Nakatingin lang ako sa matarik na bangin at ilang saglit pa ay pumikit. Malamig ang hangin na dumadampi sa mukha ko. Nahigit ko ang aking hininga nang maramdaman ang sobrang lamig na yumayapos sa aking katawan.
Gusto kong lumingon pero hindi ko kaya.
“S-Sino ka? Ano ang kailangan mo sa ‘kin? Bakit niyo ako ginugulo?” mahina kong tanong. Napalunok ako nang maramdaman ang malamig niyang hininga sa batok ko. Napapiksi ako nang hawakan niya ang kamay ko. Napakalamig, sobrang lamig.
“Look at me,” aniya.
Unti-unti kong nilingon ang likuran ko at napipilan. Sobrang pula ng mata niya at sobrang putla. Mahaba ang itim na itim niyang buhok at may pangil. Sobrang lakas ng t***k ng puso ko at mabilis na tumalikod dahil sa labis na takot. Ni hindi ako makasigaw. Lakad-takbo ang ginawa ko at naiiyak na ako sa takot.
“You can’t escape from me Carmilla.”
Pabalik-balik ang boses na iyon sa utak ko. Natigilan ako sa pagtakbo nang makita siya sa hindi kalayuan. Nakatayo at nakatitig nang mariin sa akin. Napatingin ako sa paligid at iniba ang direksyon ko subalit kahit saan ako magpunta ay nandoon siya.
“Pakiusap, maawa ka sa ‘kin. Tigilan mo na ako, tigilan niyo na ako!” sigaw ko at hindi na napigilan ang sarili ko na lumuha. Habol-habol ko ang aking hininga habang tumatakbo palayo sa kaniya nang makitang sa isang iglap lang ay sobrang lapit na niya sa akin.
Tiningnan ko siya at pamilyar ang kaniyang mukha.
“Ano ang kailangan mo sa ‘kin?” bulong ko. Halos hindi ko na marinig ang sarili kong boses sa sobrang hina nu’n. Lalo siyang lumalapit sa ‘kin kaya napaatras ako at natumba.
Ngumisi siya at lalo kong nakita ang matulis niyang pangil. Isa siyang demonyo. Nanginginig ang kamay ko nang ilahad niya ang kamay niya sa ‘kin. Ngumiti siya at nagsalita.
“Ilang daang taon ang hinintay ko Carmilla para lang masilayan ka.”
Umiling naman ako nang paulit-ulit. Tinitigan niya lang ako at hinaplos ang aking mukha. Ilang saglit pa ay hawak-hawak niya na ako. Sobrang lapit niya sa ‘kin at sinamyo niya ang aking leeg. Kaagad na nabuhay ang takot ko.
“Alam mo ba kung ano ang iniisip ko? Alam ko kung ano ang iniisip mo Carmilla. Alam na alam ko kung ano ang nararamdaman mo ngayon. Sumisigaw sa takot ang sistema mo. Kumalma ka lang Carmilla, ramdam na ramdam ko ang mabilis na pagdaloy ng dugo sa kaugatan mo. Sobrang lakas ng t***k ng puso mo. Binabaliw mo ako.”
“M-Maawa ka sa ‘kin,” pagmamakaawa ko.
Ang ngisi niya ay nabuhay ang lahat ng kilabot mayroon ang katawan ko.
“Hindi kita sasaktan,” aniya. Natigilan naman ako nang hawakan niya ang aking leeg. Dumoble ang takot ko at nanginginig nang maramdaman ang hininga niya sa leeg ko.
“Carmilla!”
Napamulagat ako at napalingon. Si Lola Pasing ay nakatayo at matapang ang mukha. May dalang medalyon at nakataas iyon. Napatingin ako sa paligid at wala na siya. Mabilis na tumakbo ako papunta kay lola at mahigpit siyang niyakap.
“L-Lola,” mahina kong sambit. T’saka lang ako kumalma. Parang binawian ng lakas ang buong katawan ko.
“Nandito lang ako, huwag kang matakot,” aniya. Lalo lamang akong naiyak sa sinabi niya. Ano na ba ang nangyayari?
“Tumahan ka na, huwag na huwag kang iiyak at naaapektuhan ang panahon,” saad niya. Natigilan naman ako at napatingin sa langit. Parang anytime ay uulan na.
“Umuwi na tayo,” aniya. Tumango naman ako.
Pagdating nga namin sa bahay ay nagbihis na ako at tahimik na umupo sa gilid. Nilapitan naman ako ni lola at naupo na rin sa tabi ko.
“Bakit ka nandoon? Nagising na lang ako na wala ka na rito sa bahay. Sinabihan na kita ‘di ba? Huwag na huwag ka na uling pumunta sa bangin na iyon,” wika niya.
Tiningnan ko naman siya at inilingan.
“Hindi ko alam ‘la, hindi ko alam kung bakit napunta ako roon. Ang naaalala ko lang ay nananaginip ako na may tumatawag sa ‘kin. Paggising ko ay nandoon na ako,” sagot ko.
“Kahit ang proteksiyong inilagay ko sa bahay na ‘to ay hindi umobra sa kaniya,” aniya.
“Ano po ang ibig niyong sabihin?”
Tinitigan naman niya ako.
“Nakita mo na siya ‘di ba? Nakita mo na ang demonyong gusto kang kunin Carmilla. Kahit ano pa ang gawin ko ay wala akong laban sa kaniya. Panandalian lamang ang pagbugaw ko sa kaniya kanina dahil sa medalyong ‘to pero kapag bumalik siya ulit ay wala na akong magagawa pa. Mahirap siyang kalabanin at hindi kakayanin ng isang tulad ko na harapin ang isang purong bampira,” aniya.
“B-Bampira?”
Huminga siya nang malalim at tinitigan ako.
“Hindi tayo puwedeng umalis sa lugar na ‘to dahil dito tayo mas mapoprotektahan ng ibang nilalang na kakilala ko. Kung pupunta tayong dalawa sa ibang lugar paniguradong masusundan lang tayo at madadamay ang mga mortal. Hindi lang bampira ang gustong kumuha sa ‘yo Carmilla, marami sila at naghihintay lang ng pagkakataon,” saad niya.
Nayakap ko naman ang sarili ko sa takot dahil sa sinabi niya.
“Carmilla, hindi habang-buhay matatakasan natin sila. Kailangan mo ring harapin kung ano ang nakatadhanang mangyari. Iyon ang nakasulat sa libro. Mas malalagay sa panganib ang buhay mo kapag napunta ka sa ibang angkan ng bampira.”
“Alam kong mahirap paniwalaan ang sinasabi ko, pero natagpuan ka na niya. Isang araw darating siya para kunin ka na, at sa araw na iyon wala akong magagawa kung hindi ang ibigay ka,” dagdag niya.
“Lola, ayaw ko po. Gusto kitang makasama. Lahat ng oras na mayroon ako ay gusto kitang kasama. Huwag kang magsasalita ng ganiyan. Lalaban tayo ‘di ba?” wika ko. Hinaplos niya ang mukha ko at numiti nang malungkot sa akin.
“Lo que de be suceder, sucedera,” sagot niya at namatay ang ilaw sa lampara namin. Kita ko naman ang pagkataranta niya. (What’s meant to happen, will happen.)
“Dito ka lang, huwag kang lalabas,” aniya at nagmamadaling lumabas ng kubo namin. Napatakip ako sa taenga ko nang marinig ang nakakabinging alulong ng mga aso sa labas. Pati ang tunog ng uwak at kulisap ay sobrang lakas. Pumunta ako sa bintana at kaagad na nakita si lola na nakatayo. Sa unahan ay may apat na lalaking naka-kapang itim.
“Pasing,” wika nu’ng isa.
