bc

My One and Only, YOU (Filipino)

book_age16+
11
FOLLOW
1K
READ
drama
tragedy
sweet
like
intro-logo
Blurb

"Hinding-hindi ko hahayaang mawala ka sa aming buhay. Kahit gaano pa katagal, maghihintay kami sa paggising mo."

????????????

"September 04, 2015."

Wala siyang kaalam-alam na isang surpresa ang ihinahanda ni Yuan nang araw na iyon. Nagpunta siya sa isang malaking mall upang suportahan ang booksigning nito roon. Pero gulat na gulat siya nang malaman niyang wala pa lang event na nagaganap. Tanging ang limang libro na isinulat ni Yuan, na nakalatag sa isang mesa ang nakita niya roon. Akma na sana siyang aalis pero tila may nag-udyok sa kanyang buklatin ang His Last Smile. Hindi nga siya nagkamali sa kanyang ginawa. Unti-unting nangilid ang kanyang mga luha nang mapansin niyang may dalawang salita na nakasulat sa bookmark na nasa gitna nito. Agad niyang binuklat ang iba pa nang maisip niya ang ibig sabihin ng mga iyon. Hanggang sa tuluyan na siyang napaiyak nang mabasa niya ang kabuuan ng mga mensaheng nakaipit sa mga librong iyon; Will you marry me, My One and Only, Margarette Eyo?

Ilang sandali pa ay lumabas na si Yuan na may hawak na isang malaking bouquet ng mga pulang rosas. Agad din itong lumuhod sa kanyang harapan at ipinakita ang isang singsing. Hindi agad siya nakasagot ng 'oo' dahil sa sobrang pag-iyak. Niyakap niya na lamang niya ito nang mahigpit at paulit-ulit na bumulong ng 'I love you for a lifetime, My One and Only, YOU."

"Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na 'yon..."

????????????

2018©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro

chap-preview
Free preview
My One and Only, Yuan Oreo Umali...
Akala ko ba, hinding-hindi mo na ako paiiyakin uli? Tila nag-uunahan sa pagpatak ang mga luha ni Margarette habang marahan niyang hinahaplos ang isang makapal na libro na kanyang hawak. Iyon ang napili niya mula sa limang libro na nakalatag sa kama na nasa kanyang harapan. Makikita sa pabalat niyon ang isang lalaki na may kakaibang ngiti dahil sa litaw na litaw ang magkabila nitong dimples sa pisngi, sa kabila ng mga usok na nakapalibot sa buo nitong katawan. "His Last Smile", bulong niya saka bahagyang ngumiti nang mabuklat niya ang unang pahina nito kung saan nakaipit ang isang pulang rosas, na tuyong-tuyo na ang mga talulot at tangkay kaya't kulay kayumanggi na. Ilang beses na niyang nabasa ang librong ito pero hindi pa rin niya mapigilan ang kanyang pag-iyak. Tila ba siya ang bidang babae sa kuwento na nagunaw ang mundo dahil hindi agad nito nalaman ang pagkamatay ng pinakamamahal nitong kasintahan. "Kahit hindi na ako huminto pa sa pag-iyak, paulit-ulit kong babasahin ang mga kuwentong ito," aniya sa pagitan ng ilang paghikbi, "Kung 'yon ang magiging daan upang bumalik ka sa 'kin," dagdag pa niya saka mahigpit na hinawakan ang kanang kamay ng asawa niyang si Yuan na nakahiga sa kamang naroon. "Hinding-hindi ako mapapagod sa paghihintay sa 'yo," pangako pa niya saka mariing hinalikan ang mga labi nito upang maging gabay sa unti-unti niyang pagsariwa sa mga alaala ng kanilang pagmamahalan. ANG HIS Last Smile ay una niyang nabasa sa isang website na kung tawagin ay Writer's Haven. Napadpad siya roon dahil sa link na itina-tagged ng kaibigan niyang si Lilac noong mga panahong unti-unti niya hinihilum ang kanyang puso dahil sa pag-iwan ng kasintahan niyang si Darren. Nang mabasa niya ang buong kuwento ay talagang hindi niya napigilan ang pag-iyak dahil ramdam na ramdam niya ang pighati ng bidang si Angelique lalo nang malaman nitong matagal na pa lang patay ang kasintahang si Patrick. Hindi niya matanggap na ganoon ang kinahinatnan ng kanilang love story kaya ibinuhos niya ang kanyang sama ng loob sa comment box ng kuwentong iyon. Makalipas ang ilang minuto mula nang sabihin niya ang mga iyon ay agad din namang sinagot ng manunulat na si Honorio 'Oreo' Santos. "Akala ko talaga susungitan mo ako..." Nagulat siya nang sabihin ni Oreo Santos na tuwang-tuwa ito sa komento niya dahil ibig sabihin lang niyon ay epektibo ang pagkakasulat nito sa His Last Smile. Sinadya nitong isinulat ang ganoong rebelasyon sa kuwento upang paiyakin ang mga makakabasa. Siya rin daw ang pinakaunang nagkomento nang ganoong kahaba at punong-puno pa ng emosyon sa mga kuwento nito kaya talagang nagpasalamat ito sa kanya. Ikinatuwa rin niya mga sinabi ni Oreo kaya mas lalo niya itong hinangaan bilang isang manunulat. Ilang mga kuwento pa ni Oreo ang sinubaybayan niya gaya ng Love Me At My Worst, Huling Hinagpis Ni Honorio, Gamaliel's Heart, Who Killed Her? at iba pa na muling nagpaiyak sa kanya nang todo. Gaya ng una niyang ginawa, muli siyang naglabas ng kanyang saloobin sa mga ito na naging daan upang lalo pa silang maging malapit sa isa't isa. Sa katunayan ay siya ang unang nakaalam nang alukin si Oreo ng isang publishing house na ilathala ang His First Smile. Na kalaunan ay tinanggap din nito kaya noong January 08, 2014 ay pumirma na ito ng dalawang taong kontrata sa Maharlika Publication. Nang maganap ang launching ng His Last Smile, Valentines Day ng taong iyon ay naroon din siya upang suportahan si Oreo. Kahit pa sabihing nagkakausap silang dalawa online ay nanaig pa rin ang hiya niya nang mga panahong iyon kaya hindi agad siya lumapit dito. Hanggang sa ito na mismo ang tumawag sa kanya kaya wala na siyang nagawa. "Hanggang ngayon hindi ko pa rin makakalimutan ang unang beses kong pagpapapirma ng paborito kong libro sa mismong author nito." Ang araw na iyon ang isa sa pinakamasayang bahagi ng kanyang buhay dahil naging magkaibigan na sila nang personal ng hinahangaan niyang manunulat. Sa katunayan, ipinagtapat din sa kanya ni Oreo ang totoo nitong