Chapter 27

1299 Words
Chapter 27 : Ang unang pulang diamond  “Kuya Sekani, subukan niyo pong kumuha ng matulis na kahoy. Maaari nating iyong gamitin sa pugita na iyan,” sabi ni Anim kaya tumingin agad si Sekani sa paligid. Mabuti pa si Anim ay gumagana ang utak kahit nasa peligro na ang buhay nila. Hindi siya gaya ni Sekani na  tuliro at gusto na lang tumakbo nang tumakbo para matakasan ang halimaw na pugita. “Pero teka nga, uubra ba sa kaniya ang matulis lang ng kahoy e, napaka kapal ng balat niya. Isa pa, tiyak na madulas din ang balat niya kaya’t dudulas lang ang kahoy kapag tinusok natin iyon sa kaniya.” “Hindi naman po natin sa katawan niya itutusok iyon. Ang mata niya ang puntiryahin mo para hindi na siya maging agresibo.” Napahanga ni Anim si Sekani. Matalino ito at magaling. “Paano mo naiisip ang mga ‘yan, Anim?” tanong niya habang patuloy na tumatakbo at humahanap ng matulis na kahoy. “Mahilig po kasi ako sa mga games sa phone. May pugita kasi akong nakakalaban sa mga nilalaro ko. Higanti rin iyon. Sa mata lang siya maaring mapatay kaya iyon ang sinabi ko sa iyo. Sana ay gumana rin dito sa totoong buhay,” sagot ni Anim. Doon napagtanto ni Sekani na minsan may maganda ring nadudulot ang paglalaro ng games. Dahil sa naisip ni Anim ay nagkaroon na siya ng plano kung paano matatalo ang higanting pusit. Sakto na pagliko niya sa malalaking puno ay may putol na sanga na nakahalang sa isang daanan. Pumutol siya nang malaki-laki at saktong pagputol niya ay nagkaroon iyon ng matulis sa dulo. “Ayan, ganiyan ang gamit-gamit ko sa nilalaro ko. Ganiyang katulis lang din po,” sabi ni Anim. Ngayon, nag-isip na si Sekani kung paano siya makakatungtong sa katawan ng higating pusit. Pero bago iyon ay hinagis na muna niya si Anim sa mataas na puno. “Diyan ka na muna para ligtas ka,” sigaw niya nang iwanan na niya ito sa may puno. “Good luck, Kuya Sekani,” sagot nito sa kaniya nang pasigaw rin. Nang makakita ng malaking bato si Sekani ay doon na siya huminto. Inabangan niya roon ang malaking pugita. Hinawakan na niyang mabuti ang malaking kahoy nang makita niyang malapit na ito sa kaniya. Nang akmang kukunin na siya ng mga galamat nito ay doon siya tumalon nang malakas para mapunta siya sa katawan ng pugita. Pagtalon niya ay saktong napakapit siya sa isang galamay nito. Kinabahan siya dahil madulas ang balat nito. Para hindi siya mahulog ay ginawa niyang kapitan ang kahoy na tinusok nito sa balat ng pugita. Sumurumpit tuloy doon ang parang tinta nitong dugo. Iyon ang ginawa niya para makapunta siya sa uluhan ng pugita. Panay ang likot ng pugita kaya hindi rin naging madali ang pag-akyat niya sa ulo nito. “Kaya mo ‘yan, Sekani,” dinig niyang sabi ni Red Girl na gising na habang hawak-hawak parang ng pugita. Nang nasa tapat na siya ng isang mata ng pugita ay hindi siya nagdalawang-isip na tusukin ang mata nito. Isang malakas na paghiyaw ang ginawa ng malaking pugita. Naligo si Sekani sa parang fountain na tinta na lumabas sa mata nito nang tusukin niya iyon. Dahil sa nangyari ay lalong naging malikot ang pugita. Bumilis ang takbo nito na para bang pabalik na ito sa lungga niya. “Ang isa pa, Sekani. Tapusin mo na. Huwag mo na siyang patakasin pa,” sigaw ni Red Girl kaya naman hinugot na ulit niya ang matulis na kahoy sa isang mata at saka naman siya lumipat sa kabila nitong mata. Masyadong nang mabilis ang pagtakbo ng pugita kaya nahihirapan na si Sekani sa pagpunta sa kabilang mata. Tila, alam na ng pugita ang susunod niyang gagawin kaya panay ang pagaspas ng mga galamay nito sa katawan niya. Sa totoo lang ay masakit na ang katawan niya dahil sa patuloy na pagpalo ng mga galamay nito sa kaniya. Umiinit na rin ang ulo niya kaya napasigaw na lang siya. Kasabay nang pagsigaw niya ang pagpalo niya sa mga galamay nito. Napanganga siya dahil sa lakas nang pagpalo niya ay isa-isang naputol ang mga galamay ng pusit. Lalo itong naghihiyaw kaya naman lalong lumikot ang katawan nito. Nakita niya sa malayo na nakawala na sa isang galamay ng pugita si Red Girl. Tumatakbo na ito para habulin siya. Nang akmang malapit na ito sa kanila ay lumipad na ito para tumabi sa kaniya sa ulo ng pugita. “Ako na ang tatapos, alam kong pagod ka na,” sabi sa kaniya ni Red Girl, pero hindi siya pinayagan ni Sekani. “Ipaubaya mo na sa akin. Naumpisahan ko na ito kaya hayaan mong ako na rin ang tumapos,” matapang na sabi ni Sekani kaya tumango na lang si Red Girl. Ngumisi si Sekani at saka seryosong tumingin sa natitirang isang mata ng pugita. Kumapit na siyang mabuti sa balat ng pugita para maglaan ng lakas sa pagtusok niya sa natitira nitong mata. Nang akmang patalon na sa tubig ang malaking pugita ay tumalon na rin siya nang malakas. Saktong pagtalon niya ay natusok na todo sa mata nito ang matulis na kahoy. Isang malakas na pagsigaw ulit ang pinakawalan ng higanting pugita. Sumama sina Sekani at Red Girl sa pagpunta ng higanting pugita sa ilalim ng tubig sa paanan ng water falls. Habang papunta sila sa ilalim  ay biglang umilaw ang katawan ng higanting pugita. Nanlaki ang mata ng dalawa. Mayamaya pa naging isang pulang diamond ang higanting pugita. Kinuha iyon ni Sekani at saka napangiti kay Red Girl. Pag-ahon nila sa tubig ay napahiyaw sa tuwa si Sekani. “Nagawa ko. Nahanap ko ang isang pulang diamond!” sigaw ni Sekani. Mayamaya ay nakita nilang patakbo na roon si Anim. “Wow! Ang galing niyo po, Kuya Sekani,” puri sa kaniya ni Anim. “Utang ko sa iyo ang buhay ko,” sabi naman ni Red Girl kaya lalo siyang natuwa. Hindi mapakapaniwala si Sekani na isang higanting pugita ang natalo niya. Napawi ang lahat ng pagod at sakit ng katawan niya dahil sa paghanap niya sa isang pulang diamond. Humangin ng malakas. Lumitaw muli ang isang matandang lalaki. “Binabati kita. Nakita mo na agad ang isang diamond. Ibigay mo na sa akin iyan at hanapin mo pa ang lima pang natitira,” sabi ng matandang lalaki kaya naglakad na siya roon para i-abot ang unang pulang diamond na nakuha niya. Pag-abot niya niyon ay nawala na rin agad ang matandang lalaki. “Mag-stay na muna tayo rito. Mas maganda kung gagawa tayo ng bahay na matutulugan. Mukhang magtatagal kasi tayo rito. Limang diamond pa ang hahanapin natin,” sabi ni Red Girl. “Sang-ayon ako kay Ate Red. Sasapi na ang hapon. Umpisahan na natin ang paggawa ng bahay. Safe naman na tayo rito sa waterfalls dahil wala ng halimaw rito. Patay na ang higating pugita,” sabi ni Anim. “Kung ganoon ay maghiwa-hiwalay tayo para kumuha ng kahoy. Dalhin niyo rito ang mga makukuha niyo para gawin nating bahay,” utos ni Sekani kaya isa-isa na silang naghiwalay. Tatlong oras ang lumipas bago nila nagawa ang isang malaking kubo na kasya silang tatlo. Saktong pagkagawa nila niyon ay biglang bumuhos ang malakas na ulan. “Kapag ganitong umuulan ay lugaw ang masarap na kainin,” sabi ni Sekani. Humingi siya ng limang asul na perlas kay Red Girl. Humiling siya ng lugaw, tokneneng, lumpia, tokwa’t baboy at saka mainit na kape. Masaya silang nagsalu-salo ng hapunan sa loob ng kubo na iyon. Nang mag-agaw ang liwanag at dilim ay napagpasiyahan nilang matulog na dahil bukas na bukas din ay maghahagilap na ulit sila ng pulang diamond. Lima pa ang kailangan kaya kailangan nilang galingan at sipagan pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD