Maaga akong gumayak papuntang mansiyon. Lalakarin ko pa kasi. Ngayon ay buo na ang loob ko. Wala akong dapat na katakutan. Kailangan kong maging matatag at malakas. Hindi ang tulad nila ang makakatalo sa ‘kin.
Alam ko kung bibigyan ko sila ng pansin ay lalo lang nila akong guguluhin. Kailangan kong sanayin ang sarili ko na huwag magpapadala sa takot.
“’La, alis na po ako,” wika ko. Tiningnan niya lang ako at huminga siya nang malalim. May kinuha siyang kuwintas at isinuot iyon sa ‘kin.
“Carmilla, huwag mong tatanggalin ‘yan. Poprotektahan ka niyan sa ano mang kasamaang lalapit sa ‘yo,” aniya. Tumango naman ako.
“Uuwi po ako kaagad. Huwag na po kayong mag-alala sa ‘kin,” bilin ko. Kita ko naman na salungat sa pagtango niya ang totoong nararamdaman niya. Nginitian ko lang siya nang tipid.
Kumaway na ako at naglakad paalis.
Habang tinatahak ang daan ay naririnig ko na naman ang tunog ng mga ibon, gangis, at iba pa. Indikasiyon na maganda ang panahon.
Pumara na rin ako ng traysikel at nagpahatid sa mansiyon ng mga Salvacion.
“Carmilla, magmdali ka at hinahanap ka ng Donya,” sambit ni Linda. Kumunot naman ang noo ko.
“Bakit?”
“Hindi ko alam, sige na puntahan mo na at mukhang wala pa sa mood,”
Patakbong pumasok naman ako sa loob at nakita ang Donya na nakapameywang at nakatingin sa palapulsohan niyang may relos. Napatingin naman siya sa akin at huminga nang malalim.
“Mabuti naman at dumating ka na. Mari ka at linisan mo ang kuwarto ng senyorito mo pati na ang veranda sa ikalawang palapag. Pasamahin mo ang dalawa pang kasambahay at may bisita siya mamaya. Bilisan mo ang kilos at papunta na sila rito,” wika nito.
“O-Opo,” sagot ko at tinawag si Rita at Analyn. Pagdating nga namin sa kuwarto niya ay kaagad na napabusangot ang dalawa.
“Grabe sa dumi, anong klaseng lalaki ba ‘yon?” reklamo ni Rita. Kahit saan kasi ay may kalat. Mga papel at paint kahit saan. Ang alam namin ay fine arts student ang senyorito noon pero ngayon ay may-ari na ng negosyo ng pamilya nila. Minsanan lang din umuuwi.
“Wala tayong karapatang magreklamo. Bilisan na natin at parating na raw,” sambit ko. Tumango naman sila. Habang kinukuskos ko ang pinta sa dingding ay nagwawalis naman si Rita. Si Analyn naman ay nag-a-arrange ng gamit nito. Ilang oras din ang ginugol namin bago naging maayos.
Lumabas na kami pakatapos at sinunod ang veranda. Pinalitan ang mahabang kurtina at mabusising nilinis ang bawat sulok.
“Bakit kaya kahit malinis na at kapapalit lang ng kurtina ngayon papalitan na naman?” ani Rita.
“May bisita raw kasi, alam mo naman ang pamilya nila ‘di ba?” sagot ni Analyn.
“Bagay nga sa inyong maging kasambahay at kayang-kaya niyong mag-multitask.”
Sabay na napalingon kaming tatlo kay Senyorita Ann na kalalabas lang ng kwarto niya. Tiningnan niya kami isa-isa at tinikwasan ng kilay. Nilapitan niya ako at sinimangutan.
“M-Magandang umaga po Senyorita Ann,” bati ko at tipid na ngumiti.
“Walang maganda sa umaga lalo pa at mukha niyong tatlo ang bumungad sa ‘kin. Maaga pa lang kino-contaminate na ng ka-cheap-an niyo ang sistema ko,” sagot niya.
Tahimik lamang kaming tatlo.
“Annandale! Nangugulo ka na naman sa kanila. Umalis ka riyan at may importanteng bisita mamaya ang kuya mo,” saad ng Donya na nasa baba at nakatingala sa kanila.
“Tumulong ka rito sa baba at maghiwa ka rin ng mga gulay,” dagdag pa nito. Kaagad na nasira ang mukha nito.
“Ayaw ko nga, kalalagay lang ng nail extensions ko no. What’s the point of hiring our maids, kung patatrabahuin mo ako?” malditang wika niya.
“Then at least, hayaan mo silang magtrabaho nang walang abala. Your Kuya’s here in twenty minutes!” sigaw nito. Aligagang-aligaga na.
“Fine! Sino ba kasi ang mga bisita niya?” tanong niya sa ina. Pumunta na ito sa kinaroroonan nila at pumameywang.
“Si Lazarus Moriarty at Leonidas,” sagot nito. Kaagad na napasinghap si Ann.
“Why didn’t you tell me?” naiiyak nitong saad.
“Now I have to take care of myself for freaking twenty minutes. Alam mo namang hindi ko kakayaning ayusan ang sarili ko in twenty minutes mommy!” dagdag niya pa.
“Don’t give me problems Ann, go and do whatever you want bahala ka na at marami pa akong gagawin,” anito at tumalikod na. Nagpatuloy naman kami sa ginagawa namin.
“Nakakainis kayo!” singhal ni Senyorita Ann. Nagtinginan naman kaming tatlo at pasimpleng nagngitian. Bumalik na kami sa trabaho at nang matapos ay bumaba na. Pumunta na ako sa lawn ng mansion at nagsimulang magdilig sa malawak nilang Bermuda grass. Pagkatapos ay pumunta sa mga bulaklak.
Natigilan ako nang dumaan ang tatlong mamahaling kotse. Napalingon ako at nahigit ang aking hininga. Hindi ako makagalaw. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari. Nang makalayo ang kotse at pumarada sa unahan ay t’saka lang ako nakahinga nang maluwag.
Napahawak ako sa dibdib ko at hindi ko mawari ang nararamdaman. Nagpatuloy na lamang ako sa aking ginagawa. Napatingin ako sa pulang rosas sa gilid at nalalanta na. Nilapitan ko iyon at hinawakan.
“Kawawa ka naman, hindi ka naalagaan nang maayos.”
Kaagad na napapiksi ako nang biglang bumukadkad iyon. Napalunok ako at hinawakan pa ang isa at ganoon din ang nangyayari. Hindi ako makapagsalita at napatingin sa palibot ko. Walang ibang tao kung hindi ako lang. Nasa loob silang lahat at kararating lang din ng landscaper nila Donya. Napahawak ako sa ulo ko at natawa. Baka namamalikmata na naman ako. Hindi naman ako ibang uri ng nilalang para magbigay buhay sa mga halaman.
Tumayo na ako at nandoon na naman ang kakaibang pakiramdam. Bumibilis ang t***k ng puso ko. Parang hindi ako makahinga. Napahawak ako sa batok ko nang magtayuan ang balahibo ko roon. Parang may pares ng mga matang nakatitig sa ‘kin.
Tiningnan ko ang paligid at wala naman. Napalunok ako at napatingin sa itaas. Nahigit ko ang aking hininga nang makita ang pigura ng isang matangkad na lalaki. Nakasuot ng itim na suit at matamang nakatitig sa akin. Hindi ako makagalaw at parang hindi ko kayang umiwas ng tingin sa kaniya.
“Carmilla!”
T’saka lang ako nagising at mabilis na umalis sa lawn. Nilapitan ko si Linda.
“Sino ba ang tinitingnan mo sa itaas? Walang tao roon. Alam mo ikaw, kinikilabutan na ako sa ‘yo ha,” aniya.
“May tao kasi sa itaas. Nakasuot ng itim na suit,” sagot ko. Kumunot naman ang noo niya.
“Ay! Oo nga pala ang mga bisita ni, Senyorito Anton. Grabe ang popogi tara sa loob at para masilayan mo naman kahit papaano. Hindi nakikita sa baryong ‘to ang ganoong mga mukha. Grabe para kang maeengkanto sa kaguwapuhan nila,” kinikilig niyang sambit.
“Ha?”
Hinila niya na ako papasok sa loob at kaagad na nakita naman ako ng Donya.
“Halika rito Carmilla, nakakahiya naman kung itong pangit na mukha nila ang maghatid ng pagkain sa itaas. Ayusin mo ang buhok mo,” wika nito.
“Po?”
“Ihatid mo iyang pagkain sa itaas, ora mismo. Sige na,” utos nito.
“O-Opo,” sagot ko at mabilis na gumayak. Pakiramdam ko ay bilang ko ang bawat hakbang ko sa hagdanan dahil lalong lumalakas ang t***k ng puso ko. Pagdating ko sa itaas ay nakita ko ang lalaki kanina. May katabi ito at nakatitig din sa ‘kin. Kaagad na ngumisi ito.
“Wow! Ang bango naman,” anito. Maingat na inilagay ko naman ang pagkain sa lamesa nila at nanginginig ang kamay ko. Hindi ko na kaya ang pagtitig sa ‘kin ng lalaki kanina.
“Just put it down and leave.”
Natigilan ako saglit nang marinig ang boses niya. Napakalamig at napakalalim. Nanghihilakbot ang balahibo ko sa kamay. Nang mailagay na lahat ay tumayo na ako nang maayos. Sumimsim naman ng tsaa niya iyong lalaki.
“You like the tea Lazarus?” tanong ng katabi niya. Nilingon niya lamang itong katabi niya at kusang tumahimik. Kaagad na umalis naman ako.
“Carmilla!”
Natigilan naman ako at nilingon si Senyorito Anton.
“Kumusta ka na? it’s been a long time. Umuwi ako kahapon wala ka rito. Day off mo raw,” wika niya. Nahihiyang tumango naman ako.
“O-Opo Senyorito,” sagot ko. Kita ko ang pagkislap ng mata niya.
“Why are you talking to her, Kuya?” sabat ni Senyorita Ann na ngayon ay kalalabas lang din ng kuwarto niya. Kaagad na nagbago ang ekspresiyon nito at umalis papunta sa mga bisita ng Kuya niya.
“Pasensiya ka na kay, Ann. She’s a brat you know,” anito. Tumango lamang ako at paalis na nang hawakan niya ang braso ko. Mabilis na hinila ko naman ang kamay ko pabalik.
“I-I’m sorry, mamaya if you have free time, can we talk?” usisa niya.
“M-Maaga po akong aalis mamaya, Senyorito. Pasensiya na po,” sagot ko at bumaba na. Ramdam ko ang tingin niya sa likuran ko kaya lalo akong nagmadaling bumaba. Naasiwa ako. Pabalik-balik din sa balintataw ko ang mukha nung Lazarus.
Hindi ko namalayan at tanghalian na pala. Nasa kusina lang ako at kumakain dahil busy na ang ibang mga katulong at tapos na ring kumain. Habang sumusubo ng kanin ay kamuntik na akong mabulunan nang makita ang lalaki kanina. Ni wala man lang akong narinig na yapak niya.
Basta-basta na lang siyang nasa likuran ko. Kinuha ko ang tubig at uminom.
“M-May kailangan po ba kayo?” tanong ko sa kaniya.
Seryoso lamang siyang nakatingin sa akin at lumapit. Napaatras ako at lalo lamang siyang lumapit sa ‘kin.
“A-Ano’ng ginagawa mo? Sisigaw ako,” banta ko sa kaniya. Ngumisi lamang siya sa akin pero hindi iyon umabot sa mata niya.
“Nakita rin kita,” wika niya. Nagtaka naman ako sa sinabi niya.
“Ha?”
“Carmilla, you called me before. So, I came,” dagdag niya pa. Lalo naman akong nagulumihan sa sinabi niya.
“Carmilla? Nandito ang lola mo,” wika ni Linda na kapapasok lang. Napatingin ako kay Lazarus nang wala na siya. Hindi ko alam kung saan siya pumunta.
“Oh? Ba’t parang nakakita ka ng multo?” tanong niya.
“Parang nakakita nga ako ng multo, Linda,” nahihintakutan kong saad.
“Gaga! Huwag kang ganiyan at natatakot din ako. Nasa labas ang lola mo at mukhang nagmamadali,” sambit nito. Mabilis na lumabas naman ako at nakita si lola na nakatayo sa tabi ng guard house.
“’La,” wika ko.
“Bakit kayo nandito? Tirik na tirik na ang araw. Baka mapaano ka,” saad ko sa kaniya. Nakatitig lamang siya sa ‘kin.
“Nandito na siya, Carmilla. Kukunin ka na niya sa ‘kin,” wika niya.
“Ha?”
Napalingon sa paligid si lola na ikinabahala ko.
“Alam na nila kung nasaan ka. Nanganganib ang buhay mo. Kailangan na nating umalis ngayon din. Umuwi na tayo habang may araw pa,” aniya. Nalilito naman ako sa sinasabi niya.
“M-Magpapaalam muna ako kay, Dony—”
Umiling naman siya habang nakatitig sa ‘kin. Nakaabang siya sa bawat kilos mo. Matagal ka na niyang hinihintay. Kapag nalaman ito ng ibang angkan niya tapos na ang lahat. Malalagay sa peligro ang buhay mo, malaking kaguluhan ang mangyayari,” aniya.
Naguluhan na ako sa sinasabi niya. Hindi ko maintindihan.
“Tara na,” aniya. Wala na akong magawa at hindi bale na lang kung mawalan ako ng trabaho bukas. Pumara na siya ng traysikel at nagpahatid na kami sa waiting shed. Habang naglalakad pauwi ay tahimik lang siya. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa kaniyang isipan.
Pagdating namin sa bahay ay kaagad na lumuhod siya sa altar. Tahimik na nananalangin at hinayaan ko na lamang siya. Humiga ako sa papag at dahil sa pagod kanina ay nakatulog din kaagad.
Napamulat ako at mabilis na napasigaw nang makita ang itim na pigura. Pula ang mata at parang lalabas na iyon habang nakangisi sa akin. Nakatitig at papalapit sa akin. Sinubukan kong gumalaw pero hindi ako makagalaw.
“Lola! Lola!” sigaw ko at nakikita ko lang siya na patuloy na nagdarasal. Kahit anong pilit kong kumilos ay hindi sumusunod ang katawan ko. Kahit anong gawin ko ay hindi talaga ako makagaalw. Pumikit ako ulit at tahiumik na nagdasal.
“Carmilla, gumising ka. Carmilla!”
Mabilis na napabangon ako at nakita si lola na nakaupo sa tabi ko. Hapong-hapo ang pakiramdam ko.
“Binabangungot ka,” aniya. Napahawak ako sa noo ko at basang-basa ng pawis iyon. Huminga ako nang malalim at napapikit.