Kabanata 3

1794 Words
“Ilang beses ko bang sabihin sa inyo na lubayan niyo si Carmilla? Binigyan ko na kayo ng pagkakataon na manatili rito sa teritoryo ko pero hindi kayo nakikinig!” galit na singhal ni Pasing sa dalawang lalaking matanda. Nakayuko naman ang mga ito at hindi makatingin sa kaniya. Ilang sandali pa ay humagikhik at sumagot. “P-Pero hindi mo kami habang-buhay mapapaalis. Alam mong darating ang panahon na malalaman niya rin ang totoo.” Kaagad na tumalim ang mata ni Pasing sa narinig at malakas na hinampas ang ulo ng mga ito. “Ano ba ang alam niyo sa totoo? Wala kayong pakialam doon,” aniya. Ilang saglit pa ay nagsihulugan na naman ang mga balat nito. Handa na ring sunggaban siya subalit walang-wala ito kumpara sa kaniya. “Talagang sinusubukan niyo ako! Bumalik na kayo sa amo niyong demonyo! Wala na kayong karapatang mamuhay pa kasama ng mga tao! Mga peste!” sigaw niya at ginawan ng mga orasiyon ang mga ito. “P-Pasing! Maawa ka sa amin. Hindi na namin uulitin,” wika nu’ng isa. Ngumisi lamang ang matanda. “Hindi na talaga,” sagot niya. Ilang sandali pa ay nagsigawan ang mga ito sa sakit na nararamdaman at sa isang iglap lang ay naging itim na usok at nawala na. “Hindi habang-buhay na mapoprotektahan mo ang batang iyon. Nakikinita ko na ang kinabukasan niya. Hindi iyon mababago. Kahit ano pa ang gawin niyo ni, Elissa hindi niyo mapipigilan ang nakatakdang mangyari,” wika ng babae sa likuran niya. Lumingon siya at nakita ang napakagandang babae na nakaupo sa malaking bato. Sa gilid niya ay mga babae ring nagagandahan at pinagsisilbihan siya. “Hangga’t buhay pa ako, Tilitha gagawin ko ang lahat para kay, Carmilla. Nangako ako kay, Elissa na ibibigay ko ang lahat ng lakas na mayroon ako para sa anak niya. Tutuparin ko iyon,” sagot niya. Tumawa naman ang magandang babae. “Nasa tamang edad na siya, Pasing. Darating ang araw na magigising na lang siya sa totoong pagkatao niya. Kusa niya iyong mararamdaman. Hanggang sa wala ka ng pagpipilian kung hindi ang sabihin sa kaniya ang totoo,” anito. “Sa tingin mo ba hindi ko iyon pinaghahandaan?” asik niya rito. “Pasing, papalapit na sila. Kung ipipilit mo ay mapapahamak ka. Si Carmilla ay pinaghahanap na ng mga demonyo. Huwag mong pigilan ang mga dapat na mangyari. Alam na nila kung nasaan siya. Handa kana bang harapin sila?” sambit nito. “May pananagutan din kayo pagdating ng panahon. Kung kailangan kong ibuwis ang buhay ko para sa kaniya, ibibigay ko. Ang katapatan ko ay isinasabuhay ko para kay Elissa. Sana rin alam niyo kung ano ang pinipili niyong tahakin. Alam niyo kung ano ang dapat niyong gawin. Kailangan nating protektahan si Carmilla dahil kung hindi mananagot tayong lahat,” matigas niyang sambit. “May pag-uusap na kami, Pasing. Hindi namin gustong bigyan ng kaguluhan ang tahimik na buhay na mayroon kami ngayon. Ang problema niyo ay haharapin niyo ng kayo lang. Hindi kami mangingialam,” galit na sagot ni Tilitha. Ngumisi lamang ang matanda. “Utang niyong lahat kay, Elissa ang payapang buhay na mayroon kayo ngayon. Mga hangal! Hindi pa rito natatapos ang lahat. Wala akong magagawa kung ano man ang piliin niyo. Pero pagdating ng panahon na siningil kayo pagbabayaran niyong tinalikuran niyo ang responsibilidad,” aniya at umalis na. ----------------------------------------------------------------------------------------------------------- Nakangiting lumapit