Hilo kong tinungo ang ilog habang napapalunok. Hindi ako makatingin kay Seatiel dahil pakiramdam ko, kapag tumingin ako sa kaniya at mahuli niya ang mga mata ko ay mababasa niya ang nasa isip ko.
Huli ko na nga naalala na hindi pala ako marunong lumangoy. Sinamahan niya na lang ako roon na isawsaw ang mga paa sa tubig. Tahimik lang kami hanggang sa dumating sina Margaret at umingay na ulit ang parteng ito ng ilog.
“Ang dalawang ito nagsosolo,” sabi ni Lara sabay iling-iling.
Walang sumagot sa amin ni Seatiel pero kitang-kita ko ang pagnguso ni Margaret.
“Tara, uminom na tayo,” yaya nila Marcus at inalalayan ang girls na umakyat sa batuhan. Inakbayan niya si Margaret na panay ang siko sa kaniya.
Gusto nitong lumapit kay Seatiel pero hindi naman siya pinapansin ng lalaki. Isa pa, kinukulit siya ni Marcus.
“Lauren, Seatiel, diyan lang kayo?” tanong nila Reign dahil naglalakad na sila pabalik doon sa damuhan kung saan nakalatag ang mga pagkain at alak. Kami na lang ni Seatiel ang naiwang nakaupo sa batuhan.
Ngumiti lang ako at saka tumayo na para sana sumunod. Nang makita ‘yon ni Reign ay sumunod na rin siya agad sa iba. Nilingon ko si Seatiel na tumayo na rin pero parang wala siyang balak na sumunod sa mga kasama namin.
“Dito ka lang?” tanong ko.
Hindi siya sumagot at ilang sandali pang nakatingin lang sa ‘kin. Nakita ko ang pagkuyom ng kaniyang panga na medyo ipinagtaka ko. He walked towards me, at saka ako inalalayan sa madulas na batuhan.
“Ayos na ang paa mo?” tanong niya. Malayo na sa amin si Reign at naroon na sa damuhan. Mabagal ang lakad naming dalawa.
“Tingin ko. Basta hindi masanggi o matamaan, tuloy-tuloy na sigurong gagaling,” sagot ko.
“Your hand?” tanong niyang ang tingin ay nalipat sa palad ko. Inangat ko ‘yon para tingnan. Napangiwi ako sa sugat ko. “Huwag ka nang uminom. Uuwi na tayo pagkatapos, gamutin natin ‘yang kamay mo,” saad niya na tinanguan ko na lang.
Pakiramdam ko, walang gagawin si Seatiel na ikapapahamak ko. Siguro iyon ang dahilan kaya ang bilis kong nagtiwala sa kaniya.
Nakarating na kami roon sa damuhan. Kumuha ako ng pagkain at naupo sa tabi. Pare-parehas kaming mga basa. Ang tatlong babae ay mga naka-bikini shorts at bralette. Tanging ako lang ang naka-dress pero dahil sa nipis nito ay kitang-kita ang panloob na suot ko, talagang panty at bra.
Panay tuloy ang hila ko sa dress palayo sa balat ko para hindi ito dumikit ngunit bumabalik din dahil nga basa.
Napansin ko ang pagtayo ni Seatiel para kumuha ng wine. May nakasabit na tuwalya sa kaniyang balikat. Nasa bandang side nina Margaret ang wine kaya kailangan niya pang tumayo dahil nakaharang ang basket. Pwede niya namang iutos iyon na iabot sa kaniya pero mas pinili niya pa ring tumayo.
Nang dumaan siya sa harap ko ay hinulog niya ang tuwalya. Hindi ko alam kung sinasadya niya bang sa ulo ko ‘yon ilagay kaya natakpan ang mukha ko. Halos mapanguso ako. Kinuha ko na lang ito at pinatong sa magkabilang balikat saka niyakap ang sarili.
Hindi ko nagawa ang sinabi ni Seatiel na huwag na akong uminom dahil panay ang pa-shot sa akin nina Margaret. Tuloy-tuloy at hindi nila ako tinitigilan. Hindi ko naman magawang tanggihan sila.
Tinamaan na ako nang kaunti sa wine kaya halos bagsak na ako nang painumin pa nila ako nang sunod-sunod. Napapabuntonghininga na lamang si Seatiel kada tanggap ko sa shot glass ngunit hindi siya sumisingit para pigilan ako o ang mga kasama namin.
Narinig ko siya isang beses na tigilan na nila Margaret ang pagbibigay ng tagay pero tumawa lang ang mga ito na may mga tama na rin.
Nang tuluyan nang dumilim ang buong paligid ay saka na kami tumigil at nagkayayaan na umuwi. Sumusuka pa si Margaret sa sobrang dami niyang nainom at inaalalayan siya ni Marcus.
“Ayos ka pa, darling?” tumatawang tanong ng lalaki. Panay ang reklamo nina Margaret sa mga nainom at sakit ng ulo.
“Lahat talaga, darling mo, ‘no?” biglang pagsasalita ng kung sino dahilan para matigilan kaming lahat. Malamig kasi ang boses nito at tila naiinis.
Mukhang alam nila kung sino ang nagmamay-ari niyon kaya napalingon sila. Huli akong tumingin. Napaawang ang labi ko nang makita si Tamsiah suot ang kaniyang nursing uniform na pinatungan ng cardigan at may dalang bag.
Namumula ang mga mata niyang mukhang kagagaling sa pag-iyak. Mariin ang tingin at sunod-sunod ang inis na paghinga. Her hair is in a ponytail.
Hindi pa weekend. Sa pagkakaalam ko ay weekend siya bumabalik dito dahil naroon siya sa bayan kapag weekdays dahil sa mga klase niya.
“Tams...” gulat na tawag ni Marcus na hindi inaasahan ang babae. Nawalan ng emosyon ang mukha nito. Medyo nagulat pa ako nang maging seryoso ang lalaki na bihira ko lang makita.
Natahimik sina Margaret. Kitang-kita ko ang pag-irap nito sa biglaang pagdating ni Tamsiah.
“Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Marcus na nilapitan ito ngunit nilagpasan lang siya ni Tamsiah para lumapit kay Seatiel.
“Hindi mo ako masundo sa bayan dahil ito pala ang ginagawa n’yo?” may galit na tanong niya sa lalaki.
Tumingin pa muna sila Margaret. Halatang napipilitan sila nang hilahin sila nina Grayson para umuwi na.
“B*tch,” dinig ko pang bulong ni Margaret. Hindi ko alam kung narinig iyon ni Tamsiah o sadyang wala siyang pakialam kaya hindi niya iyon pinansin.
Bumuntonghininga si Seatiel. “What are you doing here?” kalmado niyang tanong ngunit tinulak siya ni Tamsiah sa dibdib.
“Tara na,” pamimilit nina Grayson sa mga babae dahil ayaw pa sanang umalis ng mga ito. Tuluyan nilang nahatak ang mga kasama namin palayo. Nagmamadali silang umalis. Tanging sina Seatiel, Marcus, ako, at ang galit na si Tamsiah ang naiwan.
Hindi ko malaman kung saan ako susunod, kung kanino ako sasama.
Namumula ang sulok ng mga mata ni Tamsiah, may nagbabadyang mga luha. Pati ang ilong at leeg niya’y namumula.
“Nakainom ka?” salubong ang kilay na tanong ni Seatiel sabay hawak sa pulsuhan nito para hindi siya itulak palayo.
“Damn you, Seatiel! Damn you and all your promises!” galit na sigaw ni Tamsiah.
I don’t know what they’re talking about. Hindi ko alam kung anong meron sila. Hinawakan siya ni Seatiel para pakalmahin ngunit tuluyan itong umiyak habang pinaghahampas siya.
“Nahihirapan ako samantalang nagpapakasaya ka kasama sila! Wala lang ba talaga sa ‘yo ‘to? Bakit, Seatiel?! I waited for you! Ilang babae ang dumaan sa buhay mo pero lahat sila, iniwan ka! While I stayed! I was here first!”
Patuloy siya sa mga sinasabi, nawalan na ng kontrol sa nararamdaman. Hindi na yata iyon tungkol sa hindi pagsundo sa kaniya ni Seatiel sa bayan kundi sa mas malalim na dahilan.
“Tara na, Lauren,” mababang sabi ni Marcus habang mariin ang tingin kina Tamsiah at Seatiel. Mabigat ang paghinga niya at kahit bakas ng pagiging palabiro niya’y hindi ko mahanap sa mga sandaling ‘yon.
“Umuwi na tayo. Lasing ka,” marahang sambit ni Seatiel sa babae.
“Hindi! Ayoko! Hindi mo ako maloloko! You like her!” paulit-ulit na sigaw nito.
“Lauren,” tawag ni Marcus. Hindi ko magawang tumingin sa kaniya ngunit humakbang ang mga paa ko paatras para sumama sa kaniya.
Paulit-ulit na pinapakalma ni Seatiel si Tamsiah kahit paulit-ulit din siya nitong sinasaktan. Sweet words, gentle voice, and soft touches. I was taken aback.
Pahagis na binaba ni Tamsiah ang bag niya. Nahulog iyon sa damuhan. Lumapit siya kay Seatiel at sa nanginginig na mga kamay ay isa-isang inalis ang mga butones ng kaniyang cardigan.
“Ano ba ang gusto mo sa kanila?! Ito ba?! Gusto mong tikman lahat at saka ka pipili?!” sigaw ni Tamsiah at hinubad ang cardigan.
Namigat ang dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit. Sunod-sunod akong napapalunok habang pinapanood sila sa tabi ng ilog na iyon habang unti-unti kaming umaalis ni Marcus.
“Tara na, Lauren!” Tumaas na ang boses ni Marcus. Mabibigat ang kaniyang paghinga at kuyom na kuyom ang mga kamay.
Pilit kong hindi pinakinggan ang kasunod ng nangyayari. Pinagsarhan ko iyon ng tenga. Nawala ang mga boses nila at nahinto ang mga sigaw ni Tamsiah.
I bit my lip. Sumagap ako sa hangin para punuin ang dibdib ko nang makahinga nang maayos.
What is this, Isla? A-Ano itong nararamdaman mo?
Mabilis at tuloy-tuloy akong hinila ni Marcus palayo sa lugar na ‘yon. Dumaan pa kami sa ibang daan para lang agad matakasan kung anuman ang sunod na gagawin ng dalawa. Sobrang dilim na ng paligid. Mataas ang bilog at maliwanag na buwan.
Tulala ako habang tinatahak namin ni Marcus ang masukal na mga puno. I hate trees. I hate the forest and the moon. Kahit ang tunog ng bawat pag-apak namin ni Marcus sa mga tuyong dahon ay ayaw ko. Pero sa mga sandaling ito, tila ba wala akong utak para isipin ang mga nangyari nang gabing ‘yon, tila naiwan iyon sa tabing ilog kung nasaan sina Seatiel at Tamsiah.
Lasing sila parehas. Nakainom si Seatiel at lalo naman ang babae.
Tahimik lang din si Marcus. Parehas yata kaming nawalan ng tama. Walang nangahas magsalita sa amin. Patuloy lang kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa baryo.
The neighborhood is still awake. Nag-iinuman ang ilang mga may katandaang lalaki sa isang mesa habang nagluluto sa isang gilid ang ilang mga babae. Madilim sa labas at bukod sa malamlam na ilaw ng iilang poste ay ang apoy ang nagbibigay liwanag.
Binati kami ng mga ito at nagtanong tungkol sa pagligo namin sa ilog.
“Naku naman, Marcus, pati ba naman ang bisita nina Aly?” tanong ng may katandang lalaki mula roon sa mesa kung saan sila nag-iinuman. Inabutan nila ng tagay si Marcus ngunit tinanggihan nito iyon.
“Salamat na lang, Mang Rick. Sakit na ho ng sikmura ko sa nainom namin.”
Hindi na siya pinilit ng mga ito at pinalagpas na.
Nang marating namin ang tapat ng bahay nina Ate Aly, akala ko ay aalis na si Marcus pero kumatok pa siya sa pinto. Pinagbuksan siya ni Ate Aly.
“Oh, Lauren? Nasaan si Seatiel? Umuwi na?” tanong niyang napansin agad na wala ito.
Hindi ako makasagot. Hindi ko alam ang sasabihin.
Tumango si Marcus. Halata ang pagod sa kaniya. “Nauna na po. Isinabay ko na lang itong si Lauren. Ipinahahatid...”
Lumingon ako kay Marcus. Wala siyang balak sabihin ang totoo. Paano kung sumunod dito si Seatiel?
“Hindi na raw daraan dito?”
“Baka...” Saglit na tumiim ang kaniyang panga. “Baka hindi na...”
Tumango na lang si Ate Aly. “Siguro nga. Gabi na rin. Oh, siya, salamat sa paghatid kay Lauren. Naku! Mukhang kaunti ang ininom mo, Lauren, ha? Mabuti iyan, huwag kang gumaya sa mga ito, kabata-bata, puro alak!” may tuwang saad ni Ate Aly na naiiling.
Marami akong nainom. Umiikot ang paningin ko at pakiramdam ko ay pumipintig ang ulo ko, pero wala roon ang aking isip kaya tulala ako sa kawalan.
Umalis na si Marcus at bago maisara ni Ate Aly ang pinto ay napatingin pa ako sa kaniya. Bumuntonghininga lamang ito at saka tumalikod na.
Naligo ako at nagbihis. Ipinagtimpla ko ng kape si Nay Issa bago ako pumanhik sa taas. Maggagantsilyo raw kasi ito buong gabi. Nakasanayan ko na iyon magmula nang narito ako sa kanila.
Humiga ako sa kama ngunit kahit anong pagod at pintig ng ulo ko sa sakit ay hindi ako makatulog. Lumalim ang gabi ngunit pabaling-baling ako sa higaan. Hindi matigil sa pag-iisip ang utak ko.
Para sumagap ng hangin ay binuksan ko ang bintana. Tumingin ako sa baba. I hated to admit it, ngunit alam kong ginamit ko lang ang hangin para may rasong buksan ang bintana kahit ang totoo ay may gusto akong hanapin.
Wala si Seatiel. Kahit si Cruise, naroon sa puno sa gilid ng bahay. Lagi itong naroon dahil iyon ang ginagamit niya kapag umaalis. Hindi niya pa nababalikan ngayon.
Malalim na ang gabi pero wala pa rin siya.
Malalim akong huminga at tumingala sa buwan. Sa laki at taas nito, siguradong natatanaw iyon nina Seatiel sa mga sandaling ito.
Umihip ang hangin. I swallowed hard to calm my thoughts.
Tumigil ka, Isla. Hindi siya uuwi ngayong gabi...