Sana nga
DIMITRI
NAGMAMADALI NIYANG PININDOT ang kabilang elevator. Nabwisit siya sa tagal nitong bumukas. Kapag talaga hindi niya naabutan si Beatrice ay ipasusunog niya ang buong hotel na ito. Halos masipa niya ito nang sa wakas ay bumukas na rin. Nagmamadali siyang pumasok sa loob at gigil na pinindot ang ground floor. Nang magsara na ay napasandal siya sa gilid at napasabunot ng buhok.
“Ahhh!!! No! No! She can’t leave me! f**k you, Dimitri! Damn you!” sisi niya sa sarili. Pinagsususuntok niya ang dingding ng elevator at doon binuhos ang lahat ng galit niya. Napahinga siya nang malalim at napalingon sa pinto ng elevator nang bumukas iyon, agad naman siyang lumabas.
Nilibot niya ang tingin sa buong paligid, baka hindi pa nakalalayo ang babae. Nang wala siyang makitang bakas ng dalaga ay agad siyang lumabas. Para siyang baliw na nilibot ang tingin sa labas.
“Sir, may problema po ba?” pukaw sa kanya ng isang guard ng hotel na humarang sa kanyang harap.
“Idiot! Umalis ka nga sa harap ko!” sigaw niya rito at hindi na ito pinansin uli. Tumakbo siya para alamin kung saan maaaring tumakbo si Beatrice.
“Boss, anong problema?” Napabaling ang tingin niya kay Oscar na palapit sa kanya. Halata rito ang pagkalito. Natitiyak niyang ito ang nagsama kay Beatrice kung nasaan siya ngayon. Sinapak niya ito sa mukha pagkalapit nito dahil sa sobrang galit niya.
“Damn you! Nasaan si Beatrice, ha?! Ikaw ba ang nagsama sa kanya rito?!” sigaw niya habang hawak ang kwelyo nito.
“Yes, Boss. Pero hindi ko pa nakikitang lumabas si Miss,” nahihintakutan nitong sabi.
Nagtiim-bagang siya. “Argh! Bwisit! Halika! Bilisan mo! Tiyak kong hindi pa siya nakakalayo. Humanda ka kapag hindi ko nakita si Beatrice. Ikaw ang mananagot sa akin,” mariin niyang banta rito at nagmadali nang sumakay sa dala nitong sasakyan. Babalikan na lang niya ang sasakyan niyang dinala.
Agad pinaharurot ni Oscar ang sasakyan paalis sa parking lot ng hotel. Nililibot niya ang tingin sa bawat madadaanan nila. Pero ni isang bakas nito ay wala siyang makita.
Napakuyom siya ng kamao at bumibigat ang hininga niya. Iniisip pa lang niyang iiwan siya ni Beatrice ay hindi na niya matanggap. Para siyang mababaliw kapag iniisip na hindi niya ito makakasama pauwi.
“Paano nalaman ni Beatrice kung nasaan ako, ha? Wala akong sinabihan ni isa sa inyo,” malamig niyang tanong sa tauhan.
Napalunok ito bago sumagot sa kanya. “Boss, hindi ko rin alam. Basta tinanong niya lang ako kung alam ko raw ba ang Hotel Trias. At sinabi niyang nandoon nga raw kayo.”
Nalilito siya, paano nito nalaman ang hotel at maging ang room number? Napaisip siya habang nagsisimula nang dumilim ang mukha niya. Tila alam na niya kung sino ang may kagagawan noon.
“Lintek kang babae ka! Babalikan kita pagkatapos kong mahanap ang reyna ko. Sisiguraduhin kong babaon sa lupa ang katawan mo!” galit niyang ani sa isip habang nakakuyom ang kanyang mga kamay.
NAKAUPO SIYA SA isang swivel chair sa isang basement na pagmamay-ari niya. Inaalog niya ang kopika na hawak habang humihithit ng sigarilyo. Nakatingin siya sa mga nakalapag na baril sa kanyang harap habang hinihintay ang kanyang bisita.
Bumukas ang pinto at pumasok doon ang mga tauhan niya. May bitbit ang mga ito na isang babae na nakagapos at nakapiring ang mga mata. Tinuklak ito pabagsak sa sahig.
“Mga hayop! Saan n’yo ako dinala, ha?!” nagsusumigaw nitong tanong habang nakaluhod sa sahig. Sinenyasan niya si Oscar na tanggalin ang piring sa mga mata nito. Pagkatanggal ni Oscar ay gulat na napatingin sa kanya ang babae habang siya ay malamig at galit na nakatingin dito.
“Kung mahal mo pa ang buhay mo, magsalita ka sa nalalaman mo,” malamig niyang banta rito habang pinapatay sa ashtray ang sigarilyong hawak niya. Hindi ito nagpatinag sa kanya. Tumapang ang mukha nito at saka ngumisi.
“Bakit? Hindi ka ba nag-enjoy sa performance ko, Mr. Ford?” sarkastikong sabi nito. Wala siyang ipinakitang reaksyon sa sinabi nito.
“Hmm . . . nag-enjoy? Para ka lang s**o kung sumipsip. Nakakasuka,” sabi niya rito. Tila napikon ito sa sinabi niya base pa lang sa pagpula ng mukha nito. Pero hindi talaga ito nagpatalo.
Humalakhak ito at inilingan siya. “Iniwan ka na ba ng babae mo? O mas tamang sabihing . . . kapatid mo?”
Gusto niyang pilipitin ang leeg nito pero hindi niya pinahalatang apektado siya sa sinabi nito. Ngumisi siya pabalik na kinasalubong ng mga kilay nito. Binitiwan niya ang alak na hawak sa table at tumayo. Lumapit siya sa isa sa mga baril na nakalatag sa kanyang harapan. Kinuha niya ang isang baril na lagi niyang ginagamit.
“Paano kaya kung ikaw ang iwan, Ms. Reyes? Makakaya mo kaya?” tanong niya rito habang hinihimas ang baril.
Tumawa ito na tila hindi makapaniwala sa sinabi niya.
“Nagpapatawa ka ba? Paano ako iiwan kung wala na akong pamilya? Kaya kahit ano pang panakot mo, kahit patayin mo pa ako, wala kang makukuha sa akin. Hindi ako takot mamatay. Pwera na lang kung gusto mo akong maging babae mo. Papayag ako. Masarap naman akong magpaligaya sa kama, kaysa sa babae mo,” mahabang lintaya nito. Hindi niya mapigilang ngumisi.
“Ms. Reyes, masyado ka namang bilib sa sarili mo. Alam mo ba ’yong kasabihang, ‘Kahit magsuot ka pa ng mamahalin at sexy na kasuotan, hindi pa rin nito maitatago ang umaalingasaw mong baho.’ I think, ikaw ang tinutukoy ng katagang ’yon.” Dahil sa sinabi niya ay nanlisik ang mga mata nito.
“Mayabang ka, Mr. Ford. Pero mahina ka dahil hindi mo man lang alam na nasa paligid lang ang kalaban mo.”
Biglang nagdilim ang kanyang anyo kaya ngumisi ito sa kanya. Pero sinuklian niya ito ng demonyong ngiti na kinawala ng ngisi nito. Sinenyasan niya sina Oscar na ilabas na ang isa pang pain.
“Tumingin ka sa taas, Ms. Reyes,” utos niya rito. Inangat nito ang paningin. Nakita niya kung paano nagbago ang kulay ng mukha nito. Namutla ito sa takot at nanginig dahil sa nakita.
“Hayop ka! Pakawalan n’yo ang anak ko! Huwag n’yo siyang idamay rito!” naghi-hysterical nitong sabi. Balak sana nitong tumayo pero pinigilan ito ni Oscar at sinabunutan.
Naupo siya uli sa swivel chair at sinimsim ang alak na hindi pa niya nauubos. Dinig sa buong basement ang hiyaw nito sa tonong galit at pagmamakaawa na huwag idamay ang anak. Pero sa mga oras na iyon ay wala siyang makapang awa para dito. Galit ang nararamdaman niya at pagkaulila. Nagagalit siya dahil hinayaan niyang manipulahin siya nito. Hindi niya man lang niya nahulaang may gagawin ito sa kanya.