“Ano ang ginagawa niyo sa teritoryo ko? Wala kayong karapatang pumasok sa teritoryong hindi sa inyo!” galit na sambit ni lola.
“Wala kaming oras para sa ‘yo. Nasaan na siya? Ilabas mo na,” sambit nu’ng isa pa.
“Hinding-hindi niyo siya makukuha. Mamamatay muna ako bago niyo siya makuha sa akin,” matapang na wika ni lola. Lumaki ang ngisi nu’ng isa pa at ilang saglit pa ay nasa likuran niya na ito. Nilukob ng takot ang buong pagkatao ko.
“Pasing, matanda ka na. Alam nating hindi mo na kayang tumagal pa.”
Natuod ako sa kinaroroonan ko nang makita si lola na pumaere at hirap na hirap sa paghinga.
“Lola,” mahinang sambit ko.
Napatingin siya sa gawi ko at gumagalaw ang kaniyang kamay. Ilang sandali pa ay napatingin sila sa gawi ko. Mabilis na nagtago ako at napahawak sa dibdib ko. Wala akong malapitan ni isa. Sino ba?
“Carmilla, lumabas ka. Sa likod ka dumaan. Tumakbo ka na at hindi ko na kayang tumagal pa. Masiyado silang malakas at mapanganib. Sige na, umalis ka na. Huwag na huwag kang lilingon. Nasa likod si Tercio. Tutulungan ka niya. Huwag mo na akong isipin.”
Natigilan ako nang marinig iyon sa aking isipan.
“L-Lola...”
Ramdam ko ang hirap niya.
“Sige na, umalis ka na. Nauubos na ang oras ko,” aniya. Napailing-iling ako at bumuhos ang aking luha.
“Hindi ako aalis na hindi ka kasama,” wika ko.
“Huwag kang magmatigas Carmilla! Mawawalan ng saysay ang sakripisyo ko kung hindi kita mapoprotektahan ngayon. Huwag kang lumingon. Tandaan mo, mawala man ako, nasa tabi mo lang ako palagi.”
Napapunas ako sa mata ko at kinuha ang maliit na libro at umalis na.
“Huwag kang lumingon, huwag na huwag kang lumingon,” aniya. Pahina nang pahina iyon. Paglabas ko ng bahay ay nakita ko ang lalaking sobrang tangkad at itim. Halos hindi ko siya maaninag dahil sa dilim ng gabi. Maliban sa may hawak siyang tustos na nagsisilbing ilaw ko sa mukha niya. Nagulat ako nang kargahin niya ako at nagsimula na kaming maglakad.
Narinig ko ang sigaw ni lola sa sakit. Kaagad na nagsihulugan ang luha ko.
“Huwag kang lilingon, tiisin mo ang sakit. Alalahanin mong ginagawa ng lola mo ang lahat para sa ‘yo. Isang maling lingon mo lang madidiskubre nilang tumatakas tayo. Lahat ng mahika ay ginawa na ni, Pasing para makatakas ka.”
Napatingin ako sa kaniya at napahagulgol. Ilang sandali lang ay lalong lumakas ang alulong ng mga aso sa paligid namin.
“Alam na nilang tumakas ka, kailangan nating magmadali,” aniya. Napalunok naman ako at bumibilis ang paglakad niya. Ang daang ito ay siyang daan papunta sa bangin.
“Bakit tayo pupunta sa bangin?”
“Malapit na sila, tawagin mo na siya. Hindi ko sila kakayanin. Mahirap silang kalaban kaya tawagin mo na siya,” sagot niya.
“Ha?”
“Minsan mo na siyang tinawag Carmilla, tawagin mo siya ulit at siya lang ang may kakayahang makapagligtas sa ‘yo,” sagot niya.
Maingat na inilagay niya ako sa malaking bato. Ilang saglit pa ay nakita ko na ang apat na lalaki sa unahan. Pulang-pula ang mga mata at ilang saglit lang ay handa na kaming sunggaban. Tiningnan ako ni Tercio.