ako kay Linda at sa ilang kasamahan namin. Bale apat kami ngayon. “Bakit?” nakangiting tanong ko kay Linda. Umiling naman ito habang nakatitig sa akin. Hindi naman ako mapakali. “Grabe! Normal lang naman siguro na makaramdam ng paghanga sa ’yo ‘di ba? Napakamarikit mo, Carmilla. Parang lumiliwanag ang kagandahan mo sa ilalim ng araw. Nakakasilaw pero napakasarap pagmasdan,” wika ito habang nakangiti sa akin. “Oo nga, alam mo ba narinig ko nga ang usapan ng bisita ni, Senyorita Ann na sobrang ganda mo raw. Kung hindi ka lang mahirap kakaibiganin ka nila. Kaso sumagot si, Senyorita Ann na mas mahirap pa kayo sa daga at taga bukid ka raw. Ano kayang problema sa pagiging taga-bukid? Ang saya kaya mamuhay sa lugar natin,” saad ng isang kasama naming si Analyn. “Alam mo naman ang amo nating ‘yon. Kung mangmata sa mga dukhang katulad natin hindi mo mapipigilan ang bibig. Ang suwerte niya at ipinanganak siyang may tanso sa bibig,” dagdag naman ni Linda. “Kung hindi naku! Hindi rin naman kagandahan,” wika pa ni Rita. Nagtawanan naman kami. Kilala kasi sa kasamaan ng ugali ang senyorita namin. May humintong traysikel kaya sumakay na kami papuntang kabilang bayan. Habang nasa biyahe ay tahimik lamang ako at nakatingin sa daang tinatahak namin. Napapangiti na lamang ako at kahit na maraming programa ang barangay ay hindi nagagalaw ang mga likas na bagay sa paligid tulad ng kahoy. Ewan ko ba. Pakiramdam ko ay konektado ako sa kapaligiran. Minsan nga ay nag-iisip ako na sana umulan, ilang sandali lang ay uulan. Tuwing bumabagyo naman ay nagdadasal lang ako na huminto na, hihinto naman kaagad. Naalala ko pa ang sinabi ni lola niya noong bata pa ako. Malapit ako sa puso ng Diyos dahil mabait daw ako. Alam kong ang mabuting pag-uugali lang ang puwede kong ipagmayabang kaya hindi ako napapagod maging mabuti sa kapwa. “Nandito na tayo,” sambit ni Linda. Bumaba naman kami at nagbayad na ng pamasahe. Napatingin ako sa paligid at ngayon lang ulit nakapamasyal. Ang daming mga sirko sa paligid. Mga pagkain at paninda. “Ihanda niyo na ang pera niyo at mukhang mauubos ang ipon natin,” excited na sambit ni Analyn. Una naming pinuntahan ay ang mga sakayan. May carousel, octopus, Vikings at kung anu-ano pa. May horror train din. “Sakay tayo roon,” ani Linda. Kagaad na natigilan naman si ako sa ingay. Natigilan ako saglit nang makarinig ng tawag. “Psst!” “Carmilla, halika na. Masaya ‘to,” tawag sa kaniya ni Analyn. Hindi iyon ang mga kaibigan ko. Alam kong iba. “Psst!” “O-oo,” sagot ko at natuon ang tingin sa kabilang dako. May lalaking nakapamulsa at nakatitig sa ‘kin nang mariin. Kaagad na nagsitaasan ang balahibo ko sa kamay. Hindi ko rin naman siya tinantanan ng titig gaya ng sinabi ni lola. Napahawak ako sa maliit na supot na nasa loob ng aking bag at kaagad na umalis ang lalaki. “Carmilla, ano ba ang tinitingnan mo riyan? Kanina ka pa nakatitig diyan sa kawalan. Nawawala ka yata sa mundo,” natatawang sambit ni Linda. “May nakita kasi akong lalaki na nakatitig sa ‘kin kanina,” sagot ko. Kaagad na nagtawanan naman ang tatlo. Nang makitang hindi ako natawa ay kaagad na nahintakutan sila. Nagkibit-balikat na lamang ako. “Hindi nga? Totoo? Nakatingin kasi kami sa ‘yo at nakatingin ka sa kawlaan. Walang lalaki riyan,” ani Rita. Kumunot ang noo ko sa narinig. Sigurado akong hindi ako namamalikmata kanina. “Naku! Nagsitaasan tuloy ang balahibo