“HALIKA, PUMASOK KA,” aya nito nang pagbuksan siya ng pinto ng unit nito. Napansin niyang masyadong revealing ang suot nito. Ngumisi lang siya dahil masyado itong trying hard na akitin siya. Sumunod siyang pumasok sa loob. Nilibot niya ang tingin dahil baka isa ito sa mga kasabwat ng kalaban niya. Nang wala siyang makitang kahina-hinala ay tumuloy siya papasok.
Nakita niyang naupo ito sa sofa habang may sinasaling wine sa baso.
“Sino ’yong tinutukoy mong King?” mariin niyang tanong dito. Ngumiti ito at tumayo habang may bitbit na dalawang basong may lamang wine. Lumapit ito sa kanya at inabot ang baso. Kumunot ang noo niya at hindi iyon tinanggap.
Ngumiti ito na tila nahulaan nito kung bakit hindi niya iyon tinanggap. “Don’t worry, walang lason ’yan. Nakita mong sinalinan ko ito sa harap mo, hindi ba?”
Kinuha niya ito at inamoy muna. Iba na ang nag-iingat. Tumalikod ito sa kanya at lumapit uli sa sofa.
“Maupo ka muna rito. Kukunin ko lang ang sinasabi kong ebidensya sa ’yo,” sabi nito at nilapag ang iniinom nitong wine sa table. Tumalikod ito at pumasok sa isang kwarto.
Napahinga siya nang malalim at lumapit siya sa sofa para maupo. Sinimsim niya ang wine na inabot nito. Kinapa niya ang bulsa para kunin ang cellphone niya pero hindi pala niya iyon nadala. Halos mapamura siya nang maalalang nailapag niya iyon sa side table ng kwarto nila.
Nilagok niya ang wine dahil sa pagkabanas. Napatingin siya sa relo nang mapansing napakatagal lumabas ng babae. Balak sana niyang tumayo ngunit napahawak siya sa sentido nang sumakit iyon at bigla na lang siyang nahilo. Napaupo siya at sinandal ang ulo sa sandalan ng sofa at pumikit. Napamura siya sa isip nang mahulaang may nilagay ang babaeng iyon sa ininom niyang wine. Para siyang kinukulbusyon dahil sa init ng katawan niya. Hanggang sa may naramdaman siyang kamay na humahaplos sa kanyang braso. Napadilat siya at nilingon ito. Hindi niya alam kung nag-iilusyon lang ba siya, pero si Beatrice ang kanyang nakikita. Ngumisi ito habang pinagagapang ang mga kamay sa kanyang katawan.
“s**t! BOSS, MAY parak!” Nagbalik siya sa kasalukuyan nang marinig ang sigaw ni Wallex. Napatayo siya nang marinig ang wangwang ng pulis.
Napataas siya ng mga kamay nang magpasukan ang mga pulis. Nakatutok ang baril ng mga ito sa kanya. Nagtiim-bagang siya habang nakatingin kay Reyes. Pinosasan siya at kinaladkad, ganoon din ang ginawa sa mga tauhan niya.
BEATRICE
YOU CAN’T LIVE without me, Babe. You are mine. My property. My obssession. You can’t escape from me.”
Hingal na hingal na napabangon siya ng higa nang makita niya sa isip ang pagbabanta ng kuya niya. Pero napahawak siya sa ulo niya nang sumakit iyon.
“Ayos ka lang, hija?” Napaangat siya ng tingin at napadako iyon sa pinto. Nang mapansin niyang kakaiba ang nakikita niya sa kanyang harapan, noon niya lang napagtantong hindi siya pamilyar sa kanyang kinaroroonan.
“Kayo po?” gulat niyang bulalas. Ngumiti ito at sinara ang pinto. May hawak itong tungkod habang mabagal na naglalakad palapit sa kanya. Umayos siya ng upo sa kamang pinaghigaan niya dahil nahiya siya bigla rito.
“Ako nga, hija. Ayos na ba ang pakiramdam mo?” nag-aalala nitong tanong at naupo sa paanan ng kama paharap sa kanya. Ngumiti siya rito at tumango.
“Sumakit lang ho ang ulo ko paggising ko,” aniya.
“Bakit ka ba nasa kalsada at umiiyak, hija? Kamuntikan ka na tuloy masagasaan kung hindi lang nakapagpreno agad ang driver ko,” tanong nito na may halong pag-aalala sa boses.