Napatingin ako sa bangin at pumikit. Naririnig ko sa kabilang tenga ang paglagabog at pagkatumba ng mga puno.
“Si me escuchas, dejame sentirte...si me escuchas dejame sentirte...”
Paulit-ulit kong binanggit iyon pero wala akong maramdaman. Wala siya. Hindi ko siya maramdaman.
“Mamamatay ka ring kapre ka. Huwag ka ng lumaban, ibigay mo na lang siya sa ‘min. Tulad ni, Pasing ay mamamatay ka rin,” wika nu’ng isa at tumawa pa.
Natigilan naman ako sa narinig at napatingin sa kanila. Pinagtutulungan nila si Tercio.
“T-Tawagin mo na siya,” nahihirapang wika niya. Tumulo na ang luha ko sa labis na takot. Ngumisi sila sa ‘kin.
“Si me escuchas dejame sentirte! Kung naririnig mo ako hayaan mo akong damhin ka. Nasaan ka na? Kailangang-kailangan kita!” sigaw ko at napaluhod. Parang pinupunit ang puso ko sa sakit. Na kay lola ang isipan ko.
“Si me escuchas dejame sentirte...” mahinang saad ko.
“Sumama ka na sa ‘min,” ani ng boses sa likod ko. Napalingon ako at nakatayo ang dalawang lalaki habang nakangisi sa akin. Ang dalawa naman ay sinusunggaban ang walang malay na si Tercio at sumiklab ang apoy sa katawan nito. Ilang segundo lang ay nawala na parang abo.
Hindi naman ako makagalaw.
“Ang tagal bago ka namin nahanap. Nandito ka lang pala. Nilibot na namin ang buong mundo nandito ka lang pala,” saad nu’ng isa. Napaatras ako at kaunti na lang ay mahuhulog ako sa bangin.
“Ano ang ginawa niyo kay, lola?” umiiyak kong tanong.
Nagtinginan pa sila at nagtawanan. Palapit sila nang palapit. Napatingin ako sa madilim at matarik na bangin. Ayaw ko pang mamatay. Ang daming tanong sa isipan ko pero mas pipiliin ko pang mamatay kaysa mapasakamay nila.
“H-Huwag kayong lalapit, tatalon ako,” banta ko. Kaagad na umangal ang isa.
Lumabas ang pangil nila at pumigil naman ang isa.
“Huwag mo na kaming pilitin Carmilla,” ani nu’ng isa. Papalapit na sila sa ’kin nang pikit-matang tumalon ako sa bangin. Bahala na ang lahat. Bahala na. Pakiramdam ko ay lumulutang ako sa hangin. Ibinuka ko ang aking mata at nakita ang lalaking nakausap ko.
Pula ang mga mata at sobrang lamig. Nakalutang kami sa ere at maingat na inilagay ako sa ibabaw ng bato.
“L-Lazarus,” wika nu’ng isa. Kita ko ang takot sa mga mata nila. Ilang saglit pa ay umatake ito sa lalaki. Apat sila at natameme ako sa nakita. Hindi man lang nakalapit ang isa at pumutok ang buong katawan nito. Kaagad na parang usok na nawala. Ang isa ay nakalambitin sa ere at nahihirapang huminga. Lumubo pa ang ulo niya bago pumutok na parang lobo. Ang dalawa naman ay lumalabas ang pangil at sigang-siga ang mga mata. Napapikit ako nang atakehin nila iyong Lazarus subalit wala ring nagawa dahil hindi pa man nakalapit ay pumutok na rin.
Napalunok ako at hindi alam ang gagawin. Nilingon niya ako at napasiksik ako sa kinauupuan ko. Nawala na ang pulang mata niya at lalo kong naaaninag ang mukha niya sa ilalim ng liwanag ng buwan.
“I-Ikaw?” saad ko.
Lumapit siya sa ‘kin at inilahad ang kaniyang kamay.
“Sleep.”