pangalan at hiniling pa na iyon na ang itawag niya rito. "My One and Only, Yuan Oreo Umali..." Bawat booksigning event ni Yuan ay naroon siya upang sumuporta. Minsan nga kahit walang event ay nagkakasama sila nito kaya mas lalo nilang nakilala ang isa't isa. Unti-unti niyang nakilala ang taong napakamisteryoso para sa ibang tao. Marami siyang nalaman tungkol dito dahil ipinagkatiwala nitong ikuwento ang mga iyon sa kanya. Si Yuan ay isang ampon lamang ng kinikilala nitong pamilya. Sanggol pa lamang ito nang iwan ng totoo nitong ina sa harap ng bahay ng mag-asawang Romeo at Juliet, na matagal nang inaasam na magkaroon ng anak. Sampung taong gulang na si Yuan nang malaman ang katotohanan sa pagkatao nito. Hindi na nito hinanap pa ang mga totoong mga magulang dahil sapat na raw ang pagmamahal at pag-aalaga ng mga kinikilala nitong magulang upang mabuo ang pagkatao nito. Ipinagtapat din ni Yuan sa kanya ang totoong trabaho nito bilang project personnel o janitor sa isang kompanya upang masuportahan ang mga magulang nito na kapuwa limampung taong gulang na. Pinili nito ang ganoong trabaho sa kabila ng dalawang taong kurso na natapos nito sa kolehiyo. Hinding-hindi raw nito ikinahihiya ang pagiging janitor dahil marangal iyong trabaho kaya naman muli siyang humanga sa pananaw nito sa buhay. Mahilig na magbasa si Yuan mula pa nang ito ay bata pa pero naisip lamang nitong magsulat ng iba't ibang mga kuwento noong ito ay dalawampung taong gulang na. Sa katunayan, ang His Last Smile ang unang nobela na nakatha nito sa loob lamang ng isang buwan. Siya rin naman ay nagkuwento kay Yuan ng tungkol sa kanyang pamilya. Siya ang panganay sa apat na mga anak ng mag-asawang Samson at Delilah. Iginapang ng mga ito ang pagpapaaral sa kanya kaya nang makapagtapos siya ng kolehiyo sa kursong Accountancy ay agad siyang naghanap ng trabaho upang makatulong sa kanilang pamilya. Hanggang sa nakapagtrabaho siya bilang teller sa isang malaking bangko. Halos isang taon pang tumagal ang kanilang pagkakaibigan ni Yuan bago niya unti-unting naramdaman na nahuhulog na ang loob niya rito. Natakot siyang magtapat dahil baka ma-friendzone lang siya kaya inilihim muna niya ang kanyang nararamdaman. Sa bawat araw na magkasama sila ay lalo lamang niyang hinahangaan si Yuan, hindi lang bilang isang manunulat, maging bilang tao na may mabuting pananaw sa buhay. "January 31, 2015." Nang araw na iyon ay nakatanggap siya ng isang private message sa f*******: Messenger niya na naglalaman ng isang video. Gulat na gulat siya nang mapanood niya roon ang pagkanta ni Yuan ng awiting isinulat nito upang ipinagtapat ang pagmamahal sa kanya. Hindi niya maipaliwanag ang naramdaman niyang kaligayahan nang mga panahong iyon dahil pareho pala sila ng nararamdaman sa isa't isa. Kaya nang ligawan siya ni Yuan ay hindi na niya pinatagal pa iyon. Ipinagkaloob niya rito ang matamis niyang 'oo' noong February 08, ilang araw bago ang Valentines Day. "September 08, 2015." Wala siyang kaalam-alam na isang surpresa ang ihinanda ni Yuan nang araw na iyon. Nagpunta siya sa isang malaking mall upang suportahan ang booksigning nito roon. Pero gulat na gulat siya nang malaman niyang wala pa lang event na nagaganap. Tanging ang limang libro na isinulat ni Yuan, na nakalatag sa isang mesa ang nakita niya roon. Akma na sana siyang aalis doon pero tila may nag-udyok sa kanyang buklatin ang His Last Smile. Hindi nga siya nagkamali sa kanyang ginawa. Unti-unting nangilid ang kanyang mga luha nang mapansin niyang may dalawang salita na nakasulat sa bookmark na nasa gitna nito. Agad niyang binuklat ang iba pa nang maisip niya ang ibig sabihin ng mga iyon. Hanggang sa tuluyan na siyang napaiyak nang mabasa niya ang kabuuan ng mga mensaheng nakaipit sa mga librong iyon; Will you marry me, My One and Only, Margarette Eyo? Ilang sandali pa ay lumabas na si Yuan na may hawak na isang malaking bouquet ng mga pulang rosas. Agad din itong lumuhod sa kanyang harapan at ipinakita ang isang singsing. Hindi agad siya nakasagot ng 'oo' dahil sa sobrang pag-iyak. Niyakap niya na lamang niya ito nang mahigpit at paulit-ulit na bumulong ng 'I love you for a lifetime, My One and Only, YOU." "Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na 'yon..." Kakaibang kaligayahan ang kanilang naramdaman ng mga panahon iyon. Subalit unti-unti rin itong napawi nang tumutol ang mga magulang niya sa kanilang pag-iisang dibdib. Paano raw maibibigay ni Yuan ang mga pangangailangan niya at ng magiging mga anak nila kung janitor lamang ito at suma-sideline bilang isang manunulat? Sobrang sumama ang loob niya dahil sa pangmamaaliit ng mga ito sa kanyang kasintahan. Sabi pa ng kanyang ina, sana noong maging magkasintahan pa lamang sila ni Yuan ay tumutol na ang mga ito nang hindi na humantong pa sa kasalan ang kanilang relasyon. Tuluyan naman siyang pinagbawalan ng kanyang ama na makipagkita pa kay Yuan o kung puwede raw ay makipaghiwalay na siya rito. Agad niyang ipinaalam kay Yuan ang desisyon ng kanyang mga magulang. Nanlumo ito dahil sa kanilang sitwasyon pero ipinangako nitong hinding-hindi nito hahayaang magkahiwalay silang dalawa. Nasa wastong edad na sila para mag-asawa kaya buo na ang desisyon nilang dalawa na magpakasal. Isa pa, sang-ayon naman ang mga magulang ni Yuan na magpakasal na ito dahil gusto na rin nilang magkaroon ng mga apo. Isang paraan lamang ang naisip nilang gawin --- ang magtanan na lamang. Sa kabila nito, iba't ibang bagay ang isinaalang-alang nila upang humantong sa desisyong iyon.  Sa loob ng ilang taong pagtatrabaho ay marami na rin siyang naitulong sa kanyang pamilya. Hindi naman siguro sasama ang loob ng mga ito kung pagbibigyan niya ang sariling kaligayahan. Kahit paano ay pareho silang may naipong pera sa bangko kaya puwede nilang gamitin iyon upang makapagsimula ng bagong buhay. "Hinding-hindi ako magsisisi na ikaw ang pinakasalan ko. Kahit pa ano pang mangyari, hinding-hindi tayo magkakalayo." Itinuloy nila ang pagtatanan at naisipang tumira sa malayong kamag-anak ni Yuan sa Dasmariñas Cavite. Agad din nilang inasikaso ang kanilang pagpapakasal, na naging madali lamang dahil nasa tamang edad silang dalawa kaya hindi na kailangan pa ang parental consent. Noong October 08, 2015 ay naging ganap na nga silang mag-asawa sa pamamagitan ng isang civil wedding ceremony na isinagawa ni Mayor Mike Rainniel De Guzman. Makalipas ang isang buwan ay nalaman na rin ng kanyang mga magulang ang kanilang pagpapakasal dahil sa mensaheng ipinadala ng nakababata niyang kapatid na si Elizabeth. Inamin niya rito kung kailan sila ikinasal ni Yuan pero inilihim pa rin niya kung saan sila matatagpuan. Hindi na niya inaalam pa kung ano ang naging reaksiyon ng kanilang mga magulang dahil sigurado siyang malaki pa rin ang sama ng loob ng mga ito sa kanya. Bago ang kanilang kasal ay nakapag-resigned na siya sa kanyang trabaho dahil sa pakiusap ni Yuan. Mas gusto nitong sa bahay na lamang siya magnegosyo upang hindi siya mahirapan pa. Mahilig siyang magluto ng kahit anong panghimagas o desserts kaya naisip niyang magkaroon ng online shop para dito, ang You and Me Pastries and Desserts. Sa loob ng ilang buwan nilang pagsasama bilang mag-asawa, mas lalo nilang nakilala nang lubusan ang isa't isa. Ang kanilang simpleng pang-araw-araw na gawain mula sa paliligo, pagkain at iba pa. Ang paghilik ni Yuan sa tuwing pagod galing sa trabaho nito. Ang lagi niyang paggamit ng kamay upang kumain kaysa sa mga kubyertos.  May mga gawain o bagay na rin silang ginawa nang magkasama. Paliligo, paggawa ng gawaing-bahay, pamimili ng mga pangangailangan. Ang pagbunot niya sa bigote at balbas ni Yuan at pagbunot naman nito ng buhok sa kili-kili niya. Magkasama rin nilang pinagplanuhan ang kanilang kinabukasan. Gusto ni Yuan na magkaroon sila ng sariling bahay at lupa kaya nag-housing-loan ito sa Pagibig Fund, na babayaran nito sa loob ng dalawampung taon. "Sana ligtas ko silang maipanganak." Nasa kolehiyo pa lamang siya noon nang malaman niyang mayroon pala siyang sakit na tinatawag na Polycystic Ovary Syndrome o PCOS. Ito ang pagkakaroon ng maliliit na cyst sa kanyang obaryo kaya higit sa normal na androgen o male hormones ang nagagawa nito. Ito ang dahilan kung bakit irregular ang menstruation niya kaya nahihirapan din