Nagbaba siya ng tingin nang maalala ang mga nangyari. Kinurot niya ang kamay para pigilan ang emosyon. Para kasing anumang oras ay babagsak na ang kanyang mga luha. Ayaw niya iyong ipakita sa matanda dahil ayaw niyang kaawaan siya nito.
Naramdaman niya ang pagtayo nito at lumapit sa kanya bago naupo sa kanyang gilid. Hinaplos nito ang buhok niya na tila dinadamayan siya.
“May nanakit ba sa ’yo, hija? Sabihin mo sa akin. Huwag kang mahiya,” mahinahon nitong sabi. Pasimple niyang pinahid ang luhang nangilid sa kanyang mga mata. Nag-angat siya ng tingin at ngumiti siya rito dahil sa kabaitan nito.
“Ayoko na pong alalahanin ’yon. Gusto ko na lang hong kalimutan ang lahat,” wika niya.
Napahinga ito nang malalim at niyakap siya na kinagulat niya. Naramdaman niya ang pagkabasa ng balikat niya at naunawaan na niya kung bakit. Umiiyak ito at hindi niya alam kung ano ang dahilan.
“Bakit po?” mahina niyang tanong at yumakap pabalik upang pakalmahin ito. Hindi niya maipaliwanag kung bakit parang nahihirapan din siya dahil sa bigat na nararamdaman nito. Para bang matagal na niyang hinahanap ang init ng yakap nito.
“I’m sorry. Sorry. Sana ay mapatawad mo pa ako,” sabi nito na kinalito niya.
Humiwalay siya ng yakap dito at naguguluhan siyang tumingin sa matanda. “Bakit po kayo nagso-sorry sa akin?” naguguluhan niyang tanong.
Nagbaba ito ng tingin at hinawakan nito ang kanyang mga kamay.
“May pangyayari sa buhay ko at sa aking panganay na anak na pinagsisisihan ko,” panimula nito. Tila nais nitong magkwento kaya hinintay niya na lamang ang sasabihin nito. “Na-in love ang aking anak sa isang binatang nakatira lamang sa isang squatter area. Madalas tumatakas ang aking anak sa kanyang bodyguard upang makipagkita sa binatang ’yon. Kaya ginawa ko ang lahat ng paraan para mapaghiwalay sila. Ninais kong ipadala ang aking anak sa ibang bansa upang malayo ito sa binata. Ngunit naging matigas ang ulo ng aking anak at tumakas siya sa poder ko. Nalaman kong sumama ito sa binata at nagtanan sila. Galit na galit ako noong panahong ’yon. Dahil mas pinili ng aking anak ang lalaking ’yon kaysa sa aming pamilya niya. Pinahanap ko sila at gumawa ako ng paraan para pahirapan sila.”
Naguguluhan man kung bakit ikinukwento ito ng matanda ay nakinig pa rin siya.
“Pero isang araw, umuwi ang mga ito at humarap sila sa akin ng harapan. Noong panahong ’yon ay buntis na ang aking anak. Wala akong nagawa dahil nandoon na. Pero hindi naging maganda ang pakikitungo ko sa binata. Pinahirapan ko ito na lingid sa kaalaman ng aking anak. Hanggang sa manganak ang aking anak ng isang batang babae na parang isang anghel.” Napangiti ito habang hinahaplos ang kanyang mukha.
“Kaya naman naisip kong itigil na ang pagpapahirap sa binata at tanggapin na ito, dahil ito na ang pinili ng aking anak. Akala ko ay magiging masaya ang aking anak sa lalaking ’yon. Hanggang sa nalaman kong nambabae pala ito na lingid sa kaalaman ng aking anak. Pinahanap ko ito sa aking tauhan. Binigyan ko ito ng leksyon. Dahil kahit sino man sa anak ko ay hindi ko hahayaang saktan ng kung sino man. Pero nagalit sa akin ang aking anak nang marinig nito ang pinag-usapan namin ng kapatid niyang si Olive. Akala niya ay ako ang nagpapatay sa lalaking ’yon. Galit na galit siya sa akin at ako ang sinisisi niya kung bakit namatay ang lalaking ’yon,” pagpapatuloy nito sa mahabang kwento nito.
Huminto ito saglit at bumagsak ang luha nito nang tumingin sa kanya.
“Pwede ko po bang itanong kung bakit n’yo kinukwento ang lahat ng ito?” magalang at naguguluhan niyang tanong. Humigpit ang kapit nito sa kamay niya na tila nahihirapang sagutin ang kanyang tanong.
Huminga muna ito nang malalim at pinikit ang mga mata. Pagkaraan ay dumilat din ito at tumingin sa kanya na may pagsusumamo.
“Dahil ikaw ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan. Ikaw na nawalay sa amin sa mahabang panahon,” sagot nito. Parang hindi maproseso sa kanyang isipan ang mga sinabi nito. Bumubuka ang bibig niya ngunit wala siyang mahagilap na salita. Tumulo ang luha niya sa hindi malamang dahilan.
“Apo, patawarin mo ako kung ngayon lamang kita nahanap. Patawarin mo ako,” nagsusumamo nitong sabi at yumakap sa kanya nang mahigpit. Matagal bago sila nagyakapan at matagal bago natanggap ng kanyang isipan ang lahat ng sinabi nito.
“Nasaan na po ang aking ina? Gusto ko siyang makilala, Lolo,” mahina niyang tanong habang humahagulgol na nakayakap dito. Kumalas ito ng yakap sa kanya at malungkot itong tumingin sa kanya. Sa pag-iling pa lang nito ay naunawaan na niya.
“Wala na siya. Wala na ang ’yong ina. Naaksidente siya habang kasama ka. Patungo sana ’yon sa bahay ng ’yong ama. Hanggang sa may makasalubong daw kayong malaking truck na walang preno, kaya niliko ’yon ng mama moa ng sinasakyan n’yo at bumangga sa puno. Nalaman na lang namin kinaumagahan ang balita. Namatay ang ’yong ina pero ikaw ay hindi na namin nakita pa,” paliwanag nito habang may umaagos na luha sa mga mata.
Napahagulgol siya sa nalaman. Pareho palang wala na ang kanyang tunay na magulang. Hindi man lang siya pinahintulutan ng tadhanang makapiling ang mga ito. Kahit na may tinuring siyang magulang ay iba pa rin iyong makilala at makapiling mo ang tunay mong pamilya. Pero wala na pala siyang chance na makapiling ang mga ito.
Napatingin sila sa pintuan nang bumukas iyon. Pumasok ang isang lalaki na siguro ay nasa 20s pa lang. Nakasuot ito ng isang polong puti at may kurbatang itim. Tingin niya ay isa itong professional na tao.
Tumayo si Don Miguel na lolo pala niya. Hindi niya akalaing nasa paligid lang pala ang kadugo niya. Nagpahid siya ng luha at umayos ng upo. Nilagay niya ang mga paa sa sahig dahil masyado nang nakahihiya kung nakaupo lamang siya roon.
“Hija, siya nga pala si Dr. Fin Esquera. Siya ang tumingin ng kalagayan mo ngayon.”
Nagtaka naman siya sa sinabi nito. “Huh? Ano pong kalagayan ko?” May sakit ba siya?
Napahinga nang malalim ang lolo niya at tumingin kay Doctor Fin. May nilabas ito na isang papel at lumapit sa kanya.
“Here. This is the result of my test to your condition,” sabi nito at inabot sa kanya ang papel.
Tiningnan niya ito at binasa. Hindi niya alam kung totoo ba itong nakikita niya. Nanginginig siya sa takot at pagkabahala.
“Please, tell me, this is not true. This is not true,” paulit-ulit niyang sabi na tila hindi niya maintindihan ang lahat.
“Hija, it’s true,” sabi ni Don Miguel sa kanya at niyakap siya.
Hindi pa siya handa. Hindi niya alam kung kakayanin niya.
“Don’t worry, apo. Nandito lang ako. Hindi kita papabayaan hanggang sa nabubuhay pa ako. Makakaya mo ’yan,” pag-aalo sa kanya ni Don Miguel.
Sana nga. Sana nga ay makayanan niya.
Copyrights 2016 © MinieMendz
Book Version 2019