ko. Mukhang tinatakot na tayo ni, Carmilla eh balak pa lang natin bumili ng ticket eh,” ani Linda. “Halika na, Carmilla. Gutom ka na ano? Pagkatapos nito kakain na tayo. Namamalikmata na itong kaibigan natin,” wika naman ni Analyn na sinang-ayunan naman nila. Baka nga namamalikmata lang ako. Pumasok na kami sa loob at sumakay sa upuan. Nasa gilid ako at sa kabila naman ay si Analyn. Hindi pa nga nagsisimula ay nagtitilian na sila. Napapangiti na lamang ako. Nang magsimula na ay nakatingin lamang ako sa paligid. Anytime ay may bubulaga sa amin kaya pumikit na ako. Hindi nga ako nagkamali at maski ako ay napapatili na rin. “Mama!” sigaw ni Rita. “Sige! Lapitan niyo ako at hindi ko maipapangakong hindi kayo tatamaan ng suntok ko!” sigaw ni Analyn. “Ahhh!” Binuksan ko ang aking mata at natuod sa aking kinauupuan nang makakita ng itim na anino na may mga pulang mata. Nakatitig ito sa akin. Hindi ako makasigaw sa sobrang gulat. Pakiramdam ko ay tinakasan ako ng kaluluwa sa nakikita. Ngumisi ito. “Malapit na kami, kukunin ka na namin,” wika nito. Ilang sandali pa ay napaaray ito nang hampasin ni Linda ng kahoy na nakita sa gilid. “Tapos na, sinulit mo namang maakalapit sa maganda,” aniya at hinila na ako palabas ng horror train. “Grabe! Napaos yata ako kasisigaw,” reklamo ni Analyn. “Walang hiya iyong isa kanina balak pa yatang manyakin ako. Natikman niya tuloy ang side kick ko,” ani Rita. Ilang sandali pa ay nakatitig silang tatlo sa ‘kin. “O-Okay lang ako, nagulat lang,” sambit ko. Ayaw ko namang masira ang araw namin. Pumunta na kami sa mga tindang pagkain at ang dami nga ng tao. Siksikan pa halos. Nang makabili ay nagulat ako nang mapansin ang babae sa likod ko na mabilis na hinawakan ang likod ko. Nilingon ko naman siya at hindi siya makatingin sa akin. Pagkatapos kong makuha ang pagkain ay siya naman. Pasimple ko siyang hinawakan pabalik at mukhang napansin niya iyon kaya tinitigan ako. “Huwag mo akong subukan. Alam ko kung ano ang ginagawa mo,” matigas kong wika. Kaagad na nawala naman ang tapang sa mukha niya at umalis na rin. Umupo kami sa upuang nakapalibot sa maliit na mesa at nagsimulang kumain. Nagulat pa ako nang biglang may lumapit sa amin na baliw. “Nakakasilaw ang ganda mo. Ang bango-bango mo,” anito habang nakangiti sa ‘kin. “Uy! Gusto mo siya?” sambit ni Rita. Tumango naman ito at ngumiti na naman ulit sa ‘kin. Hawak nito ang maliit na bulaklak. “Bigay ko para sa ’yo diyosa,” aniya. Tinukso naman kami ng tatlo at nagtawanan. “Ador! Nandiyan ka na naman. Doon ka nga. Huwag kang umistorbo sa mga kumakain,” wika n ginang. “Ganda Ma oh, ganda,” saad niya at tinuturo ako. Nahiya naman ako kaya napayuko na lamang. “Kahit sino naman maganda sa paningi—” Natigilan siya nang makita ako. “B-Bakit po?” tanong ko. Umiling naman siya at mabilis na hinila ang anak. “Ador, tara na.” “Ganda, ingat ka at marami sila. Gusto ka nila,” wika nito. “H-Huh?” “Ador! Naku hija! Pagpasensiyahan mo na ‘tong anak ko ha. Huwag niyong pansinin. Pasensiya na talaga,” sambit nito at hinila na ang anak paalis. “Mama! Nakita ko nga marami sila,” pagpupumilit nito. “Sige na at iinom ka pa ng gamot.” Nagtawanan naman ang tatlo. “Pati may sira sa utak Carmilla hindi napaplagpas ang kagandahan mo,” komento ni Linda. Ngumiti lamang siya nang tipid. Hindi niya maintindihan ang sinasabi nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD