Payag na akong maging girlfriend kita."