ILANG araw nang nagmumukmok si Zasha sa loob ng kanilang bahay.
Simula nang mawala ang kanyang ina, hindi na rin niya nagawang pumasok sa paaralan.
Araw't gabi siyang umiiyak at paulit-ulit na tinatawag ang kanyang ina. Ngunit hanggang sa makatulog na lang siya sa sobrang pagod, walang inang nagpakita sa kanya.
Patunay lamang na talagang wala na ang kanyang ina at mag-isa na lamang siya sa kanyang buhay.
Mas lalo siyang napapaiyak at hindi niya alam kung paano bubuhayin ang sarili nang walang inang kasa-kasama.
May ilang mababait rin namang kapit-bahay na nangungumusta sa kanya at ang iba pa nga, binibigyan pa siya nang kaunting pera upang may ipangbili ng kanyang makakain.
Ang kanyang mga kaibigan naman, madalas siyang pinupuntahan. Ngunit maliban sa kaunting pera na ibinibigay ng mga ito, wala na silang ibang maitulong sa kanya.
Gustuhin man daw nilang patirahin siya sa kanilang bahay, hindi naman daw pumayag ang kanilang mga magulang.
Ngunit wala rin naman siyang balak umalis sa bahay na ito kung saan nakasa-kasama niya ang kanyang ina.
Ang hirap lang at sa edad niyang labing anim na taong gulang mararanasan niyang mamuhay mag-isa.
Hindi na rin siya umaasang hahanapin siya nang kanyang ama. Lalo na't ilang araw na rin ang nakalilipas wala man lang siyang nababalitaan na may taong naghahanap sa kanya.
Wala rin siyang balak pumunta kung saan binigay ng kanyang ina ang address kung saan ito nakatira.
Natatakot siyang 'di siya nito tanggapin at ang malala pa baka itanggi siya nito at sabihing wala itong anak sa kanyang ina.
"I-inay..." hikbing bulong ni Zasha. "P-paano niyo 'ko nagawang iwan ng ganito.." buong pait siyang napaiyak.
Hindi man niya gustong maghinanakit sa sariling ina, hindi niya mapigilan. Labis lang siyang nasasaktan na hindi nito nagawang lumaban. Na para bang hindi nito inisip ang magiging kalagayan niya oras na maiwanan siya nito.
Walang nagawa si Zasha kun'di ang umiyak nang umiyak. Halos mugtong-mugto na ang kanyang mga mata.
Hanggang sa bigla siyang napaangat ng tingin nang makarinig ng sunod-sunod na katok.
Inayos niya ang sarili.
"Sino ho sila?"
"Magandang hapon, maam. Ikaw si Zasha Ellison, 'di ho ba?" tanong ng lalaking nasa harapan niya.
Bigla siyang napalunok. Wala sa sariling napatango siya sa harapan nito.
Nang bahagya itong yumukod sa kanyang harapan. Hanggang sa magalang itong nagpaalam sa kanya na may kakausapin lang daw ito sandali.
Naisipan niyang sumilip sa labas ng bahay.
At bigla siyang napalunok nang makita ang magarang sasakyan hanggang sa lumabas doon ang isang matikas na lalaki?
Biglang kumabog ang kanyang dibdib. Bakit parang kamukha niya yata ang lalaking ito?
Nang mapaawang ang kanyang mga labi kasabay ng pagtayuan nang balahibo sa kanyang braso.
Sunod-sunod siyang napalunok nang maisip na marahil ito ang kanyang itay?! At talagang hinanap siya nito?
Biglang namuo ang luha sa kanyang mga mata. Nangatal din ang kanyang katawan sa emosyong nararamdaman niya ng mga oras na iyon.
Napayuko siya kasabay nang pagpatak ng luha sa kanyang mga mata ng tumapat ito sa kanyang harapan.
"My princess.." basag ang tinig nito.
Para siyang tanga na biglang napahikbi sa harapan nito. Siguro nga lukso ng dugo at ramdam niyang ito nga ang kaniyang itay!
Hanggang sa walang salitang niyakap siya nito. Hindi na siya nahiyang mapahagulhol sa mga bisig nito.
Naramdaman rin ni Zasha ang pagyugyog nang balikat nito, tanda na umiiyak rin ito? Hindi nga siya makapaniwala!
"P-patawad, anak. Ngayon ko lang nalaman na may anak ako sa'yong ina. Hindi ko alam. Akala ko, iniwan niya ako dahil hindi niya ako totoong minahal. Ngunit nang mabasa ko ang sulat niya, halos madurog ang puso ko."
Humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya.
"Patawarin mo ako kung nahuli ako ng dating, anak. Hindi ko man lang nasilayan ang iyong ina bago ito namaalam. Patawad, anak. Kung nalaman ko kaagad kung saan kayo nakatira, sana buhay pa rin hanggang ngayon ang iyong ina." Suminghot-singhot ito. "Sana naipagamot ko siya nang maaga."
Lalo namang napaluha si Zasha. Hanggang sa hawakan nito ang magkabilaang pisngi niya.
"Ngayong nakita na kita, anak, kailangan mong sumama sa akin. Doon ka na titira sa bahay natin. Babawi ako sa lahat ng pagkukulang ko sa'yo, anak.." namumula ang mga mata nito tanda na pinipigilan lang nitong mapaiyak ng labis.
Hindi naman siya makakibo. Nang bigla nitong hagkan ang kanyang noo.
"Ang prinsesa ko.." bigla itong napaluha sa harapan niya. "Ang nag-iisang anak ko.." kita ni Zasha ang kasiyahan sa mga mata nito.
Ibig sabihin, totoo ngang siya lang ang tunay nitong anak? At ang asawa't mga anak nito ay hindi anak ng kanyang itay?
"Sumama ka sa akin, anak ha? Lahat ibibigay ko sa'yo. Makakapag-aral ka na rin sa magandang paaralan. Bibilhin ko lahat ng naisin mo, anak." Pinunasan pa nito ang luhang namamalisbis sa kanyang mukha.
Bigla siyang napayuko at mariing nakagat ang ibabang labi. Hindi siya makapag-desisyon at pakiramdam niya, iiwan niya ang kanyang ina sa bahay na ito?
Nang tumikhim ito na siyang ikinaangat niya nang tingin. Marahan itong ngumiti ngunit hindi ito umabot sa mga mata nito.
"Naiintindihan ko, anak. Bibigyan kita nang ilang araw, alam kong hindi mo basta-basta maiiwanan ang bahay na ito kung saan, nakasama mo ang iyong ina." Hinaplos nito ang kanyang mukha.
ORAS din ang inilagi ng kanyang itay. Nalaman niya ang buong kuwento nito nang kasama pa nito ang kanyang inay.
Buong akala pala nito, iniwan siya ng kanyang inay dahil hindi siya nito totoong minahal. Ngunit sa kabila no'n sinubukan pa rin niya itong hanapin, ngunit hindi niya ito mahanap-hanap.
Ang ipinagtataka ni Zasha ng sabihin nitong kaya ito, sumuko dahil may ipinadala sa kanyang litrato na may kasamang ibang lalaki ang kanyang inay? Na alam niyang 'di iyon gagawin ng kanyang ina!
Kaya raw hindi na nag-aksaya pa ng panahon ang kanyang itay ng makita ang litratong iyon dahil inisip nitong masaya na ang kanyang ina sa ibang lalake.
Ngunit laking gulat ng kanyang itay ng malaman niya ang buong katotohanan sa sulat ng kanyang ina. Na may gumawa no'n sa kanya ngunit hindi nito sinabi kung sino?
Laking pasalamat nga ni Zasha at naniwala ang kanyang itay na totoong anak siya nito?
Dahil ba kamukha siya nito?
Napakurap si Zasha ng hawakan nito ang kanyang kamay.
"Alam kong hindi gagawa ng ganoong bagay ang iyong ina, anak. At naniniwala ako sa kanya. Kaya nga, nang sabihin niya sa sulat na may anak ako sa kanya, kaagad akong naniwala. At nang makita kita, ramdam ko sa puso ko na anak nga kita." Hinawakan pa nito ang bandang dibdib nito.
Napalunok naman si Zasha.
"Bibigyan kita nang ilang araw, anak. Ngunit sa susunod kong pagpunta rito, aasahan ko na sasama ka na sa akin."
Walang nagawa si Zasha kun'di ang tumango sa kaniyang itay. Marami man siyang katanungan ngunit wala siyang lakas ng loob upang magtanong ng araw na iyon.
Naroon pa rin ang hiya at pag-aalinlangan niya.
KINABUKASAN
Nagulat siya ng may isang babae ang nasa labas ng kanyang bahay.
"Magandang umaga, Senorita Zasha. Pinadala ako ni Don Abier para alagaan ka."
Kumunot ang noo ni Zasha. Mukha ba siyang bata at kailangan pang alagaan? Hindi makapaniwalang napalunok siya sa harapan nito.
"Naku, hindi na ho ako bata para alagaan pa --"
Nang bahagya itong yumuko.
"Mali yata ang nasabi ko, Senorita. Ang ibig ko hong sabihin, narito ako upang pagsilbihan ka. Ako nang bahala sa lahat."
Nanatili akong nakatitig sa mukha ng matanda. Hanggang sa ngitian siya nito.
"Hayaan mong pagsilbihan kita, senorita. Ako nang magluluto, maglalaba at maglilinis ng bahay na ito. Ako na rin ang mamalengke at gagawa ng lahat."
Doon lang napagtanto ni Zasha ang ibig sabihin nito. Ngunit kaagad pa rin siyang umiling sa matanda.
"Kaya ko na ho ang lahat ng gawaing bahay. Kung maaari, bumalik na lamang kayo sa bahay --"
"Mawawalan ako ng trabaho oras na pabalikin niyo ako, Senorita Zasha. Kabilin-bilinan ng iyong ama na pagsilbihan kita habang naririto ka pa sa bahay na ito."
Awang ang labing natitigan ni Zasha ang matanda na bahagyang nakayuko. Doon niya rin napansin ang bitbit nitong maliit na bag.
"Labis na nag-aalala sa'yo ang iyong ama, senorita, kaya nais niyang matiyak na ligtas ka sa bahay na ito lalo na't nag-iisa ka lamang. Kaya hayaan mo sanang samahan kita at pagsilbihan," pakiusap pa nito sa kanya.
Sandaling hindi siya nakakibo. Nang bigla siya nitong tingnan sa mga mata.
"Sige ho, tuloy ho kayo."
Kahit ayaw niyang may kasamang ibang tao lalo na ang pagsilbihan, wala siyang magagawa at hindi niya nais na mawalan ito ng trabaho nang dahil sa kanya.
Lihim siyang nagpakawala ng buntong hininga.
Mukhang mayaman nga ang kanyang itay.