siyang magbuntis. Bago ang kanilang kasal ay inamin niya kay Yuan ang kanyang kalagayan. Noong una ay natakot din ito gaya niya kaya naisip na lamang nilang mag-ampon. Subalit nagbago ang desisyon nito nang hilingin niyang sumubok pa rin silang magkaanak. Kaya ipinagpatuloy niya ang pag-inom ng mga gamot na inireseta ng isang OB-Gyne upang maging maayos na ang kanyang menstruation. Makalipas ang isa't kalahating taong pagsubok na magkaroon ng anak ay naisip nila na muling sumangguni sa isang espesyalista. Ayon sa OB-Gyne niyang si Dra. Joan Ramirez, mas lalong lumala ang kanyang PCOS kaya mas delikado na kung mabubuntis siya. Kung sakali mang mabuntis siya ay kailangang ingatan ang kalagayan nilang mag-ina. "Muli ang akong nagpasalamat sa Kanya." Hindi pa rin sila nawalan ng pag-asa na magkaroon ng anak. Hanggang sa isang espesyal na regalo ang ipinagkaloob ng Diyos sa kanilang mag-asawa nang sumapit ang ikadalawampu't pito niyang kaarawan noong June 08, 2017.  Hindi nila maipaliwanag ang naramdaman nilang kaligayahan nang mga panahong iyon. Agad silang nagpakonsulta sa kanyang OB-Gyne upang mapaghandaan ang pagbubuntis niya. Buong puso silang nagpasalamat sa Diyos dahil sa biyaya nito na hindi lang pala isa kundi dalawang sanggol. "Gumising ka na, hon dahil malapit nang lumabas sina Yuan Orpheus at Margarette Eiris." Mula nang malaman nilang kambal ang kanilang magiging anak ay mas lalo nilang iningatan ang kanyang pagbubuntis. Pansamantala niyang ihininto ang kanyang negosyo upang hindi na mapagod pa. Pinatira na rin nila sa bahay ang ina ni Yuan upang may mag-alaga sa kanya kapag nasa trabaho ito. Mas lalo ring naging masipag sa pagtatrabaho si Yuan upang matustusan ang kanilang mga gastusin. Minsan, sa sobrang pagod ay nakakatulog na agad ito kahit katatapos lang nilang kumain ng hapunan. Lagi na rin itong nag-o-overtime at hindi na nagde-day-off pa. Minsan nang magkasakit ito ay hindi pa rin nagpaawat sa pagsusulat upang makatapos ng ilang nobela na ipinapasa nito sa iba't ibang publikasyon. Matinding pag-alala naman ang nararamdaman niya dahil sa ginagawang pagtatrabaho ni Yuan kaya paminsan-minsan niya rin itong pinapagalitan at pinagpapahinga kahit isang araw man lang. Hanggang sa tuluyan na ngang bumigay ang katawan ni Yuan dahil sa sobrang pagod. Tatlong araw bago sumapit ang Pasko, naaksidente ito sa trabaho. Ayon sa supervisor nitong si Sir Youjin Soriano, nahilo ang kanyang asawa kaya nahulog ito sa hagdanan. Agad siyang sumugod sa ospital na pinagdalhan dito kahit pa nahihirapan na siyang maglakad dahil sa bigat ng kanyang tiyan. Ayon sa doktor, nagkaroon nang pamumuo ng dugo sa utak ni Yuan dahil sa lakas ng pagkakabagok ng ulo nito, na naging sanhi ng pagka-comatosed nito. Halos masaid ang kanyang mga luha dahil sa pag-iyak habang paulit-paulit na nanalangin sa Diyos na iligtas ang kanyang asawa. Hindi niya kakayanin kung mawawala ito sa kanyang piling. Kahit paano ay gumaan ang kalooban niya dahil sa pagdamay ng kanyang mga kapamilya. Matagal na siyang pinatawad ng kanyang mga magulang at naghihintay lamang ang mga ito ng tamang panahon na magkausap sila. Halos dalawang buwan nang comatosed si Yuan. Ipinagtapat sa kanya ng mga doktor na may posibilidad na hindi na ito magising pa. May ibang nagpayo na tanggapin na lamang niya ang kahihinatnan nito, na hinding-hindi niya kakayaning gawin. "Hinding-hindi ko hahayaang mawala ka sa aming buhay. Kahit gaano pa katagal, maghihintay kami sa paggising mo." Hindi pa niya isusuko si Yuan dahil naniniwala siyang ibabalik ito ng Diyos sa kanilang pamilya. MARAHAN niyang inilapag ang librong His Last Smile dahil hindi niya natapos ang pagbabasa rito. Muli na naman siya nilamon nang pighati dahil sa kalagayan ng kanyang asawa. "Sana sa oras na maisilang ang ating mga anak, magkasama natin silang yayakapin," pagsusumamo niya habang mahigpit na hawak ang kamay ni Yuan. I love you for a lifetime, My One and Only, Margarette. Tila naulinigan niya ang boses ng kanyang asawa kasabay ang pagdampi ng malamig na hangin sa kanyang batok. "I love you too for a lifetime, My One and Only---." Nanlaki ang kanyang mga mata nang mapansin niyang nanginginig ang katawan ng kanyang asawa, "Ano'ng nangyayari sa 'yo, Yuan?!" sigaw niya nang makita ang unti-unting pagbagal ng t***k ng puso nito. Isang lalaking nurse ang agad na pumasok sa kuwartong iyon nang marinig nito ang kanyang pagsigaw. Mabilis din nitong tinawag ang doktor dahil sa matinding pagbabago sa kalagayan ng kanyang asawa. "Misis, kailangan n'yo pong lumabas," pakiusap sa kanya ng isang babaeng nurse pero hindi siya natinag sa kanyang kinatatayuan. 'Wag kang susuko, Yuan. Please, 'wag mo kaming iiwan, pagsusumamo niya sa kanyang asawa. Ayaw niyang iwanan si Yuan dahil baka iyon na ang huling pagkakataon na masisilayan niya ito. "Please, iligtas n'yo po ang asa---" Hindi na niya naituloy pa ang kanyang sasabihin nang mararamdaman niyang humihilab na ang tiyan niya. "M-manganganak na ako." Agad siyang binuhat ng lalaking nurse at maingat na ihiniga sa isang strecher. Lord, iligtas N'yo ang aking asawa, taimtim pa niyang panalangin bago siya tuluyang nawalan ng malay. "HON, gumising ka na." Unti-unting iminulat ni Margarette ang kanyang mga mata nang maulinigan niya ang malambing na boses ni Yuan. Tila tuluyang napawi ang paghihirap niya sa panganganak nang makita niya ang matingkad nitong ngiti habang karga nito sa magkabilang bisig sina Yuan Orpheus at Margarette Eiris. "Lord, maraming salamat po dahil binuo N'yo ang aming pamilya," aniya na unti-unti na namang nangingilid ang mga luha dahil sa sobrang kaligayahan. "'Wag ka nang malungkot, hon," pang-aalo sa kanya ni Yuan saka nito isa-isang inilapit ang kanilang mga anak.  Mariin niyang hinalikan ang noo mga ito. "Mamahalin namin kayo nang higit pa sa aming mga sarili," pangako pa niya. "Hinding-hindi ko kayo pababayaan," ani Yuan saka mariing hinalikan ang kanyang noo. Ipinikit pa niya ang kanyang mga mata at naramdaman niya ang paghalik nito sa kanyang mga labi. "I love you for a lifetime, My One and Only, Maragarette Eyo. Ikaw lang ang aking mamahalin hanggang sa aking huling hininga." "I love----Yuan?" Hindi na niya naituloy ang kanyang sasabihin nang mapansin niyang wala na ito sa harapan niya. Iniwan na lamang nito ang kanilang mga anak na nahiga sa kanyang mga hita. "YUAN!" Basang-basa na ng masaganang luha ang mga mata ni Margarette nang siya ay muling magkamalay. Agad niyang hinanap ang kanyang asawa pero hindi niya ito nakita. Pawang ang mga kapamilya lamang nila ang naroon at nag-aalalang nakatingin sa kanya. "Nasa'n si Yuan? Ang mga anak namin?" sunod-sunod niyang tanong habang pinapahid ang kanyang mga luha. "Marga, huminahon ka muna. Baka sumama uli ang kalagayan mo," pang-aalo ng kanyang inang si Delilah.  May kakaiba siyang nararamdaman kaya hindi niya ito pinakinggan at nagpumilit na bumangon sa kama. "Gusto kong makita ang asawa't mga anak ko. Samahan n'yo 'ko sa kanila," pakiusap niya sa kanyang ina. Hindi ito agad sumagot at binalingan ng tingin ang kanyang amang si Samson at ang mga magulang ni Yuan. "Mas lalo pong sasama ang pakiramdam ko kung hindi ko sila makikita," giit niya. Nilapitan siya ng biyenan niyang si Juliet at mahigpit na hinawakan ang kanyang kanang kamay.  Ano bang nangyayari? Sabihin n'yo sa akin ang totoo, pipi niyang sigaw sapagkat mas lalo pang kumabog ang dibdib niya dahil napansin niya ang pamumutawi ng kalungkutan sa mukha ng kanilang buong pamilya. "Gusto ko pong malaman ang totoo," giit niya at muli na namang umiyak. "Habang ipinapanganak mo ang kambal, tumaas ang presyon ng dugo mo," paunang pahayag ng kanyang ina, "Pero sa awa ng Diyos, kahit nag-aagaw-buhay ka na noon ay ligtas mo pa rin silang nailuwal makalipas ang mahigit dalawang oras na pagle-labor," paliwanag ng kanyang ina. "Puwede ko po ba silang makita?"  Marahang itong tumango matapos balingan ng tingin ang kanyang ama at mga biyenan. "Sige, dadalhin namin sila rito mamaya." Kahit paano ay napanatag ang kanyang loob na malamang ligtas niyang naipanganak sina Yuan Orpheus at Margarette Eiris. Buong-puso siyang nagpasalamat sa Diyos dahil sa pagliligtas Niya sa kanilang mag-iina. Ibig sabihin, iniligtas rin kaya Niya si Yuan? "Gising na po ba si Yuan?" "Anak, alam ko kung gaano ka kamahal ni Yuan kaya ayaw ka rin naming masak---" Hindi siya diretsahang sinagot ng biyenan niyang si Juliet kaya muli siyang napahagulgol ng iyak. Hindi na niya pinatapos pa ang sasabihin nito dahil nararamdaman na niya ang ibig nitong sabihin. Hindi na siya nakapagsalita pa dahil sa tuluyang pagguho ng kanyang mundo. Paano niya tatanggapin ang katotohanang iniwan na sila ni Yuan? Paano niya ipagpapatuloy ang kanyang buhay kung wala na ang kalahati ng puso't kaluluwa niya? Paano niya mapapalaki nang maayos ang kanilang mga anak kung wala na siya katuwang upang gawin iyon? "Marga, magpakatatag ka para sa inyong mga anak," pang-aalo pa ng kanyang ina habang marahang hinahaplos ang likod niya, "Hindi na mahihirapan pa si Yuan kaya dapat tanggapin natin ang pagkawala niya." Halos sabay-sabay na ring napaiyak ang kanyang mga kapamilya na kanina pa pilit na nagpapakatatag para sa kanya. Mahigpit siyang niyakap ng mga magulang ni Yuan. "Alam kong masaya na rin ang aming anak ngayon dahil iniligtas ng Diyos ang kanyang mag-ina," paliwanag pa ng biyenan niyang si Juliet. "Nandito pa rin kami para sa inyo, Marga. Hinding-hindi namin kayo pababayaan," dagdag pa ng ama nitong si Romeo. Sana hindi Mo na lang ako binuhay kung kukunin Mo rin pala ang asawa ko, panunumbat niya sa Diyos dahil sa sobrang sama ng loob. "Ate Marga, may gusto sana kaming ibigay sa 'yo," ani Elizabeth kaya agad siyang napatingin dito. Isang brown envelope ang inilapag nito sa kanyang mga hita. "Anak, kagabi ay napanaginipan ko si Yuan at sinabi niyang pumunta ako sa kuwarto n'yo para kunin ang regalong iniwan niya para sa 'yo. Ginawa ko ang iniutos niya at nakuha ko nga 'yan sa ilalim ng kama ninyong mag-asawa," paliwanag pa ng biyenan niyang si Juliet. Agad niyang binuksan ang nasabing envelope at nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niya, na isang makapal na libro ang laman niyon. Larawan nilang mag-asawa ang nasa pabalat ng libro na may titulong Pages Of Our Memories. Nanginginig niyang binuklat ang una nitong pahina. To My One and Only, Margarette, Hinding-hindi ko malilimutan ang mga alaala ng ating pagmamahalan kaya naisip kong isulat iyon upang mabasa rin ng ating magiging mga anak, hanggang sa ating magiging mga apo. Alam kong hinding-hindi ko ito matatapos dahil wala ring katapusan ang ating pagmamahalan. Kaya siguradong magkakaroon pa nang mas makapal na librong pagsusulatan ko ng ating mga alaala. Ito ang naisip kong iregalo sa 'yo sa oras na maisilang mo sina Yuan Orpheus at Margarette Eiris. "Yuan, hinding-hindi ko rin makalilimutan ang ating mga alaala," aniya sa pagitan ng ilang paghikbi habang dahan-dahan niyang binubuklat ang mga sumunod na pahina na pawang sulat-kamay lamang ni Yuan. Mapait siyang napangiti nang maisip niya kung paano isinulat iyon ng kanyang asawa? Kahit kailan ay hindi niya nakita ang librong iyon sa kanilang bahay kaya posibleng sa trabaho nito ginagawa ang pagsusulat doon. Mas lalo pa siyang napaiyak nang mabasa ang nilalaman ng pinakahuling pahina nito. Hon, sorry kung naglihim ako sa 'yo... Gusto ko sanang matapos agad ang pagbabayad sa ating lupa't bahay kaya naisip kong mag-ipon nang hindi ipinapaalam sa 'yo. Isang savings account ang binuksan ko sa BDO. Ang ATM card ay nakaipit sa likod ng librong ito. S'yempre ang PIN Code ay ang ating anniversary: 02-08-14. Agad niyang kinuha ang nasabing ATM sa loob ng envelope. Sa ngayon ay nasa P188,80.86 na ang laman ng savings account na iyon.  Paano ko nga ba nakuha ang perang 'yon? Naaalala mo pa ba noong sabihin mo sa aking natuwa ka nang mabasa mo ang Paano Ba Magmahal Nang Hindi Ka Masasaktan? na isinulat ni Mr. Youso? Napangiti pa nga ako nang mapansin mong pareho kami ng writing voice. Tama ka nang hinala. Ang totoo ay isa ako sa tatlong ghostwriter na kumakatawan kay Mr. Youso. Sa labintatlong libro nailathala mula taong 2011, ako ang sumulat ng ikapito hanggang sa ikalabintatlo. Tatlo sa mga iyon ay non-fiction at dalawa pa ay mga kuwentong kababalaghan. Kanino Ka Kakampi?, Labintatlong Pagpapatiwakal, Sino Ang Nasa Dako Paroon?, Misteryo Ng Kahapon, at ang Paano Ba Magmahal Nang Hindi Ka Masasaktan?. Bahagya siyang napangiti nang maalala niya ang kakaibang pagngiti ni Yuan noon habang pinag-uusapan nila ang librong Paano Ba Magmahal Nang Hindi Ka Masasaktan?. "Kaya pala nagustuhan ko agad ang librong 'yon." Mula nang matapos ang dalawang taong kontrata ko sa Maharlika Publication, naisip kong magpasa ng ibang akda sa Bahaghari Publication. Nang pumasa sa panlasa ng management ang Kanino Ka Kakampi?, inalok nila ako na maging isa sa mga ghostwriter ni Mr. Youso. Pinag-isipan kong mabuti ang alok ng Bahaghari Publication. Sa huli ay pumayag na rin ako dahil sa plano kong mag-ipon para sa kinabukasan ng ating pamilya. Tinanggap ko ang pagiging ghostwriter dahil alam kong mas maibabahagi ko ang mga bagay na gusto kong iparating sa mga mambabasa. Sa kabila nito, naging freelance writer pa rin ako sa Maharlika Publication at iba pang publication sa bansa gaya ng alam mo. Dalawang buwan mula ngayon, kasabay ng ikatlo nating anibersaryo, at posibleng pagsilang ng ating mga anak, ilalathala ng Maharlika Publication ang kuwento ng ating pagmamahalan --- ang Pages Of Our Memories. Ipinasa ko iyon sa kanila upang maibahagi rin natin sa ibang tao ang ating walang hanggang pagmamahalan. S'yempre, wala ring wakas ang librong iyon dahil hinding-hindi magwawakas ang ating pagmamahalan. PS. Gusto kong ibigay sa 'yo ang nailathala kong mga libro bilang Mr. Youso, na pinirmahan ko na rin. Isama pa ang iba pa niyang libro, na pinirmahan na rin ng iba pang ghostwriter. Sa ngayon ay nakatago ito sa locker ko, na ibibigay ko sa 'yo sa tamang panahon. "Hindi mo talaga kami pababayaan. Maraming-maraming salamat sa pagsasakripisyo mo para sa ating pamilya," aniya habang mahigpit na yakap ang librong iyon. Hinalikan pa niya iyon nang mariin bago muling nagsalita, "Gusto ko nang makita ang asawa ko." MAHIGPIT na niyakap ni Margarette ang katawan ni Yuan nang mabuksan ang kabaong nito. "Maraming-maraming salamat sa pagmamahal, pagpapahalaga at pag-aalaga. Pangako, ikaw lamang ang mamahalin ko hanggang sa aking mga huling hininga," malambing pa niyang bulong sa kanyang asawa. Ilang araw na ang nakalilipas mula nang mamatay ito pero nahihirapan pa rin siyang tanggapin ang pagkawala nito. Halos araw-araw siyang umiiyak upang kahit paano ay mabawasan ang sakit na kanyang nararamdaman. Minsan ay nakakatulugan na niya ang pag-iyak kaya ilang beses na rin siyang dinalaw nito sa mga panaginip niya. "Hinding-hindi kita makalilimutan," aniya matapos niyang iipit sa mga kamay ni Yuan ang librong Pages Of Our Memories, na nailathala rin noong araw na mamatay ito. Sa ngayon ay nasa pangangalaga na niya ang mga librong isinulat ni Yuan bilang isang ghostwriter at ang iba pang pirmadong libro ni Mr. Youso. Nailipat na rin niya sa account number nilang mag-asawa ang perang nasa secret account nito. Ang kalahati ng halagang iyon ang ibabayad na niya agad para sa kanilang lupa't bahay. Ang kalahati pa ay gagamitin naman niya upang maipagpatuloy ang kanyang negosyo nang sa gayon ay tuluyan na rin niyang bayaran ang mga iyon. "Hinding-hindi ko rin pababayaan ang ating mga anak. Palalakihin ko sila na punong-puno ng pagmamahal at may pananampalataya sa Diyos." Alam niyang mahihirapan siya sa pag-aalaga sa kanilang mga anak pero gagawin niya ang lahat ng makakaya niya upang lumaki nang maayos ang mga ito. Handa siyang tumayo bilang ama at ina nina Yuan Orpheus at Margarette Eiris. Mariin pa niyang hinalikan ang mga labi ni Yuan sa huling pagkakataon.  Sana sa muli nating pagkikita, ang mainit mong mga bisig ang sasalubong sa akin. I love you for a lifetime, My One and Only, Yuan Oreo Umali. Wakas. 2020©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

MAGDALENA (SPG)

read
30.5K
bc

His Obsession

read
104.4K
bc

The Reborn Woman's Revenge: WET & WILD NIGHTS WITH MY NEW HUSBAND

read
176.7K
bc

The Ballerina's Downfall

read
81.6K
bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
96.3K
bc

The naive Secretary

read
69.8K
bc

TEMPTED CRUISE XI: A NIGHT OF LUST

read
29.2K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook